Lito ang isip ni Adolph habang mabilis na binabagtas ang daan patungo sa lugar na binansagan nilang magkakaibigan noon na Paraisong Azul. Ang lugar na hindi niya na maalala kung kailan siya una at huling nakapunta pero tila kabisadong-kabisado ng kanyang mga paa ang daan. May namumuo nang pawis sa kanyang noo at bukas ang unang dalawang butones ng suot niyang barong. Ramdam niya ang init ng mataas na sikat ng araw at pagod ng mga binti pero wala na siyang pakialam pa. Gusto niya lang makita sa huling sandali si Rose bago siya tumuloy sa kasal nila ni Grace.
Oo, wala siyang balak na takbuhan ang kasal. Meron siyang isang salita kahit paano. At ayaw na niyang makita pang may nangyayaring masama sa tatay niya. Kaya bago man lang niyang iskaprisyo ang panghabambuhay niyang kaligayahan, saglit muna siyang tatakas sa totoong mundo upang makapiling ang totoong mahal niya sa panandaliang nakaw na sandali.
“Rose…” halos bulong niya nang huminto na siya sa paglalakad. Ang pagod na nararamdaman niya kanina ay kaagad na nawala nang makita ang babaeng pakay na nakaupo sa may pampang. Nakatingin ito sa malayo. May malungkot na ngiti sa mga labi. Malungkot marahil ang magandang tursita dahil ito na ang huling pagkakataon na maaari nilang mayakap ang isa’t-isa. Tuluyan na siyang matatali sa babaeng kailanman ay hindi niya magagawang mahalin. Kung mas maaga niya lang sanang nakilala si Rose, kung mas maaga lang sana siyang nabigyan ng lakas ng loob na ipaglaban ang sarili kaligayahan at kung hindi lamang pinabayaan ng tatay niya ang buhay nila pagkatapos mamatay ng nanay niya... Hindi niya kakailanganin isakrpisyo ang sariling kaligayahan niya.
“Adolph…” sambit ni Rose nang malingunan ang papalapit na binata. Kaagad siyang tumayo at niayakap ito ng mahigpit.
Ipinikit ni Adolph ang mga mata upang mas damhin ang yakap ng babaeng mahal niya. Ang isang kamay niya ay nasa may ulo nito at ang isa ay nasa may likuran. Saglit niyang naramdaman na parang solo nila ni Rose ang mundo. Para bang lumulutang sila sa ere habang magkayakap. Ganito talaga siguro ang pakiramdam kapag yakap mo ang taong mahal mo.
“Akala ko hindi ka na darating,” ani Rose nang kumalas siya mula sa mahigpit na pagkakayakap ni Adolph sa kanya. Hinahaplos nito ang mukha niyang tila nais tandaan ang bawat hubog no’n.
“Gusto kitang makita at mayakap kahit saglit lang…” tugon ni Adolph. Ang dalawang hinlalaki niya ay dumako sa mga labi ng kausap. Mga labing kanina pa niya gustong hagkan. Ilalapit na sana niya ang mukha kay Rose ng umiwas ito. Hinawakan ang kamay niya at niyaya siyang umupo kung nasaan ito kanina habang pinagmamasdan niya mula sa malayo. Magkatabi silang umupo sa may pampang habang ang mga tingin ay nasa mahinahong mga alon ng dagat. Pumulupot ang mga kamay ni Rose sa braso niya kasunod ang paghilig nito sa balikat niya.
“Adolph… Kung yayain kita ngayong umalis ng Isla Azul at sumama sa akin sa Maynila, sasama ka ba sa akin?” tanong ni Rose.
Naramdaman ni Adolph ang malambing na pagpisil ni Rose sa kamay niyang hawak nito. Handa naman talaga siyang piliin ang turista. Handa siyang iwanan ang lahat para dito. Kaya niyang ibigay kahit ang buhay niya para kay Rose. Pero paano naman ang tatay niya? Paano ang nag-iisang taong naiwan na kadugo niya dito sa Isla Azul? Kakayanin niya rin ba itong isakrpisyo para sa babaeng bago lang sa buhay niya?
Inaasahan na ni Rose na hindi kaagad makakapagsalita si Adolph sa naging tanong niya. Ngumisi siya na kaagad niyang inalis mula sa mga labi niya. Ibinaling ang malambing na mga tingin kay Adolph. “Sorry… Hindi mo naman talaga kailangan sagutin eh.” Tumayo siya at naglakad ng ilang hakbang palayo mula kay Adolph. “Ang payapa ng alon ng dagat ‘no? Parang pati sila, nagdidiwang para sa pag-iisang dibdib ninyo ni Grace.” Pasimple niyang kinuha mula sa may dibdib ang isang napakaliit na tableta at inilagay sa ibabaw ng kanyang dila upang masiguradong hindi iyon matutunaw o hindi niya malulunok.
“Rose… sorry. Kasalanan ko lahat ‘to…” Pigil na ang mga luha ni Adolph. Mas nasasaktan siya ngayong nararamdaman niyang nasaskatan si Rose dahil sa nangyayari. Kaya niyang iskprisyo ang buhay niya sa isla, pero hindi siya gano’n katapang upang pati ang buhay ng sarili niyang ama ay magawa niyang isakrpisyo. “Mahal kita mula pa no’ng unang araw na nakita kita. Pero may sakit si tatay. Kaya kong iwanan ang isla na ito at ang buhay ko dito, pero hindi ko pwedneg hayaan na mamatay ang tatay ko nang dahil sa akin. Hindi ko kayang –”
Pinutol ng mainit na halik ng mga labi ni Rose ang sinasabi ni Adolph. Kaagad niyang inapuhap ang dila nito upang hindi mapansin ang maliit na tabletang ipinasa niya sa loob ng bibig ng binata. Hinawakan pa niya ang magkabilang pisngi nito upang mas maiidin ang labi niya. Kaagad namang sumagot ng halik si Adolph. Mas mapusok. Na tila ba wala ng planong palayin muli ang mga labi niya.
Saglit na nawala sa katinuan ang isip ni Adolph. Bakit kasi parang nakakatuliro ang mga halik ni Rose. Nakakuryente ang mga haplos nito. At nakababaliw ang presensya nito sa buhay niya. Pero hindi pwedeng mangyari ito. Hindi niya pwedeng isakripisyo ang buhay ng tatay niya. Hindi niya kaya. Mabigat sa loob na kumalas siya sa mainit na paglalaro kanilang mga labi at dila. Dahan-dahan niya inilayo ang sariling mukha mula sa mukha ng babaeng mahal niya. Sa mukha ni Rose na ngayon ay basa ng mga luha. Tuluyan na rin niyang hindi napigilan ang sariling mga luha. “Sorry… Kailangan ko nang umalis.”
Gumuhit ang malungkot na ngiti sa mga labi ni Rose habang patuloy ang pagtititigan ng kanilang mga mata ni Adolph. “Pwede bang yakapin mo ako ng mahigpit… Bago ka tuluyang umalis?”
Tumango si Adolph. Saglit na muling hinagkan ang mga labi ng turista bago ito niyakap ng mahigpit. Mga yakap na siguro ay huling beses niya nang mararamdaman. “Mahal kita Rose. Ikaw lang ang nag-iisang babaeng mamahlin ko.”
Hindi nagsalita si Rose pero sinagot niya ang mga yakap ni Adolph. Ramdam niya ang lungkot na dinadala nito ngaton. Ilang saglit pa silang nanatili sa gano’ng ayos hanggang sa unti-unti nang gumuhit ang totoong ngiti sa mga labi niya. Nagsimula nang bumigat ang katawan ng lalaking nakayakap sa kanya. ‘Ngayon ang simula ng totoong madugong kaguluhan dito sa Isla Azul.’
*****
“Ang tagal naman ng kasal na ‘to. Nagugutom na ako.”
“Bakit hindi pa raw nagsisimula ang kasal?”
“Wala pa raw kasi ‘yong groom.”
“Darating pa ba ‘yung groom?”
“Baka naman umatras na.”
“Eh ‘di ba nga, napilitan lang ‘yon? Kasi malaki ang utang kay Mang Celso.”
“Mukhang hindi na nga darating si Adolph…”
Napabuntong hininga na lamang si Jojo dahil sa mga naririnig niyang bulung-bulungan sa mga taong nasa labas ng simbahan kagaya niya. Halos tatlong oras na silang naandoon at malapit na ring lumubog ang araw pero wala pa rin si Adolph. Naaawang tumingin siya kay Grace. Bakas sa mga mata nito ang pagpipigil na maiyak habang malikot ang paningin at matyagang naghihintay sa lalaking dapat ay kanina pa ito pinakasalan.
“Bakit kaya wala pa si Adolph? Nagbago kaya ang isip niya?” tanong ni Tita Lani na nasa tabi ni Jojo.
Bumuntong hininga si Jojo. Mula nang magkausap sila ni Rose kanina ay hindi na siya umalis sa tabi ni Tita Lani. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip nito at natakot siya na baka kay Tita Lani ito may masamang binabalak kahit batid niyang malapit naman ang dalawang ito sa isa’t-isa. “Hindi ko rin po alam, tita.”
“Hindi naman lingid sa kaalaman ko na medyo napilitan lang si Adolph sa kasal na ito, pero mabait na bata si Grace. At wala akong alam na ibang babae na pwedeng maging dahilan upang unatras si Adolph sa kasal na ito,” dagdag pa ni Tita Lani habang ang tingin ay naka Grace. “Kawawang bata…”
Hindi na muli pang sumagot si Jojo. Malapit nang lumubog ang araw. At habang tumatagal ay hindi na niya nagugustuhan ang kabang nararamdaman niya dibdib niya. Paano nga kung hindi dumating si Adolph? Malaking gulo ito sa Isla Azul. Pero nasaan ba ito? Posible kayang umalis ang kaibigan niya kasama ang babaeng turista?
Pilit namang nagbibingi-bingihan si Grace sa mga naririnig niya. Pilit niya ring pinipigilan ang mga luha niyang kanina pa gustong kumawala mula sa mga mata niya. Inililibot niya ang tingin sa paligid na unti-unti nang nilalamon ng dilim. May ilan na ring mga abay at dadalo sa kasal ang nagpaalam nang uuwi. Pero hindi siya susuko. Maghihintay pa rin siya kay Adolph.
“G-Grace, ayos ka lang ba?” may pag-aalalang tanong ni Fe habang lihim na makahulugang nakikipagtinginan kay Vilma.
“Oo… Ayos lang ako. Naiinip na ba kayo? Sandali na lang, darating na rin ‘yon si Adolph,” pilit na pinapatigas ni Grace ang sariling boses. Hindi siya iiyak. Hindi.
“Medyo nagugutom na nga – Aray!” Naramdaman ni Vilma ang pasimpleng pagbatok sa kanya ni Fe. Pinandilatan pa siya nito ng mga mata na tila nais siyang pahintuin sa pagsasalita.
“Ano ba ‘yan, hindi pa makaramdam ‘yong ikakasal na hindi na siya sisiputin ng groom,” anang isang babae na dumalo sa simbahan na taga-isla.
“Sinabi mo pa! Nagsasayang lang ako ng oras,” sagot pa ng isang babae.
“Eh ‘di umalis na kayo! Sino bang may sabi na pumunta kayo dito?! Makikikain lang naman kayo ‘di ba?!” Hindi na nakapagpigil pa si Grace. Kung hindi pa nga siya nahawakan sa magkabilang braso nina Fe at Vilma ay baka nahbalot na niya sa buhok ang dalawang babaeng nag-uusap hindi kalayuan mula sa kinatatayuan niya.
“Aalis talaga kami dito kahit hindi mo sabihin! At ikaw, umuwi ka na rin dahil hindi ka na sisiputin ng lalaking hinihintay mo! Hindi ka pupuntahan no’n dahil napilitan lang naman ‘yong magpakasal sa ‘yo!” bulyaw pa ng babae na kaagad ding naglakad paalis kasunod ang kasama nito.
“Hindi totoo ‘yan! Darating si Adolph! Matutuloy ang kasal ko! At h’wag kayong babalik para makikain sa reception naming dalawa!” pahabol na sigaw ni Grace na nangangatal na ang mga labi sa galit.
“Grace… Relax…” pagpapakalama ni Vilma.
“O-oo nga Grace, ‘yong make up mo… B-Baka masira,” dagdag ni Fe. Medyo kinakabahan na siya sa inaasal ni Grace. Ngayon niya lamang ito nakitang nagalit ng gano’n. Halos mamula na ang mukha nito habang sumisigaw.
“Anak… Tama na ‘yan. H’wag ka nang makipag-away sa kanila.” Lumapit na rin si Mang Celso kay Grace. Kanina pa siya abala sa pagkumbinse sa mga taga-isla na h’wag munang umalis. Kahit ang totoo, siya mismo ay gusto na sanang pauwiin ang lahat ng bisita at iuwi ang nag-iisang anak niya. Awang-awa na siya dito pero hindi naman niya matanggihan ang pakiusap nitong maghintay pa sandali kay Adolph.
“Jin…” bulalas ni Grace. Binawi niya ang mga braso mula sa dalawang kaibigan at sinalubong ang papalapit na sina Jin at si Mang Mario. Umalis ang mga ito kanina lang upang sunduin ang lalaking mapapangasawa niya. Tumingin siya sa likuran ng mga ito. Umaasang may kasunod itong lalaking nakabarong at kulot ang buhok. “N-Nasaan si Adolph? Bakit hindi ninyo siya kasama?”
Napatingin si Jin kay Jojo na lumapit din sa kanila. Halos pabulong siyang nagsalita. “Wala siya sa bahay nila.”
Tumiim-bagang si Jojo.
“Putang ina! Nasaan ba ‘yang anak mo, Mario!? Puta! Ano na!?” Hindi na nakapagpigil si Mang Celso na itulak-tulak si Mang Mario.
“Hindi ko nga alam. Kaya nga binalikan namin ni Jin sa bahay ‘di ba?!” sagot ni Mang Mario. Nagsisi siyang nauna siyang umalis ng bahay kanina. Inaasahan niya kasing sabay na darating sina Jin at Adolph. Pero isang oras ang makalipas mula nang makarating siya sa simbahan kanina, si Jin lamang ang dumating. Sinabi nitong umalis si Adolph at may pupuntahan lang daw saglit. Pero nang hindi kaagad bumalik si Adolph ay pumunta na ito sa simbahan sa pag-aakalang dumiretso na ang binata doon. Lumipas pa ang isang oras at nagdesisyon na siyang bumalik sa bahay kasama si Jin. Pero wala silang Adolph na nakita. “Hindi ko naman itatago ang anak ko sa ‘yo!”
“Eh talaga palang ginagago niya tayong lahat dito!” muling sigaw ni Mang Celso. “Palibhasa manang-mana sa ‘yo!”
“Pwede ba! H’wag mong isisisi sa akin ang nangyayari ngayon. Dahil alam na alam mong ginawa ko ang lahat para matuloy ang kasal na ito!” mataas na rin ang boses ni Mang Mario nang sumagot. Nagsisimula na siyang makaramdam ng paninikip sa dibdib.
“Mang Celso, huminahon po muna tayo…” Pumugitna na si Jojo sa dalawang lalaki.
Si Jin naman ay sinusubukan na ring pigilan si Mang Mario.
Ang ibang mga bisita ay tuluyan nang umalis. Pero karamihan ay nanatili pa rin sa may labas ng simbahan at pinapanood ang tila isang eksena ng aksyon sa pelikula.
“Paano ako hihinahon?! Niloloko na kami ng magtatay na ‘yan!” Lalong nagwala si Mang Celso. Argabyadong-argabyado na siya, lalo na ang anak niya. Kaya hindi na siya hihinahon sa pagkakataon na ito. “Pareho kayong magtatay na mukhang pera!”
“Aba! Talaga namang matulis ‘yang dila mong lalaki ka! Hinddi porque kumpare kita, hahayaan na kitang magsalita ng kung ano-ano laban sa akin! Sa amin ng anak ko! Sinabi ko na sa ‘yo ‘di ba, ginawa ko ang lahat para pumayag ang anak ko magpakasal sa anak mo!” Magkalabasan na ng mga baho pero hindi na papayag pa si Mang Mario na apak-apakan pa siya ng kausap.
“Isa pa ‘yan sa pinagsisisihan kong ginawa ko sa buhay ko. Ang pumayag na maging kumapre mo at sumang-ayon sa kasal na ito! Kaya binabawi ko na ngayon lahat! Hindi ko na hahayaang mapabilang pa sa pamilya namin ang hayop at mukhang perang magtatay na kagaya ninyo!” dinuru-duro ni Mang Celso si Mang Mario habang nasa harapan niya si Jojo at pilit na humaharang.
“Eh putang ina ka pala! Mas hayop ka pa rin sa akin dahil mamatay tayo ka!”
Makahulugang tinginan ang ibinato sa isa’t-isa nina Jin at Jojo dahil sa biglang isinigaw ni Mang Mario.
Isang malakas na sunrok na ang napakawalan ni Mang Mario at tumama sa naabot na si Mang Celso.
Sa kabila ng malaking katawan ni Jojo ay nahirapan na siyang awatin ang pagganting suntok ni Mang Celso. Hanggang sa magkagulo na ang dalawang lalaki. Pati ang patpating si Jin ay natatamaan na rin ng suntok alinman kayna Mang Celso o Mang Mario.
Ang iba sa mga taga-isla ay sumisigaw ng pagpigil, ang ibang nakikiisyuso ay nakikisigaw lang. pero wala man lang ni isa sa mga ito ang nagtangkang lumapit upang tumulong na umawat. Tila walang pakialam kung halos magpatayan na ang mga lalaking pinapanood. Mga taong wala ring naging pakialam sa nangyari madugong gabi mahigit sampung taon na ang nakalilipas.
“Tama na!!!”
Mula sa apat na lalaking nasa gitna ay nabaling ang atensyon ng lahat sa babaeng biglang sumigaw. Ang babaeng nakasuot ng traje de boda, nakaupo na sa lupa at lusaw na ang koreleteng nasa mukha dahil sa mga luha.
“Tama na po… Tumigil na po kayo…” Iyak ni Grace. Nanlalambot na ang kanyang mga tuhod kaya tuluyan na siyang napaupo kagaya nang tuluyang paglamon ng dilim sa paligid. Unti-unti nang nagiging malinaw sa kanya ang lahat pero hindi pa rin niya natatanggap ang nangyayari. Ang hindi pagsipot ni Adolph sa araw ng kasal nila.
Awang-awa na nakatingin si Jin kay Grace. Ang mukha nito ay nasa mga palad na habang patuloy na umiiyak. Dapat ba talaga itong mangyari? Kasama ba ito sa mga plano ni Rose?
“Nakita mo na ang ginawa ng hayop mong anak sa anak ko! Nakita mo na!?” Nakalapit na si Mang Celso kay Mang Mario. Hawak niya ito sa kwelyo habang sinisigawan. “Tandaan mo ito, aalis kayo dito sa Isla Azul nang walang kahit na anong dala dahil pagmamay-ari ko lahat ng pagmamay-ari mong hayop ka!” Akmang susuntukin pa niya si Mang Mario nang matigilan dahil sa biglang pandidilat ng mga mata nito at pamumuo ng pawi sa noo. Binitawan niya ang kwelyo nito at kaagad na bumagsak sa lupa ang lalaki.
Kinakabahang lumapit si Jojo kay Mang Mario. Dahil sa hitsura ng lalaki na nanlalaki ang mga mata, sapo ang dibdib, pawisan ang noo at malalim ang paghinga, ay kaagad niyang sinira ang suot nitong barong sa may bahaging dibdib. “Mang Mario! Mang Mario!”
Napaupo na rin si Jin sa may tabi ni Jojo. At ilang saglit lang ay nagkatitigan na silang dalawa.
Tuluyan nang bumagsak ang mga kamay ni Mang Mario, nakabuka ang mga labi at dilat na dilat ang mga mata.