noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 70

Ch. 71 / 98 Feb 05, 2022

Mataas na ang sikat ng araw. Sabay-sabay na naglalakad habang nagku-kwentuhan sina Adolph, Jin, Jojo, Mel, Harris at Lila papunta sa bahay nina Cristy. Kahapon ang birthday ng dalaga pero dahil buong gabi at araw na malakas ang ulan ay wala ni isa sa kanila ang nakapunta.

“Ano kayang handa ni Aling Nimfa, ‘no?” natatakam na tanong ni Mel. Sa mga nakaraang taon na birthday ng kaibigan nila, palagi siyang may take out na pagkain dahil sa sarap ng luto ng mama nito.

“Wala pa nga tayo sa bahay nila, pagkain kaagad ang nasa isip mo,” natatawang pansin ni Adolph.

“Eh paano, si Mel palagi ang pinakamalakas kumain sa mga luto ni Aling Nimfa,” dagdag ni Lila.

“Sinabi mo pa,” kaagad na segunda pa ni Jin. Natutuwa siya sa nakikitang ngiti ngayon sa mga labi ni Lila. Alam niyang may lungkot pa rin sa mga mata nito na tila pilit na ikinukubli sa pamamagitan ng pagngiti. Isa lang naman ang mahalaga ngayon para sa kanya, lumalaban ang babaeng mahal niya ano pa man ang problema o pagsubok na kinakaharap nito ngayon na hindi sinasabi sa kanya.

“Uy Jojo, ayos ka lang?” bahagyang tinapik ni Harris ang balikat ng katabi habang naglalakad. Halos lahat sila ay nagtatawanan maliban dito na tila may malalim na iniisip.

“O-oo naman.” Pilit namang ngumiti si Jojo. Kaninang madaling araw nang tumila na ang ulan, nagising sila ng mga magulang niya sa malakas na katok ni Mang Henry sa pinto ng bahay. Pinagbuksan iyon ng papa niya pero sa halip na papasukin ay hinila ng lalaki si Mang Delfin sa labas. Palihim siyang sumilip sa labas habang ang mama niya ang abala na magtimpa ng kape, nakita niya doon sina Mang Celso, Mang Lester at Mang Mario. Lahat ay bakas ay hindi maipinta ang mga mukha. Sobrang hihina rin ng mga boses kaya kahit anong gawin niya, wala siyang marinig o maintindihan sa sinasabi ng mga ito. Pinilit niyang basahin ang mga salitang binibigkas ng apat na lalaking kausap ng papa niya.

Napatay.

Tulungan.

Tinapon.

Katibayan.

Walang kasalanan.

Utang na loob.

Naguguluhan na siya pero mas nangingibabaw ang kaba sa mga salitang nababasa niya mula sa bibig ng mga ito. Nakita niya biglang pagsulyap ni Mang Delfin sa may pwesto niya kaya kaagad niyang ikinubli ang sarili. Lalong lumalakas ang kaba sa dibdib niya. Para bang may nangyari o mangyayari na hindi maganda sa Isla Azul.

“Sus! Nagpapa-cute ka lang kay Lila eh,” panunukso ni Mel na nagpabalik ng gunit ni Jojo sa kasalukuyan.

Napaismik si Jojo. “Hindi ‘no, baliw.” Bumaling ang tingin niya kay Lila na napatingin na rin sa kanya. Naramdaman niya tuloy ang pag-init ng pisngi niya nang ngumiti ito sa kanya. Kahit kailan ay hindi niya binigyan ng kahuluguhan ang pagkakaibigan nilang dalawa, dahil mula’t-sapul pa… Alam na niyang may malalim itong pagtingin sa weirdo nilang kaibigan na si Jin. Minsan nga nagtataka pa siya, mas gwapo naman siya at mas maganda ang katawan, kung may lamang man si Jin… Mas matalas marahil ng konti ang utak nito sa kanya. Pero ‘yun lang. Gano’n talaga siguro ang puppy love na tinatawag, walang pinipili na hitsura o estado ng buhay.

“Sus!! Hindi raw, eh matutunaw na n’yan si Lila!” Hindi pa rin huminto sa panunukso si Mel.

“Oy Mel, baka magselos si Jin. Ikaw rin. Kapag nagsuntukan ang dalawang ‘yan, ikaw lang aawat,” pabirong saway ni Harris.

“Ano pala ‘yang dala mo, Lila?” tanong ni Adolph nang mapansin ang hawak na bayong ni Lila.

“Ah, bibingka. Ginawa ko kaninang madaling araw para kay Cristy.” Nakangiting sagot ni Lila. Hindi man ito kasing sarap ng mga luto ni Aling Nimfa, at least may maibibigay pa rin siya na sariling gawa niya para sa matalik na kaibigan.

“Nandito na pala tayo,” ani Adolph.

“Napaaga yata tayo.” Napansin ni Mel na sarado ang pinto ng bahay at mga bintana.

“Mukhang pa nga sila,” ani Jin.

“Teka, bakit parang may mali,” halos bulong ni Jojo. Ang mga kasama niya ay nagsimula nang lumapit sa pinto ng bahay at tumawag sa mga panaglan ng mga nakatira doon. Siya naman ay naiwang nakamasid sa paligid. May malalaim na bakas ng paa sa medyo basa pang lupa, may lubid na nakakalat, may sako at nakatumbang bangko. Sa dami ng beses na nakapunta siya dito sa bahay nina Cristy, kahit kailan ay hindi niya nakita na ganito kagulo ang bakuran ng mga ito.

Nakailang tawag na ang barkada pero wala pa ring lumalabas mula sa bahay.

“Baka napuyat sila kagabi,” ani Adolph.

“Ang celebration nila no’ng isang gabi pa, salubong sa birthday ni Cristy,” sagot ni Lila. Nagtataka na rin siya at may kabang nararamdaman na hindi niya ine-entertain. Wala naman kasi siyang dapat na ikakaba.

“Eh, baka naman nagtatampo kasi hindi tayo nakapunta kahapon,” muli hula ni Mel.

“Ano ka ba, hindi gano’n si Cristy, kilala natin siya. Mas iisipin niya ang kaligtasan nating lahat kaysa sa sarili niya.” Hindi sa pinagtatagnngol ni Harris ang dalagita pero sigurado siyang hinding-hindi ito magtatampo ng dahil sa gano’ng klaseng bagay.

Naglakad si Jojo patungo sa mga bakas ng sapatos sa lupa. Kung hindi siya nagkakamali, mga bakas ‘yon ng bota na may iba’t-ibang laki ng paa. Isa? Dalawa? Siguro ay mahigit sa tatlong pares ng mga paang nakabota ang nagmamay-ari ng bakas.

“Naka-lock pala itong pinto,” nakalabing sabi ni Lila. Sobrange excited pa naman siya na makita ulit ang bestfriend niya dahil ito lang ang nakakapagpagaan ng loob niya sa ngayon. Siguro dahil si Cristy lang ang nakakaalam ng sikreto niya.

“Tara balik na lang tayo mamaya,” medyo inis na sabi ni Mel. Hindi kasi siya nag-almusal talaga para makakain ng marami sa handa nina Cristy. Umalis na siya sa may pinto kasunod ang mga kasama.

“Dito na lang tayo maghintay kaya sa labas.” Itinayo ni Adolph ang natumbang bangko.

“Oo nga, hintayin na lang natin sila na lumabas,” umupo si Harris sa may tabi ni Adolph. Gusto niyang sila ang kauna-unahang makita ni Cristy sa umaga.

“Jojo, anong ginagawa mo?” nagtatakang tanong ni Jin nang mapansin ang kakaibang kilos ni Jojo. Hindi naman ito sumagot sa kanya na nagpatuloy sa paglilibot sa paligid ng maliit na bahay.

“Alam ninyo, mabuti pa na umuwi na muna tayo kasi nakakahiya naman kung aabutan tayo dito sa labas ng bahay. Mukha tayong patay gutom,” suhestyon ni Mel.

“Ikaw lang naman ang patay gutom,” natatawang asar ni Adolph.

“Hoy kanina ka pa ah, masakit na ‘yon,” kunwa’y naiinis pero natatawang saway ni Mel.

“Mga paps, bukas ang pinto dito sa likod…” Hindi kaagad tinulak ni Jojo ang pinto na yari sa kawayan nang malamang bukas iyon. May kung anong pumipigil sa kanya na itulak ang pinto. May kung anong kaba sa dibdib niyang hindi niya mawari kung anong dahilan.

Halos sabay-sabay na naglingunan at nagsilapitan ang magbabarkada kay Jojo.

“Tara silipin na natin, baka naman gising na sila,” medyo naiinip na sabi ni Mel.

“H’wag na… Baka nga tayo pa makagising sa kanila,” saway ni Jin.

“Hindi ba kayo nagtataka?” seryosong sabi ni Jojo na nakatingin sa pinto. “Magulo ang bakuran… Nakailang tawag na tayo sa kanila pero walang lumalabas… Isa pa, bakit bukas itong pinto dito sa likod? Mula’t sapul pa, ang pinto lang sa harapan ang ginagamit nina Cristy sa bahay na ito.”

“Alam mo Jojo, nahawa ka na rin kay Jin kakabasa mo ng mga detective comics.” Pinipilit ni Adolph ang sarili na matawa kahit parang nagsisimula na rin siyang kabahan.

“Bumalik na nga lang siguro tayo mamaya dahil baka – L-Lila?” Nagulat si Harris nang biglang itulak ni Lila ang pinto. Lumangitngit ang pinto na yari sa kawayan na halatang hindi madalas na nagagamit. Dahan-dahan iyong bumukas.

“Ang kalat… Saka… A-Ang baho.” ani Mel.

“A-anong n-nangyari? Bakit napakagulo dito?!” Kinakabahang tanong ni Adolph.

“C-Cristy? Nonoy? Aling Nimfa? Kap?” Pumunta si Jojo sa dalawang kwarto. Magulo ang mga gamit pero wala siyang tao na naabutan. “Walang tao… Wala sila dito.”

Umaalingasaw ang malansang amoy at panis na pagkain sa loob ng bahay. Taob ang mahabang lamesa, nagkalat ang mga panis na pagkain sa sahig, may bakas ng sinunog na hindi mawari kung ano sa sulok at may… Laman at dugo hindi kalayuan mula sa kinatatayuan nila na inuuod at nilalangaw na.

Nanlalambot si Lila na nabitawan ang bayong at napaupo. Hindi na niya napigilan ang sariling mga luha kahit hindi pa man niya alam kung ano talaga ang nagyari sa loob ng bahay.

“Lila!” Halos sabay na lumapit si Harris at Jin kay Lila upang alalayan ito.

“Tatawag ako ang tulong!” Hindi na hinintay pa ni Adolph na makasagot ang mga kasama. Lumabas na siya ng bahay. Tumakbo papunta sa palengke habang tila tambol ang kabog ng dibdib niya.

Hindi na napigilan ni Mel na bumaliktad ang sikmura.

Patuloy ang paging malikot ng mga mata ni Jojo sa paligid habang hindi humihina ang malakas na kaba sa dibdib niya. Hindi pwedeng magkatotoo kung ano man ang nasa isip niya. Nagiging malikot lang ang imahinasyon niya. Oo, gano’n nga. Hindi siya pwede maging tama sa iniisip niya.

****

Mabilis na kumalat sa buong Isla Azul ang nangyari sa pamilya nina Cristy. Pero wala pang isang linggo ay isinarado na ang kaso. Ayon sa ginawang pag-iimbesitiga ni Mang Delfin kasama ang iba pang kapulisan, case closed na nga ang nangyaring madugong massacre sa Isla Azul.

Birthday celebration ni Cristy, may konting handaan para sa pamilya at alak para kay kap Ryan. Pero nalasing si Kap Ryan at dahil sa nagkalat na mga drug paraphernalia, inilagay sa report na nagwala ito dahil sa ipinagbabawal na gamot hanggang sa nasaktan at napatay ang buong pamilya. Itinago ang bangkay sa kung saan kasunod ang pagtatago ng sarili nito.

Case Closed. Hindi na kailangan pang lumabas sa media o palakihin ang gulo upang hindi masira ang pangalan ng Isla Azul. At pagkatapos lang ng halos dalawang linggo. Unti-unti na kaagad bumalik sa normal ang isla na tila ba walang nangyari. Bumalik ang lahat sa normal, nakuha ni Mang Henry ang position na kapitan ni Kap Ryan at unti-unti nang pinatahimik ang lahat tungkol sa massacre. Bahala na sina Mang Delfin at ang kapulisan na tugisin ang suspek at mamamatay tao na si Kap Ryan para panagutin ito sa ginawang krimen. Basta ang pangako ni Mang Henry na ngayon ay kilala na ulit bilang si Kap Henry, wala nang ganitong klaseng krimen ang muling magaganap sa Isla Azul.

****

“Lila, anak. Kumain ka na…” malungkot na yaya ni Nanay. “Ipinagluto kita ng lugaw.”

“Busog pa po ako ‘Nay… Magkakape na lang po ako,” mahinang sagot ni Lila habang nagtitimpla ng kape na para sa sarili.

“Sigurado ka bang ayos lang na maiwan kang mag-isa dito sa bahay?” tanong ni Tatay Poncio na nanghahanda na ng mga gamit nila ni Nanay Harwina para sa gagawing pagtitinda sa palengke at pangingisda.

Pinilit ni Lila ang ngumiti bago tumango sa mga magulang na nasa may pinto at bakas ang pag-aalala sa mukha. “Opo, ayos lang po ako.”

“Uuwi rin ako ng maaga mamaya kaya h’wag nang magluto, ako na lang pagdating ko.” Hindi talaga gusto ni Nanay Harwina ang umalis. Mas naging malala ang pagiging tahimik at malungkutin ni Lila buhat nang makita ang nangyari sa bahay nina Cristy. Mas tahimik ito ngayon kaysa noong nakaraan na hindi nila alam ang dahilan. At kahit kailan ay hindi nila nakitang umiiyak si Lila bagay na lalong nagpapaalala sa kanya. Pero dahil kailangan nilang mag-asawa na magtrabaho, ay wala silang ibang pagpipilian kung hindi ang maiwang mag-isa si Lila sa bahay. Pinanghahawakan na lang niya ang mga ngiti nito at ang sinasabi nitong kakayanin lahat para sa kanila.

“Mauna na kami,” paalam ni Tatay Poncio.

Lumapit muna si Nanay Harwina sa nakaupong anak at niyakap ito ng mahigpit. “Nandito lang kami palagi ha? Kapag kailangan mo ng kausap, h’wag kang mangingimi na sabihin sa amin ng tatay mo ang lahat ng gusto mong sabihin.” Pinunasan niya ang sariling mga luha.

Nanatili sa kinatatayuan si Tatay Poncio habang naluluha na ring pinapanood ang mag-ina niya. Hindi talaga siya ‘yung tipo ng tatay na mapagpakita ng paglalambing sa anak. Pero sigurado naman siyang ramdam ng mag-ina niya ang pagmamahal niya para sa mga ito.

Huminga ng malalim si Lila. Pigil ang mga luha at sinalubong ang mga tignin ni Nanay Harwina. Hindi siya magpapakita ng kahinaan sa mga ito. Kaya niya. Kaya niyang mag-isa. “Alam ko po ‘yon, ‘nay. H’wag po kayong mag-alala sa akin.”

Hinaplos pa ni nanay Harwina ang pisngi ng anak at hinagkan ito sa noo bago tuluyang umalis kasama si tatay Poncio.

Hawak ni Lila ang tasa ng kape habang hinihipan iyon. Wala sa kape ang isip niya. Wala sa lugar kung nasaan ang tingin niya ngayon. Hindi niya tin mawari kung saan na nga ba lumilipad ang isipan niya. Hanggang sa biglang mangasim ang sikmura niya. Ibinaba niya ang kape sa lamesa at kaagad na dumuwal sa lababo ang kung ano man ang kayang ilabas ng sikmura niya dahil wala pa siyang kahit na anong kinakain. May ilang minuto rin siyang nakipagtalo sa sikmura niya dahil wala na iyon halos mailabas. Hanggang sa nanghihina siyang napakapit sa lababo bago pinunasan ang nanlalagkit niyang bibig. Wala sa loob na napahawak siya sa t’yan niya. Dalawang buwan na siyang walang dalaw at ilang umaga nang nangangasim ang sikmura niya. Hindi pwedeng mangyari ito.

Nanlalambot ang mga tuhod na napaupo na siya sa may harapan ng lababo. Pilit pa ring pinipigilan ang sarili na maiyak. Pero sa pagkakataong ito, bigo na siya. Sumabog na ang luha mula sa mga mata niya. Nagsisigaw siya. Umiyak ng malakas. Pinagsusuntok ang sariling t’yan. Hanggang sa tila mapagod at niyakap ang sariling mga tuhod at isinubsob doon ang mukha na basang-basa ng mga luha.

“C-Cristy… C-Cristy bakit pati ikaw kailangang mawala? Ang sabi mo, hindi mo ako iiwan. Ang sabi mo, hindi na ako mag-iisa. Sino nang kakampi ko? C-Cristy please… Gusto na kitang makita… Gusto na kitang mayakap… Gusto na kitang… Makasama.”