“Cristy, ang aga mong napadaan?” takang bati ni Tatay Poncio. Nasa labas na ito ng bahay kasama si Tatay Poncio at paalis na upang mangisda at magbenta ng gulay.
“Pina-aabot po kasi ito ni mama.” Binigay ni Cristy ang plastic ng kakanin na niluto ng mama niya.
“Ay salamat! Ngayon ba siya hindi makakapagtinda?” tanog ni Nanay Harwina.
“Opo. May pupuntahan daw po kasi sila ni papa sa kabilang isla. Sinama niya nga po si Nonoy. Kaya naisipan ko po na dumito na lang muna sa inyo habang wala po akong kasama sa bahay. Gising na po ba si Lila?” Hindi na nahintay pa ni Cristy ang pagsundo sa kanya ni Harris para sabay silang pumunta kay Lila. Gusto niya rin kasing solo na makausap ang bestfriend niya. Naramdaman mana niya ang pasimpleng pagbuntong hininga ni Nanay Cristy dahil sa huling sinabi niya. Nakangiti ang mga labi nito pero bakas ang lungkot.
“May problema si Lila, alam namin ni Poncio ‘yon. Pero hindi siya nagsasalita. Hindi niya sinasabi sa amin ni Poncio kung ano ang gumugulo sa kanya. Cristy anak…” Muling bumuntong hininga si Nanay Harwina.
“Baka sakaling sabihin niya sa ‘yo kung anong problema niya.” Si Tatay Poncio naman ang nagsalita. Seryoso ang mukha pero may himig ng lungkot ang boses. “Hindi mo naman kailangan ipaalam sa amin kung ayaw niya. Pero sana, iparating mo sa kanya na… Mahal na mahal namin siya ng tatay niya.”
Nanakit ang lalamunan ni Cristy sa pagpigil sa sarili na maiyak nang makita ang paglandas ng mga luha sa pisngi ni Nanay Harwina na kaagad nitong pinunasan. Ngumiti ang matanda. “Oh siya sige, mauuna na kami ni Tatay Poncio mo. Ikaw na lang munang bahala sa sarili mo d’yan sa bahay kung hindi ka man kausapin ng maayos ni Lila.”
Nakangiting tumango si Cristy at kumaway sa dalawang matanda. At nang makalayo na ang mga ito ay saglit pa siyang tumayo sa may harapan ng pinto ng maliit na bahay. Tumingala siya sa maaliwalas na kalangitan bago nagbitaw ng malalim na buntong hininga. ‘Kaya ni Lila ‘to… Wala siyang hindi kinakaya.’
Madalas siyang tumambay sa bahay nina Lila. Kaya hindi na siya kumatok pa at binuksan na ang pinto. “Bes?” tawag niya. Wala ang kaibigan niya sa sala o kusina ng bahay kaya naglakad na siya patungo sa kwarto nitong makapal na kurtina lamang ang tabing. “Bes, gising ka na ba?” Nakita niyang nakahiga si Lila sa matigas na katre. Balot ng kumot ang katawan. Umupo siya sa gilid ng katre at hinaplos sa may baywang ang kaibigan niyang nakatalikod mula sa kanya.
Hindi kumilos si Lila. Takip hanggang mga ulo ang kumot na nakabalot sa kanya.
Marahang tinapik ni Cristy kaibigan. Alam niyang gising ang dalagita kahit hindi ito kumikilos. “Lila, alam ko kailangan mo ng kausap ngayon…” Pigil na ang mga luha niya. Bakita ba kasi ang bilis niyang maiyak. Bumuntong hininga siya bago yumakap siya kay Lila. Mahigpit. Halos tatlong araw na silang hindi nagkikita. At mula nang makarating siya sa isla na ito, iyon ang pinakamatagal na hindi sila nagkitang dalawa. Sobrang nakakapanibago. Naramdaman niya ang pagkilos ng katawang niyayakap niya. Lumayo siya mula dito. At muling naramdaman ang pananakit ng lalamunan dahil sa lalong pagpigil ng iyak. “Lila…” aniya. Humihikbi na ang dalagita. Nangangatal ang mga labi nito.
Bumangon na si Lila pero hindi kaagad nagsalita. Kagat ang mga labi habang walang tigil ang paglandas ng mga luha sa pisngi. Nakasuot siya ng pang-itaas na may mahabang manggas.
“Lila, anong problema mo? Sabihin mo naman sa akin, oh. Gagawin ko ang lahat para makatulong ako sa ‘yo, basta h’wag mo lang kimkimin ang lahat,” umiiyak na sabi Cristy. Pinunasan niya ang pisngi ni Lila na basang-basa ng luha.
Hindi muling sumagot si Lila na patuloy sa pag-iyak. Bumuntong hininga siya. Malalim. Dahan-dahan niyang binuksan ang butones ng suot na blusa. Nanginginig ang mga kamay. Nangangatal ang labi. At nangingilabot ang buong katawan. Hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya sakit ng bawat pisil, lamas, kurot, hampas at kagat na ginawa sa katawan niya ng halimaw at demonyong hiningan niya ng tulong para sa mga magulang niya. Lalo siyang napahagulhol habang tila naalala ang lahat ng sakit na tinamo niya. Hanggang sa tuluyan na niyang nahubad ang lahat ng butones ng suot niya.
“Oh my God, Lila!” natutop ni Cristy ang bibig. Pati siya ay lalong naiyak sa nakita niya. Ang katawan ng bestfriend niya at puno ng sugat at pasa. Makapal ang bra na suot nito pero bakas na pati ang tinataklubang balat no’n ay may mga sugat din. Kulay ube na ang halos isang dibdib nito. May bakas ng malaking pasa at makalim na kagat. “A-anong nangyari sa iyo?! S-sinong may gawa nito sa ‘yo.” Nanginginig na rin ang mga kamay niyang humaplos sa mukha ni Lila.
“S-Si M-Mang H-Henry…” Garalgal ang boses ni Lila. Ilang araw siyang hindi lumabas ng kwarto. Tahimik na umiiyak. Niyayakap ng mahigpit ang pinakamalaking unan na nasa tabi niya. Gustung-gusto niya nang kausapin ang mga magulang tungkol sa nangyari. Pero anong laban nila? Anong laban niya? Pumunta siya sa bahay nina Mang Henry para manghiram ng pera. Siya ang lumapit. Siya ang naglapit ng katawan niya sa demonyong naghahari sa Isla Azul.
“Magsumbong tayo sa pulis. Kay Mang Delfin. O kaya kay papa!” Pinunasan na rin ni Cristy ang sariling pisngi. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari. Ang tatay ng isa sa mga kaibigan niya ang humalay at lumapastangan sa bestfriend niya.
Mariing umuling Lila. “H-Hindi! H-h’wag! Ayoko! Please…” Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ni Cristy. Hindi pwedeng makalabas ang nangyri sa kanya. Hindi ito pwedeng malaman ng ibang tao. Hindi dahil nahihiya siya, kung hindi dahil natatakot siya para sa mga magulang niya. Matanda na ang nanay at tatay niya. Sakitin pa si Nanay Harwina, paano kung may mangyaring hindi maganda dito sa oras na nalaman ang nangyari sa kanya? Mas lalong hindi niya ‘yon kakayanin. Isa pa, hindi hamak na mas makapangyarihan si Mang Henry kaysa sa kanila. Ilang kabataang babae na ang nagawan nito ng masama, pero may naglakas loob bang nagreklamo? Wala. Dahil alam ng lahat kung gaano kaimpluwensya si Mang Henry.
“Pero kailangan niyang managot sa ginawa niya sa ‘yo! H-Hindi natin, pwedeng palampasin ‘to!” Sa Isla Azul, si Lila ang kauna-unahang nagparamdam sa kanya na pwede siyang mabuhay nang wala social media. Na sapat na ang friendship at bonding para mag-enjoy siya sa isang payapang lugar. Hindi kailangan ng magagarang gadget na nakasanayan niya sa Maynila. Sa kanilang magkakaibigan, madalas ay si Lila rin ang palaging nagpaparamdam na walang hindi kakayanin ang lahat kahit gaano pa kabigat ang pagsubok. Matapang si Lila. Naging tagapagtanggol ito ng barkada.
“Ayokong may ibang makaalam ng nangyari sa akin. Cristy, ikaw lang ang sinabihan ko dahil ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko. Nakikiusap ako, h’wag mo nang ipaaalam ‘to kahit na kanino. H-hindi ko naman kailangan ng hustisya o hindi ko gustong makulong si Mang Henry. D-Dahil binayaran niya ako.” Mas lalong naiyak si Lila habang mas hinigpitan ang hawak sa kamay ni Cristy. Alam niyang masakit ang sinasabi niya ngayon pero ‘yon naman ang totoo. Dinoble ni Mang Henry ang hinihiram niyang pera kay Tita Lani na hindi niya na raw kailangang ibalik pa. Basta h’wag na siyang magpapakita sa bahay lalo na sa mag-iang Tita Lani at Harris. H’wag na h’wag siyang magsusumbong sa kahit na kanino dahil kayang-kaya sila nitong paalisin sa Isla Azul. Siya at ang mga magulang niya. “Cristy, bayad ang lahat ng ginawa niya sa akin ni Mang Henry. Ayoko ring mapaalis kami dito sa isla. Ayoko ng mas malaking problema.”
Nakagat ni Cristy ang mga labi upang mapigilan ang sarili na mapaiyak lalo. Tama ang mga kaibigan niya. Napaktapang ni Lila. Kinakaya nitong mag-isa ang lahat. At marahil iyon ang kahit kailan ay hindi niya makakayang gawin.
“Cristy, isa lang ang kailangan ko ngayon…” Sobrang bigat ng pakiram ni Lila. Lalo nang makauwi siya ng bahay pagkatapos siyang halayin ni Mang Henry. Parag sasabog ang dibdib niya sa sobrang bigat. Wala siyang ibang masabihan. Wala siyang makausap. Wala siyang mayakap. Sarili lang niya ang kakampi niya. Pero alam niyang hindi na ngayon… Dahil nandito na si Cristy. “Ikaw. Ikaw lang ang kailangan ko. H’wag mo akong iiwan please… Hindi ko na alam kung ano pang pwedeng mangyari sa akin, kapag nawala ka. Ikaw lang… Ikaw lang ang nag-iisang kakampi ko sa madilim na mundo ko…”
Ngumiti si Cristy. Pilit na mga ngiti. Muli niyang hinaplos ang pisngi ni Lila. Pinunsan ang mga luha nito gamit ang hinlalaki niya. “Hinding-hindi ka na mag-iisa ulit. Kahit kailan, hindi ako mawawala sa tabi mo, Lila.”
Niyakap ni Lila si Cristy. Mahigpit na mga yakap. Yakap na hinihiniling niya na sana hindi na matapos pa. Ito lang naman ang kailangan niya ngayon. ‘Yung may makausap at mayakap. At alam niya na si Cristy lang ang nag-iisang tao na pwede niyang pagkatiwalaan. Ang nag-iisang tao na kahit kailan… At kahit anong mangyari… Ay hinding-hindi siya iiwan. Dahil hindi niya alam kung ano pang mangyayari sa kapag pati si Cristy ay nawala pa sa buhay niya.