noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 85

Ch. 86 / 98 Feb 05, 2022

Malalim ang buntong hininga na binitawan ni Rose habang pinagmamasdan ang pagsasayaw ng mga dahon ng kawayan hindi kalayuan mula sa kinauupuan niya. Tahimik ang paligid na pinaiingay lamang ng huni ng mga ibon at malakas na agos ng tubig sa ilog mabato.

Nabalitaan niya ang ginawang pagpapatiwakal ni Grace kahapon. Gustong-gusto magdiwang ng puso niya sa tuwa dahil batid niya ang pagdurusa na pinagdadaanan ngayon ni Mang Celso sa pagkawala ng nag-iisa at pinakamamamahal nitong anak. Pero bakit gano’n? Bakit hindi pa rin gumagaan ang pakiramdam niya kahit parang nagiging matagumpay ang paghihiganting ginagawa niya?

Kailanman ay hindi sila naging maging magkaibigan ni Grace. Ni hindi sila naging malapit sa isa’t-isa. Gano’n pa man, ang pagiging anak ng isang rapist at mamamatay tao ang naging kasalanan nito kaya nadamay sa mga plano niya.

Wala siyang planong pumunta sa burol ni Grace kahit gaano pa niya kagustong makita ang pagluluksa ng isa sa mga lalaking sumira sa buhay niya. Siguro sapat nang alam niya na nasira na niya rin ang buhay nito.

Nakagat niya ang mga labi nang maalala ang kanyang mga magulang at kapatid. Masaya kaya ito sa nakikitang paghihiganting ginagawa niya? O kinamumuhian siya dahil nilalamon na siya ng kasaamaan niya?

“Ilang tao pa ba ang hihintayin mong mapahamak?”

Hindi na nilingon pa ni Rose ang lalaking nagsalita dahil umupo na ito sa tabi niya. Napaismik siya. Alam na alam talaga ni Jojo kung saan siya matatagpuan. “Hindi ko alam at wala akong pakialam kung sino ang madamay o mapahamak.”

Hindi man sinasalubong ni Rose ang mga tingin niya. Alam ni Jojo na nagpipigil na ito ng mga luha, bakas kasi sa basag nitong boses. Wala naman talaga siyang planong makialam sa paghihiganti nito. Pero masyado na kasing marami ang nadadamay. “Kailan ka ba talaga hihinto sa ginagawa mo?!”

“Ikaw? Kailan ka ba gagawa ng paraan para mabigyan ng totoong hustisya ang pamilya ko? Kailan mo isusuko ang kaduwagan at kasalanan ng tatay mo?” noong unang beses na magkita sina Rose at Jojo pagkatapos ng maraming taon, inamin nitong pumunta sina Kap Henry sa bahay nito upang humihingi ng tulong kay Mang Delfin, na pagtakpang ang isang malagim na krimen at ibunton lahat sa tatay niya na walang ibang gusto kung hindi ang kabutihan sa Isla Azul.

Hindi kaagad nakasagot si Jojo. Kahit gaano niya katagal na pagsisihan ang gabi ng pagtahimik niya noon, hindi na rin naman maibabalik pa ang buhay ng pamilya ni Rose. Pero hindi pa ba sapat ang ilang taon na pagdurusa at paghihirap niya sa isang alaala na gabi-gabi siyang dinadalaw sa panaginip?

Isang malalim na buntong hininga pa ang binitawan ni Rose habang pigil pa rin ang sarili na maiyak. “Hindi mo kasi ako naiintindihan. Walang sinoman sa inyo ang makakaintindi ng lahat ng ginagawa ko ngayon.” Nangangatal na ang boses niya. Nagpatuloy siya sa pagsasalita habang ang mga luha ay tuluyan nang kumawala mula sa mga mata niya. “No’ng sinabi ko sa kanilang tumigil na sila dahil sobrang sakit na... No’ng sinabi kong tama na dahil hindi ko na kaya. No’ng nagmakaawa ako sa kanila na ayoko na… Nakinig ba!? Tumigil ba sila?! Naawa ba sila sa akin o sa amin ng pamilya ko?! Hindi Jojo!” Mapait ang ngiti sa mga labi niya habang nakatingin sa katabi. Muling bumabalik ang sakit at bigat sa dibdib niya. Pinipilit niyang pigilan pero lalo lamang nagwawala ang mga luha niya. Kapag ganito kapait ang alaalang bumabalik sa kanya, nilalamon na siya ng bigat na nararamdaman niya. At wala nang ibang bagay ang tumatakbo sa isip niya kung hindi ang paghihinganti. “Hindi sila huminto dahil wala silang pakialam kahit masaktan o mamatay kami ng pamilya ko ng mga oras na ‘yun. Kaya bakit ako hihinto ngayon? ! Sabihin mo sa akin, bakit ako dapat maawa sa kanila kung sila mimso ay hindi naawa nang isa-isa nila kaming patayin ng gabi na ‘yon?!”

“Pero walang kinalaman si Grace sa nangyari!” giit ni Jojo. Nangako siya na hindi makikialam sa mga plano ni Rose pero hindi niya naman alam na marami pala ang pwedeng madamay at mapahamak.

“Oo, pero wala ring kinalaman o atraso ang pamilya ko sa sinoman sa isla na ‘to!” Nangangatal na ang mga labi ni Rose. Basang-basa ng luha ang magkabilang pisngi niya. Wala… Walang sinoman ang makakaintindi sa sakit na naramdaman niya ngayon. “Uulitin ko, Jojo… Wala akong pakialam kahit sino po ang madamay. Kahit ikaw pa.. Si Jin… Si Adolph… O Harris.”

****

“Inuumaga ka yata ng uwi.”

Napapitlag si Jojo nang biglang magsalita si Mang Delfin na nakaupo pala sa may sofa. Hindi niya kasi binuksan ang ilaw nang makapasok sa loob ng bahay at maingat na isinasarado ang pinto upang hindi na magising alimman sa papa o madrasta niya. Bukas ang lampshade na nasa ibabaw ng katabi nitong lamesa. Hawak ng papa niya ang isang tasa ng kape. “Dumaan po kasi ako kayna Mang Celso. Unang gabi po kasi ngayon ng burol ni Grace.”

Napabuntong hininga si Mang Delfin bago ibinaba sa may katabing maliit na lamesa ang hawak na tasa. Kahapon pa niya nalaman ang tungkol sa pagpapatiwakal na ginawa ni Grace pero hindi pa siya dumadalaw sa burol nito o kahit man lang sa bahay ni Mang Celso. May kung anong pumipigil sa kanya na dumalaw. Kahit ang kaibigan niyang si Kap Henry ay isang beses niya pa lang pinuntahan sa presinto sa kabilang isla. Pakiramdam kasi niya ay ayaw niya munang makita alinman sa mga kaibigan niya. Na sa tuwing magkakasama-sama sila, may isang parte ng nakaraan niya ang bumabalik sa isipan niya na tila kahapon lang nangyari.

Ang pagkatok ng mga ito sa pinto ng bahay nila noon upang humingi ng tulong sa nagawang krimen sa pamilya ng taong minsan ring naging malapit sa kanya. Labag sa kalooban niya ang hinihinging pakiusap ng mga ito. Ang palabasing si Kap Ryan ang pumatay sa sariling pamilya na bigla na lang naglaho upang magtago. Pero wala na siyang nagawa pa. Kabilang sila sa mga naging unang tao na nanirahan dito sa Isla Azul at isa pa, malaki ang utang na loob niya kay Kap Henry. Hindi niya ito pwede at kayang ipagkanulo.

“Pa, magpapahinga na po ako,” paalam ni Jojo.

“Ang babaeng turista, nasa Isla Azul pa rin ba siya?”

Napahinto sa paglalakad si Jojo habang may kaba sa dibdib niya dahil sa naging tanong ni Mang Delfin. Bakit kaya bigla nitong nabanggit Rose. Posible kayang may alam na ito ssa totoong nangyayari? Kilala niya ang papa niya, pareho silang mag-isip at magplano. “O-Opo. Bakit ninyo po natanong?”

“Wala lang. Hindi ko pa kasi siya nakikita. Ano bang hitsura niya?”

Lumunok ng laway si Jojo. Wala sa kanya ang mga tingin ng papa niya pero parang sinusubukan nitong basahin ang isip niya. “Maganda po.”

“Meron ka bang napansin sa kanya na kakaiba?”

“Ano po ba ‘yon, ‘pa? Bakit hindi ninyo pa po ako diretushin?” Hindi na nakatiis na balik tanong ni Jojo. Ayaw niya nang ganito kaseryoso na topic kapag ang papa niya ang kausap. Mas lalo kasi siyang kinakabahan.

“Napansin ko lang. Mula nang dumating siya parang nagkagulo na sa Isla Azul,” tugon ni Mang Delfin. Hindi niya pa nakikita ang sinasabing magandang turista pero marami na siyang bagay na naririnig tungkol dito. Kahit kasi retired na general na siya, dumadaan pa rin sa kanya ang mga report na ng gulo na nangyayari sa mga kalapit na isla. Lalo na sa Isla Azul kung saan siya ipinanganak at tumanda.

“N-nagkataon lang po ang lahat,” tanggi ni Jojo. Hindi niya pwedeng ipahamak si Rose. Mas lalong hindi kakayanin ng konsensya niya. “Sige po, magpapahinga na po ako.”

“Jojo, ginusto mo ba talaga ang maging pulis?”

Hindi naituloy ni Jojo ang paglalakad dahil sa muling naging tanong ng papa niya. Pati siya ay napatanong sa sarili niya. Ginusto niya nga ba taalaga ang maging pulis? O ginusto niya lang na sundin ang lahat ng utos ng papa niya? Kung may isang bagay siyang pinangarap noon para sa sarili niya, ‘yon siguro ay ang maging isang teacher. Mahilig kasi siya sa mga bata. Pero nabuo ang desisyon niya na maging pulis mula nang mangyari ang isang malagim na krimen sa Isla Azul. Nangako siya no’n sa sarili niya na magiging pulis siya at bibigyan ng katarungan ang nangyari sa pamilya ni Rose, na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin natutupad. “Opo. Dahil gusto ko pong mabigyan ng katarungan ang mga taong pinakaitan ng totong hustisya. ‘Pa, pagod na po ako. Bukas na lang po tayo mag-usap.”

Hindi na muling pinigilan ni Mang Delfin ang anak na tumuloy nang pumasok sa kwarto nito. Tuluyan naman niyang inubos ang malamig ng kape na laman ng tasa niya. Sa halos tatlum pung taon ay naging malamig at matigas siya sa anak niya. Gusto niya kasing lumaki ito ng kasing tapang at tatag niya. Gusto niyang palakihin ito kagaya ng ginawang pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niya. Kaya kahit malaki ang trauma na naging epekto sa anak niya dahil sunud-sunod na mabibigat na pangyayari sa Isla Azul, pinilit niyang kayanin nito ng walang kahit na anong therapy. Siya ang nagdesisyon na hindi alisin sa alaala ni Jojo ang nangyari. Naniniwala siya na mas magiging matibay ang loob ni Jojo kapag nalamapasan ito habang dala-dala ang isang mapait na alaala.

Gusto niya kasi na bukod sa kanila nina Mang Celso, Mang lester, Mang Mario at Kap Henry… May isa pang nakakaalam kung sino ang mga totoong kriminal sa loob ng Isla Azul.

Wala siyang kakayahan na ipakulong ang mga kaibigan. Hinihiling niya na sana, ang anak niyang si Jojo ang maglakas loob na gumawa ng aksyon para mabigyan ng hustisya ang nangyari sa pamilya ng lalaking minsang itinuring niya rin na kaibigan.