“Nanay Harwina, ako na po dito,” ani Cristy at binuhat ang palanggana ng mga gulay na ililipat sa may pwesto ng tindahan nito na katabi ng sa mama niya.
“Salamat anak. Mabuti talaga at nandito ka,” tugon ni Nanay Harwina na nakasunod kay Cristy.
“Cristina, tulungan mo na rin sa pag-aayos ng mga gulay ang Nanay Harwina mo,” utos ni Aling Nimfa na nag-aayos ng sariling paninda. Nasa tabi nito si Nonoy na tumutulong din.
“Opo, ‘ma.” Pinaghiwa-hiwalay na ni Cristy ang iba’t-ibang klase ng gulay at tinanggal ang mga nabubulok na.
“Mabuti talaga at nandito ka,” natutuwang sabi ni Nanay Harwina. Kung siya lang kasi mag-isa ay talagang mahihirapan siya. May katandaan na siya at madalas na sumasakit ang balakang.
“Bakit po pala hindi ninyo kasama si Lila?” nagtatakang tanong ni Cristy. May usapa silang magkikita ngayon. Pero buhat kahapon ay hindi pa sila ulit nagkakausap ulit. Tuwing bago magtinda ay tumutulong si Lila kay Nanay Harwina. Magka-edad sila ng bestfriend niya pero malaki ang pagitan ng edad ni Nanay Harwina sa mama niya. May anim o pitong taon yata. Medyo matagal kasi bago nabiyayaan ng anak sina Tatay Poncio at Nanay Harwina na itinuturing na niya ring mga magulang. Malapit ang mag-asawa sa mama niya. Actually, lahat naman ay malapit sa mama niya dahil mabait ito. Pero nabanggit na kaya ng mag-asawa ang problema tungkol sa pera at bahay na ikinuwento ni Lila sa kanya?
“Masama raw ang pakiramdam eh. No’ng isang araw pa,” sagot ni Nanay Harwina. Hindi rin kasi sumasabay sa hapunan nilang mag-asawa si Lila. Nang katukin nila sa kwarto, busog pa raw ito.
“Ipa-check up na kaya natin sa ospital sa kabilang isla?” suhestyon ni Aling Nimfa.
“’Yon nga rin ang gusto ko. Pero ang sagot naman ni Lila, masakit lang ang puson niya dahil sa dalaw niya kaya hinayaan na lang muna naming makapagpahinga,” sagot ni Nanay Harwina.
“Kaya po siguro hindi siya nakakalabas ng bahay,” ani Cristy kahit medyo nagtataka dahil hindi naman gaanong sumasakit ang puson ng kaibigan niya kapag may dalaw. Mas masakit pa nga ang sa kanya na halos hindi na siya makabangon.
“Mama, gusto ko po ng lugaw,” singit ni Nonoy.
“Busy pa ako, eh. Samahan ka na lang ni Ate Cristy mo. Cristy, samahan mo muna ‘tong kapatid mo sa lugawan d’yan sa malapit, pagkatapos ay dalhan ninyo na lamang kami ng makakain dito ni Nanay Harwina mo,” utos ni Aling Nimfa.
“Sige po, Mama. Tara Nonoy.” Hinawakan na ni Cristy ang kamay ng kapatid niya. Pumunta sila sa may lugawan na ang alam niya ay kamag-anak ni Mel ang nagmamay-ari. Naabutan niyang kumakain din ng lugaw doon si Adolph. “Uy, Adolph!” bati niya. Umupo na siya sa katapat nito bago um-order ng lugaw na para sa kanila ni Nonoy.
“Bakit wala si Lila? Hindi ba dapat magkasama kayo kapag ganitong oras?” takang tanong ni Adolph. Um-order pa siya ng isang platitong tokwa at baboy bago binalingin ang batang kasama ni Crity. “Hi Nonoy, ang liit mo pa rin ah.”
“Hello kulot! Ikaw rin, kulot pa rin ang buhok mo hanggang ngayon,” ganting bati ng bata.
“Kuya Adolph hindi kulot,” natatawang saway ni Cristy bago tumingin sa kulot na kaibigan. “Masama raw ang pakiramdam sabi ni Nanay Harwina. Kaya ako na lang ang tumulong sa kanya sa pag-aayos ng mga paninda niyang gulay.”
“Kaya siguro hindi niya ako pinansin nang makita ko siya no’ng isang araw.” Halos nangangalahati na ang lugaw na kinakain ni Adolph.
“Talaga? Saan mo siya nakita?” takang tanong naman ni Cristy. Pinisaan niya ng kalamansi ang lugaw ni Nonoy bago ang sa kanya naman.
“Sa may pampang lang din. Parang galing nga siya kayna Harris pero hindi ako sigurado. Tatanungin ko sana kaya lang nang tinawag ko siya, hindi niya ako pinansin,” may pagtatakang kwento ni Adolph habang kumakakin. “Para nga siyang… Medyo tulala.”
Saglit na natahimik si Cristy. Lalo siyang nag-aalala ngayon sa bestfriend niya dahil sa kwento ni Adolph. Paano kung may ibang nangyari na pala dito. Naalala niya tuloy ang sinabi ni Jin no’ng nakaraan. Si Lila ang tipo ng tao na hindi nagsasabi ng kahit na anong problema o bigat na dinadala. Paano kung meron din itong ibang inililihim sa kanya? Saka ano ‘yung paraan na sinasabi nitong gagawin para magkapera?
“Cristy…”
Sinalubong ni Cristy ang tingin ni Adolph. Bakas sa mga mata nito ang pag-aalala sa kanya kahit nakangiti ang mga labi. Sa kanilang magkakaibigan, ito ang pinakamayabang. Marami rin itong nakakaaway dahil ugali na nitong mang-agaw ng girlfriend ng mga schoolmate nilang lalaki at iiwan lang din sa huli. Parang bang trip lang nitong manakit ng mga babae. Minsan na rin itong nakaaway nina Harris dahil sa ginagawang iyon. Pero napansin niya na kapag silang dalawa lang ang magkasama, parang bigla na lang itong bumabait. Parang ibang Adolph ang nakakasama niya.
“Matapang si Lila… Kung ano man ‘yung pinagdadaanan niya na pakiramdam ko, hindi niya sinasabi sa atin. Alam ko, kakayanin niya ‘yon,” ani Adolph.
Ngumiti na rin si Cristy. Kahit paano ay napagaan ng binatilyo ang pakiramdam niya.
“Adolph.”
Nalingunan nina Cristy at Adolph si Mang Celso na nakatayo hindi kalayuan mula sa kanila.
“Nand’yan ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap,” ani mang Celso. “Sumunod ka na sa akin, tulungan mo akong ayusin ang duyan na nire-request ni Grace.”
“Sige po, tapusin ko lang po ‘tong kinakain ko. Susunod na rin po ako,” tugon ni Adolph.
Alam ni Cristy na matagal nang may kursunada si Grace kay Adolph, siguro ay batid din iyon ni Mang Celso kaya pinaglalapit nito ang dalawa.
“Kulot, aalis ka na? Hindi mo kinain ‘tong tokwa’t baboy mo. Akin na lang ha?” sabi ni Nonoy na kinuha na kaagad ang platito na hindi ginalaw ni Adolph.
“Nonoy, ibibili na lang kita n’yan. Baka ite-take out ‘yan ni Kuya Adolph mo,” saway ni Cristy.
“Okay lang ‘yan. In-order ko talaga ‘yan para sa kapatid mo. Alam ko kasing favorite niya ‘yan.” Nakatayo na si Adolph at inaayos ang sariling pinagkainan.
“Paano mo nalaman?” takang tanong ni Cristy. Madalas silang nagkakasabay kumain ni Adolph pero hindi kasama si Nonoy.
“No’ng unang beses yata ‘yon na kumain kayo dito ng mga magulang mo, three years ago. Bago lang ‘tong lugawan nina Manang Delia, narinig ko na nagrequest si Nonoy ng maraming ganito kasi paborito niya ‘to,” kwento ni Adolph. Hindi ‘yon ang unang beses, na nakita niya si Cristy dahil kaklase niya na ito. Pero ‘yon ang unang beses na naramdaman niyang attracted siya dito. Lalo na nang makita at marinig niya kung paano ito tumawa kasama ang sariling pamilya. Nagliliwanag ang paligid ng dalagita at sa sobrang liwanag ay wala na siyang ibang nakita kung hindi ang nakangiting si Cristy.
“Grabe, natandaan mo pa pala ‘yun.” Napapailing pero nakangiting sabi ni Cristy. “Lakas ng memory mo, ah!”
“Medyo lang. Oh sige na, alis na rin ako,” paalam ni Adolph.
“Ingat ka. Salamat ulit dito sa tokwa’t baboy,” tugon ni Cristy.
“Bye Kulot!” pahabol ni Nonoy.
Kumaway pa si Cristy kay Adolph. Ibang-iba talaga ang Adolph na kasama niya kaysa kasama nila ng barkada niya.
***
Maagang natapos sa pagdya-jogging si Jojo. At dahil walang lakad ang mga kaibigan niya ay dumiretso na lang siya na umuwi. Naabutan niya si Mang Henry na kausap ang tatay niya sa may bakuran ng bahay nila.
“Mano po ‘pa,” ani Jojo na pumasok na rin sa loob ng bahay.
“Ang aga mo yatang umuwi ngayon?” pansin ni Aling Elisse.
“Wala po kasing lakad ang mga kaibigan ko kaya dumiretso na lang po ako dito,” sagot ni Jojo bago uminom ng tubig.
“May tinapay d’yan kung gusto mong mag-miryenda. Magluluto lang ako ng ihahapunan natin mamaya,” sabi ni Aling Elisse. “Magpalit ka na rin kaagad ng damit mo at ilagay mo na ‘yang suot mo sa labahan.”
Tumango na lang si Jojo bilang sagot bago umupo. Inabot niya ang tinapay pero hindi siya kumagat. Ginawa niya lang ‘yun props para may dahilan siyang hindi mapansing nakikinig sa usapan ng matatanda sa labas. Alam niyang mali ang ginagawa niya. Ilang beses na siyang napagalitan ng mama niya dahil sa pakikinig sa pag-uusap ng matatanda pero hindi pa rin niya mapigilan ang sarili niya. Lalo na kapag kilala niya ang mga pinag-uusapan ng mga ito.
“Kinausap mo na ba?” tanong ni Mang Henry.
Bumuntong hininga si Mang Delfin. “Oo. Pero matigas siya, eh. Ayaw niya pa ring huminto.”
“Napakapakialamero talaga ng taong ‘yon.” May gigil sa boses ni Mang Henry.
“Anong plano mong gawin? Sa totoo lang Henry, wala namang mali sa ginagawa ni Kapitan,” ani Mang Delfin. Pulis siya at trabaho niyang pangalagaan ang katahimikan sa Isla Azul. Pero hindi lang ang kapayaan ang gusto niyang panagalaan dito kung hindi ang panagalan nito. Ang mga magulang kasi nila nina Mang Henry ang isa sa mga unang tao dito sa isla. At bilin sa kanila ng matatanda noon bago mamatay, h’wag nilang hahayaan na masira ang pangalan ng islang ito.
“At kailan ka pa kumanpi sa gagong ‘yon? P*tang ina naman, Delfin! Pati ba naman bayag mo, nabilog na niya!?”
Napainom ng tubig si Jojo. Ramdam niya ang galit sa boses ni Mang Henry dahil tumataas na ‘yon. Kahit gaano sila ka-close ni Harris sa isa’t-isa ay hindi niya talaga nagustuhan ang ugali ng tatay nito. Lalo na at alam niyang mahilig itong mang-molestya ng mga kabataang babae. Hindi iyon tsismis lang dahil narinig niya ‘yon mismo mula sa mga magulang niya. Wala naman daw kasing naglalakas loob na magdemanda o magreklamo kay Mang Herny dahil ito ang pinakamayaman sa Isla Azul. At hindi niya alam kung paano iyon natatago ng lalaki sa asawa nito at nag-iisang anak. Kaya naiinis din siya sa pagiging sunud-sunuran dito ng papa niya kahit na mali ang ginagawa.
“Henry ang boses mo! Baka marinig ka ng anak ko sa loob,” saway ni Delfin.
“Wala akong pakialam! Gawan mo ng paraan ‘yang kaibigan mo kung ayaw mo na ako ang kumilos. Alam mo kung anong pwedeng mangyari kapag napuno ako sa kanya,” may tono ng pagbabanta sa boses ni Mang Henry. Seryosong pagbabanta.
Muling napainom ng tubig si Jojo. Ang papa niya ang isa sa pinakamalapit na tao sa kay Kap Ryan. Mabait naman kasi si kapitan. Totoong tao at hindi mapagpanggap kagaya ni Mang Henry. Para sa kanya ay isang biyaya sa Isla Azul ang pagdating ng pamilya nito. Hindi lang pangalan ng isla ang inaalagan ni kapitan, kung hindi ang kaligtasan ng mga taga-isla. Bagay na alam niyang hindi mahalaga kay Mang Henry no’ng ito pa ang tumatayong kapitan.
“Jojo!”
Napapitlag si Jojo sa biglang pagtawag sa kanya ng Mama niya na nasa kusina. “Po?”
“Halika nga at tulungan mo ako dito sa pagluluto,” tugon ni Aling Elisse.
Tumalima na siya at naglakad patungo sa kanya. Siguro ay narinig ng mama niya ang pagtaas ng boses ni Mang Henry kaya pinapalayo siya nito sa pag-uusap ng dalawang lalaki.
“Hiwain mo ‘yang sibuyas at kamatis na isasama ko dito sa sabaw,” utos ni Aling Elisse habang inaayos ang sinaing na kanin.
Tahimik si Jojo na muling sumunod. Hawak ang kutsilyo at nagsisimulang maghiwa ng kamatis. Pangarap niyang maging pulis. Pangarap niyang sundan ang mga yapak ng lolo at papa niya. Pero kahit kailan, hindi niya pingarap na maging kagaya ng mga ito. Hindi niya papangarapain na maging isang bulag at sunud-sunurang pulis.
“Ayos ka lang ba, anak?” nagtatakang tanong ni Aling Elisse.
“O-Opo…” sagot ni Jojo. “Bakit po?”
Natatawa pero nagtataka pa rin ang ginang. “Parang gigil na gigil ka sa kamatis ah.”
Bumaba ang tingin ni Jojo sa hinihiwang gulay. Durug na durog na iyon. Saka lang niya napansin… Napakahigpit na pala ng pagkakahawak niya sa kutsilyo.