noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 77

Ch. 78 / 98 Feb 05, 2022

“Napakahayop talaga ng daddy mo, Harris. Napaka-demonyo!” Halos hindi naghihiwalay ang mga ngipin ni Tatay Poncio habang nagsasalita dahil sa galit. Gulat na gulat silang mag-asawa nang dumating sa bagay nila si Harris kasama si Rose na nakasuot ng t-shirt at jacket na pagmamay-ari ni Harris. Mas nagulat sila nang makita ang pasa nito sa mukha at sugat sa labi. “Mabuti na lang talaga at wala kang namana ni katiting na kademonyohan mula sa kanya.”

Katabi ni Harris Tatay Poncio. Katapat niya si Rose na katabi naman si Nanay Harwina at nakayakap dito. Bahagya niyang pinisil ang mga kamay ng dalaga na hawak niya. Hiyang-hiya siya sa nangyari. Hindi siya makapaniwala na sariling tatay niya talaga ang may balak na masama sa babaeng mahal niya. Pero mas hindi siya makapaniwala sa mga nalaman niya kanina. Ang mga ibinunyag ng mommy niya tungkol sa mga kahalayan na ginagawa ng daddy niya. Ang ilan sa mga pangalan na sinabi ng mommy niya ay kilala niya, mga naging kaklase niya o kaya ay schoolmate. Pero ang malala, ang karamihan sa mga ito ay mga dalagitang nagiging pasyente niya.

Sinalubong ni Rose ang mga tingin ni Harris habang ang ulo niya ay nakahilig sa balikat ni Nanay Harwina. Pilit siyang ngumiti nang makita ang magkahalong lungkot at guilty sa mukha nito.

“Anong sabi ni Jojo?” tanong ni Tatay Poncio. Hindi pa rin maalis ang bigat sa pakiramdam niya habang pinagmamasdan si Rose. Pakiramdam niya tuloy ay muntik nang maulit ang gianwa ni Kap Henry sa namayapa nilang anak.

“Bubuksan po nila ang lahat ng kaso na kailangan niyang buksan,” sagot ni Harris.

“Kasama ang kaso ng anak namin?” muling tanong ni Tatay Poncio.

Napatingin si Harris sa matandang lalaki. Gusto niyang itanong na may anak pala ito pero walang salita ang lumabas sa bibig niya. Bahagya ring kumirot ang ulo niya na para bang may gustong pumasok na alaala na ayaw pahintulutan ng isip niya.

Nakita ni Rose ang bahagyang pagkunot ng noo ni Harris. May ideya na siya kung anong nangyayari sa binata.

“Poncio, hindi ito ang tamang oras at lugar…” Mahinang saway ni Nanay Harwina.

Nagbitaw ng malalim na buntong hininga si Tatay Poncio. “Pasensya na… Umaasa talaga ako na sa pagkakataon na, mabigyan na ng hustisya lahat ng naging biktima ni Henry. At sana hindi gumaya si Jojo sa tatay niyang walang silbi.” Mula sa seryoso at galit na mukha, nag-aalalang tumingin ang matandang lalaki kay Rose. “Kumusta na ang pakiramdam mo? May masakit ba sa ‘yo bukod sa sugat mo sa labi at pasa sa pisngi?”

Umiling si Rose. Pinakaayaw niyang nag-aalala ang dalawang matanda. “Maayos na po ngayon na nandito ako sa bahay kasama ninyo.”

“Mabuti na lang talaga at hindi ko na nakaharap ‘yang tatay mo Harris. Kung hindi baka ako pa ang makapatay sa kanya…” muling bumakas ang galit sa boses ni Tatay Poncio nang tumingin kay Harris.

“Poncio, walang kinalaman si Harris sa kasalanan ni Henry. H’wag mong ibunton sa kanya ang galit mo,” muling saway ni Nanay Harwina.

“Alam ko naman ‘yun eh.” Mas malalim na buntong hininga ang binitawan ni Tatay Poncio. “Pasensya ka na ulit… Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko.”

“Naiintindihan ko po kayo. Sa totoo lang po, sobrang nahihiya po ako sa nangyari. Lalo na po kay Rose. Pakiramdam ko, napakalaki na rin ng kasalanan ko dahil sa ginawa ng daddy ko,” malungkot na sabi ni Harris. Halos wala silang imikan ni Rose habang pinagda-drive niya ito pauwi dito sa bahay. Wala rin naman siyang lakas na loob na maunang magsalita. Hinayaan niya na lang na lamunin ng katahimikan ang mga oras na magkasama sila kanina. “Sorry po, Tatay Poncio… Nanay Harwina… Hindi ko po naprotektahan si Rose kanina.”

“Harris, h’wag kang humingi ng sorry. Biktima ka lang din dahil wala kang alam sa lahat ng nangyari…” Mahinahon ang boses ni Nanay Harwina. Pero bakas ang lungkot na tila pilit na itinatago sa lahat. Natutuwa siya na mukhang malaki ang posibilidad na mabigyan na ng hustiya ang nangyari sa kanilang anak. Pero nasasaktan pa rin siya dahil kahit kailan, hindi na rin maibabalik pa ang buhay nito.

“Tama si Nanay Harwina, Harris.” Muli ay pilit na ngumiti si Rose sa binata. Ayaw niyang bumigat ang pakiramdam nito nang dahil sa kanya. “H’wag na h’wag mong sisihin ang sarili mo.”

“Mabuti pa siguro ay magpahinga na tayong lahat…” suhestyon ni Tatay Poncio na sinang-ayunan ng tatlo.

“Ihahatid ko lang po si Harris sa labas,” paalam ni Rose.

Nauna nang pumasok sa kwarto ang mag-asawa at sabay na lumabas sina Harris at Rose. Pero hanggang sa may pinto lang nagpahatid si Harris bago hinawakan ang kamay ng dalaga. Habang ang isang kamay ay humaplos sa labi nitong may natuyong sugat.

Ngumiti si Rose. Sa pagkakataong ito, pinilit niyang gawing natural sa mga labi niya. “Harris, kagaya ng sabi ni Nanay Harwina, wala kang kasalanan… Kaya h’wag mo nang sisihin ang sarili mo.”

“Nasaktan ka nang dahil sa akin… Kung hindi ka nakilala ni daddy nang dahil sa akin, hindi siya magkakaro’n ng interes sa ‘yo. Hindi ka niya pagtatatangkaan ng masama.” Kanina pa nagpipigil ng luha si Harris. Ayaw niyang magpakita ng kahit na anong kahinaan ngayon sa harap ng dalaga.

Umiling si Rose. “Nasaktan ako nang dahil sa daddy mo. Wala kang kang kontribusyon at wala kang kasalanan do’n. Kaya h’wag ka nang mag-isip ng kahit na ano… Walang sinoman sa amin ang naninisi sa ‘yo.” Muli siyang ngumiti. “Ngumiti ka na doc pogi. Sige ka, mababawasan ang kapogian mo n’yan.”

Pinisil niya ang hawak na kamay. Hindi pa rin maalis sa kanya ang sisihin ang sarili lalo na kapag naiisip niyang… paano kung nahuli lang sila ng konti ng mommy niya na makauwi sa bahay? Paano kung naisakatuparan ng daddy niya ang masamang binabalak kay Rose? Hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili niya. “Wala namang magbabago ‘di ba? I mean sa ating dalawa. Rose, ayoko kasing mawala -”

Pinutol na ng mga halik ni Rose ang sinasabi ni Harris. Hindi niya na rin matagalan pa ang nakikitang lungkot sa mga mata nito. Alam niya namang maraming nadadamay sa ginagawa niyang paghihiganti, at isa si Harris sa mga pinakaayaw niyang madamay pero wala siyang ibang pagpipilian. Nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay nakakulong sa mga palad niya ang magkabilang pisngi ng binata. “Wala… Walang magbabago at walang dapat na magbago…”

Kahit paano ay nabawasan ang bigat na nararamdaman ni Harris. At least ngayon, panghahawakan niya na lang ang sinabi ng babaeng mahal niya. Walang magbabago sa kung ano man ang namamagitan sa kanilang dalawa. “I love you…”

Ngumiti si Rose at muling saglit na hinagkan ang mga labi ni Harris bago hinaplos ng mga hinlalaki ang labi nito… Tinitigan ang mga mata ng binata na hindi niya yata pagsasawaang pagmasdan. Pero ang lahat ay may hangganan. At hinihiling niya na sa katapusan ng paghihinganti niya, sana ay pwede pa rin siyang maging masaya. Silang dalawa ni Harris. “Umuwi ka na, doc pogi.”

Napangiti na rin si Harris. Siya naman ang saglit na humalik sa mga labi ni Rose bago tuluyang nagpaalam. Ngayon, kahit paano ay nabawasan na ang bigat nanararamdaman niya dahil sa pinakita at sinabi ni Rose. Dahil sa halik ng malambot nitong mga labi.

Ikinakandado na ni Rose ang pinto. Plano niya na ring magpahinga dahil totoong napagod siya sa araw na ito.

“Nakaalis na ba si Harris?”

Nalingunan ni Rose si Nanay Harwina na kalalabas lamang ng kwarto nito. Ngumiti siya at tumango. “Opo, ayaw na pong magpahatid sa labas.”

Naglakad palapit si Nanay Harwina sa magandang turista. Saglit na hinaplos ang mukha nito bago sinuklay ng mga daliri ng kamay ang mahaba nitong buhok. “Kumusta na ang pakiramdam mo? Sigurado ka bang ayos ka na?”

“Bahagya lamang po akong nasaktan ni kapitan, kaya ayos na po ako ngayon. Isa pa, hindi naman po ako pinabayaang masaktan ni Harris,” nakangiting sagot ni Rose. Hinawakan ng matanda ang mga kamay niya at naramdaman niya ang pagpisil nito doon.

Nanlalabo na ang mga mga mata ni Nanay Harwina dahil sa mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Mabigat sa kanya ang makita si Rose na nasaktan ng lalaking naging dahilan ng pagkamatay ng anak nila ni Poncio. “Anak, h’wag na h’wag kang mahihiyang magsabi na kahit ano pa mang nararamdaman mo, ha? Nandito lang kami ng Tatay Poncio mo.”

“Siyempre naman po…” Nangangatal na rin ang boses Rose. Hanggang sa tuluyan na niyang hindi napigilan ang paglandas ng mga luha sa magkabilang pisngi niya. “Kayo po ang mga magulang ko dito sa Isla Azul kaya kayo po ang unang makakaalam sa kung ano man po ang naramramdaman ko.”

“Mabuti naman, Rose… Iniisip ko kasi na baka may gusto kang sabihin o ikwento tungkol sa nangyari na ikagagaan ng loob mo,” ani Nanay Harwina. Iyon ang bagay na paulit-ulit niyang hinihiling noon. Ang maibalik ang araw na nagkukulong sa kwarto si Lila. Sana ay natanong niya man lang kung ayos lang ba ang anak. Sana ay nalaman niya man lang ang problema nito. Sana ay nasabi man lang ni Lila ang totoong nangyari. Siguro kung nangyaro ay magagawa niyang iparamdam sa anak na hindi na nito kailangan pang kitlin ang sariling buhay.

Umiling si Rose. “Nang mangako po si Jojo na pagbabayaran ni Kap Henry ang lahat ng mga naging kasalanan niya, nawala na po kaagad ang bigat dito sa dibdib ko. Hindi naman po natuloy ang masamang balak niya sa akin. ”

“Basta ito ang tandaan mo, Rose. Hinding-hindi namin hahayaan ng Tatay Poncio mo na may mangyaring masama sa iyo. At magiging magulang mo kami kahit wala ka na dito sa Isla Azul.”

“Salamat po, ‘nay. Salamat po sa inyo ni Tatay Poncio.” Kung may nag-iisang bagay na ipinagpapasalamat si Rose sa pagbalik niya dito sa Isla Azul, ‘yun ay ang naramdaman niya kung paano muli magkaro’n ng mga magulang sa katauhan ng mag-asawa.

“Pasensya ka na… Ayoko lang kasi na maulit yung nangyari dati sa anak namin. ‘Yung wala kaming nagawang mag-asawa para tulungan siya.” Pinunasan ni Nanay Harwina ang mga luha. Pigil ang sarili na mapahagulhol pero sadyang mahirap kontrolin ang tila bombang sasabog na sa dibdiib niya. “’Yung walang kaming nagawa kahit sumakabilang buhay na siya.”

“H’wag po kayong mag-alala… Malapit na pong makamit ni Lila ang hustisya na para sa kanya. Makakamit na po natin ang hustisya.” Niyakap na ni Rose si Nanay Harwina. Tahimik siyang umiyak habang hinahagod ang likod ng matandang napahagulhol na.

Malapit na… Malapit na nilang makapit ang hustisyang para sa kanila nina Tatay Poncio at Nanay Harwina. Ang hustisya na ipinagdamot ng Isla Azul sa kaibigang niyang si Lila.

*****

“Ma, gising pa po pala kayo…” ani Harris. Balak niya lang sanang silipin si Tita Lani sa kwarto nito pero naabutan niya itong may binabasang libro.

“Hindi pa kasi ako makatulog, anak…” Isinarado na ni Tita lani ang hawak na libro nang lumapit sa kanya si Harris at tumabi. “Naihatid mo na ba Rose?”

“Opo… Nalaman na rin po nina Tatay Poncio ang nangyari.” Hindi alam ni Harris kung paano siya makakatulog ngayong gabi. Napakaraming nangyari. Mula sa nawawalang si Adolph, sa hindi natuloy na kasal ni Grace na sinubukan niyang habulin at ngayon… Ang pagkasiwalat ng mga kahalayang ginagawa ng daddy niya na naturingang kapitan sa Isla Azul. Pagod ang katawan niya pero pilit na lumalaban ang isip niya na para bang may gustong ipaalala sa kanya na hindi niya alam kung ano.

“Anong sabi nila? Hindi ba sila nagalit sa ‘yo? Hindi ka ba nila ipinagtabuyan?” nag-aalalang tanong muli ni Tita Lani. Narinig niya noon sa palengke na anak-anakan na raw ang turing ng mag-asawa sa babaeng turista.

“Hindi po. Alam naman po nila na wala tayong kasalanan,” tugon ni Harris

Umiling si Tita Lani bago pinunasan ng hawak na panyo ang mga luhang nagbabanta na kaagad na lumandas sa pisngi niya. “May kasalanan ako. Dati ko pa alam na may ganitong ginagawa ang daddy mo, dati pa may lumalapit sa akin na mga kabataan at magulang upang humingi ng tulong sa ginawa ni Henry sa kanila. Pero tumahimik lang ako, hindi dahil sa wala akong pakialam… Kung hindi dahil sa ayokong masira ang pamilya na ito. Ayokong mawasak tayo…” Nagsimula na siyang humikbi dahil kumawala na ang mga luha mula sa mga mata niya. “Pero anak, maniwala ka… Kinusap ko ang daddy mo. Sinabi ko sa kanya na kung hindi pa siya hihinto sa kawalanghiyaang ginagaw aniya ay ako na mismo ang magpapakulong sa kanya.”

Hinawakan ni Harris ang kamay ng mommy niyang patuloy na umiiyak habang nagku-kwento.

“Nangako naman siya eh. Nangako siya na kahit kailan, hindi niya na ulit gagawin ito. At pinanghawakan ko ‘yon. Pilit kong pinaniwala ang sarili ko na magbabago ang daddy mo. Pero hindi pala…” Mahigit sampung taon na ang lumipas nang kausapin ni Tita Lani si Kap Henry tungkol sa pagsugod ng mag-asawang binibilhan niya ng gulay sa bahay nila. Hindi niya nakaharap ang dalawa dahil kaagad na hinarang ni Mang Delfin at pinaalis. Pero narinig niya pa rin ang paratang ng mag-asawa. Tungkol sa panghahalay ni Kap Henry niya sa dalagitang anak ng mga ito. Kinompronta niya si Kap Henry at balak na niyang layasan ito kasama si Harris pero nagmakaawa ang asawa niya, lumuhod at umiyak. Pilit na nakikiusap na bigyan pa niya ng pagkakataon na magbago. Na muling maayos ang pamilya nila. Pagkakataon na hindi niya pinagdamot pero ngayon ay labis niya nang pinagsisisihan. “Akala ko pwede pa. Akala ko pwede pang magbago ang daddy mo at maayos ang pamilya na ito. Sorry anak… Sorry kung pati ang girlfriend mo ay kinailangan pang madamay bago ako matauhan… Sana mapatawad din ako ni Rose.”

“Mommy, wala po kayong kasalanan. At mas lalong hindi po galit sa inyo si Rose.” Hinagod-hagod ni Harris ang likod ng mommy niyang umiiyak. “Ang mahalaga po ngayon, mapagbabayaran na po ni daddy ang lahat ng mga naging kasalanan niya sa isla na ito.”

“At ako mismo ang gagawa ng paraan para matulungan lahat ng mga naging biktima niya. This time, hindi na ako magbibingi-bingihan at magbubulag-bulagan…” ani Tita Lani.

“Kasama ninyo po ako, mommy. Kasama ninyo ako na tutulungan sila.” Naramdaman ni Harris na unti-unti nang kumakalma ang mommy niya. Siguro ay pwede na niyang itanong ang bagay na kanina pa gumugulo sa isip niya. Hinawakan niya ang kamay nito at sinalubong ang mga tingin nito. “Mommy may itatanong po ako.”

“Ano ‘yon?” balik tanong ni Tita Lani. Bakas sa mukha ng anak niya ang pagkaseryoso at pagkalito.

“May anak po pala sina Tatay Poncio at Nany Harwina?” Matagal nang kilala ni Harrris ang mag-asawa. Matagal na niyang itong dinadalaw lalo na mula nang maging pasyente niya ang mga ito. Napakagaan ng loob niya dito na hindi niya maintindihan kung bakit. Ito nga lang ang pasyenteng dinadalaw niya sa bahay kapag nawawala siya ng matagal sa Isla Azul. Pero sa matagal na panahon na ‘yon, bakit ngayon niya lang nalaman na may anak pala ang mga ito. At tama ba ang narinig niya mula kay Tatay Poncio kanina? Na naging biktima rin ng daddy niya ang anak ng mga ito? Pero kung totoo ‘yon, nasaan na ang anak nina Tatay Poncio at Nanay Harwina?

Napalunok ng laway si Tita Lani. Muling nilalamon ng konsensya ang dibdib niya. Nang araw na dapat ay magkikita sila ni Lila, nawala iyon sa isip niya. Naalala niya lang ng makauwi siya sa hapon at sinabi ng katulong nila na may batang babaeng naghahanap sa kanya. Pero ang asawa na niya ang kumausap. Doon pa lang ay labis na siyang kinabahan. Hanggang sa bisitahin niya ang guest room nilang matagal ng walang gumagamit. Nakita niya ang bahid ng dugo sa kutson. Lalong lumakas ang kutob niya noon, nang hindi na muling bumalik si Lila upang kausapin siya kahit sinabi nito na kailangan na kailangan nito ng pera. Wala siyang kahit na anong narinig mula kayna Tatay Poncio at Nanay Harwina. Kahit pa noong namatay ang dalagita. Gusto niyang kausapin ang mag-asawa pero naunahan siya ng takot at ng konsensyang nararamdaman niya. Sigurado kasi siya… Siguradong-sigurado siya na may ginawang hindi maganda ang asawa niya sa kaibigan ng anak niya. Muli siyang nagbitaw ng buntong hininga. Mas lalim sa pagkakataon na ito. “Anak… Gusto na sanang matulog.”