noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 90

Ch. 91 / 98 Feb 05, 2022

“General!” kaagad na sumaludo ang isang unipormadong pulis nang makita ang pagdating ni Mang Delfin sa kanilang presinto.

“Pwede ko bang makita si Henry?” ani Mang Delfin.

“Uhm… General, tapos na po kasi ang oras ng dalaw at medyo gabi na rin po…” nagdadalawang isip na sagot ng bagitong pulis. Pero nang tingnan ito ng seryoso ni Mang Delfin ay kaagad na napabuntong hininga. “Pero sandali lang naman po kayo, ‘di ba? Sige po. Pwede ninyo po siyang kausapin.”

Hindi na nagsalita pa si Mang Delfin at sumunod na lamang dito sa pagbukas ng gate. Pumasok siya sa may waiting area ng mga bisita ng preso. At ilang saglit lang ay dumating na si Henry.

“Pareng Delfin!” bati ni Kap Henry sa dumalaw na kaibigan. Saglit silang nagkamay at nagkayakap bago umupo nang magkaharap. “Anong balita sa kaso ko? May nahanap ka na bang paraan para makalabas ako dito?”

Tumikhim si Mang Delfin bago sumagot. “Sa totoo lang, mahirap Henry.” Sa dami ng mga lumalabas na saksi at mga naging biktima ng kaibigan niya, mahihirapan siya ilaban ito ang kahit gaano pa kalakas ang kapit niya sa batas.

“Putang ina! Eh bakit ka pala, nandito?! Wala ka naman palang dalang magandang balita?!” bulyaw ni Kap Henry.

“Patay na si Celso.”

Natigilan si Kap Henry sa narinig niya. Paanong mangyayari ‘yun eh no’ng isang araw lang nang malaman niya na anak nito ang nagpakamatay nang dahil kay Adolph. “Nagpakamatay na rin ba ang gago na ‘yon? Sumunod na sa anak niyang gaga?”

Nagtaging ang bagang ni Mang Delfin dahil sa pigil na inis. “Nabaril siya ng anak ko.”

“Puta! Bakit?! Anong nangyari?!” Hindi makapaniwala na muling tanong ni Kap Ryan. Nagsisimula nang bumilis ang tibok ng puso niya. Una si Mang Lester, pangalawa si Mang Mario at ngayon naman ay si Mang Celso. Siya na ba ang susunod na mamamatay sa kanilang magkakaibigan?!

“Nabaril niya kasi si Poncio dahil… Pinagtanggakaan niyang patayin ang babaeng turista.” Lumunok ng laway si Mang Delfin bago muling nagpatuloy sa pagku-kwento. “Nakita ko na rin ang babaeng turista… Nagkakilala na kami.”

Natigilan si Kap Henry sa halos pagwawala niya at nandidilat ang mga matang napatingin sa kaharap na lalaki. “Ang putang inang babaeng ‘yon?! Sigurado ako na siya ang may pakana bakit pinatay ng anak mo si Celso! Anong sabi niya sa ‘yo?! Ha?! Dinimonyo ka rin ba niya?!”

Napailing si Mang Delfin. “Wala siyang ginawang gano’n… Ewan ko. Hindi ko alam pero sa paraan ng pagsasalita niya kanina… Para bang kilalang-kilala niya ako... Tayo.”

Lumunok ng laway si Kap Henry habang nakakuyom ang kamao. “May binanggit din ba siya tungkol sa… Sa nakaraan?”

Napamulat ang mga mata ni Mang Delfin na sinalubong ang mga tingin ni Kap Henry. “Oo, at habang kausap ko siya… pakiramdam ko talaga, kilalang-kilala niya ako. Tayong magkakaibigan.” Hindi makalimutan niya makalimutan ang pait na nakita niya sa mga mata ng babaeng turista. May kinikimkim na poot kahit nakangiti pa ang mga labi nito. “Henry, hindi siya isang turistang nagbabakasyon lang sa Isla Azul. Sigurado ako, nanggaling na siya dito sa isla natin!”

“Imposible. Iilan lamang ang naging tuista o bakasyonista sa isla at halos lahat sila ay natatandaan ko. Maliban sa putang inang babae na ‘yan.” May gigil na sagot ni Kap Henry. Hindi niya makalimutan na ito ang dahilan kung bakit nakakulong siya ngayon. Alam niyang may malalim na dahilan ang pagpapanggap na ginagawa nito ngayon. Pero ano nga ba ‘yon? Sino ba talaga ito.

“Paano kung hindi siya naging tustita sa Isla Azul? Paano kung dati na siyang naninirahan sa atin?” ani Mang Dlefin. “Henry, may alam siya tungkol sa atin!” Mas hinihaan niya ang boses na tila nais na ang kaharap na lalaki lamang ang makarinig. Pero may diin ang pagsasalita niya. May gigil na halos hindi na bumubuka ng malaki ang bibig habang nagsasalita. “Tungkol sa ginawa natin!”

Natahimik si Kap Henry. Sa totoo lang, ‘yun din ang pakiramdam niya. Hindi lang ito isang simpleng paninira sa Isla Azul. O paniningil ng babaeng turista sa naging kasalanan niya sa mga babaeng minolestya niya sa isla. Alam niyang may mas malalim pa itong dahilan. Sa galit na nakita niya sa mga mata nito. Sa panggigigil nito habang kausap niya ng gabi na ‘yon. May malalim itong poot na dinadala.

“Henry, hindi kaya… Hindi kaya anak siya ni Ryan?” may pag-aalinlangan na sabi Mang Delfin. Pwedeng kabaliwan ang naiisip niyang iyon pero wala na siyang makitang dahilan upang gawin iyon ng babaeng turista. Bakit sa Isla Azul? Bakit sa kanilang magkakaibigan pa?

“Putang inang Delfin?! Ano ba ‘yang mga iniisip mo?!” nahampas ni Kap Henry ang lamesang pumapagitan sa kanila.

“Pero ikaw na ang nagsabi, nakita mo ang peklat sa kamay niya!” huminga ng malalim si Mang Delfin. Saglit na tumingin sa pulis na nakatayo hindi kalayuan sa kanila. Abala itong makipag-usap sa kaharap na isa pang pulis. “Pinakita niya sa ‘yo ang peklat sa kamay niya na ikaw mismo ang nagsabi na kagagawan mo. Ikaw ang sumaksak sa kamay ni Cris-”

“Puta! Tumahimik! H’wag na h’wag mong babanggitin ang pangalan na ‘yan o kahit sino pa sa pamilya niya!” muling bulyaw ni Kap Henry.

Humugot ng malalim ba buntong hininga si Mang Delfin. Muling hininaan ang boses. “Sigurado ka ba talagang napartay ninyo silang lahat?!”

Naging malikot ang mga mata ni Kap Henry habang nag-iisip at inaalala ang gabi na ‘yon. Sa totoo lang, hindi na gano’n kalinaw ang lahat sa alaala niya. Dahil sobrnag lulong sila no’n sa droga. Pero sigurado siya, basag ang bungo ni Ryan, sinunog nila ng buhay ang batang si Nonoy, ginawa nilang parang baboy na tinuhog ang kjatawan ni Nimfa… At si Cristy? Siya mismo ang pumatay dito. Ang mga kamay niya mismo ang pumatay sa batang babae.

“Ano Henry? Sigurado ka bang napatay ninyo silang lahat. Dahil kapag nagkataon, pati ako sasabit dito. Kailangan nating malaman kung –“

“Oo! Putang ina naman! Patay na silang lahat! Pati na ‘yung… ‘Yung batang babae na anak ni Ryan.” Lumunok ng laway si Kap Henry. Suminghap. Naalala niya ang malalim na peklat sa kamay ni Rose. Imposible… Imposible na ‘yun ang peklat nang pagkakasaksak niya sa kamay ni Cristy. “Hindi na siya pwedeng mabuhay… Ako… Ako mismo ang pumatay s akanya. Kaya hindi na siya pwedeng mabuhay pa. Hindi na!”

****

“Eto ang kape mo, Jojo,” ani Rose nang ilagay ang tinimplang mainit na kape para sa bisitang si Jojo, na bigla na lamang sumulpot kanina pagkatapos umalis ni Harris. Medyo kinabahan pa siya sa biglang pagsulpot nito kanina. Sa huli, natawa na lang siya sa sarili dahil sa kakaibang kaba na naramdaman niya. Naisip niyang natatakot na yata siya sa sarili niyang multo. “Salamat nga pala sa… Ginawa mo kagabi. Kung hindi dahil sa ‘yo, siguro ay patay na ako.”

“Wala ‘yun. Ginawa ko lang ang trabaho ko,” tugon ni Jojo. Kaninang umaga pa niya gustong makausap si Rose pero hindi niya itong matyempuhan na nag-iisa. Mabuti na lang at nagbakasakali siya ngayon na pumunta, kahit iniisip niya na pwedeng sa bahay nina Harris magpalipas ng gabi ang dalaga kasama ang mag-asawang sina Tatay Poncio at Nanay Harwina.

“Ano nga palang sabi ng papa mo tungkol sa nangyari?” pag-uusisa ni Rose.

“Wala naman dahil naireport ko naman ng malinaw ang lahat ng nangyari kagabi,” sagot ni Jojo habang hinihipan ang kape na laman ng tasang hawak niya.

“Nagkita nga pala kami kaninang umaga,” ani Rose bago humigop ng kape.

Hindi naituloy ni Jojo ang paghigop sa kape. “T-Talaga? Nagkausap ba kayo? Anong sabi niya? Nakilala ka ba niya?” sunud-sunod na tanong ng binata.

Natawa naman si Rose sa nakitang pag-aalala sa mukha ni Jojo. “Sa ganda kong ‘to, sa tingin mo makikilala niya ako?”

“Cristy, seryoso ako. Kilala ko ang papa ko at alam ko na -”

“Pareho kayong mag-isip?” putol ni Rose sa sinasabi ni Jojo. Matalino kasi si Jojo. Mabilis itong makabasa ng iniisip ng isang tao. Bagay na namana nito sa tatay na si Mang Delfin. “The way na titigan at kausapin niya ako kanina, ramdam ko na sinusuri niya ang bawat galaw at pagsasalita ko. Kinikilala niya ang boses at mga ngiti ko. Pero wala naman siyang mapapala sa akin. At sigurado ako na hindi niya ako nakilala.”

“Pero paano kung oo? Paano kung na-realize niya na ikaw ang anak ni Kap Ryan?” muling nag-aalalang tanong ni Jojo.

“Eh ‘di wow.” Kibit balikat na sagot ni Rose. Patay na sina Mang Lester, Mang Celso, Mang Mario at sigurado siyang sa dami ng mga lumabas na biktima at testigo na handang magsampa ng kaso kay Kap Henry, ay mabubulok na ito sa kulungan. Nagawa na niya ang lahat ng plano niya, oras na para umalis siya. At kung may makakilala man sa kanya, hindi na ‘yun mahalaga pa.

“Cristy, seryosohin mo naman ang sinasabi ko!” may pag-aalalang sabi pa ni Jojo. Hindi pa rin kasi naaalis sa isip niya ang ginawang pag-uusisa ng papa niya tungkol sa babaeng turista. Kung noon na hindi pa nito nakikita si Rose ay may kung ano nang naglalaro sa isip nito, ano pa ngayong nagkakilala na ang dalawa?

Bumuntong hininga si Rose at natatawang umiling. “Seryoso naman ako. Wala na akong pakialam kahit malaman nila ang totoo.” Humigop ng kape si Rose.

Nabaling ang tingin ni Jojo sa sulok kung nasaan ang mga tingin ni Rose. Dalawang malaking maleta ang naando’n. “Aalis ka na?”

Ngumiti si Rose. Nang makauwi siya kaninang umaga upang kumuha ng mga gamit ni Tatay Poncio at Nanay Harwina ay inayos na rin niya ang sariling mga gamit. Inimpake na niya ang mga damit niya. “’Yun naman ang gusto ninyo ‘di ba? Ang ibig kong sabihin… ‘Yun naman ang kailangan.”

Kahit nakangiti ang mga labi ni Rose ay bakas ni Jojo ang lungkot sa mga mata ng dalaga. Muli siyang inuusig ng konsensya niya. Bumabalik ang isipan niya sa nakaraan. “I’m sorry.”

“Alam mo, mabuti na lang… Ang pagkakaron ng police instinct lang ang namana mo sa tatay mo. Hindi ang kaduwagan niya.” Bumunting hininga si Rose. “Saka, h’wah ka nang magsorry. Tama naman kayo ni Jin eh. Tapos na ako sa mga dapat kong gawin dito sa isla. Kaya dapat, umalis na ako. Para matapos na rin ang gulo at mawala na ang salot dito sa inyo.”

“Hindi ka salot, Cristy. Wala ka naman talagang kasalanan eh.” Nagbuga ng hangin si Jojo. Malalim na buntong hininga. “Kami ang may kasalanan sa ‘yo. Ang Isla Azul ang na dapat na naging tahimik ninyong tirahan ng pamilya mo ang naging salot sa inyo,” seryosong sabi niya. Sobrang pag-usig ng konsensya ang nararamdaman niya ngayon. Para tuloy maiiyak na siya na pinipigilan niya lang. Hindi naman kasi totoo ang sinabi ni Rose na hindi niya namana ang kaduwagan ng papa niya. Dahil kung hindi siya naging duwag noon, nalaman sana ng lahat na malinis ang mga kamay ni Kap Ryan, na totoong mabuting tao ito na walang ibang hinangad kung hindi ang katahimikan sa Isla Azul. Nabigyan sana ng katarungan ang pamilya ni Rose. Kung naging matapang lang sana siya noon, buhay pa siguro si Lila hanggang ngayon.

Inabot ni Rose ang kamay ni Jojo at pinisil. “Normal ang umiyak, Jojo. Minsan nakakagaan ‘yun ng pakiramdam. Isa pa…” Tumayo siya at umupo sa may tabi ng binatang nanlalabo na ang mga mata dahil sa luha. Hawak pa rin niya ang kamay nito na muli niyang pinisil. “Wala dito ang papa mo. Pwede kang umiyak. Pwede mo akong iyakan. Pwede mong ilabas lahat ng bigat na nararamdaman mo sa dibdib mo. Walang manghuhusga sa ‘yo.”

Napalunok ng laway si Jojo. Ramdam ang hapdi sa lalamunan niya nang muling pigilan ang sarili na maiyak. Pero tuluyan nang nangatal ang mga labi niya, lalong nanlabo ang mga mata niya dahil sa luha at hindi na nga niya napigilan ang sarili na yakapin si Rose. Mahigpit na yakap. Kasunod ang paghagulhol na parang bata sa balikat nito.

Sampung taon… Mahigit sampung taon siyang hindi umiyak. Sampung taon niyang kinimkim ang bigat sa dibdib niya nang mag-isa lang siya. Walang kausap. Walang karamay. Walang kakampi.

Ngumiti si Rose habang basa na rin ng luha ang sariling mga pisngi. Marahang hinaplos ang likod ng umiiyak na binata. Kahit kailan ay hindi niya sinisi si Jojo, wala itong kahit na anong naging kasalanan sa kanya. Kung meron man, bayad na iyon sa pagkimkim nito mag-isa ng isang masalimuot na alaala. “Hindi senyales ng kaduwagan o kabaklaan ang mga luha. Crying can heal the pain na matagal mo nang nararamdaman o dinadala d’yan sa dibdib mo.”

“I’m sorry… I’m sorry… Sana mapatawad ninyo pa ako nina Kap Ryan, Aling Nimfa at Nonoy… Sorry sa kaduwagan ko. Sorry sa lahat. Patawarin ninyo ako. Patawarin ninyo ako ni Lila.” Mas humigpit ang yakap ni Jojo kay Rose. Ang mukha niya ay halos nakasubsob na sa balikat nito. Nanginginig na halos ang buong katawan niya. Naghahalo na ang luha at sipon sa buong mukha niya. Kung nakikita siya ng papa niya ngayon, sigurado siyang masisigawan na siya nito.

‘Tumigil ka sa pag-iyak mo! Hindi ka bakla! Walang lalaki sa pamilya natin ang umiiyak! Tumahan ka d’yan, tarantado ka!’

Pero tama si Rose, totoong nakagagaan ng pakiramdam ang pag-iyak. Parang nanghihina na siya pero unti-unti ay gumagaan ang pakiramdam niya. Nagsisimulang mabawasan ang bigat na sampung taon niyang dinala sa dibdib niya.

Sinagot ni Rose ang mga yakap ni Jojo. Hinaplos ang ulo nito. Kung minsan mang naging masama ang loob niya dito noon, ngayon ay wala na siyang ibang nararamdaman kung hindi awa para kay Jojo. Sampung taon. Sampung taon nito dinala ang isang mapait at madugong alaala. Alaala na muntik nang bumaliw dito sa lahat ng mga kaibigan niya. Kasama na si Jojo. Pero kinaya nitong dalhin ang masalimuot na alaala ng walang ibang nakakausap o naiiyakan. Kinaya nitong mag-isa. “Iiyak mo lang lahat, Jojo. Walang manghuhusga sa ’yo dito. Ako lang ang kasama mo ngayon. Ako lang ‘to… Si Cristy.”

*****

“Ayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong ni Rose sa nakatayong si Jojo sa may bukas na pinto.

Nakangiti namang tumango si Jojo. “Salamat, Cristy.”

“Wala ‘yon. Ako ang dapat na magpasalamat sa ‘yo kasi… Tumupad ka sa usapan natin. Hindi mo ako pinakialaman sa lahat ng mga plano ko,” tugon ni Rose.

“’Yun lang kasi ang pwede kong maitulong sa ‘yo,” ani Jojo. Sa lumipas na sampung taon ng buhay niya, ngayon lang gumaan ng ganito ang pakiramdam niya. Nakakangiti na siya. Totoong ngiti sa mga labi niya. At lahat ng ‘yon ay dahil sa nagpapanggap na babaeng turista sa Isla Azul. “Aalis ka na ba talaga bukas?”

Bumuntong hininga si Rose. “Oo.”

“Hindi ka na mapapaalam kayna Tatay Poncio at Nanay harwina?” muling tanong ng binata.

“Mag-iiwan na lang siguro ako ng sulat para sa kanila. Ayoko na rin kasing mahirapan pa sila na makita akong umalis. Alam ko na itinuring na nila akong parang tunay na anak. Itinuring nila ako na si Lila,” tugon ni Rose. Pinag-isipan niya na itong mabuti. Wala nang dahilan pa para manatilio siya dito sa Isla Azul. “Mas mabigat para sa kanila ang makitang umalis ako.”

“Paano si Harris?”

Malungkot na ngumiti si Rose. Huling yakap na ang ginawa niya kay Harris kanina kaya tinagalan niya iyon. Kung pwede nga lang ay hindi na matapos pa. Pero naisip niya rin na kung magtatagal pa siya dito sa isla, baka tuluyan na siyang hindi makaalis nang dahil sa binatang doktor. Hindi pa rin kasi niya naiisip kung ano ang pwedeng mangyari sa oras na bumalik ang alaala nito. Mamahalin pa rin kaya siya ni Harris o kamumuhian dahil plinano niya ang pagpapakulong sa tatay nito.

“Hindi masamang tao si Harris. At sigurado ako na maiintindihan niya lahat dahil mahal ka niya,” ani Jojo na tila nababasa na ang nasa isip ni Rose.

“Sana nga…Pero paano kung hindi? Nakita mo kung paano nag-suffer si Jin nang bumalik ang alaala niya. At ayoko na sanang mangyari pa ‘yon kay Harris. Gusto ko na… Na tuluyan na akong mabura sa alaala at buhay niya,” sagot ni Rose.

“Kahit mahal mo siya?”

“May mga taong nagmamahalan pero hindi nakatadhana para sa isa’t-isa. At kasama kami ni Harris do’n. At siguro, kailangan naming tanggapin na kaya kami muling nagkita ay hindi para ituloy ang kung ano man ang naudlot namin sa nakaraan, kung hindi para isarado ang isang malungkot na alaala.” Pinipigilan ni Rose ang sarili na maiyak. Ito ang pinakamabigat na gagawin niya ngayon. Wala naman kasi sa plano niya na muling mahalin si Harris dahil alam niyang, hindi na pwedeng magkaroon sila ng totoong relasyon pero hindi na niya napigilan pa ang sarili.

“Kaya ninyo pa rin namang gawing masaya ang isang malungkot na nakaraan. Hindi pa huli ang lahat.” Alam ni Jojo kung gaano kamahal nina Harris at Rose ang isa’t-isa. Mga bata pa lang sila, ramdam niya na iyon. Kaya ayaw sana niyang talikuran ng dalaga ang pagkakataon na maituloy ang masayang kwento ng dalawang ito.

“Huli na para sa akin. Masyado nang magulo. Isa pa, kilala ko naman si Harris. Makaka-move on kaagad ‘yun kapag umalis na ako dito sa isla.” Buo na ang desisyon ni Rose. Hindi ito madali dahil panghabambuhay na kaligayahan niya ang nakasalalay sa gagawin niyang pag-alis. Pero ayaw na niyang magulo pa ang isipan at buhay ni Harris nang dahil sa kanya. At alam niya na mas makabubuti para sa lahat, na hindi na malaman ng mga ito kung sino talaga siya.

Nagbuga ng hangin si Rose bago pinunasan ang mga luha. Nakangiti niyang tinapik sa balikat si Jojo. “Sige na, umuwi ka na… Salamat ulit sa lahat, Jojo. Sana ito na ‘yung last time na… Na magkikita tayong dalawa.”

Niyakap ng mahigpit ni Jojo si Rose. Iniisip niya na kung napatawad na siya ni Rose, sana gano’n din si Lila kung nasaan man ito ngayon.

Nang kumalas sa pagkakayakap si Rose ay hinalikan niya sa pisngi ang binatang pulis. “Hindi na galit sa ‘yo si Lila, sigurado ako. Masaya siyang nakikita ka na nakakangiti na ng totoo ngayon.”

Parang gusto ulit maiyak ni Jojo sa sinabi ni Rose pero pinigilan na niya ang sarili. “Sana nga… Sana nga napatawad niya na ko. Salamat, Cristy. Salamat sa lahat.”

Hinawakan ni Rose ang kamay ni Jojo. “Oo, naman… Kilala ko ‘yun si Lila… Mas malambot ‘yun kaysa sa akin, mas madali siyang magpatawad. Saka alam mo, kanina ka pa nagte-thank you. Umuwi ka na, kasi baka magtaka na ang papa mo kapag inumaga ka na naman ng dating sa bahay ninyo. Mag-iingat ka ha?”

Tumango si Jojo at pinisil pa ang kamay ni Rose bago tuluyang lumabas ng bahay.

Isinarado na ni Rose ang pinto at bumalik sa lamesa upang ligpitan ang pinagkapehan nila ni Jojo. Ang binatang pulis ang isa sa pinaka-matigas sa kanilang magkakaibigan. Dahil na rin siguro sa pagpapalaking ginawa dito ni Mang Delfin. At hindi naging madali sa kanya ang makitang nanghihina ito dahil sa paghagulhol. Pero alam naman niyang nakabuti iyon para kay Jojo. Tama na ang sampung taon na pagdadala nito ng isang masalimuot na alaala. Ang sampung taon na pagsasarili nito ng bigat na nararamdaman.

Inilagay na niya sa lababo ang mga baso at magsisimula na sanang ligpitin iyon nang makarinig ng katok mula sa pinto. Ibinaling niya ang tingin sa lamesa at wala naman siyang nakita na gamit na pwedeng naiwan ni Jojo.

Napapailing na naglakad siya palapit sa pinto.

“Oh bakit bumalik ka? May naiwan ka bang –” Hindi naituloy ni Rose ang sinasabi. Napalunok siya ng laway at bumilis ang tibok ng puso niya. Sa hitsura ng lalaking napagbuksan niya ng pinto… Magulo ang buhok, umaalingasaw ang amoy alak sa katawan at namumula ang mga mata. May pakiramdam siya na hindi niya magugustuhan ang mga susunod na pwedeng mangyari. “Anong ginagawa mo dito, A-Adolph?”