“Nakikiramay po ako Mang Celso. Hindi raw po muna makakapunta ngayong gabi sina Lolo Ambo dahil inuubo po siya,” sabi ni Jin sa nilapitang lalaki. Pero hindi sumagot si Mang Celso. Nakatulala lang sa kabaong ng anak.
Huling gabi ng burol ni Grace kaya medyo marami ng tao sa bahay nito. Karamihan sa mga ito ay kilala ni Jin dahil mga naging kaklase no’ng highschool. Pero hindi niya na nginitian pa dahil wala siya sa mood na makipag-usap sa mga taong hindi naman talaga malapit sa kanya. Nilampasan na lamang ang mga ito at umupo sa may tabi ni Jojo na nasa sulok.
“May nadamay na naman…” ani Jojo habang nakatingin sa tulalang si Mang Celso.
“Ano ba talagang gustong mangyari ni Rose?” naguguluhang tanong ni Jin.
Bumutong hininga si Jojo bago umiling. “Sa totoo lang, hindi ko na rin alam. Minsan nga nagsisisi ako na dapat hindi ako nakipagkasundo sa kanya. Hindi ako dapat pumayag sa gusto niyang mangyari na hindi ako makikialam sa lahat ng gagawin niya dito sa Isla Azul.”
“Ginawa mo lang siguro kung ano ‘yung mas makabubuti para sa pamilya mo.” Ramdam ni Jin ang labis na pagsisisi sa boses ni Jojo.
Umismik naman si Jojo. “Para sa tatay ko. Siya lang naman ang mapapahamak sa amin sa oras na sabihin ni Rose ang totoo.”
“Hindi ko talaga maintindihn. Bakit ba kasi hindi na lang dumaan si Rose sa tamang proseso para makuha niya ang hustisya para sa pamilya niya?”
“Dahil ayaw niya ng hustisya. Ang gusto niya, paghihiganti.” Hindi naaalis ang tingin ni Jojo sa nakatulalang si Mang Celso. Mamaya lang ay paparating na ang papa niya at inaasahan niya na kahit paano ay mapapagaan nito ang loob ni Mang Celso. Muli niya tuloy naalala ang naging pag-uusap nila no’ng nakaraan araw. Ang pag-uusisa nito tungkol kay Rose. Alam niyang hindi pa nakikita ng papa niya ang babaeng turista. At kung makita man ito ni Mang Delfin, sigurado naman siyang hindi kaagad makikila ni Mang Delfin ang babaeng turista. Pero bakit parang iba ang pakiramdam niya sa paraan ng pagtatanong nito sa kanya noon tungkol kay Rose? Kilala niya ang tatay niya at alam niyang pareho silang mag-isip at mabilis makapansin ng mga kahina-hinalang tao. Kapag nagkataon, sigurado siyang mapapansin kaagad nito ang babaeng turista.
“Ilan pa ba ang hihintayin niyang madamay? Wala namang kinalaman si Grace sa nangyari sa kanya. Pati na si…” Saglit na hindi naituloy ni Jin ang sinasabi ng maalala ang namayapang kaibigan. Ngayong bumalik na ang lahat ng alaala niya. Alam niya na kung gaano ba sila minsang naging malapit sa isa’t-isa ng mga kababata. Lumunok siya ng laway bago muling nagsalita. “Pati na si Mel.”
Hindi lingid sa kaalaman ni Jojo na bumalik na ang buong alaala ni Jin, kaya siguro iba na ang sakit sa tono ng pagsasalita nito ng mabanggit ang pangalan ni Mel. Alaalang dinala niya sa sarili sa napakahabang panahon. “Alam mo minsan, gusto ko nang magalit kay Rose dahil sa mga ginagawa niya. Pero hindi ko pa rin siya masisi. Umalis ang pamilya nila sa Maynila para mamumay dito sa isla natin ng malayo sa gulo at pulitika. At mula nang dumating sila dito, aminin man natin o hindi, nagkaro’n tayo ng totoong katahimikan. Katahimikan na matagal ng inaasam ng mga tao dito sa atin. Pero anong sinukli ng Isla Azul sa kanila?” Malalim na buntong hininga ang binitawan niya. Iniiwasan niya na mapag-usapan nila ni Rose ang tungkol sa nakaraan. Dahil sa tuwing babalikan nila iyon, nakikita niya sa mukha ng dalaga ang lalim ng sugat at sakit na ilang taon nitong kinikimkim. Sa bigat ng mga luha nito, ramdam niya ang pagnanais nitong makaganti sa mga taong pumatay sa pamilya nito. “Kamatayan lang ang isinukli ng Isla Azul sa kanila.”
Si Jin naman ang napabuntong hininga. May punto si Jojo. Kapayapaan at katahimikan lang naman ang gusto nina Kap Ryan noon. Wala itong sinoman na inapakan at inargabyado. Napakadaling lapitan, mapapera man, pagkain o kahit na anong probelma pa ay pipilitin ni Kap Ryan na bigyan ng tulong at solusyon. Halos unahin na ang Isla Azul kaysa sariling pamilya, pero ang isla din pala ang magiging dahilan upang mawala ang pamilya nito. “Pero kailan niya balak tapusin ‘to? Hindi pa rin ba tayo makikialam? Hindi pa rin ba natin siya pipigilan?”
Litung-lito na napailing si Jojo. Hindi niya na rin kasi talaga alam ang dapat gawin. Ayaw na niyang may iba pang madamay at gusto na rin niyang matahimik ang Isla Azul. At ang isa sa pinaka-kinakatakot niyang mangyari… Ay ang mapahamak ang turista sa kanilang isla. “Hindi ko alam. Hindi ko na rin alam…. Naguguluhan na rin ako.”
****
Sa labas pa lamang ng simbahan ay marami ng nakitang tao si Mang Delfin. Malamig ang hangin na nanunuot sa suot niyang makapal na jacket. Malalim na kasi ang gabi pero nagliliwanag pa rin ang paligid dahil sa mga ilaw mula sa loob ng bahay nina Mang Delfin. Maingay din dahil sa mga tao sa labas. Mag nagsusugal, may umiinom ng alak at may kumakain din ng hapunan. Wala yata siyang nakasalubong na hindi tumango o bumati sa kanya. Kahit ang iba na hindi niya kilala ay binabati rin siya. Noong naninirahan siya dito sa Isla Azul, lahat halos ng mga taga-rito ay kilala siya bilang isang istrikto at mabuting pulis na walang ibang hinangad, kung hindi ang kapayapaan ng isla.
Nang makapasok sa loob ng may kalakihang bahay ay hinanap kaagad ng mga mata niya ang lalaking pakay. Nakita niya si Mang Delfin na nakaupo hindi kalayuan mula sa isang puting kabaong na may mga palamuting maliliit na pilak sa gilid.
Saglit niya pang pinagmasdan si Mang Celso. Ilang araw pa lamang ang nakalilipas pero halata na malaki ang ipinayat nito. Humumpak ang pisngi at lalong inugat ang leeg. Lumalim din ang mga mata at nanunuyot ang mga labi. Halatang hindi nakakatulog ng maayos ang kaibigan niya.
“Celso…”
Itinaas ni Mang Celso ang mga tingin sa nagmamay-ari ng kamay na nakahawak sa balikat niya. Si Mang Delfin.
“Nakikiramay ako,” ani Mang Delfin at nang hindi sumagot ang lalaki ay umupo na siya sa tabi nito. Saglit na namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Sa kanilang magkakaibigan ay si Mang Celso ang kahuli-hulihang nagkaro’n ng anak, kaya nga inasahan nila na ituturing na bunso nina Jojo si Grace. Pero hindi ito naging malapit sa mga anak nilang lalaki. Mas naging malapit ito sa mga kaklaseng babae. Siguro kasi, may ugali rin hindi maganda. Masyado kasing spoiled ang pagpapalaki ni Mang Celso sa nag-iisang anak. May parte tuloy ng sarili niya ang nako-konsensya dahil parang hindi ito naprotektahan ng mga anak nilang lalaki kagaya ng naging usapan nila noon. Pero wala rin naman siyang magagawa kung mas gusto talagang samahan ng mga anak nilang lalaki ang anak ni Kap Ryan na si Cristy.
Napabuntong hininga si Mang Delfin ng maalala ang batang si Cristy. Maganda ito iro kagaya ng nanay na si Aling Nimfa. Masipag rin na bata at masunurin sa mga magulang. Ang totoo, para nga itong bata at babaeng version ni Kap Ryan kung pagmamasdang mabuti. Napailing na lang siya maisip na bakit nga ba niya binabalikan ang nakaraan. Bakit bigla na lang niya naalala ang dalagita?
“Hindi ko na talaga maintindihan ang nangyayari dito sa isla natin…” mahina pero malinaw na sabi ni Mang Celso habang ang tingin ay hindi naaalis sa puting kabaong ng nag-iisang anak. Sinigurado niyang suot ni Grace ang pinakapaborito nitong bestida. Kumuha rin siya ng taga-make up na galing pa sa kabilang isla upang mas lalo pang mapaganda ang nag-iisang anak kahit man lang sa kahuli-hulihang sandali ng katawan nito sa lupa.
“Mukhang tama kayo sa sinabi ninyo noon ni Mario… Parang nangyari na ito sa atin noon. ‘Yung ganito kaggulo dito sa isla,” tugon ni Mang Delfin. Naalala niya tuloy ang isang madaling araw na kahit kailan ang hindi niya makakalimutan sa tanang buhay niya. Ang araw na kahit paulit-ulit niyang pagsisihan ay hindi na niya maibabalik pa. “Celso, hindi kaya mas makabubuti para sa atin kung aaminin natin ang mga…”
“Tumahimik ka! Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo!?” Pinandilatan ng mga mata ni Mang Celso ang katabi. Hindi man nito natapos ang nais sabihin ay alam na niya ang nais nitong iparating at hinding-hindi siya sasang-ayon do’n. Para saan pa? Wala na rin naman siyang pino-protektahan at sira na ang buhay niya dahil sa pagkawala ng anak niya, kaya hindi niya hahayaan na lalong maging miserable ang buhay niya.
Bumuga ng hangin si Mang Delfin. Inaasahan na niya ang ganitong reaksyon mula sa lalaki. “Iniisip ko lang na baka ang Isla Azul ang kinakarma sa mga naging kasalanan natin noon.”
Umismik si Mang Celso. Mariing umiling. “Ano bang kasalanan ang sinasabi mo?! Wala tayong kahit na anong ginawang masama o pagkakamali noon. Tayo pa nga ang pumu-protekta dito sa isla natin.”
“Alam mo bang paulit-ulit akong binabalikan ng nakaraan?” seryosong sabi ni Mang Delfin. Kahit wala siyang kinalaman sa nangyari sa pamilya ni Kap Ryan, pakiramdam niya ay may bahid na rin ng dugo ang mga kamay niya dahil sa pagtatakip niya sa mga kaibigan.
“Ano bang gusto mong sabihin, Delfin?!” inis na balik tanong ni Mang Celso. Kung kailan matatanda na sila ay saka pa tila nais bumaliktad ni Mang Delfin.
“Binabalikan na tayo ng mga naging kasalanan natin no’n. Ito na ang karma natin!” Pilit na pinipigilan ni Mang Delfin ang pagtataas ng sarili boses. Mabuti na lang at wala masyadong tao na malapit sa kanila. Isa lang naman kasi ang ginusto niya sa Isla Azul noon, ang totoong katahimikan at kapayapaan. Pero nang dahil sa mga kaibigan niya ay nagawa niya sirain ang lahat. At dungisan ng dugo at dumi pati na rin ang mga kamay niya.
“At naiisip mo pa talaga ‘yan?!” Halos hindi maghiwalay ang mga ngipin ni Mang Celso habang nagsasalita. Nagpipigil na rin siya ng galit. Inaasahan niyang dumating si Celso upang damayan siya at pagaanin ang loob niya. Hindi upang dumagdag sa bigat na nararamdaman niya ngayon.
“Dahil sigurado ako na nararamdaman mo rin ang lahat ng nangyayaring kakaiba sa isla ngayon! Ang nangyari kayna Lester, Henry at Mario…” saglit na bumuntong hininga si Mang Delfin. “Pati na rin sa anak mo. Hindi ito nagkataon lamang.”
“Nagkataon man o hindi. Isa lang ang sinisigurado ko…” Matalim na ibinalik ni Mang Celso ang mga tingin sa kabaong ng pinakamamahal niyang anak. Hinding-hindi siya papayag na hindi maiganti ang pagkamatay ni Grace. “Magbabayad lahat ng taong naging dahilan ng pagkamatay ng anak ko!”
****
‘Kahit kailan, hindi ko sinabi na gusto o… Mahal kita.’
Madumi… Madilim… At mabaho ang lugar kung nasaan si Adolph ngayon. Walang tigil na bumubulong sa magkabilang tainga niya ang ilan sa mga huling salitang sinabi ni Rose sa kanya.
“Ako ang mahal mo! Ako ang mahal mo!” Isang litrato ang nakadikit sa dingding na kanina pa niya tinititigan. Mahigpit niyang hawak ang isang balisong na paulit-ulit niyang sinasaksak sa mukha ni Harriss na nasa litrato.
Alam niyang huling gabi na ng burol ni Grace ngayon at wala na siyang pakialam pa. Ni isang beses ay hindi niya ito pinuntahan dahil para saan pa? Pagod na siyang magpanggap at isa pa, wala nang dahilan pa para gawin niya iyon.
‘Sayang kasi taken ka na…’
‘May iba na akong gusto na alam kong hindi naman pwede na maging akin.’
‘Adolph… Kung yayain kita ngayong umalis ng Isla Azul at sumama sa akin sa Maynila, sasama ka ba sa akin?’
‘Kahit kailan, hindi ko sinabi na gusto o… Mahal kita.’
Muling niyang naririnig ang mga sinabi sa kanya noon ni Rose. Kung paano siya nito inakit… Pinaibig… At bigla na lamang binitawan at iniwanan sa ere ng nag-iisa.
“Sino ka ba talaga!? Putang ina! Sino ka ba sa buhay ko at sobrang mahal na mahal kita!?” nanggigigil na sigaw ni Adolph habang patuloy na sinasaksak ang mukha ni Harris sa litrato pero ang mga tingin niya ay nasa mukha ni Rose na katabi nito.
Pinukpok niya ang sariling ulo ng hawakan ng balisong. Habang tumatagal ay mas sumasakit ang ulo niya. Hindi dahil sa makailang pukpok o hampas na ginagaw aniya doon. Kung hindi dahil sa labis na pagkalito. Mas lalo kasi siyang naguguluhan. Paanong nangyari ang lahat ng ito? Pakiramdam niya ay matagal na niyang kilala si Rose. Matagal na niyang mahal ang dalaga. Pero sino ba talaga ito?! Bakit nito ginagawang sirain ang buhay niya?! Ang buhay ng mga tao dito sa Isla Azul?!
Ano pa man ang nkaraan o dahilan nito, isa lang gusto niya. Mababawi at maaangkin niya ang babaeng tuirsta kahit ano pa man ang mangyari… At sa kahit ano pang paraan na pwede niyang gawin.
“Akin ka lan, Rose… Hinding-hindi ka mapapakinabangan ng iba. Putang ina… Akin ka lang!”