noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 55

Ch. 56 / 98 Feb 05, 2022

10 Years Ago

“Ang bilis ng araw! Matatapos na kaagad ang bakasyon!” anang isang dalagitang maputi ang kutis, medyo matangos ang ilong at wavy ang mahabang buhok habang nag-iinat. Si Cristy. Naka-indian seat siya sa buhanginan katabi ang bestfriend niyang si Lila. Nasa may bahagi sila ng pampang Isla Azul na hindi naabot ng tubig dagat. Magda-dapit hapon na. Ang ilang mga mangingisda ay itinatali na ang kani-kanilang bangka. May ilan naman na papalaot palang.

“Sinabi mo pa… Sana nga bumagal pa ang araw,” bakas sa boses ni Lila ang lungkot. Simple lang ang hitsura niya, morena ang balat, bilugan ang mga mata, maliit lang ang ilong pero sobrang pango.

Humiga si Cristy. Dinama ang pagdikit ng mga butil ng buhangin sa balat niya.

Gano’n din ang ginawa ni Lila. Nakatingin sila pareho sa kalangitan habang magkadikit ang mga pisngi. “Saan mo balak mag-college?”

“Hindi ko pa alam… Baka sa kabilang isla. Basta hindi sa Maynila,” tugon ni Cristy. “Ayoko nang lumayo eh.”

“Bes, maganda ba sa Maynila?” muling tanong ni Lila. Dito na siya sa Isla Azul ipinanganak at kahit kailan ay hindi pa siya nakaalis dito. Maliban na lang kung tatawid sa kabilang sila para tulungan ang nanay niya na kumuha ng mga panindang gulay. ‘Yon na yata ang pinakamalayo niyang narating.

“Uhmm. Sakto lang. Maraming magandang pasyalan pero magulo,” kwento ni Cristy. Hindi talaga sila legitimong taga-isla ng mga magulang niya. Limang taon pa nga lang silang nainirahan dito kasama ng kapatid niya at mga magulang. May nabili lang ang papa niya na lupa dito na pinatayuan nila ng bahay. Nasa gitna pa ‘yon ng gubat. Dating congressman ang papa niya sa isang lugar sa Maynila, ang mama naman niya ay may-ari ng salon do’n. Nagdesisyon ang mga ito na iwanan ang magulong buhay upang magkaro’n ng simpleng pamumuhay dito sa isla.

“Gaano kagulo?” Hindi naalis ang tingin ni Lila sa kalangitan.

“Dito kasi ‘di ba, tahimik. Wala halos nakawan o patayan, pwede mo ngang iwan ‘yung bahay ninyo nang nakabukas kahit walang tao. Walang mangangahas na pumasok paganakawan. Sa Maynila kasi… Araw-araw may krimen. Pagbukas mo pa lang ng t.v., ang bungad sa balita kung hindi patayan… nakawan... At kung hindi nakawan, drugs naman,” muling tugon ni Cristy. Sa totoo lang, no’ng unang dating nila dito sa Isla Azul… Sobrang nainip siya. Lalo na at walang signal ang cellphone, walang social media at may schedule lang ang kuryente. Pero ngayon, naiintindihan na niya ang mga magulang niya. Mas gusto na niyang manatili dito sa sila kaysa bumalik sa Maynila. “Bakit mo pala natanong?”

“Wala naman. Curious lang ako. Alam mo na, kahit kailan kasi ay hindi pa ako nakaalis sa isla na ito,” sagot ni Lila na biglang natawa. “Nakaalis na rin pala, pwero hanggang kabilang isla lang.”

Natawa na rin si Cristy. “Ikaw pala? Saan mo balaka mag-college.”

Ngumiti si Lila. Mapait na ngiti. “Baka hindi na muna ako mag-aral.”

Biglang napabangon si Cristy at kunot ang noong tumingin kay Lila na bumangon na rin. “Anong sinasabi mo?”

“Uy! Nandito lang pala kayong dalawa!” malakas na bati ng isang patpating kulot na binatilyo. Si Adolph na binatukan pa sina Lila at Cristy.

“Kailangan talaga may batok pa?!” kunwa’y naiinis na sagot ni Lila. “Isang batok pa kulot, sasabunutan na talaga kita hanggang sa umunat ‘yang mga buhok mo!”

Hindi naman sumagot si Adolph at natatawang tumayo lang at tumingin sa malayo. Sa kanilang magbabarkada, aminado siya na siya ang pinakaalaskador at mayabang.

“Gutom na kayo? May dala kaming miryenda oh.” Umupo ang isang mestisong binata sa tabi ni Cristy. Si Harris na may hawak na supot.

“Wow, binallay na tinda ni Aling Maying?” natutuwang tanong ni Cristy.

“Oo,” nakangiting sagot ni Harris habang nakatitig sa mukha ni Cristy. “Dinamihan ko talaga para sa ating lahat.”

“Para sa ating lahat o para kay Cristy lang?” panunukso ni Lila.

“Ayan ka na naman, bes ah!” saway ni Cristy bago muling bumaling sa katabing binatilyo. “Mabuti may tinda na ulit sila.”

“Oo, nagkasakit pala siya kaya isang linggong hindi nakpagluto,” tugon ni Harris.

“Ako nang magbibigay,” anang isang binatilyong moreno ang kulay ang balat at medyo maskulado. Si Jojo, na nakikipag-agawan ng hawak na supot sa isang lalaki, singkitin ang mata at papatpatin ang katawan. Si Jin.

“Ako naman ang bumili nito kanina,” giit ni Jin.

“Pero pera ko ang pinambili mo,” pinandilatan ni Jojo ang kausap.

“Sinabi ko naman na babayaran ko ‘di ba?” Hindi pa rin nagpapatalo si Jin.

Natatawang tumayo si Lila at lumapit sa dalawa. Inagaw niya ang supot na pinag-aagawan ng mga ito. “Para sa akin ba ‘to?” Hindi na niya hinintay pa ang sagot at kinuha na ang isang piraso ng binallay mula sa loob at kinagat bago naglakad pabalik sa tabi ni Cristy.

Natulala saglit sina Jojo at Jin. Para kasing nag-slow motion sa paningin nila ang pagkagat ni Lila ng binallay hanggang sa paglalakad nito pabalik sa tabi ni Cristy. Napakaganda talaga ni Lila.

“Natulala na naman ang mga mokong,” natatawang sabi ng isang medyo matabang binatilyo habang kumakain ng hawak na sariling binallay. Si Mel.

“Haba ng hair…” si Cristy naman naman ang nanukso kay Lila.

Maliit lang ang Isla Azul, at halos lahat ng tao ay magkakakilala. At silang pito ang madalas na magkakasama lalo na kapag ganitong bakasyon. Ang bestfriend ni Cristy na si Lila, ang tahimik na si Jin, ang chubby na si Mel, ang maskuladong si Jojo, ang mestisong si Harris at ang kulot at medyo mayabang na si Adolph.

“Cristy, nandito ka pa pala?” tanong ni Kap Ryan. Ang papa ni Cristy na kabababa lang mula sa isang bangka. Ito ang tumatayong barangay captain sa Isla Azul.

“Opo papa, maaga pa naman po,” nakangiting sagot ni Cristy.

“H’wag ka nang magpapalalim ng gabi ha? Saka sa bahay ka maghapunan,” ani Kap Ryan bago bumaling sa katabing binatilyo ng anak. “Harris, baka naman gusto mo na medyo dumistanysa sa anak ko at malapit nag magdikit ang mga balat ninyo.”

Kamot ang ulong tumayo si Harris. “Actually kap, papunta na po talaga ako do’n sa pwesto nina Jin.”

“Si papa talaga, tinakot pa si Harris,” natatawang sabi ni Cristy.

“Umuwi ka na maya-maya at kung gagabihin ka, magpahatid ka sa mga kabarkdang mong lalaki,” nakagiting sagot ni Kap Ryan. Nasa gitna kasi ng gubat ang bahay nila. Medyo malayo sa ibang kabahayan. Kampante naman siya na walang masasamang tao dito sa isla, pero noon ‘yun. Noong hindi pa nakakapasok sa isla ang mga drug pusher na nahuli nila noong nakaraang linggo. “Sa bahay mo na sila pakainin ng hapunan… Ikaw din Lila. Nami-miss ka na raw ni Nonoy.”

“Opo kap,” nakangiting tumango si Lila.

Lumampas na si Kap Henry sa kanila kasunod ang mga tanod nito.

“Natutulog pa ba ang papa mo?” tanong ni Lila.

“Minsan. Pero hindi ko nakikita,” kumagat si Cristy sa hawak na binallay. “Madalas kasi matutulog ako na gising pa siya, tapos magigising ako na gising na rin siya.”

“Ang sipag niya ‘no…” sabi ni Lila habang ngumunguya.

“Mabalik tayo.” Makahulugang ibinalik ni Cristy ang tingin kay Lila. “May hindi ka ba sinasabi sa akin?”

Bumuntong hininga si Lila bago ngumiti at sinagot ang mga tingin ni Cristy. “Ang totoo, may naipon naman sina nanay na pera pang college ko… Kaya lang gagamitin daw muna namin sa pambayad ng pinagsanglaan ng bangka ni tatay. Ang alam ko nga kulang pa ‘yung pera na ‘yun.”

“Gusto mo ba sabihin ko kayna papa, para matulungan nila kayo?” nag-aalalang tanong ni Cristy.

Kaagad na umiling si Lila. “Hindi, h’wag na… Ang laki na ng utang nina tatay sa inyo, eh. Mabuti nga hindi kami sinisingil kaagad ng mama mo. Saka, h’wag kang mag-alala masyado. May naisip naman na akong paraan.”

“Anong paraan ‘yun?”

“Saka ko na lang sasabihin kasi baka mapurnada pa,” kunwa’y natatawang sagot ni Lila. “Teka, change topic nga tayo. Kayo na ba ni Harris at lagi siyang nakadikit sa ‘yo?”

Tiningnan ni Cristy ang binatilyong tinutukoy ni Lila na nakikipaghabulan sa mga kasamang lalaki sa tubigan. Napangiti siya lalo na ng kumaway ito sa kanya. “Hindi ‘no.”

“Hindi o hindi pa?” nang-aasar na tanong pa ni Lila.

“Eh ikaw… Ang haba-haba ng buhok mo palagi ah!” si Cristy naman ang nang-aasar ngayon. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman niya na parehong may gusto dito sina Jojo at Jin.

“Naku, nangungulit lang naman ang dalawang ‘yun.” Kinagatan ni Lila ang hawak na binallay. Ang mga tingin niya ay nasa dalawang binatilyong pinag-uusapan na nasa may tubig dagat. Pabirong sinasakal ni braso ni Jojo si Jin.

Humalumbaba si Lila at hindi inalis ang tingin kay Lila. “Pero sino sa kanila ang mas lamang sa puso mo?”

Lalong napangiti si Lila. “Alam mo naman na kung sino…” Sa palakasan ng katawan at gandang lalaki, di hamak na mas lamang si Jojo kay Jin. Pulis kasi kasi ang tatay nito at ang alam niya ay sinasanay na rin ito ng papa nito na sumunod sa yapak at maging pulis. Samantalang si Jin, lumaki sa lolo at lola nito… Maaga kasing naulila sa mga magulang. Tahimik, patpatin at walang ibang alam gawin maliban sa gumuhit at magbasa ng mga detective comics. Hindi niya alam kung kailan nagsimula pero sigurado na siya sa sarili niya na sa dalawang binatilyo, mas lamang si Jin sa puso niya.

“Baka naman matunaw na si Jin…” nakangiting sabi ni Cristy.

“Ikaw, ang dami-dami mong napapansin…” natatawang pakli ni Lila bago inubos na ang hawak na binallay.

*****

Ang pamilya nina Harris ang nagmamay-ari ng pinakamalaking lupa at bahay sa Isla Azul. May sarili ring generator ang mga ito kaya kahit gabi ay may kuryente pa rin.

“Delfin, buti nakarating kayo ni Elisse,” bati ni Mang Henry sa dumating na bisita. Birthday ng anak niyang si Harris. At kapag ganitong may selebrasyon sa bahay nila ay imbitado lahat ng tao sa isla. “Nasaan ang anak mo? Si Jojo?”

“Dinaanan pa ang barkada niya, alam mo naman ‘yun. Pero susunod na rin ‘yun,” tugon ni Mang Delfin. Isa itong hepe ng pulisya na nakabase sa Isla Azul.

“Elisse, parang tumataba ka yata?” pansin ni Tita Lani, ang asawa ni Mang Henry. Ayaw nito na nagpapatawag ng ‘Aling’.

“Sinabi mo pa! Ang hirap mag-diet lalo na at may pakain kayo kagaya ngayon!” natatawang sagot ni Aling Elisse, ang asawa ni Mang Delfin. Medyo mataba ito at diabetic.

“Nand’yan na pala sina Nimfa!” pansin ni Tita Lani sa bagong dating na bisita.

Naglakad papalapit kayna Mang Henry sina Kap Ryan, kasama ang asawa nitong si Aling Nimfa at mga anak na si Cristi at Nonoy, na seven years old.

Napalunok ng laway si Mang Henry ng saglit na mapatingin kay Cristi. ‘Napakagandang bata.’

“Kumusta? Ang daming tao ha,” nakangiting bati ni Aling Nimfa habang hawak-hawak ang kamay ni Nonoy. Si Cristi ay humiwalay na para hanapin ang mga kaibigan.

“Wala pa nga sina Lola Cita at Lolo Ambo,” tugon ni Tita Lani. “Alam mo Nimfa, nagsisitabaan na kami pero ikaw… Hanggang ngayon parang dalaga pa rin ‘yang katawan mo.”

“Ano ba talagang sikreto o diet mo?” si Aling Elisse ang nagtanong. Aminado siyang kailangan niya talagang magkontrol sa pagkain pero sadyang mahirap.

“Mabilis lang talaga ang metabolism ko pero malakas talaga akong kumain,” nakangiting sagot ni Aling Nimfa. Madalas nga siyang tanungin tungkol sa katawan niya pero ‘yun din ang palagi niyang isinasagot. “Teka, nasaan ang mga asawa natin?”

Napapailing na tinuro ni Aling Elisse ang tatlong lalaking humiwaly sa kanila at nagkukumpulan kasama ang ilang mga lalaking taga-isla. “Nagbo-boys talk na naman ang mga asawa natin.”

***

“May follow up na ba kung sino ang nagpasok ng drugs dito sa isla?” tanong ni Kap Ryan kay Mang Delfin na katabi si Mang Henry. Kasama nila sina Mang Celso, Mang Mang Mario at Mang Lester.

“Wala pa… Ang sabi kasi ng mga small time pusher na nahuli natin, galing daw sa kabilang isla,” tugon ni Mang Delfin.

“Imposible ‘yun dahil hindi nga sila umalis dito sa isla kaya paanong manggagaling ‘yun sa kabilang isla?” giit pa ni Kap Ryan.

“Ano bang gusto mong palabasin?” tanong ni Mang Celso.

“Nahuli naman na ang mga pusher, ano pa bang dapat mangyari? Ang ibig kong sabihin, ano pa bang dapat gawin eh nakulong na nga sila,” medyo inis na sabi ni Mang Henry. Siya ang dating kapitan dito sa isla bago siya natalo sa nagdaang eleksyon ni Kap Ryan. Pero hindi niya pa rin mapigilan ang makialam sa mga ganitong nangyayari sa isla.

“Ilang gabi na ring puyat ang mga tanod natin, at isang beses lang naman na may nahuling gumagamit at nagebebnta dito sa isla. Nakulong na sila, hindi ba dapat tapos na ‘to?” inis din na tanong ni Mang Celso. Isa siya sa pinamakatagal nang nakatira dito sa isla. Matagal na siyang tanod, at dito lang siya kay Kap Ryan napupuyat at napapagod.

“Ang mahuli kung sino ang mga taong pumapasok o nagpapasok ng drugs dito sa atin,” seryosong sagot ni Kap Ryan. Bumaling ito kay Mang Henry. “Kung ipa-media na kaya natin ito? Hindi ba may kakilala ka sa media? Baka makatulong sila sa atin.”

“Hindi naman pwede ‘yun,” kaagad na tanggi ni Mang Henry.

“Oo nga naman kap, pag-ispan ninyo munang mabuti ito,” segunda ni Mang Lester.

“Bakit hindi? Makakatulong sila para malaman natin kung sino ang pwedeng nagpapasok ng mga drugs na ‘yun dito,” ani Kap Henry. Sa totoo lang ay may ideya na siya kung sino ‘yun pero ayaw niya lang pangunahan ng walang kahit na anong ebidensya.

“Dahil baka lumabas sa media na hindi na tahimik ang isla na ‘to. Na napasok na tayo ng mga drug addict at pusher,” si Mang Delfin ang sumagot. Sa tagal niyang pulis ay hindi ito ang unang beses na may nahuli silang drug pusher o kaya ay user. Pero hangga’t maaari, hindi nila nilalabas sa media. Dahil kilala ang lugar nila sa pagiging tahimik at walang kahit na anong record ng krimen.

“Pero ‘yun naman ang totoo ‘di ba? Hindi perpekto ang lugar na ito hindi kagaya ng iniisip ng iba. Walang mawawala kung lumabas man ito sa media… Kaya gusto ko nang malaman kaagad kung sino ba ang totoong nagpapatakbo ng mga drugs na ito dito sa isla natin,” seryosong sagot ni Kap Ryan. “At mahulihan ko lang talaga sila ng ebidensya, ako mismo ang magpapaalis sa kanila dito sa isla.”

Makahulugan at pasimpleng nagtinginan sina sina Mang Celso, Mang Mang Mario, Mang Lester at Mang Henry.

****

Sa bakuran pa lang ng malaking bahay nina Harris ay marami na kaagad tao. Ang iba ay may hawak na plato ng pagkain, ang iba naman ay bote ng alak… Nagkalat din ang iba’t-ibang kulay ng Christmas light kahit hindi pa naman pasko. Ganito talaga ang selebrasyon sino man ang may birthday sa pamilya.

Inilibot ni Cristy ang paningin nang makapagpaalam siya sa mama siya na hihiwalay muna upang hanapin ang mga kaibigan. Nakita niya ang iba nilang kaklase na hindi niya masyadong ka-close, sina Grace kasama ang mga kaibigan nito. Nasa grupo nito si Adolph na nginitian siya pero hindi kaagad lumapit sa kanya. Hindi naman ito close kayna Grace pero kinakapatid nito ang dalagaita. Alam niya rin na malaki ang pagkagusto ni Grace kay Adolph. Mabuti na lang at nilapitan kaagad siya ni Mel, dahil nagkaro’n siya ng kausap habang naghihintay. Napangiti na siya nang makita ang pagdating nina Lola Cita at Lolo Ambo kasama si Jin. Kasunod ng mga ito ang magulang ni Lila kasama ang bestfriend niya at si Jojo.

“Guys! Mabuti nakarating kayo lahat!” bati ni Harris ng lumapit kayna Cristy. Niyaya niya ang mga ito sa isang lamesa na may pitong upuan na nakapalibot. May mga pagkain na rin do’n at mga inumin. Para sa kanila talaga ang pwesto na ‘yon.

Humiwalay na rin si Adolph kayna Grace at lumapit sa kanila.

“Grabe paps, ang bongga talaga magpahanda ang daddy at mommy mo,” namamanghang sabi ni Mel habang puno ng pagkain ang bibig.

“Ewan ko ba sa mga ‘yun. Sabi ko nga kahit kayo-kayo na lang ang invited, okay na sa akin. Hindi pa rin nagpa-awat,” kamot ang ulong sagot ni Harris.

“Baka naman kasi nagpapalakas ang daddy mo kasi tatakbo ulit na kapitan,” bakas sa boses ni Adolph ang pang-aasar. Sa kanilang grupo, si Harris ang madalas nitong asarin.

“Oh, awat na… Birthday ngayon ni Harris, bawal siyang asarin.” Si Jojo ang madalas na kakampi ni Harris.

“Ano ka ba, okay lang. Hindi ako pikon ngayon,” natatawang sagot ni Harris. “Pero thank you ha, kasi dumating kayo. Alam ninyo naman na baka sa Maynila na ako mag-aral.”

“Tuloy na pala ‘yun?” nakangiti pero may himig ng lungkot ang boses ni Cristy. Pwede rin naman siyang mag-aral sa Maynila ng kolehiyo dahil binigyan siya ng pagpipilian ng mga magulang niya pero ayaw niyang malayo sa mga ito.

Bumuntong hininga si Harris. Hindi rin niya gustong umalis ng Isla Azul at mag-aral sa malayo. Pero mukhang buo na ang desisyon ng mga magulang niya. “Kinukumbinse ko pa rin sina daddy na kahit sa kabilang isla na lang ako mag-aral. Kaya lang, gusto talaga nilang mag-doktor ako.”

“Doktor?! Wow! So kung sakali pala, ikaw ang magiging kauna-unahang doktor dito sa isla natin!” sabi ni Jin.

“Doktor Harris Penalosa! Ang pogi paps!” sambit ni Jojo.

Umismik lang si Adolph.

“Baliw… Malayo pa ‘yun,” tugon ni Harris.

“Eh ‘di ba gusto mong maging photogrper?” takang tanong ulit ni Cristy. Madalas iyon makwento sa kanya ng binatilyo.

“Oo, kaya lang alam mo na… Kung ano ang gusto ni daddy… ‘Yun ang kailangan masunod,” may himig ng lungkot ang boses ni Harris.

“Ano palang laman ng paper bag na bitbit mo?” pansin ni Lila bago kumutsarap ng leche plan at isinubo.

“Ah ito…” Lumingon muna si Harris kung nasaan ang daddy niya. Malayo naman sa pwesto nila kaya nilabas niya ang laman ng paper bag. Isang polaroid camera.

“Wow paps! Mahal ito ‘di ba!” sabi ni Jin habang hawak ang kamera.

“Hindi ako sigurado kasi galing kay mama ‘yan. Pataago niya pang inabot sa akin kanina,” ani Harris.

“Bakit patago?” takang tanong ni Lila.

“Eh kasi ayaw ni daddy na ine-entertain ko ang hobby ko. Ayaw niya rin na kinukunsinti ni mommy ‘yung ginagawa ko. Kesyo makakasira raw sa pag-aaral ko. At kapag nalaman niya na ito ang regalo sa akin ni mommy.” Pinaikot ni Harris ang mga mata. Pigil ang tawa at inis. Tanggap naman na niya na magdo-doktor siya kagaya ng gustong mangyari ng daddy niya. Pero ang pigilan siya nito sa mga ibang bagay na gusto niyang gawin. ‘Yon ang mas ikinalulungkot niya. “Siguradong mag-aaway ang dalawang ‘yon.”

“Mabuti na lang talaga mabait si Tita Lani!” nakangiting sabi ni Cristy na pinapagaan ang loob ni Harris. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman niya ang paghihigpit ng daddy nito para sa sariling pangarap kay Harris. Saglit niyang inilibot ang tingin at kumunot ang noo niya nang mapansin ang isang lamesa kung nasaan sina Mang Henry kasama ang iba lalaking taga-isla… Nag-iinuman ang mga ito. Pero hindi ‘yun ang nakaagaw ng pansin niya. Kung hindi ang pag-uusap ng mga ito habang nakatingin sa papa niya na nakatayo at seryosong nakikipag-usap kay Mang Delfin sa hindi kalayuan. Kung pagmamasdang mabuti kasi, parang pinag-uusapan ng grupo ang papa niya at si Mang Delfin. Seryoso ang mukha ng mga ito pero may bahid ng pagkainis. May gigil na parang itinatago.

“Bes, okay ka lang?” tanong ni Lila.

“Ah, oo...” tipid na sagot ni Cristy.

“Eh bakit hindi pa natin binyagan ‘to?” tanong ni Jojo kay Harris.

“Sige, tara. Gusto ko talaga na mga mukha natin ang magiging kauna-unahang laman ng kamera na ‘to.” Tumayo si Harris at tinawag ang isa sa pinakamatagal na nilang katulong na si Manang Lucia. Nakisuyo siya na kuhanan silang magkakaibigan ng litrato. At nang maituro kung paano iyon gamitin ay niyaya na niya ang mga kasama.

Tumayo silng pito at nagdikit-dikit. Nasa gitna sina Cristy at Lila. Katabi ni Cristy si Harris na kasunod si Adolph at Mel. Ang katabi naman ni Lila ay si Jin na kasunod si Jojo.

“One… Two…” bilang ni Manang Lucia. “Threee!”

Nagkanya-kanya ng wacky pose ang magkakaibigan. Akmang aakbayan ni Jin si Lila pero hinila ito ni Jojo. Nakalobo ang mukha ni Mel at nakasungay naman ang dalawang daliri ni Adolph sa ulo ni Harris. Nakangiti lang si Cristy pero nakahawak ang kamay niya sa kamay ni Harris.