“Putang inang Adolph na ‘yan! Putang inang babaeng turista na ‘yan! Putang ina nila lahat!” nanggagalaiti sa galit si Mang Celso habng tinatahak ang daan pauwi sa bahay nila. Sirang-sira na ang araw niya. Mula sa bahay ni Adolph hanggang sa magkausap sila ng babaeng turista.
Naalala na naman niya ang kakaibang nakita niya sa mukha nito. Ang mga ngiti nito. Ang galit na tila ba napakalalim ng pinaghuhugutan. At ng boses nitong pilit niyang inaalala kung saan niya ba una at huling beses na narinig.
Isang malalim na bunting hininga ang binitawan niya nang makarating sa tapat ng sariling bahay. Kailangang hindi niya maipahalata sa anak ang bigat na nararamdaman ngayon. Hindi niya pwedeng iparamdam dito na may alalahanin din siya. Binuksan niya ang pinto at naabutang makalat ang sala. Muli siyang bumuntong hininga. Mas malalim. Hindi naman kasi ito ang unang beses na umuwi siya ng bahay na makalat dahil sa pagwawala ng anak niya. Pumasok na siya sa loob at dumiretso sa kusina. Iniayos muna niya saglit ang ilang gamit kagaya ng lamesa at upuan. Kumuha ng pitsel bago sinalin ang sabaw ng buko na inuwi niya. Naglagay din siya sa baso na dadalhin niya sa kwarto ni Grace. “Grace, anak… Hindi ka pa ba nagugutom? May pasalubong ako na paborito mong buko juice.”
Napailing na lang si Mang Celso nang wala siyang makuhang sagot mula sa anak na alam niyang nahihimbing sa kwarto nito. Marahil ay nakatulog na naman ito sa labis na pagod dahil sa pag-iyak.
‘Papa, thank you po sa pasalubong ninyo. Alam na alam ninyo po talaga na paborito ko itong buko juice!’
Napatingin si Mang Ceslo sa itinayong upuan nang marinig ang maliit na boses. Nakita niya ang malabong pigura ng batang si Grace na nasa upuan at umiinom ng pasalubong niya na buko juice.
‘Papa, buksan ninyo na po ang radyo. Oras na po para do’n sa pinapakinggan natin sa tele-drama.’
Lumingon siya sa nakatumbang sofa. Noong high school pa si Grace ay madalas sila doong nakaupo habang nakikinig ng paborito nilang drama sa radyo.
‘Papa, thank you po at pinayagan ninyo na magpakasal kami ni Adolph. Mahal na mahal kita, papa. Ikaw po ang pinaka-the best na tatay dito sa Isla Azul.’
Napapikit na si Mang Celso at tuluyan nang hindi napigilan ang mga luha nang maalala kung paano siya yakapin ni Grace noong binigay niya ang basbas dito ay kay Adolph para magpakasal. Napakuyom ang kamao niya. Iyon ang desisyon na buong buhay niyang pagsisisihan na ginawa niya. Ang maging dahilan ng pagdurusa ng anak niya.
‘At ngayon… karma mo naman.’
Napamulat siya nang marinig ang boses ni Rose sa loob ng isipan niya. Hindi niya alam kung saan kinukuha ng babaeng turista ang mga pinagsasasabi nito kanina. Hindi niya maintindihan ang tila malaking galit na nabakasan niya sa mukha at boses nito. At isa pa… Bakit parang kilalang-kilala siya ng babaeng ‘yon? Sila ng mga kaibigan niya…
‘Akalain mo nga naman, ang karma kahit gaano katagal, bumabalik at gumaganti pa rin.’
Ipinilig niya ang ulo nang muling marinig ang boses ng babaeng turista. Bakit ba kasi napakapamilyar nito sa kanya. Ng boses at mga ngiti nito. Parang narinig at nakita niya na sa kung saan. Nagbuga siya ng hangin. Wala siyang panahon na magsayang pa ng oras upang isipin ang mga bagay na tungkol sa babaeng turista. Bukod sa nangyaring gulo kanina, siya ang dapat na makaraamdam ng matinding galit dito dahil ang tuirsta ito ang dahilan kung bakit nagdurusa ang anak niya ngayon.
Hinawakan na niya ang basong dadalhin bago pa man muling magulo ng babaeng turista ang isipan niya. Naglakad na siya patungo sa kwarto ni Grace.
“Grace anak…” ani Mang Celso na sinundan ng mararahang katok sa pinto. “Anak, gising na… May dala akong buko juice.” Ilang katok pa ang ginawa niya bago nagdesisyon na buksan na ang pinto. “Grace, papasok na ako ha… baka kasi – putang ina!”
Nabitawan ni Mang Celso ang hawak na baso na bumagsak pa sa paa niya. Lumakas at bumilis ang tibok ng puso niyang naging parang tunog ng tambol, habang tila binuhusan ng nagyeyelong tubig ang buong katawan niya. Kumaripas siya ng takbo palapit sa anak niyang sinsayaw ng hangin ang nakabigting katawan nito na nakasabit sa kisame. Itinayo niya ang upuan at tumungtong doon habang ang nanginginig na mga kamay ay kinakalas ang lubid na nakapulupot sa nangingitim na leeg ng anak niyang malamig na ang mga binti.
“Anak… Anak… Kumapit ka… Nandito na si papa…” basag na ang boses ni Mang Celso. Nangangatog ang mga tuhod na pilit niyang pinapatatag. At nang makalas niya ang lubid ay nawalan ng balanse ang upuan at natumba sila ni Grace sa sahig. Nasalo niya ang katawan ng anak niyang isa ng malamig na bangkay.
Kaagad siyang bumangon. Inihiga ng maayos ang katawan ni Grace. Ang mukha nito ay nangingitim na rin, ang mga matang dilat na dilat ay halos lumuha nan g dugo at nang bumuka ang bibig nito dahil sa pagkakahiga ay lumawit pa rin ang dila.
“A-anak… G-Grace… A-anak… Gumising ka…” tinapik-tapik pa ni Mang Celso ang mukha ni Grace. Hindi pwedeng mangyari ito. Nangako siya sa namayapa niyang asawa na aalagaan niya ang nag-iisang anak niya habang siya ay nabubuhay. Hindi maaaring mauna itong mamatay sa kanya. Hindi niya kakayaning mawala ang nag-iisang anak niya. Hindi pwede. Hindi niya kaya… “Grace!!!!”