noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 80

Ch. 81 / 98 Feb 05, 2022

Isang linggo matapos ilibing ni Mang Mario, muling nagsimulang maging tahimik ang Isla Azul. Iniiwasan na ng bawat isa ang pag-usapan ang mga nangyari. Ayaw din nilang patagalin pa ang gano’ng klase ng usapan sa lugar. Mahirap na… Dahil baka makarating pa sa mga kalapit na isla.

“Kailangan ko siyang maabutan.” Hinihingal na bulong ni Grace habang mabilis na naglalakad papunta sa bahay ni Adolph. Ilang araw na siyang pumupunta doon buhat nang mailibing ang tatay nito pero palagi siyang walang naabutan na tao. Alam niyang si Adolph ang kailangan pumunta sa kanya upang magpaliwanag kung bakit hindi ito pumunta sa kasal nila, pero kahit ano pa mang paliwang iyon ay wala na siyang pakialam pa. Isa na lang ang gusto niyang mangyari ngayon, ang matuloy ang kasal nilang dalawa.

“A-Adolph…” Mas lalim na ang paghinga ni Grace pero tila napawi kaagad ang pagod niya nang makita ang kulot na binatang kadarating lang sa bahay nito. Mas mabilis siyang naglakad palapit dito pero nang makita siya ay akmang sasarhan ang pinto. “Sandali lang – aray!”

“Grace!” Kaagad na muling binuksan ni Adolph ang pinto nang maipit ang kamay na iniharang ni Grace. Hindi niya maiwasang mag-alala nang makita ang pamumula sa balat nito. “Bakit mo kasi iniharang ang kamay mo?!”

Naiyak na si Grace habang hawak ni Adolph ang kamay niyang namumula. “Gusto lang naman kitang makausap. Adolph, ituloy na natin ang kasal…”

Binitawan ni Adolph ang kamay ng dalaga. “Hindi pa ba talaga malinaw sa ‘yo?! Wala na tayong dapat na pag-usapan pa. Wala nang dapat na ituloy pa!”

“Alam ko namang naguluhan ka lang… Ituloy na natin ito. Please,” diretsong iyak ni Grace.

Sinalubong ni Adolph ang mga mata ni Grace na namamaga na dahil siguro sa ilang araw nitong pag-iyak. Nakokonsensya rin naman siya sa ginagawa niya dito pero mas lalo lamang sila mahihirapan pareho kung matutuloy pa ang kasal. Isa pa, wala ng dahilan pa para pumayag siya maging pampayad utang. Marahan siyang umiling. “Sorry Grace, pero kahit kailan hindi na matutuloy pa ang kasal natin. Umalis ka na dahil sigurado ako na kapag nalaman ni Mang Celso na pumunta ka dito, susugod na naman ‘yun sa akin.”

“Adolph, please… Ituloy na natin ang kasal. Kailangan kita…” Si Grace naman ang humawak sa mga kamay ng binata. Mahigpit na tila nais na itong ikandado.

Pilit na binawi ni Adolph ang mga kamay mula sa umiiyak na dalaga. “Grace, umalis ka na… Itigil mo na ito.”

“Hindi ako aalis hangga’t hindi ka pumapayag na matuloy ang kasal,” hagulhol ni Grace.

“Kaya nga hindi ako pumunta sa kasal dahil ayoko talagang makasal sa ‘yo!” Hindi na napigilan pa ni Adolph ang sarili. Hindi naman talaga iyon ang totoong nangyari. Wala talaga siyang maalala kung paanong paggising niya ay gabi na at hindi niya na kasama si Rose, pero ‘yun ang totoong dahilan. Ayaw niyang makasal kay Grace. Kahit kailan ay hindi niya ginusto na ito ang makasama niya sa habambuhay. “Hindi kita mahal, Grace….”

Nangatal ang mga labi ni Grace. Alam niya naman ‘yun, matagal na. Pero wala na siyang pakialam pa dahil ang mahal niya si Adolph. Kaya nga pumayag siya na maangkin nito ang katawan niya. Kaya pumayag siya na gawin ang lahat ng gusto nito dahil mahal niya ito. At wala na siyang ibang lalaking mamahalin kung hindi si Adolph lang. “A-Ayos lang… Adolph, ayos lang sa akin kung hindi mo talaga ako mahal. Basta…” Nangangatog ang tuhod na lumuhod siya sa harapan ng binata. “Basta kasama kita. Adolph, magpakasal na tayo… Ituloy na natin ito.”

“Tumayo ka d’yan! Hindi mo dapat ginagawa ‘yan. Grace, hindi mo ba talaga nakikita? Pareho lang tayong matatali sa bagay na buong buhay nating pagsisisihan. Umalis ka na. Umuwi ka na sa inyo.” Nagbitaw ng buntong hininga si Adolph. Akmang babalik na siya sa loob ng bahay nang bigyang yakapin ni Grace ang mga binti niya.

“Parang awa mo na, Adolph… pakasalan mo na ako. Mahal kita. Mahal na mahal kita.” Lumalakas ang hagulhol ni Grace habang mahigpit ang pagkakayakap sa binti ng binata.

Hindi makapaniwala si Adolph sa ginagawang pagmamakaawa ni Grace. Awang-awa siya sa dalaga pero ayaw na niyang maging pambayad utang pa. Wala ng dahilan pa dahil wala na rin ang tatay niya. “Umalis ka na, Grace.”

“Hindi ako aalis hangga’t hindi ka pumapayag na magpakasal sa akin! Magpapakasal tayo, Adolph! Papakasalan mo ako!”

“At mamatay muna ako bago mangyari ‘yon!” Malakas niyang itinulak si Grace mula sa pagkakapulupot nito sa mga binti niya. Tumumba ito sa lupa.

Tumayo si Grace at akmang lalapit kay Adolph. “Mahal kita Adolph… Mahal na mahal kita.”

“Sabi nang tama na!” Muling malakas na itinulak ni Adolph ang dalaga na ikinatumba nito sa lupa. “Tama Grace… Tumigil ka na… Hindi naman talaga kita mahal. Pumayag lang ako na magpakasal sa ‘yo dahil sa pera mo. Naiintindihan mo ba ‘yun?! Pera lang Grace… Pera lang ang habol ko sa ‘yo. Kaya please, maawa ka naman sa sarili mo. Umalis ka na dito bago ka pa sunduin ng papa mo.”

“Alam ko ‘yun at wala na akong pakialam pa! Mahal kita kaya tinaggap ko kahit na pera lang ang gusto mo sa akin,” basag na ang boses ni Grace na halos gumagapang na sa lupa. “Adolph, naniniwala ako… Magagawa mo rin akong mahalin. Pagkatapos ng… Pagkatapos ng kasal natin. Matutunan mo lahat. Gagawin ko lahat para matutunan mo akong mahalin. Parang awa mo na… Adolph… Adolph, pakasalan mo na ako.”

Awang-awa na umiling si Adolph habang pinagmamasdan ang madungis na dalagang patuloy sa pagmamakaawa. “Grace, sorry pero hindi talaga kita mahal. At kahit kailan… Hinding-hindi kita magagawang mahalin.” Isang malalim na buntong hininga ang binitawan niya bago naglakad papasok sa bahay at ikinandado ang pinto.

“Kapag hindi mo ako pinakasalan, magpapakamatay ako! Narinig mo!? Magpapakamatay ako, Adolph!”

Napasandal sa may pinto si Adolph bago inihilamos sa mukha ang mga palad. Wala na siyang pakialam pa sa iniwanang dalaga na patuloy ang pagpalahaw sa labas ng bahay. Gusto niya na lang na huminto ito sa paghabol-habol sa kanya. Dahil babalikan niya si Rose. Babalikan niya ang turista at babawiin niya ito mula kay Harris.

*****

Nanlalambot ang mga tuhod ni Grace pero pinilit niyang tumayo at naglakad pabalik sa sariling bahay. Naabutan niya si Mang Celso na nag-aalalang naghihintay sa kanya sa may maliit na sala ng kanilang bahay.

“Grace!” kaagad na sinalubong ni Mang Celso ang anak. Hinawakan niya ang mga kamay nitong putikan bago hinaplos ang mukhang may bahid din ng putik. “Anong nangyari sa ‘yo?! Saan ka galing?!”

Narinig ni Grace ang tanong ng papa niya pero hindi niya maintindihan kaya umiling na lang siya habang patuloy na humihikbi.

“Kayna Adolph ka na naman ba galing?!” nanggigil na tanong ni Mang Celso. Umalis lang siya sandali upang bumili ng pananghalian nilang dalawa. Hindi niya inaakalang, makaaalis kaagad si Grace dahil iniwanan niya itong mahimbing na natutulog. “Sinabi ko na sa ‘yong h’wag mo nang pupuntahan ang gago na ‘yun dahil lalo ka lang niyang papaasahin. Kailan ka ba makikinig sa akin?!”

“H-hindi niya raw ako mahal…” Nangangatal ang mga labi ni Grace na halos hindi na maintindihan ang sinasabi. Nahihirapan na siyang huminga dahil sa lalim ng paghikbi niya. Ilang saglit lang ay mas lalong lumakas ang iyak niya. “Ang sabi niya hindi niya raw ako mahal at kahit kailan… Hinding-hindi niya raw po ako magagawang mahalin…”

“Sinabi niya ‘yun!?” Lalong nanggigil si mang Celso. Kuyom ang mga kamao at tila nais magbasag ng mga gamit. Nangangatal na rin ang mga labi niya sa galit. Hinaplos niya ang mukha ng anak habang pigil ang sarili na maiyak. Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na makikita niyang nagdurusa ng ganito ang nag-iisang anak niya. Ang anak niyang pinangako niya sa namayapang asawa na aalagaan at ibibigay niya lahat ng makakapagpasaya dito. Kaya nga kahit ramdam niya na labag sa kalooban ni Adolph ang pagpapakasal ay gumawa pa rin siya ng paraan upang mapapayag ito, dahil iyon ang alam niya na pwedeng makapagbigay ng habambuhay na kaligayahan sa nag-iisang anak niya. Kaligayahan na hindi niya alam na puro pagdurusa lang pala ang matatamo ng anak niya.

“Papa, ginawa ko naman po lahat ng gusto niya. Binigay ko po ang lahat sa kanya…” Muling lalong naiyak si Grace habang nagsasalita. “P-Pati na ang sarili ko… Binigay ko na po sa kanya pero bakit parang kulang pa?! Bakit hindi niya pa rin po ako magawang mahalin?!”

Lumalaim ang paghinga Mang Celso sa narinig. Wala siyang ideya na pati ito ay maaaring mangyari. Ang pagsuko ni Grace sa sariling katawan para sa lalaking mahal nito.

“Ibinigay ko po sa kanya pati na ang sarili ko pero iniwanan niya pa rin po ako… Hindi pa rin po ako ang pinili niya. Akala ko po… Akala ko po,magagawa na niya akong mahalin pero hindi pa rin pala. Bakit hindi pa rin?! Hindi ko na po maintindihan papa. Bakit hindi niya ako magawang mahalin?! Bakit?! Bakit?!”

Niyakap na ni Mang Celso ng mahigpit ang anak. Hindi niya na kaya pang pagmasdan ang paghagulhol nito. Ang pagdurusa nito dahil sa lalaking pinipilit niyang mahalin ang anak niya. “Putang ina lalaki talaga ‘yan… Papatayin ko talaga siya!”

“Papa, mahal ko po si Adolph…. Mahal na mahal ko po siya, papa. Pero bakit hindi niya po ako magawang mahalin?! Nagmakaawa na ako sa kanya pero… Pero ayaw niya pa rin akong pakasalan.” Kaya namang tanggapin ni Grace na hindi talaga siya magawang mahalin ni Adolph at handa pa rin siyang pagsilbihan ang binata basta pumayag lamang ito na makasal sa kanya. Basta makasama niya lang ito bilang asawa niya ay okay lang na magpakaalipin siya. Ang gusto lang naman niya ay makasal silang dalawa at magkasama sa habambuhay. ‘Yun lang. Kahit wala ng pagmamahal mula kay Adolph. Kahit hindi na siya nito magawa pang mahalin. Basta magkasama sila ay sapat na… Sapat ng maramdaman niya na siya ang babaeng pinili nitong pinakasalan nito. “Hindi ko po kayang mabuhay ng wala siya… Hindi ko kaya, papa… Mamamatay po ako kapag hindi pa rin siya pumayag na makasal sa akin.”

Saglit pang hinagod-hagod ni Mang Celso ang likod ng anak bago kumalas sa pagkakayakap dito. “Tuturuan ko ng leksyona ng hayop na lalaking iyon!” Halos hindi naghihiwalay ang mga ngipin niya habang nagsasalita. Hindi siya makapapayag na may isang tao sa isla ang makakapanakit ng ganito sa anak niya. Hindi siya papayag na hindi makaganti. “Babalik kaagad ako, anak.”

Hindi na pinigilan pa ni Grace ang papa niya na tumayo at lumabas ng bahay. Naiwan siyang nakayakap sa sarili at patuloy na umiiyak at iniisip kung bakit at paanong hindi siya magawang mahalin ni Adolph. Binigay at ginawa niya ang lahat para sa binata. At handa siyang ibigay ano pa man ang iba pang hihingiin nito sa kanya. Pero bakit hindi siya magawang pakasalan ng binata? Bakit hindi man lang siya nito subukan na mahalin?!

“Mahal kita… Mahal na mahal kita, Adolph. Mahal na mahal kita pero bakit hindi mo ako magawang mahalin?!” Muling palahaw niya. Bigla siyang nagsisigaw siya. Nagwala. Itinumba ang mga upuan at lamesa hanggang sa pati siya at natumba na. Nanlalambot ang buong katawan niyang napadapa siya sa sahig. Nagsimulang yakapin ang sarili… Muling umiyak… Gumapang. “Bakit Adolph?! Bakit hindi mo ako magawang mahalin?! Bakit?!”

Umiiyak siyang gumagapang sa loob ng bahay hanggang sa may maabot ang mga kamay niya na isang bagay. Mahaba. Magaspang. Makapal. Iminulat niya ang mga mata napagtanto isang iyong lubid. Nanginginig ang mga kamay na hinila niya ang lubig hanggang sa makuha ang pinakadulo niyon. Niyakap niya bago muling umiyak. Naririnig na naman niya ang boses ni Adolph. Ang mga huli nitong sinabi. Ang masasakit na salitang tila bumabasag sa panrinig niya at gusto magpasabog ng puso niya.

‘Kahit kailan…. Hinding-hindi kita magagawang mahalin, Grace.’