noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 71

Ch. 72 / 98 Feb 05, 2022

Natagpuan ni Lila ang sarili niya na nakatungtong sa isang upuan habang nakatitig sa lubid na pabilog na ang dulo ay mahigpit niyang itinali sa mataas na kisame ng bahay. Saglit niyang hinawakan ang t’yan niya. Ngayon pa lang sigurado na siyang nagdadalang tao siya at hindi niya alam kung tama ba ang gagawin niya. Ang alam niya lang, gusto na niyang maalis ang bigat sa dibdib niya. Gusto na niyang gumaan lahat.

“Hinding-hindi ka na mag-iisa ulit. Kahit kailan, hindi ako mawawala sa tabi mo, Lila.”

Kaagad niyang pinunasan niya ang luhang kaagad na lumalandas sa magkabilang pisngi niya. hindi tinupad ni Cristy ang pangako nito sa kanya. Nawala rin ito sa tabi niya lalo na ngayong hindi niya alam kung paano haharapin ang lahat kasama ang bata sa sinapupunan niya. Hindi niya kayang makitang nagdurusa ang mga magulang niya nang dahil sa kanya. Kaya mas mabuti pang tuluyan na lang siyang mawala. “Kung nandito ka lang sana bes… Kung hindi mo lang sana ako iniwan.” Muli niyang pinunasan ang mga luha sa pisngi. Saglit na humikbi bago malalim na nagbitaw ng buntong hininga.

Napapailing na hinawakan niya ang pabilog na lubid. Nanginginig ang mga kamay niya habang isinusuot iyon sa leeg niya. Nangangatal ang mga labi niya habang walang tigil ang pag-agos ng luha sa mga pisngi niya. Buo na ang desisyon niya. Tama o mali itutuloy niya pa rin ito.

“P-Patawad po, nanay… Tatay…”

Ipinikit niya ang mga mata. Huminga ng malalim. Bago itinumba ang tinutungtungang upuan.

“A-Arrrrkkkk….” Napanganga ang bibig niya habang ang mga kamay ay mahigpit na nakahawak sa lubid na bumibigti sa leeg niya. Naramdaman niya ang pagluluha ng mga mata niya, ang napakaasim na lasa sa bibig niya at ang tila biglang pangangati sa loob ng lalamunan niya sa kabila ng mahigpit na pagkakapulupot ng lubid sa leeg niya.

Bumibilis ang tibok ng puso niyang tila anomang oras ay sasabog na. Pinilit niyang igalaw ang sariling katawan. Pinilit niyang hawakan ang tali. Kalagan ang mga buhol nito. Gusto niyang sumigaw pero wala nang boses ang lumalabas sa bibig niya. Ngayon niya naiisip na… Hindi… Hindi pa. Ayaw pa niyang mamatay. Hindi pa siya handa. Gusto niya pang makasama ang nanay at tatay niya. Gusto niya pang lumaban at mabuhay. Muli niyang pinilit na abutin ang pinakadulo ng tali kung nasaan ang buhol. Kakalagan niya iyon. Kakawala siya. Dahil gusto niya pang mabuhay. Lalaban siya kahit na ano pa mang mangyari. Pero unti-unti na siyang nawawalan ng lakas. Nangingisay na ang katawan niya at wala na siyang sakit na nararamdaman. Nagsimulang tila bumibigat na ang talukap ng mga mata niya. Unti-unti nang lumalabo ang paningin niya… Hanggang sa tuluyan nang dumilim ang lahat sa kanya.

***

Mag-isang naglalakad si Jin papunta sa bahay nina Lila habang hawak ang isang papel kung saan nakaguhit ang magandang mukha nito. Usapan nilang magkakaibigan na pupuntahan ang dalagita dahil pagkatapos silang interview-hin sa presinto noong araw na pumunta sila sa bahay ay hindi na niya ito muli pang nakita. Tuwing pupuntahan niya ito sa bahay ay hindi siya hinaharap ni Lila. Sinasabi lang nina Nanay Harwina na gustong magpahinga ng kaibigan niya. Paulit-ulit na gano’n kaya humingi na siya ng tulong sa mga barkada niya. Sabay-sabay silang pupunta kayna Lila. Pero siyempre, gusto niyang mauna dahul gusto niyang ibigay ang sketch na matagal na niyang ginawa para dito.

Napahinto siya nang matanaw na ang bahay nina Lila. Saglit na napatingin sa mataas na sikat ng araw. Ganitong-ganito kasaya at kaliwanag ang araw noong papunta sila kayna Cristy, dalawang linggo na ang nakararaan. Nagbitaw siya ng buntong hininga, parang kaydali sa Isla Azul na kalimutan ang nangyari sa pamilya nila Cristy pero hindi para sa kanilang magkakaibigan. At sa ganitong klase ng pagkakataon, sila-sila lang ding magbabarkada ang magiging sandalan ng bawat isa.

Nakita niya sa may palengke si Nanay Harwina kanina, binati niya pa ito at nagsabi siya na pupuntahan nilang magkakaibigan si Lila. Ngumiti si Nanay Harwina pero may lungkot sa mga mata. Alam kasi nito na sa kanilang anim, si Lila ang pinaka-apektado sa nangyayari.

Nagpatuloy na siya sa paglalakad. At nang makarating sa bahay ay kumatok sa pinto.

“Lila? Lila, gising ka na ba?” tawag ni Jin habang sinusundan ng katok sa pinto. Ilang tawag at katok pa ang ginawa niya bago siya nagdesisyon na buksan na ang pintong hindi naka-lock. “Lila, sorry kung – Putang ina! Lila!” Hindi siya palamura. At ito yata ang kauna-unahang pagkakataon na narinig niya ang sarili niyang nagbitaw ng isang malutong na mura, nang makita niya si Lila na nakabigti sa may kisame ng bahay. Kaagad niyang niyakap ang mga binti nitong nanlalamig na. Itinayo niya ang upuan upang kalagan ang tali habang ang mga mata niya ay wala nang tigil sa pagluha. Nangangatal ang mga labi niya pati na ang buong katawan niya. Ilang beses siyang tumayo sa upuan pero kaagad siyang natutumba at nahuhulog dahil sa panginginig ng buong katawan. Hindi niya na alam ang gagawin niya. Puro sugat at galos na ang balat niya sanhi nang ilang beses na pagkatumba sa upuang tinutungtungan. Pinipilit niyang tulungan si Lila at kalagan ang lubid pero wala nang lakas ang patpatin niyang katawan. Hanggang sa matagpuan niya na lang ang sarili na nakaluhod at nakatingala sa nakabigting katawan ng babaeng mahal niya. Tulala at tahimik na umiiyak.

***

“Nasaan si Jin?” takang tanong ni Adolph habang kasabay na naglalakad sina Harris, Jojo at Mel.

“Nakita ko siya kanina no’ng papunta ako sa inyo. Mauuna na raw siya kayna Lila,” sagot ni Mel.

“Ayaw talagang maungusan ni Jojo ah,” kunwa’y natatawang sabi ni Adolph.

“Harris, buti nakasunod ka?” may pag-aalalang sabi ni Jojo. Batid nilang si Lila ang pinaka-naapektuhan sa mga nangyayari ngayon, pero hindi makakaligtas sa pansin niya na pilit na ikinukubli ni Harris ang sakit na nararamdaman. Labag din sa loob niya ang biglang pagsarado sa kaso ng pamilya ni Cristy lalo na at papa niya ang may hawak nito. Para bang minadali ang lahat. Sinubukan niyang sabihin kay Mang Delfin ang tungkol sa mga nakakalat sa loob at labas ng bahay na napansin niya… Ang mga nakita niyang bakas ng bota na may iba’t-ibang laki ng paa. At kagaya ng inaasahan niya, napagalitan lang siya ng papa niyang pulis dahil sa pangingialam niya.

“Oo naman. Hindi ako pwedeng mawala ngayon.” Pilit na tumango si Harris. Halos gabi-gabi siyang tahimik na umiiyak sa kwarto. Ayaw niya ‘yon ipakita sa mommy niya at mas lalong hindi pwedeng marinig ng daddy niya. Mabuti na lang, nand’yan pa rin ang mga kaibigan niya. Sila-sila na lang ang magdadamayan dahil parang pilit na ibinabaon kaagad ng Isla Azul ang lahat ng tungkol sa pamilya ng babaeng mahal niya.

“’Yan pa, malakas ‘yan si Harris,” tinapik pa ni Adolph si Harris. Hindi niya ito gusto dahil minsan, nai-insecure siya sa mga bagay na meron ito na wala siya, kasama na do’n si Cristy. Pero kaibigan niya pa rin ito. Kaibigan pa rin siya ni Harris. At ang magkakaibigan, dapat palaging nagdadamayan.

“Saka alam ko naman na hindi rin gugustuhin ni Cristy na makita niyang nalulungkot tayong lahat ng dahil sa kanya,” ani Harris. Sinabi niya lang iyon pero malakas ang pakiramdam niya na buhay pa si Cristy. Malakas ang pananalig niya. Kahit lahat ng katibayan ay nakuha na ng tatay ni Jojo. Patay na raw ito kasama ni Nonoy at Aling Nimfa. Pinatay raw ni Kap Ryan na ngayon ay nagtatago.

“Oh mga paps, nandito na tayo. Bawal na malungkot,” kaagad na sabi ni Mel nang makarating sa bahay na pupuntahan.

Nag-ingat pa ang bawat isa bago nagkanya-kanya ng ngiti. Bawal malungkot sa araw na ito.

“Lila? Jin?” Tawag ni Jojo habang naglalakad sila palapit sa bahay. Kumunot ang noo niya nang mapansin bukas na bukas ang pinto. Kaagad na nanlaki ang mga mata niya nang tuluyang mabuksan ang pinto.

Ang nakabigting katawan ni Lila na bahagyang sumasayaw sa hangin. Nakaluwa na halos ang mga mga nito, lawit ang dila at nangingitim na ang buong mukha. Si Jin naman ay nakaluhod sa may paanan ng wala ng buhay na dalaga. Tulala habang nakatingala.

“Tang ina paps! Tulungan mo ako ibaba si Lila.” Kaaagad na tinapik ni Harrris si Adolph. “Jojo, si Jin!”

Hindi na nagawa pang ihakbang ni Mel ang mga paa. Naiiyak na napaupo na siya habang nakakapit sa pinto.

Hawak ni Adolph ang malalamig na binti ni Lila. Si Harris ay itinayo ang upuan at tumungtong doon upang kalagin ang lubid. Pareho silang pigil ng iyak hanggang sa tuluyan nang sumuko ang mga mata nila at kaagad na nabasa ng luha ang magkabilang pisngi.

Pinunasan muna ni Jojo ang sariling mga luha bago pumunta sa harapan ni Jin. “J-Jin… J-Jin…” Tinapik-tapik niya ito sa mukha. Blangko ang mga mata nito. Walang emosyon. Parang walang naririnig. Walang nararamdaman.

“Fck! Ayaw matanggal ng lubid!” Pakiramdam ni Harris ay matutumba na siya sa upuan dahil sa matinding panginginig ng mga tuhod at kamay niya.

“Putang ina, paps! Bilisin mo naman!” Naiiyak na sigaw ni Adolph.

“Eto na nga, kinakalas ko naman. Ang higpit talaga!” Tumutulo na ang sipon ni Harris kasabay ng luha niya na hindi niya man lang inalintana at nagpatuloy lang sa ginagawa.

“Jin… Jin… Gising… Jin… Andito kami… Andito kami ng mga kaibigan mo.” Bahagya pang tinapik-tapik ni Jojo ang pisngi ni Jin. Hanggang sa tuluyan na siyang nainis at bigla nang sinapak ang binata, “Putang ina naman Jin! Gumising ka!!!”

“Jojo!” saway ni Harris bago siya tuluyang nawalan ng balanse at nahulog sa sahig. Kaagad siyang inalalayan ni Adolph.

Bumagsak din si Jin sa sahig dahil sa pagkakasuntok ni Jojo sa kanya pero dahan-dahan itong bumangon. Muling umayos ng pagkakaluhod bago tumingala sa bangkay na nakabigti. “Lila…”

Humihingal namang napailing si Jojo. Pinunasan niya ang sariling mga luha niya. Akmang susuntukin niya pa sana ulit si Jin nang umawat na sina Harris at Adolph sa kanya. Kagaya niya ay basang-basa ng luha at sipon ang mukha ng mga ito. “Jin, gumising ka na! Wala na si Lila! Pero nandito pa kami!” Tuluyan nang hindi napigilan ni Jojo ang sarili na mapahagulhol. Binitawan ng dalawang binata ang mga braso niya.

Si Harris ay pinagsusuntok ang dingding ng bahay.

Si Adolph ay sumisigaw sa galit at pag-iyak.

Si Mel ay nakakapit lang sa pinto habang walang tigil ang mga luha.

Si Jojo ay muling hinawakan ang damit ni Jin. Hinihila ito. Pinilipilit na gisingin.

Pero si Jin, nananatili lang nakatingala sa malamig na bangkay na nakabigti sa kisame ng bahay. Walang emosyon ang mga mata pero nakangiti ang mga labi ang magkabilang pisngi ay basang-basa ng mga luha. “Lila…”

***

Nang makauwi sina Tatay Poncio at Nanay Harwina sa bahay, nabutan nila ang anim na binatilyo na tulalang umiiyak habang nakatingala sa bangkay ng nag-iisang anak nila. Halos mahimatay si Nanay Harwina sa paghihinagpis. Kaagad namang humingi ng tulong si Tatay Poncio. Pero huli na rin ang lahat. Wala na talaga ang nag-iisang anak nila na si Lila.

Ilang araw pagkatapos mailibing ni Lila ay may nakita sina Tatay Poncio at Nanay Harwina na isang sulat na naiwan ni Lila. Sulat iyon na humihingi ng tawad sa kanilang mag-asawa ang anak nila. Sulat ng pamamaalam. Nalaman nila ang ginawang kalapastanganan ni Kap Henry sa anak nila. Sinubukan nilang humingi ng tulong kay Mang Delfin para mabigyan ng hustisya ang nangyari sa anak nila. Pero pinayuhan lamang sila nito na bukod sa sulat na iyon, wala na silang iba pang hawak na katibayan. At anumang oras ay maaari silang baliktarin ni Kap henry at sila pa ang mapaalis sa Isla Azul. Kaya pinili na lang nilang mag-asawa na manahimik sa kabila ng napakasakit na pangyayari.

Kagaya ng nangyari sa pamilya ni Cristy, kaagad na nalimutan mga tao sa Isla Azul ang nangyari kay Lila. Ang tungkol sa pagpapakamatay ng isang dalagitang nagdadalang tao. Pinilit ni Kap Henry at Mang Delfin na isarado ang issue. Kapag nagkataon kasi, dudumugin ng media ang isla nila. Masisira ang magandang pangalan at imahe ng Isla Azul.

Pero hindi kaagad naging normal ang lahat para sa limang binatilyo na unang nakakita ng bangkay ni Lila. Ang bawat isa ay madalas na tulala, hindi kumakain, hindi nagsasalita o kaya ay bigla-bigla na lang sumisigaw at umiiyak. Sabay-sabay na ipina-check up ang mga ito. Ang limang binatilyo ay na-diagnose na pare-parehong may Acute Trauma. Isang uri ng sakit sa pag-iisip na nanging sanhi ng magkakasunod na masakit na insidenteng nasaksihan at naranasan.

Ang sabi ng doktor, maaaring pang-matagalan na gamutan ang mangyari sa mga ito. Pero hindi iyon pwede. Dahil planado na ang lahat para sa kinabukasan ng mga binatilyong ito. Kaya nagdesisyon ang mga magulang ng anim na binatilyo na para bumalik ang mga buhay ng mga ito sa normal, dadaan ito sa isang klase ng therapy na hindi man makakaapekto sa kasalukuiyang buhay. Pwede pa ring makaapekto sa hinaharap. ‘Yun ay ang tanggalin sa memorya ng mga ito ang nangyari insidente. Tatanggalin sa isipan ng mga ito ang mga taong naging dahil ng trauma.

Buburahin ang mga nangyari, lugar at mga tao sa alaala nila para muling maging normal ang buhay ng bawat isa.