noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 64

Ch. 65 / 98 Feb 05, 2022

“Happy Birthday Cristy!” sabay na bati nina kap Ryan at Aling Nimfa kay Cristy.

“Happy Birthday ate!” bati rin ni Nonoy.

“Thank you po!” nakangiting tugon ni Cristy bago hinipan ang mga kandila sa harap na cake.

Nakaugalian na ng pamilya nila na salubungin ang birthday ng bawat isa sa hating gabi. Malakas pa rin ang hangin at ulan sa labas ng bahay. At dahil apat lang naman silang magsasalu-salo ngayong gabi ay hindi gaanong marami ang inihanda nila. Isang cake na binake ng mama niya, maliit na bilao ng pancit, mga maliliit na puto, adobong manok at kanin. Sapat na iyon para sa kanilang apat. Labis-labis pa nga dahil mukhang malakas pa ang ulan hanggang kinabukasan. Malaki ang posibilidad na hindi makapunta ang mga kaibigan niya para maki-celebrate sa birthday niya.

“Mukhang hindi matutuloy ang barkada mo na pumunta mamaya, ah,” pansin ni Aling Nimfa habang ikinukuha ng pancit ang asawa niyang abala na ngayon sa hawak na mga papel.

“Oo nga po, ang lakas ng ulan eh. Mukhang mas lalakas pa mamaya,” tugon ni Cristy bago sumubo ng cake na nasa ibabaw ng plato niya.

“Okay lang ‘yan. Ipagluluto ko na lang ulit sila kapag dumating sila sa susunod na araw,” nakangiting sabi ni Aling Nimfa bago binalingan ang asawa. “Mahal oh, kumain ka na…”

“Salamat,” tipid na tugon ni Kap Ryan.

“Talaga po?! Thank you po,” natutuwang sabi ni Cristy. Nabaling ang tingin niya sa papa niya. “Papa, ano po ‘yan? Ang seryoso po ng mukha ninyo.”

“Mga listahan ng pusher na nahuli sa kabilang isla.” Bumuntong hininga si Kap Ryan bago binitawan ang mga papel. “Sorry, hindi ko lang napigilan na i-check ulit ito. Birthday mo nga pala.”

“Okay lang po papa. Naiintindihan ko po.” Kahit nasa Maynila pa lang sila ay sanay na sa ganitong set up si Cristy. ‘Yong wala ang atensyon nito sa kanila. Pero hindi naman na ‘yon big deal sa kanya. Ang mahalaga naman kasi, magkakasama sila sa isang espesyal na araw.

“Nabuksan mo na ba ‘ytung regalo namin sa ‘yo ng mama mo?” tanong ni Kap Ryan na sinimulan ng kainin ang nasa harapang plato ng pancit.

“Opo! Thank you po sa bagong sapatos,” natutuwang sagot ni Cristy.

“Eh ‘yung regalo ko ate, hindi mo nagustuhan?” si Nonoy naman ang nagtanong.

“Siyempre, gustung-gusto ko!” Malambing na pinisil ni Cristy ang mga pisngi ng kapaatid. “Thank you sa sobrang cute na drawing na kamukhang-kamukha ko!”

“Tapusin ninyo na ang kinakain ninyo pareho dahil malakas ang pakiramdam ko na hihinto ang generator natin dahil sa malakas na ulan at hangin,” ani Kap Ryan.

“Uhmm papa. Thank you nga po pala ha?” ani Cristy.

“Para saan? Sa regalo mo? Nakapag-thank you ka na kanina, ah,” nagtatakang tanong ni Kap Ryan.

“Uhmmm. Kasi nandito po kayo ngayon kahit napakabusy ng schedule ninyo sa barangay.” Kapag ganitong malakas ang ulan o may bagyo sa isla, alam ni Cirsty na mas pinipili ni kap Ryan na manatili sa barangay hall dahil baka may pumunta doon na taga isla na nangangailangan ng tulong.

“Naku ang anak mo, Ryan… Naglalambing na naman.” Napapailing pero nakangiting singit ni Aling Nimfa.

Bumuntong hininga si Kap Ryan. Kahit paano ay nagi-guilty siya dahil sa sinabi ng anak niya. May point naman kasi talaga ito. Mula sa Maynila hanggang dito sa Isla Azul, halos walang pagbabago dahil hindi niya maibigay ang buong araw niya sa mag-iina niya. Mabuti na nga lang at napakaswerte niya sa pamilya niya. Mabait at maintindihin ang mga ito. “Last term ko na ‘to, anak. Pangako, pagkatapos nito. Hindi ulit ako tatakbo.” Ngumiti siya at huminga ng malalim. “Magpo-focus na ako sa pamilyang ito.”

“Papa, hindi mo na po kailangan mangako.” Pakiramdam ni Cristy ay wala nang makakapag-alis sa katawan ng papa niya ng kasipagan nito at pagiging matulungan sa kapwa. Kaya bakit pa nila pipigilan? Isa pa, kahit kailan naman ay hindi ito nagkulang sa kanila bilang isang padre de pamilya. “Okay lang sa akin kahit magpatuloy ka sa tungkulin mo. Naiintindihan po kita, kasi ikaw ‘yan. At least alam ko na marami kang natutulungan. Bakit ka po namin pipigilan. ‘Di ba po mama?”

“Tama ka Ciristy.” Nakangiting tumingin si Aling Nimfa sa asawa. “Basta nandito lang kami lagi para suportahan ka, mahal.”

Tumayo si Cristy at yumakap kay Kap Ryan. “I love you papa.”

Yumakap rin si Nonoy sa papa niya.

At gano’n din ang ginawa ni Aling Nimfa.

Naluha naman si Kap Ryan. “Mahal ko rin kayo. Mahal na mahal.”

“Ito na yata ang pinakamadramang birthday mo, Cirsty.” Kumalas na sa pagkakayakap si Aling Nimfa at kinurot ang tungki ng ilong ng anak. “Kukunin ko na ang gelatin na nilagay ko sa ref.”

Bumalik na rin sa upuan ang dalawang bata at nagpatuloy sa pagkain.

“Eto na ang special gelatin ni Mama.” Masayang inilapag ni Aling Nimfa ang gelatin na ginawa niya na alam niyang paborito ng dalawang anak niya.

“Wow! Favorite ko talaga ‘to!”sambit ni Nonoy.

Masayang pinanood ni Kap Ryan ang pag-aasikaso ng maganda niyang maybahay sa dalawang anak. Napakaswerte niya talaga sa pamilya niya.

“Kap Ryan! Kap Ryan!”

Sabay-sabay silang apat na napapitlag sa kinauupuan dahil sa malakas na katok sa pinto ng bahay.

“Si Celso ‘yun, ah… Bakit kaya?” ani Kap Ryan. Akmang tatayo na siya nang pigilan ni Aling Nimfa.

“M-Mahal… H’wag mo na lang kaya siyang pagbuksan?” kinakabahang sabi ni Aling Nimfa. May takot siyang nararamdaman dala ng ginawa nito kasama ang tropa noo’ng nakaraang linggo lang.

Kumunot ang noo ni Kap Ryan. “Bakit naman?”

Pasimpleng lumunok ng laway si Aling Nimfa. Nakita niya rin ang magkahalong pagtataka at pag-aalala sa mukha ni Cristy. Umiling na lang siya. “W-wala… Wala.”

“Si Celso lang ‘yan, mahal…” Tumayo na si Kap Ryan at pinisil ang balikat ng asawa. “Puntahan ko lang siya dahil baka may nangyari sa barangay.”

“Si-sige…” saad ni Aling Nimfa.

Mula sa nag-aalalang mukha ng mama niya ay nabaling ang tingin ni Cirsty sa labas ng bintana. Napakalakas ng ulan na halos hinahawi ang makapal na kurtinang nakatabing doon. Hindi niya na maintindihan ang kabang bigla na lang niyang nararamdaman ngayon.

“Kap… Magandang gabi po. Buti gising pa kayo,” bati ni Mang Celso nang mapakbuksan ng pinto. Napasilip siya sa loob ng bahay at nakita niya ang mga pagkain sa lamesa. Pati na rin ang pag-iwas ng tingin sa kanya ng magandang may bahay ng lalaking pakay niya. “Hating gabi na pero mukhang may party pa dito sa inyo ah.”

“May kaunting salu-salo lang. Birthday kasi ng panganay ko. Pasok ka muna at nababasa ka na ulan,” ani Kap Ryan sa naka-kapoteng lalaki.

“Hindi na kap. Sa katunayan kaya ako nandito kasi susunduin kita. Si Lester kasi nagwawala sa barangay hall,” tugon ni Mang Celso.

“Ha? Bakit?! Anong nangyari?” biglang tanong ni Kap Ryan.

“Lasing yata kap, eh. Ayaw kumalma. Ikaw lang ang hinahanap. Halika na kap, dala ko ang owner jeep ko. Puntahan na natin,” tugon ni Mang Celso. Hindi niya alintana na nababasa na ang sapatos niya dahil sa malakas na ulan.

“Oh sige, hintayin mo na lang ako dito sa labas. Magpapaalam lang ako sa mag-iina ako.” Tumalikod na si Kap Ryan at hindi nakita ang pagngisi ni Mang Celso.

“Papa, aalis ka po?” tanong ni Nonoy.

“Oo, pero sandali lang. May aayusin lang ako sa barangay hall,” tugon ni Kap Ryan. Kinuha niya mula sa pagkakasabit ang kapote.

“Pero mahal. Napakalakas ng ulan baka naman pwede na ‘yung mga tanod na ang lang ang umasikaso kung ano man ang gulo sa barangay hall?” nag-aalalang suhestyon ni Aling Nimfa. Pilit niyang iniiiwas ang tingin sa lalaking nasa labas ng bahay.

“Mahal, sandali lang naman kami… Babalik kaagad ako,” ani Kap Ryan na isinuot na ang kapote.

“Papa, h’wag ka na lang po umalis. Sabihin ninyo na lang po na birthday ko ngayon…” Lalong lumalakas ang kakaibang kaba na nararamdaman ni Cristy. Konti na lang ay mangangatog na ang mga tuhod niya sa hindi niya malaman na dahilan.

“Baka mahirapan din kayong makabalik kaagad. Siguradong malalim ang mga putik na dadaanan niny,” dagdag ni Aling Nimfa.

“H’wag kang mag-alala Nimfa… Ibabalik ko rin naman dito ang asawa mo…” ngising-ngisi na biglang singit ni Mang Celso na nasa may pinto. “Buung-buo pa.”

Hindi tumingin si Aling Nimfa sa nagsalitang lalaki. Nakatitig lang siya sa asawa habang umaasa na magbabago ang isip nito sa gagawing pag-alis. “Ryan…”

“Kapitan, halika na… Ayusin na natin ang gulo dahil baka mabulahaw pa ang mga tao at may iba pang madamay,” dagdag ni Mang Celso.

“Mahal…” Bumuntong hininga si Kap Ryan. “Aalis na muna ako. Ikaw na ang bahala sa mga bata.” Hinaplos niya ang mukha ng asawa at hinalikan sa pisngi. Binalingan niya ang dalawang anak at hinalikan sa noo. “Babalik kaagad si papa.”

Tumango naman si Aling Nimfa.

Naglakad na patungo sa may pinto si Kap Ryan. Palabas na siya nang biglang mapahinto.

“Papa…” Gustung-gustong pigilan ni Cirsty ang papa niya. Sumulyap siya kay Mang Celso. Iba talaga ang takot na hatid sa kanya ng mga ngisi sa labi nito. Bumalik ang tingin niya sa papa niya. “Mag-iingat po kayo.”

Ngumiti si Kap Ryan bago nagpatuloy sa paglalakad.

Tila nag-slow motion ang lahat sa paningin ni Cristy, mula sa paglalakad ng papa niya palabas ng bahay hanggang sa pagsarado ng pinto ng bahay nila. “Mag-iingat ka, papa…”

Sumakay na ng owner jeep si Kap Ryan. “Ano ba kasing nangyari? Paano nagsimulang nagwala ang kaibigan mo.”

“Hindi ko alam kap. Pero paulit-ulit niyang sinasabi na galit na galit daw siya.” Mabilis nang nagpatakbo si Mang Celso ng sasakyan.

“Baka naman kasi naka-drugs na naman yun si Lester.” Napapailing na sabi ni Kap Ryan na mahigpit ang kapit sa hawakan sa gilid dahil sa mabilis na pagmamaneho ni Mang Celso. “Teka, hindi ito ang daan papunta sa barangay hall ah?”

“Oo kap. Hindi nga…” Ngumisi si Mang Celso.

“Saan ba tayo papunta?” Palinga-linga si Kap Ryan. Sa sobrang bilis ng pagmamaneho ng katabi niya ay hindi niya na alam kung nasaang parte na sila ng isla.

Inihinto ni Mang Celso ang minamahenong sasakyan. “Sa impyerno.”

Napalunok ng laway si Kap Ryan. Napakadilim ng paligid. Malakas ang hangin at ulan. Tanging headlight lang ng sasakyan ang nagbibigay liwanag. “C-Celso, nasaan tayo? Nasa si eme?” May kung anong kaba na siyang nararamdaman. Muli niyang inilibot ang paningin sa paligid. Ramdam niya ang malalaking butil ng ulan na tumatama sa katawan niya.

Nagbukas ng payong si Mang Celso bago nagsindi ng sigarilyo. Sumandal pa siya sa may harapan ng owner jeep.

Naglakad si Kap Ryan at hinarap si Mang Celso. “Celso, ano ba?! Nasaan ba kasi –” Naputol ang sinasabi niya dahil sa matigas na bagay na biglang humampas sa batok niya. Kaagad siyang sumubsob sa putikan. Nalasahan niya ang pait ng putek na bahagyang pumasok sa bibig niya.

“Tatanong-tanong ka pa kasi sa akin… Ayaw mo pang maniwala na nasa Impyerno ka na,” napapailing na sabi ni Mang Celso habang nakatingin sa lalaking nakasubsob sa putikan.

Pinilit namang muling bumangon ni Kap Ryan pero sadyang malakas ang pagkakapalo sa batok niya ng matigas na bagay. Nagsisimula na ring manlabo ang paningin niya. At bago pa tuluyang magdilim ang lahat sa kanya. Isang pares ng mga paa ang nakita niyang papalapit sa kanya.

“H’wag kang mag-alala. Mapapanood mo kung paano mapunta sa langit ang asawa mo…”

****

“Hala, brownout!” nahihintatakutang sambit ni Nonoy na napakapit pa sa braso ng kapatid .

“Baka napasok na ng tubig ang generator natin. Tapos na ba kayong kumain?” tanong ni Aling Nimfa sa mga anak. Naabot niya kaagad ang kandila at posporo na inihanda na niya para sa gabing iyon. Malakas kasi ang pakiramdam niyang mamatayan talaga sila ng kuryente.

“Opo, mama.” Tumayo na si Cirsty nang masindihan ang kandila at magbigay ng liwanag sa kusina. Sinimulan na niyang ayusin ang mga plato.

“Ako na d’yan anak… Pumasok na muna kayo sa sala ni Nonoy. Dalhin mo na rin ‘tong isang kandila.” Ibinigay ni Aling Nimfa ang kandila kay Cirsty.

“Tutulungan ko na po kayong magligpit,” alok ni Cristy.

“Kaya ko na ‘to. Mahihirapan ka lang kasi madilim dito sa kusina. Do’n na lang muna kayo sa sala,” muling utos ni Aling Nimfa.

“Sige po mama. Tara na Nonoy.”

“Ayoko, dito lang ako kasama ni Mama,” tanggi ng bata.

“Naku, hindi matatapos si Mama sa pagliligpit dahil dudutdot ka nang dudutdot ng pagkain kapag nandito ka sa kusina kaya tara na…” pangungumbinsi ni Cristy.

“Tama ang ate mo kasi hangga’t may pagkain kang nakukutkot sa harap mo, hindi ka talaga hihinto Nonoy,” natatawang dagdag ni Aling Nimfa.

“Hay. Sige na nga po,” kunwa’y tampu-tampuhang sumunod si Nonoy bago kumapit sa kamay ni Cristy.

Sabay na pumunta ng sala si Cristy at Nonoy. Inalalayan niya ang nakababatang kapatid na makaupo sa kawayang sofa.

“Ate, baka mamatay ‘yung kandila,” ani Nonoy nang maging malikot ang pagsayaw ng maliit na apoy ng kandila.

Inilibot ni Cristy ang paningin sa buong sala na medyo madilim. Kumunot ang noo niya nang mapansing bahagyang nakabukas ang pinto kung saan nanggagaling ang hangin na nagpapasayaw sa maliit na apoy. “Bakit bukas ang pinto?” Naglakad na siya upang isarado iyon pero dahil sa bahagya na ring nililipad ang kurtina ng bintana ay nagpatuloy ang pagsasayaw ng maliit na apoy ng kandila. “Nonoy, kukunin ko lang ‘yung isang posporo sa kusina para kapag namatay ‘to, masisindihan kaagad natin.”

Kaagad na pumulupot si Nonoy sa braso ni Cristy. “Ayaw! H’wag mo akong iwanan dito.”

Napangiti naman si Cristy bago malambing na kinurot ang pisngi ng bata. “Babalik kaagad ako, eto naman…”

“Pero…” Humina ang boses ng batang lalaki. “Natatakot ako mag-isa dito.”

“Wala namang ibang tao dito sa bahay. Saka ‘di ba sabi ni papa, hindi totoo ang multo. Kaya dapat, wala kang katakutan… Kasi big boy ka na.”

Bumuntong hininga si Nonoy bago bumitaw sa braso ng ate niya. “Basta… Bilisan mo ah.”

“Opo, kuya Nonoy!” natatawang sagot ni Cristy. Bumalik siya ng kusina at kinuha ang extra na posporo.

“Dalhin mo na rin ‘tong isa pang kandila, may isa pa namang maiiwan dito sken,” utos ni Aling Nimfa habang nagliligpit.

“Sige po mama…” Kinuha na rin ni Cristy ang isa pang kandila at kaagad na bumalik sa sala. Nagulat siya ng maabutang madilim doon. “Namatay pala ang kandila mo ‘Noy, hindi ka man lang umiyak. Ang tapang na talaga ng kapatid ko.” Natutuwang sabi niya nang mapahinto sa paglalakad dahil sa muntik nang maapakan na bagay. Ang kandila na gumulong sa may paanan niya. Muli niyang inilibot ang liwanag ng hawak na kandila. “N-Nonoy… N-Nasaan ka?” Wala si Nonoy sa kawayan na sofa kung saan niya ito iniwanan kanina. “N-Nonoy… Tama na ang laro. Nagagalit na si ate…” Umihip ang malakas na hangin sa loob ng sala. Yumakap sa katawan niya ang lamig nito. Pinatayo ang lahat ng balahibo niya sa katawan. “Nonoy, sabi nang itigil mo na ang –” Isang malaki at marahas na kamay ang biglang tumakip sa bibig niya.

“Tayo na lang ang maglaro ‘neng. Sabik na sabik na akong laruin ka, eh!”

***

“Nonoy, h’wag ka nang makipag-laro sa ate mo…” saway ni Aling Nimfa habang binabanlawan na ang mga plato. Naririnig niya ang paghahanap ni Cristy sa kapatid nito. “Matatapos na ako dito sa ginagawa ko kaya maghilamos na rin kayo at magtoothbrush.”

Walang sagot na narinig na sagot si Aling Nimfa kaya nagtatakang napahinto siya sa pagliligpit at nakiramdam. “Cristy? Anong ginagawa ninyo na d’yan. H’wag na kayong maglaro ah.” Inilagay na niya ang huling plato sa lalagyan bago saglit na nagpunas ng kamay. Medyo naiinis na siya at hindi sumasagot ang mga anak niya. Kinuha niya ang kandilang hawak at naglakad papunta sa may sala. Pumeywang siya nang makita ang dalawang bata. “Cristy? Nonoy? Nand’yan lang pala kayo kanina pa ako tumatawag…” nagtataka at medyo naiinis na sabi niya nang abutang nakaupo ang dalawa sa kawayang sofa. Walang sindi ang kandila ng mga ito na nasa ibabaw ng maliit na lamesa. “Bakit ba hindi kayo nagsasalita?” naglakad pa siya papalapit at kaagad na napahinto ng mapansing umiiyak si Nonoy. “Nonoy, bakit ka umiiyak? Napagalitan ka ba ng ate mo?”

Umiling ang dalawang bata. Patuloy sa pag-iyak si Nonoy. Tiim-bagang naman si Cristy na pigil ang mga luha. Nasa iisang direkston ang tingin ng mga ito.

Isang sipol ang narinig ni Aling Nimfa na tila nagpatigas sa mga binti niya sa kinatatayuan. Ang mga tingin ng dalawang anak niya ay nasa pinanggagalingan ng sipol. Sa may likuran niya. Napalunok siya ng laway bago dahan-dahang lumingon. “H-Henry? M-Mario? A-Anong ginagawa ninyo dito?!” pinilit niyang patatagin ang boses niya habang naglakad paatras upang mapalapit lalo sa mga anak niya. Iniharang niya ang katawan sa dalawang anak.

“Oh bakit parang takot na takot ka, Nimfa? Pinapunta lang naman kami ni Kap Ryan dito para bantayan kayo habang wala siya,” nakangising sabi ni Mang Mario.

Binitawan naman ni Mang Henry sigarilyong hawak at inapakan upang patayin ang sindi. Ang tingin niya ay hindi maalis-alis kay Cristy.

“H’wag ninyong lalapitan ang mga anak ko,” pagbabanta ni Aling Nimfa nang humakbang ang mga paa ni Mang Mario palapit sa kanila. Hawak ng isang kamay niya ang dalawang anak na umiiyak.

“Ano ka ba naman, Nimfa. Masyadong kang overacting…” napapailing na sabi ni Mang Mario. “Sabagay, mukha ka naman talagang artista.”

Tumayo ang dalawang bata at yumakap sa may likuran ng Mama nila na ang kamay ay pasimple na sumesenyas.

“A-Ako lang naman ang kailangan ninyo ‘di ba?” Pinipigilan ni Aling Nimfa ang pangangatal ng boses niya. Pinilit na ngumiti habang ang nangangatog na mga binti ay nagsimulang maglakad palapit sa dalawang lalaki. Ang kamay niyang nanginginig ay nagsimulang humimas sa braso ni Mang mario. “A-Ako lang ang gusto ninyo?”

Kaagad namang nakuha ni Aling Nimfa ang atensyon ni Mang Mario. Hindi kasi siya makapaniwala na kaagad na bibigay ang magandang maybahay ng kanilang kapitan. Napakalambot ng kamay nitong humihimas sa magaspang at maitim niyang braso.

“Ako na lang ang asikasuhin ninyo…” Mahigpit ang hawak ng isang kamay ni Aling Nimfa sa kandila. “Hayaan ninyo na ang….” Malakas niyang inihampas ang kandila sa ulo ni Mang Mario na kaagad na naputol. Ang isang kamay niya ay sumabunot kay Mang Henry. “Mga anak takbo!!! Iligtas mo ang kapatid mo Crisrty. Iligtas ninyo ang – arkkkk!!!”

Saglit na nadalawang isip si Cristy lalo na nang makita niyang marahas na sinabunutan ni Mang Mario ang mama niya. Dilat na dilat ang mapupulang mata nito. Gigil na gigil ang mukha.

“Takbo!!!”

Ang sigaw ni Mang Henry ang bumasag sa pag-iisip ni Cristy. Mabilis niyang hinila at halos kaladkarin ang nakababatang kapatid palabas ng pinto.

“Takbo!!! Tumakbo na kayo!!! Magtago na kayo!!! Dahil kapag naabutan ko kayo… Pupugutan ko kayo ng uloooo!!!!”

Umaalingawngaw ang boses ni Mang Henry sa buong kabahayan. Pati na ang malademonyong tawa nito.

“Ate! Huhuhu!” nadapa si Nonoy hindi pa man sila nakakalayo. Sumubsob ang mukha sa putikan.

“Halika. Dali! Kailangan nating makalayo dito!” Kaagad na ibinangon ni Cristy ang kapatid. Malakas pa rin ang ulan. Basang-basa na silang dalwa ni Nonoy. Naghahalo na rin ang tubig ulan, sipon, luha at putik sa mukha at katawan niya.

Ilang beses pa silang nadapa. Sumubusob at halos kumain na ng putik. Nahirapan nang makalakad si Nonoy kaya binuhat na ito ni Cristy. Tumakbo sila ng tumakbo. Walang tigil sa kabila ng pangangatog ng mga tuhod. Hindi sila pwedeng huminto. Hindi…. Dahil sa oras na mapagod sila… Mapupugutan sila ng ulo.