noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 72

Ch. 73 / 98 Feb 05, 2022

Natagpuan ni Jin ang sarili na nakaluhod sa buhanginan, sapo ang naninikip na dibdib at walang tigil ang mga luha sa paglandas sa mga pisngi habang ang mag tingin ay nasa karagatan na may maliliit na alon.

“Para bumalik sa normal ang buhay ninyong lahat, inalis nila kami ni Lila sa mga alaala ninyo. Inalis nila kami sa buhay ninyo…” pagtatapos ni Rose sa kwento niya. Ang tingin niya ay nanlalabo na rin dahil sa mga luha habang nakabaling kay Jin. Ramdam niya ang hinagpis nito. At wala siyang ibang magawa kung hindi ang pagmasdan lamang ito. Noong una pa lang ay alam na niya ang pwedeng mangyari kapag nalaman ni Jin ang totoo. Alam niya na ang maaaring kahinatnan kapag bumalik na ang alaala nito. At heto na nga, nakikita niya na lahat ang iniiwasan niya na mangyari.

“Ahhhhh!!!” sigaw ni Jin. Wala siyang makapang salita na gusto niyang isigaw upang kahit paano ay maibsan ang sakit o bigat na nararamdaman niya ngayon. Parang pinipiga ang puso niya at sasabog ang utak niya. Iyon pala ang palagi niyang nararamdaman na kirot sa dibdib niya. Kung paano niya nakitang wala ng buhay ang babaeng kauna-unahan niyang minahal.

Napasabunot siya sa sariling buhok.

Napasuntok sa buhangin.

Paulit-ulit na sumigaw sa galit at sakit.

Wala siyang nagawa.

Wala siyang nagawa para iligtas ang babaeng mahal niya.

Wala!

Tumayo na si Rose. At bahagyang umatras mula sa pwesto ni Jin. Gusto niyang aluin si Jin pero alam niyang wala na siyang iba pang magagawa. Kailangan mailabas nito ang lahat ng sakit na napakatagal nitong kinimkim. Ang sakit na pilit na itinago ng mga taga isla mula dito. Pinunasan ni Rose ang sariling mga luha bago dahan-dahang naglakad palayo mula sa binatang patuloy sa paghihinagpis. Kung noon ay palagi niyang iniisip na siya ang maaaring maging sandalan ng mga kaibigan niya sa anumang oras, iba na ngayon. Hindi na nila maaari pang asahan ang isa’t-isa. Sa ganitong klase ng pagkakataon, tanging sarili lamang ni Jin ang maaari nitong maging kakampi at wala ng iba pa.

“I’m sorry Jin, but this time… Hindi na kita matutulungan,” bulong ni Rose. Nagsimula nang maglakad palayo si Rose.

Naiwan si Jin na halos wala ng boses na mailabas dahil sa pagsigaw. Ganito pala kasakit ang lahat. Parang may libo-libong karayom ang sabay na tumutusok sa dibdib niya at nagpapadugo. Halos magpagulung-gulong na siya sa buhanginan habang nakahawak sa ulo niya. Ang mga tabletang pinapainom sa kanya ng mga lolo’t lola niya na sinasabing vitamins daw, ang pagtago ng mga ito sa mga lumang larawan niya ang hindi pagkukwento tungkol sa nakaraan niya. Lahat ‘yun planado… Planado para ikubli sa kanya ang ganito kasakit na pangyayari.

Tuluyan na siyang napahiga sa buhanginan. Humihingal dahil sa pagkapagod umiyak at sumigaw. Sana marunong ding mapagod ang puso niyang maramdaman ang sakit. Malapit nang sumikat ng araw. Nagsisimula nang lumiwanag ang paligid. Mula sa nakakasilaw na liwanag ng sikat ng araw ay unti-unting lumabas ang isang imahe ng nakangiting babae. Mahaba ang buhok nito at bilugan ang mga mata. Kumakaway sa kanya na tila tinatawag siya. Inilahad niya ang nanghihina niyang kamay. Gustung-gusto niyang abutin ang babae. Gustung-gusto niya itong mahawakan. Gustung-gutso niya itong mayakap.

Kung pwede lang sana. “Lila…”

***

“Masaya ka ba talaga sa ginagawa mo?”

Napahinto si Rose sa paglalakad pabalik ng bahay. Hindi niya kaagad nilingon ang nagsalita. Iginuhit muna ngiti sa mga labi bago pasimpleng bumuntong hininga. Nakangiti niyang hinarap ang lalaking nasa likuran niya. “Oh Jojo? Bakit parang ang aga mo naman yatang napasyal dito sa Isla Azul? May problema ba?”

“Nalaman ko ‘yung nangyaring panggugulo ni Mang Mario sa bahay nina Tatay Poncio kagabi,” seryosong sabi ni Jojo na nakausot ng unipormeng pang-pulis.

“Wala ‘yun. H’wag mo nang isipin ‘yun, dahil wala namang nasaktan sa nangyari.”

“Hihintayin mo pa ba na may masaktan ulit?” tanong ni Jojo. “Na may mamatay ulit?”

“Anong ibig mong sabihin?” balik tanong ni Rose. Pinilit ang sarili na matawa habang nakakunot ang noo.

“Kailan ka ba titigil.” Bumuntong hininga si Jojo na tila kumuha ng lakas ng loob sa kung saan para sa mga susunod na salitang lalabas sa bibig niya. “Kailan mo ba ititigil ang lahat ng mga ginagawa mo… Cristy?”

Unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ni Rose at seryosong tiningnan si Jojo. “Ano bang gusto mong palabasin? Akala ko ba may usapan na tayo?! Hinding-hindi ko papakialalaman ang pamilya mo, basta h’wag mo ring papakialaman ang lahat ng gagawin ko sa isla na ito!”

“No’ng una akala ko, kaya kong i-tolerate ang mga ginagawa mo. Pero walang kasalanan sina Grace.” Hindi gusto ni Jojo ang makialam dahil ‘yun ang usapan nila ni Cristy. Sa kanilang limang magkakaibigan, siya lang ang hindi dumaan sa therapy na pinagdaanan ng mga kaibigan niya. Siya lang ang nag-suffer mag-isa. Ang sabo ng papa niya, kaya niya. Kakayanin niya dahil hindi siya pwedeng sumuko. Hindi pwedeng sumuko ang utak niya. Nang panahon na ‘yun, sumabay ang paglala ng diabetes ng mama niya. Na sinabayan ng mga komplikasyon ng iba’t-ibang sakit nito. Hanggang sa tuluyan nang bawian ng buhay. Naiwan siya sa papa niya, mag-isa… Nang araw na nakita niyang umiyak ito dahil sa pagsisisi sa nangyari kayna Kap Ryan, sa pagkawala ng mama niya at sa nangyari sa kanya. Do’n unti-unting bumalik ang isip niya sa kasalukuyan. Unti-unti niyang kinaya ng walang therapy. Kinaya niya lahat ng sakit nang walang kahit na anumang binubura sa alaala niya.

“Bakit kami ba? May naging kasalanan ba kami sa kanila? Si papa? Si Mama? Si Nonoy? Anong naging kasalanan nila para maranasan ang gano’ng klaseng mapait na kamatayan?!” Hindi na napigilan ni Rose ang sarili na maiyak. Five years ago, nang mamatay si Mommy Beatrice, sinimulan niya lahat ng plano ng pagbabalik dito sa Isla Azul. Sinimulan niya sa paghahanap sa mga kabarkada niya sa social media. Una niyang nakita si Jojo. Nakipagkita siya dito at halos hindi ito makapaniwala nang ipakilala niya ang sarili. Lalo na nang ikwento niya kung ano ang tunay na nangyari. Binigyan niya ng isang linggo si Jojo para mag-isip kung tutulungan ba siya sa mga plano niyang pagbalik sa Isla Azul. “May usapan tayo… Hindi ko kayo pakikialaman basta h’wag mo ring pakikialaman ang mga ginagawa ko dito.”

“Alam ko ‘yun, tumutupad naman ako sa usapan natin. Hindi ako nakikialam.” Matigas na sagot ni Jojo. Matagal na niyang pinipigilan ang sarili niya. Mula nang marinig niya ang pagdating ng isang magandang turista sa Isla Azul ilang buwan na ang nakakalipas, hindi na siya natahimik. Pigil na pigil ang sarili na tumawid sa islang ito upang makita kung sino ang turistang sinabi na maputi, hindi katangkaran pero maganda ang mukha. Nai-imagine pa lang niya, alam niyang hindi na siya pwedneg magkamali. Nang mga oras na ‘yon, nagawa pa niyang pigilan ang sarili niya. Hinayaan niya si Rose sa kung ano man ang gusto nitong gawin sa Isla Azul. Pero nang makatanggap siya ng balita tungkol sa isang madugong massacre sa bahay ng kaibigan niyang si Mel, ay sobra siyang nakonsensya. Si Mang Lester kasama ng inosenteng asawa at anak nito ay namatay. Pinatay ng kaibigan niyang pinaniniwalaan ng marami na isang drug addict kagaya ng tatay nito.

“Oh ‘yun naman pala, eh. Bakit balik ka pa ng balik dito sa isla na ‘to?! Oh sige, ganito na lang. Bakit hindi mo hulihin ‘yung mga totoong kriminal dito sa Isla Azul?!” paghahamon ni Cristy habang pilit na pinapatigas ang sariling boses.

“Pwede namang mangyari ‘yun kung makikipagtulungan ka sa akin ng maayos.”

“Tapos ano? Mauuwi lang sa wala ang lahat?! Kapag ba nakipagtulungan ako sa ‘yo, mababalik ba ang buhay ng pamilya kong pinatay ng mga hayop na ‘yon?! Bakit kasi hindi mo na lang aminin?! Pareho lang kayo ng tatay mo na puro pangalan lang ng Isla Azul ang iniisip!” pigil ang luhang muling sumbat ni Rose. “Pareho kayong inutil na pulis!”

Nasasaktan si Jojo sa sinasabi ng dalaga, pero iyon naman ang totoo. Duwag siya. Mahina. Inutil na pulis. “Cristy, naiintindihan kita –”

“H’wag mong sabihin ‘yan dahil hindi mo pinagdaanan ang lahat ng pinagdaanan ko!” Halos hindi naghihiwalay ang mga ngipin ni Rose habang nagsasalita. Madiin niya pang dinuduro-duro ang dibdib ni Jojo. “Walang sinoman sa inyo ang makakaintindi sa akin. Dahil unang-una, hindi ikaw ang pinatayan ng buong pamilya… Pangalawa, hindi ikaw ang pinagkaitan ng totoong katarungan… At pangatlo… Hindi ikaw ang paulit-ulit na pinatay!” Muli siyang naiyak habang pinaghahampas na ang dibdib ng kausap. Malakas. Walang tigil na paghahampas. Hanggang sa unti-unti na siyang mapagod. “Hindi ikaw Jojo… Hindi ikaw… Wala sa inyo ang nakaranas ng lahat ng mapait na pinagdaanan ko. Hindi kayo ang pinatayan ng pamilya sa harapan ninyo. Hindi ikaw ang nakakita kung paano sunugin ang kapatid mong nagmamakaawa at humihingi ng tulong. Kaya h’wag mong sabihin na naiintindihan mo ako.” Lumalalim na ang paghinga niya habang patuloy na umiiyak. Kapag ganitong naalala niya ang lahat ng sakit, nanghihina siya… napapagod. Pero kahit kailan, hindi nababawasan ang sakit.

“Alam ko na hindi magkasing-lalim ng sakit na pinagdaanan natin…” Hinawakan na ni Jojo ang mga kamay ni Rose. Inilapit ito sa kanya bago niyakap at hinayaan ang dalagang umiyak sa dibdib niya. “Cristy, nawalan din ako ng mahal sa buhay. Alam mo ba ‘yung pakiramdam na ‘yung mga kaibigan mo, masayang nagpapatuloy sa buhay nila dahil wala na silang mabigat na alaalang dala-dala… Samantalang ako, kailangan kong kimkimin at dalhin lahat ng mag-isa lang ako.” Hindi na rin napigilan ni Jojo ang sarili na maiyak. Mula nang mawala ang mama niya at unti-unting maging normal ang pag-iisip niya, mas lalo siyang pinatigas ng papa niya. Hindi siya ibinalik ng ospital para sa kahit na anong therapy. Pinilit siya ng papa niya na kayanin lahat ng mag-isa. Hindi biro dalhin ang isang madugong alaala. Ang makita ang isang duguang bahay na alam mong may pinatay na isang buong pamilya. Pero wala nang mas bibigat na makita ang taong mahal mo na kinitil ang sarili niyang buhay. Ang nakabigit nitong katawan na sumasayaw sa hangin. Lawit ang dila na tila nahirapan. Ang halos nakaluwang mga mata na diretsong nakatingin sa kanya. Ang image ng babaeng mahal niya na gabi-gabi niyang napapaginipan. “Kahit kailan, hindi ko pinagtanggol ang papa ko sa naging kasalanan niya sa ‘yo at sa pamilya mo. Ayoko rin isipin mo na kagaya niya ako na walang totoong pakialam sa mga tao. Cristy, ako ‘to si Jojo, ang kaibigan na sobrang concerned sa ‘yo. Kaya nakikusap ako sa iyo… Itigil mo na ito. Itigil mo na ang mga pagpatay ng mga inosenteng tao dito sa Isla Azul.”

Isang napakalalim na buntong hininga ang binitawan ni Rose. Inilayo na niya ang sarili mula kay Jojo. Pinunasan ang mga pisnging basa ng luha bago umiling. “Hindi Jojo, hindi ako titigil… At kahit kailan ay wala akong pinatay dito sa Isla Azul…” Iginuhit niya ang ngiti sa mapulang labi. “Hinding-hindi ko dudungisan ng maduming dugo nila ang mga kamay ko. Dahil sila mismo… Ang papatay sa isa’t-isa..”

“Pero Cristy, ayokong dumating ang araw na ikaw naman ang mapahamak. Ayoko nang maramdaman ‘yung bigat na naramdaman ko nang mawala si Lila dahil wala akong nagawa.” Bumuntong hininga si Jojo bago itinama ang sinasabi. “Dahil wala akong ginawa.”

“Jojo, pareho lang kaming biktima dito ni Lila. Wala kaming kasalanan pero sinira ng isla na ito ang buhay namin. Kaya ngayon, sisirain din namin ang buhay ng mga taong sumira sa amin”

****

“Paps… Kanina pa kita, hinahanap nandito ka lang pala…” bati ni Jojo kay Jin na nakaupo sa may gilid ng Ilog Mabato na bahagya niya pang tinapik sa balikat. Hindi ito sumagot at nanatiling nasa may umaagos ng tubig ang mga tingin. Bumaling ang tingin niya tabi nito kung nasaan ang isang malaking sketch pad at lapis. Napalunok siya ng laway nang makita ang mukha nakaguhit doon. Ang nakangiting mukha ni Lira.

“Jojo, paano mo ‘yun nakaya?” pigil ang mga luha ni Jin habang nagsasalita. Mula nang magkausap sila ni Rose kaninang madaling araw ay buong umaga na siyang nakatulala. Nagawa niya lang maglakad pabalik ng bahay nila nang mataas na ang sikat ng araw. Mabuti na lang at wala siyang inabutan na tao do’n dahil mag-uusisa malamang ang mga ito sa dahilan ng pamumugto ng mga mata niya. Kinuha niya lang ang mga gamit niyang pangguhit bago pumunta dito sa ilog mabato. Iginuhit niya ang isang mukha na kahit kailan ay hinding-hindi na niya makakalimutan pa. “Paano mo nakayang mabuhay ng napakaraming taon na dala-dala ang napakabigat na alaala na ‘yon?”

Mapait na ngumiti si Jojo bago tumingin sa malayo. “Wala naman akong ibang pagpipilian eh. Dahil hindi tayo pare-pareho ng mga magulang. Mula nang maging normal ang pag-iisip ko at nakikita ko kayong mga kaibigan ko noon na masayang nagpapatuloy sa buhay habang walang mga alaala tungkol sa nangyari, naiinggit ako. Sobra. Kaya nga mabuti na rin na lumipat kami sa kabilang isla nang mamatay si Mama. Para hindi ako masyadong nahihirapan sa bigat na dinadala ko dito sa dibdib ko. Lalo na kapag sinasabi sa akin ni papa na, lalaki ka! Magpupulis ka! Kaya dapat matapang ka!” Kaagad niyang pinunsan ang mga pisnging nabasa ng luha. “Pinilit kong kayanin lahat kahit gabi-gabi kong napapaginipan ang madugong bahay ni Cristy… Ang buong pamilya niya. Naalala ko lahat ng kabutihang ginawa nila para sa isla na ito.” Bumuntong hininga siya. “Gabi-gabi akong dinadalaw ni Lila sa panaginip.”

“Dinadalaw ka niya? Anong sinasabi niya?” tila may halong inggit na tanong ni Jin.

“Wala naman. Palagi lang siyang umiiyak. Inaabot ang kamay ko na para bang humihingi ng tulong. Actually minsan, naiisip ko nga… baka naman, hindi talaga siya ‘yun.” Mapait na ngumiti si Jojo bago tumingin kay Jin. “Baka konsensya ko lang ‘yon.”

May halong pagtataka na sinalubong ni Jin ang mga tingin ni Jojo. Wala naman silang naging kasalanan sa nangyayari. Pero bakit kailangan makonsensya ni Jojo?

“Bago ang huling birthday ni Cristy dito sa Isla Azul, matagal ko nang nararamdaman na parang may masamang plano sina Mang Celso kayna Kap Ryan. Pero wala akong ginawa. Hindi ako nakialam kagaya ng gusto ni papa.” Basag ang boses ni Jojo dahil sa pagpigil na maiyak. Hanggang ngayon iniisip niya, paano kung hindi niya sinunod ang papa niya. Paano kung gumawa siya ng sarili niyang desisyon? Mangyayari kaya ang lahat ng ito? Mamamatay pa rin kaya ang pamilya ni Cristy? Madadamay pa rin kaya si Lila? “Marami akong what if… pero alam mo ‘yong biggest what if ko? What if kasama pa rin natin si Lila ngayon, ikaw pa rin kaya ang pipiliin niya kahit halos kalahati lang ng katawan ko ang katawan mo dahil sa payat mo?”

Pinilit ni Jin na matawa. Alam niyang pinapagaan lang ni Jojo ang pag-uusap nilang iyon.

“Alam kong nahihirapan ka pa rin hanggang ngayon… Dahil, sobrang tagal bago ko nagawang tanggalin unti-unti ang bigat sa dibdib ko. Pero Jin, ito ‘yung oras na kailangan nating magpakatatag. Lalo na ngayon na nandito si Cristy sa Isla Azul.” Hindi malinaw kay Jojo ang buong plano ni Rose. Ang alam lang niya ay maghihiganti ito. Sa kung paanong paraan ay hindi na nito idinetalye sa kanya. “Hindi ko sinasabing makialam tayo sa mga plano niya dahil ayoko rin namang mapahamak siya. Alam natin na… Sa simula pa lang ay siya na ang biktima dito sa Isla Azul.”

“Pero ano ba talagang gusto niyang gawin dito? Gusto niya bang patayin ang mga taong pumatay sa pamilya niya?”

Umiling si Jojo bago bumaling ang tingin sa may ilog. “Ang gusto niya… Sirain ang buhay ng mga taong sumira sa buhay niya.”