“Uhmm. Ang asim. Pwede na ‘to.” Bulong ni Rose pagkatapos tikman ang nilutong sinigang na baboy. Tumingin siya sa orasang nakasabit sa dingding. Mag-aala-seis na ng gabi at maya-maya lang ay pauwi na rin sina Tatay Poncio at Nanay Harwina. Sana ay mauna si Harris sa mga ito dahil gusto niyang ito muna ang makatikim ng niluto niya para sa hapunan.
Muli niyang tinakluban ang kalderong pinaglulutuan bago pinatay ang apoy sa kalan. Kinuha na niya ang mga plato at sinimulang ilagay sa lamesa nang makarinig ng katok sa pinto. Napangiti siya nang maisip na si Harris na iyon.
“Ang aga mo namang -” Hindi na naituloy ni Rose ang sinasabi nang hindi ang inaasahang mukha ang mapagbuksan niya ng pinto. Magulo ang kulot niyong buhok, may mga pasa sa mukha at hindi pa man nagsasalita ay sumisingaw na ang amoy alak sa katawan ni Adolph. “Anong ginagawa mo dito?”
“Kailangan nating mag-usap…” seryosong tugon ni Adolph.
“Wala tayong dapat na pag-usapan. Umalis ka na,” matigas ang boses na tugon ni Rose.
Bago pa maisarado ni Rose ang pinto ay nagawa iyong pigilan ni Adolph. Nag-igting ang kanyang panga habang saglit na nagkakatitigan ang mga mata nila ng magandang turista. Pilit niyang hinahanap sa mga mata nito ang mga emosyon na nakita niya dati. Ang mapang-akit at nagmamakaawang mga tingin na ito ang piliin niya. Pero bakit gano’n? Hindi niya na iyon makita ngayon. “Alam mo kung bakit ako nandito.”
Seryosong umiling si Rose. “Adolph, si Grace na ang pinili mo. Bakit ka pa ba nandito?”
“Ikaw ang pinili ko! Ikaw ang laman nitong puso ko!” halos sigaw ni Adolph. Hinawakan niya sa magkabilang braso ang dalaga nang makapasok siya sa loob ng bahay.
“A-Adolph, n-nasasaktan ako..”
“Mahal kita, Rose!”
Hindi na nagugustuhan ni Rose ang nakikitang pamumula sa mga mata ni Adolph. Totoong nasasaktan na siya sa pagkakahawak nito sa kanya. “Bitawana mo na ako, Adolph. Nasasaktan na ako! Umalis ka na!” Pilit siyang kumawala sa mga kamay nito ngunit masyado iyong mahigpit. Para bang nais durugin ang payat niyang mga braso. “Balikan mo na si Grace. Siya naman talaga ang mahal mo ‘di ba? Umalis ka na dito!”
“Ilang ulit ko bang sasabihin sa ‘yo na ikaw ang mahal ko!” sigaw ni Adolph. Oo, si Grace ang pinili niya noon. Na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin maintindihan kung ano ba talaga ang nangyari. Isa lang ang sigurado siya, hindi na niya hahayaan pang masaktan ang sarili niya. Hindi na siya papayag pang mawala si Rose sa kanya. “Sabihin mo sa akin… Bakit kayo magkasama ni Harris? Bakit mo siya pinunatahan sa mansion sa araw ng kasal ko? Bakit gusto mo siyang makita pagkatapos mong makipagkita sa akin?!” Sumasakit na lalo ang ulo niya pero gusto niyang malaman ang dahilan ni Rose. Gusto na niyang malinawan kung bakit ba ito ginagawa ng magandang turista.
“Wala akong maintindihan sa mga sinasabi mo, Adolph. Umalis ka na!” pagmamatigas ni Rose. Naluluha na ang mga mata ni Adolph at basag na ang boses nitong tila anumang oras ay iiyak na sa harapan niya.
“Rose, nagkita tayo sa araw ng kasal ko. Niyakap mo ako. Hinalikan. Bakit bigla ka na lang naglaho sa tabi ko?! Ano ba talagang nangyari!?” gulung-gulo ang isip na tanong ni Adolph habang pigil ang sarili na maiyak.
“Lasing ka na kaya kung ano-ano na ’yang naiisip mo. Mabuti pa, umuwi ka na bago ka pa maabutan nina Tatay Poncio dito!” muling pagtataboy ni Rose. Nagi-guilty siya sa nakikita niyang paghihirap ni Adolph nang dahil sa kanya. Wala na ang tatay nito kaya hindi niya na ito kailangan. Wala nang dahilan pa upang magpanggap siya sa harap ni Adolph.
“Sinabi mo sa akin na gusto mo ako… Ma mahal mo ako!” Kaunti na lang ay bibigay na ang mga luha ni Adolph. Nangangatal na ang mga labi niya ay pinagpapawisan ang noo at leeg niya.
“Adolph…” Saglit na humugot at nagbitaw ng malalim na buntong hininga si Rose. Hindi na niya kailangan si Adolph kaya dapat lang na putulin na niya ang kabaliwan nito sa kanya. “Kahit kailan, hindi ko sinabi na gusto o… Mahal kita.”
Kumunot ang noo ni Adolph. Napatulala. Oo nga naman. Hindi niya talaga narinig mula kay Rose na gusto siya nito. Kahit kailan ay hindi niya narinig mula dito ang salitang, ‘Mahal kita, Adolph.’ Pero hindi pa rin siya pwedeng magkamali sa naramdaman niya noon. Naramdaman niyang gusto at mahal siya ng babaeng turista. Bakit ba ito ginagawa ni Rose sa kanya? “Sino ka ba talaga? Bakit mo ginagawa sa akin ito?”
Napalunok ng laway si Rose. Kitang-kita niya ang pagkalito sa mukha ni Adolph. Ang paghihirap nito. “Umalis ka na bago pa dumating sina Harris.”
Nagpanting ang tainga ni Adolph dahil sa pangalan na narinig. Nangatal lalo ang kanyang labi at tumutulo na ang pawis sa kanyang leeg. Mariin siyang umiling. Siya ang mahal ni Rose pero bakit nakikipagkita pa ito kay Harris?!
“I’m sorry Adolph kung na-misinterpret mo lahat ng ginagawa ko. Pero wala talagang –” Pinutol ng mapusok na halik ni Adolph sa mga labi ang sinasabi ni Rose. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa mga pisngi niya kaya hindi niya kaagad mapalaya ang sarili. At nang bumaba ang mga labi nito sa leeg niya ay mas lalo siyang pilit na nanlaban. “Bitawan mo ako Adolph! Please! Ayoko!”
“Akin ka lang Rose! Walang ibang pwedeng umangkin sa ‘yo kung hindi ako lang! Ako lang!” halos bulong ni Adolph na dinilaan pa tainga ng magandang turista. Ang kamay niya ay marahas na humahaplos sa braso pababa sa katawan ni Rose.
“Parang awa mo na, Adolph. Ayoko! Bitawan mo na ako!” umiiyak na pakiusap ni Rose. Pakiramdam niya ay bumabalik siya sa isang mapait na parte ng kanyang nakaraan. Ang amoy ng alak. Ang mararahas na hawak ng mga kamay. Ang mga labi at dilang pumapaligo ng laway sa balat niya. Pilit pa siyang nanlalaban hanggang sa maramdaman niya ang panghihina ng kanyang mga tuhod at braso.
“Adolph!? Anong ginagawa mo kay Rose?!” sigaw ni Harris nang makapasok at makita si Adolph. Kaagad niya itong sinugod at hinila. Hindi nanlaban si Adolph kaya ilang ulit niya itong pinagsusuntok sa mukha.
“Paps! Paps sandali!” Kaagad nang umawat si Jojo sa dalawang binata. Hinila niya si Harris na kaagad lumayo mula kay Adolph at niyakap si Rose.
“Rose, nandito na ako…” ani Harris kay Rose habang yakap ng mahigpit ang umiiyak na dalaga.
Inalalayan ni Jojo na makatayo si Adolp na dumudugo na ang labi. “Halika na Adolph. Umalis na tayo dito.”
Hindi kaagad sumunod si Adolph sa paghila sa kanya ni Jojo palabas, saglit pa niyang pinagmasdan pagyakap ni Rose kay Harris.
“I’m here… H’wag ka nang matakot. H’wag ka nang umiyak… nandito na ako, Rose,” ani Harris habang mahigpit na yakap ang humahagulhol na si Rose.
Gustong pagsisihan ni Adolph ang ginawa niya nang makita ang takot sa mukha ni Rose. Nang makita kung paano ito umiyak nang dahil sa kanya. Gusto niyang lumapit dito upang humingi ng tawad. Pero nang makita niya ang higpit ng yakap na itinugon ni Rose kay Harris ay tila nanlalambot na siyang napasunod sa humihilang pulis. Ang mga yakap na ‘yon, iyon ang yakap na ginawa sa kanya noon ni Rose. Sa kanya lang dapat ang mga kamay nito. Ang mga haplos. Ang mga labi. Siya lang ang dapat na mag-may ari sa magandang turista at wala ng iba.
*****
“Ano ba kasing kagaguhan ang pumasok sa isip mo at ginawa mo ‘yon kay Rose?!” pigil ang galit na tanong ni Jojo sa katabing si Adolph habang nagda-drive. Mabuti na lang at naisipan niyang pumunta sa bahay ni Harris kanina para kausapin saglit si Tita Lani. Pagkatpos ay sumabay na sa kanya si Harris papunta kayna Rose dahil may problema raw ang makina ng kotse nito. Kung hindi siya kasama ni Harris kanina, baka nagkapatayan na ang dalawang lalaking kababata niya nang dahil sa magandang turista. “Alam mo bang pwede kang makasuhan ng rape sa ginawa mo sa kanya!? Pwede kitang idiresto sa kabilang isla para ikulong!” Hindi pananakot ang sinabi niyang iyon pero wala rin siyang balak na gawin. Biktima lang din si Adolph, at hindi niya kakayanin na may inosente pa na muling magdusa dahil sa ginagawang paghihiganti ni Rose.
“Sina harris at Rose…” wala sa loob na bulong ni Adolph habang nakatingin sa harapan. Hindi maalis sa isip niya ang nakitang pagtugon ni Rose sa mga yakap ni Harris. Gano’n na gano’n ang mga yakap na ginawa sa kanya noon ng magandang turista. “May relasyon na ba silang dalawa?”
Saglit na nagtagis ang mga bagang ni Jojo. Paano niya ba sasagutin ang tanong ni Adolph. “Ihahatid na kita sa inyo. Pero please lang, Adolph. H’wag mo na ulit –”
“Sagutin mo ang tanong ko! May relasyon na ba silang dalawa?!” ulit ni Adolph.
“Oo!” Hindi na napigilan na sagot ni Jojo hindi man siya sigurado kung totoo ang hinala niyang may relasyon na nga ang dalawa. Pero ‘yun ang nararamdaman niya, papunta na do’n sina Rose at Harris. Sa umpisa pa lang naman, sina Harris at Rose na talaga ang nagkakamabutihan. At kung ano man ang nararamdaman ng mga ito ngayon para sa isa’t-isa, continuation lamang iyon ng naudlot na kwento ng dalawa. Isa pa, batid niyang kailangan nang maputol ang kahibangan ni Adolph sa babaeng nagpapanggap na tutrista sa kanilang isla.
“Kelan pa? Kelan mo pa nalaman na may relasyon silang dalawa?!” muling nagtaas ng boses ni Adolph. Pakiramdam niya ngayon ay napagkakaisahan na siya ng mga kinilala niyang kaibigan. “Alam din ba ito ni Jin?!”
Hindi kaagad nakasagot si Jojo. Hindi na niya alam kung paano pa sasagutin ang tanong ni Adolph. Sa pagsulyap niya sa mga mata nito, bakas niya ang labis na paghihirap at pagkalito.
“Itigil mo ‘tong sasakyan mo,” utos ni Adolph.
“Pero Adolph –”
“Itigil mo ‘tong saksay mo kung hindi, mukha mo ang babasagin ko!” sigaw ni Adolph. Kaagad siyang bumaba ng tumigil ang sasakyan. Sinundan naman siya ni Jojo. “Putang ina! Kelan ninyo pa alam ni Jin?!”
“Ang totoo, hindi ako sigurado kung may alam ba talaga si Jin,” sagot ni Jojo nang makababa naa rin ng owner jeep. Hindi niya masyadong malapitan si Adolph na parang mananapak anumang oras. Malikot ang mga mata at hindi mapakali sa kinatatayuan.
“Putang ina naman pare. Alam ninyo naman na dinidiskartehan ko si Rose. Bakit naman hindi ninyo kaagad sinabi sa akin na pinopormahan na talaga siya ni harris?! Para kayong nakaka-gago eh!” Napapailing na sabi ni Adolph. Halos paikot-ikot siya sa paglalakad na tila ba litong-lito na sa iniisip. “Pero alam mo, may mali eh.”
Napalunok si Jojo. Sa tagal ng pagkakakilala niya kay Adolph, ngayon niya lang ito nakitang nagkakaganito. Malikot ang mga tingin, hindi mapakali at panay ang kuskos sa ulo. “Paanong mali?”
“Inagaw lang ni Harris ‘yang si Rose sa akin… Oo, sigurado ako. Ako talaga ang gusto ni Rose.” Nandidilat na sabi ni Adolph.
“Adolph, pwede ba?! Hindi mo ba nakita kung ano ang naging epekto kay Rose ng ginawa mo sa kanya kanina?!” parang si Jojo naman ang gustong manapak ngayon para magising si Adolph sa kahibangan nito. Kitang-kita niya kung paano masaktan at umiyak si Rose sa ginawa ni Adolph. Hindi umaarte ang dalaga. Sigurado siyang gano’n ang naramdaman nito noong gabi na mamatay ang buong pamilya nito. “Nasaktan mo si Rose kanina!”
“Hindi paps!” mariing umiling si Adolp. Nandidilat na sinalubong ang mga tingin ni Jojo. “Nagpapanggap lang si Rose kanina na umiiyak dahil ayaw niyang ipakitan sa inyo ni Harris na ako ang gusto niya. Na mahal niya talaga ako. Pero paps, maniwala ka. Alam ko na ang laro ni Rose. Ako talaga ang gusto niya. Hinalikan niya ako sa Paraisong Azul eh!”
“P-paano mo ba nalaman ang lugar na ‘yon?” Hindi na napigilang tanong ni Jojo. Hindi lang naman siguro sila ang nakakaaalam sa tagong lugar na iyon pero sila lamang magkakaibigan ang nagbansag doon na ‘Paraisong Azul.’
Naging malikot ang mga mata ni Adolph. Nag-iisip. Muling naguluhan. Nang sinabi ni Rose na magkita sila doon, hindi niya matandaan kung kailan siya una o huling beses na nagpunta doon pero kabisadong-kabisado ng mga paa niya ang daan. Hindi na rin naman importante pa ‘yon. Mas importante ang tungkol sa kanilang dalawa ng magandang turista. “H-Hindi ko alam. Basta… Basta, mahal ako ni Rose. ‘Yun ang mahalaga do’n. Sigurado ako sa bagay na ‘yun.
“Paano kung hindi?” wala sa loob na muling tanong ni Jojo. Kita niya ang pagtigas ng mga panga ni Adolph dahil sa sinabi niya. Bago siya matalim na tinitigan. Kailangan na niyang putulin ang kabaliwan ng kaibigan niya. “Adolph, tumigil ka na! Hindi mo ba nakikita? Ginugulo mo lang ang sitwasyon!”
Kumuyon ang kamao ni Adolph. Malalim ang paghinga. “Mahal ako ni Rose, sigurado ako. At wala siyang ibang lalaki na mamahalin kung hindi ako lang, tandaan mo ‘yan!”
Hindi na muling pinigilan pa ni Jojo ang paglalakad palayo ni Adolph hanggang sa tuluyan na itong lamunin ng dilim. Kinakabahan siya sa mga kinikilos nito. Sa mga salitang binibitawan. Parang ibang-iba na ang Adolph na kausap niya ngayon.