“Saan mo ba talaga ako dadalhin? Saka, nasaan na ba tayo?” tanong ni Cristy. May piring ang mga mata niya at sakay sa owner jeep na dina-drive ni Harris.
“Malapit na…” Nakanagiting sagot ni Harris bago inihinto ang sasakyan. Inalalayan niyang makababa ng sasakyan ang dalagita.
“Ano? Hindi mo pa rin ba sasabihin kung nasaan na tayo?” muling tanong ni Cristy. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Harris. May munting kaba sa dibdib. Wala kasi siyang ideya kung ano ang susunod na mangyayari. Sinabi lang nito na may pupuntahan sila. Isang magandang lugar sa Isla Azul. Bumitaw ang kamay ni Harris mula sa kamay niya. Muli siya napalunok ng laway. “H-Harris?”
Pumunta si Harris sa may likuran ni Cristy. Bumulong sa tainga ng dalagita. “Ikaw ang pinakamahalagang babae sa buhay ko. Lagi mong tatandaan…”
Naramdaman ni Cristy ang dahan-dahang pagtanggal ng piring sa mga mata niya. Asul na dagat, mataas na sikat ng araw, pinong butil ng mga buhangin. Isang parte ng Isla Azul na ngayon niya pa lang napuntahan. “Nasaan tayo?”
At sa paglingon na ginawa ni Cristy, isang mahabang lamesang puno ng mga pagkain na may malaking cake sa gitna ang nakita niya. Pinalilibutan ang lamesa nina Mel, Jojo, Jin at Lila na may ngiti sa mga labi. “Happy Birthday, Cristy!!!”
Ang lahat ay sabay-sabay kumanta ng Happy Birthday… Habang si Harris ay dahan-dahang lumapit sa kanya dala ang cake na may maliit na kandila sa gitna. “Make a wish…”
Saglit na pumikit si Cristy. Sa totoo lang, wala na siyang ibang mahihiling pa. Masaya siyang kasama ang pamilya at mga kaibigan. Masaya siya sa Isla Azul. Napasinghap siya bago imunulat ang mga mata at hinipan ang kandila. “Thank you.”
Isa-isang lumapit ang barkada kay Cristy. Inabot ang mga regalong dala.
“Lila…” halos pabulong na sabi ni Cristy nang si Lila naman ang lumapit sa kanya. Pagkatapos ng halos dalawang linggo nitong pagkukulong sa bahay… Nagawa na nitong lumabas para sa munting selebrasyon ng birthday niya.
“Happy Birthday bes… Thank you sa…” Humugot ng malalim na butnong hininga si Lila. Pinunasan ang sariling mga luha. Sa muli niyang pagtapak sa labas ng bahay, nangako siya sa sarili na mas lalong magpapakatatag. Para sa pamilya niya at kasama ang betsfriend niya. “Thank you sa lahat-lahat.”
Mahigpit na niyakap ni Cristy si Lila. Ramdam niya na kahit paano ay muling pinanunumbalikan ng lakas ng loob ang bestfriend niya. Bumabalik na ang Lila na kilala niya.
“Uhmm… Pwede rin ba akong makiyakap?”
“Adolph!” sambit ni Cristy. At nang kumalas ng pagkakayakap kay Lila ay si Adolph naman ang binalingan niya at mahigpit na niyakap. Ilang araw din kasi itong hindi nagpakita sa kanila. “Akala ko wala ka talaga.”
“Pwede ba namang mawala ako ngayon espesyal na araw mo,” nakangiting tugon ni Adolph.
Suminghot si Crista bago muling inilibot ang tingin sa mga kasama. Kumpleto sila ngayon. Masaya. Napakasaya. Nagtama ang mga tingin nila ni Harris. Ngumiti siya sa binatilyo. “Thank you, Harris…”
****
“Bes, thank you talaga kasi… Kasi dumating ka. Alam mo bukod kay Adolph, ikaw talaga ‘yung hindi ko inaasahan na darating ngayon,” nakangiting sabi Cristy. Inaayos nila ang ilang pagkain sa lamesa.
“Ang lakas kasi ng convincing power ng manliligaw mo,” sagot naman ni Lila. “Na-kwento ni Jin na nagkaro’n daw ng hindi pagkakaunawaan ang mga boys.”
“Oo, nakita ko silang nag-aaway-away no’ng isang araw. Nagkapikunan. Nauwi sa sakitan,” napapailing na kwento ni Cristy. “Kaya nga hindi ko ine-expect na may ganitong klase na pa-sorpresa si Harris.”
“Ang kwento ni Jin, pinuntahan ni Harris sa bahay ‘yung bawat isa para ayusin ang surprise party na ito.” Sumubo si Lila ng fishball at nagsalita habang ngumunguya. “Muntik pa nga raw siyang masapak ni Adolph.”
“Silang dalawa kasi talaga ‘yung nagkasakitan ng araw na ‘yun. Kaya nga nagulat ako na dumating din si Adolph. Kilala mo naman ang lalaki na ‘yon. Ma-pride.” Napapailing na kwento pa ni Cristy.
“Pero alam mo, hindi naman sa botong-boto ako kay Harris pero parang gano’n na rin…” Natatawang sabi ni Lila. Ang tingin nila ni Cirsty ay na kay Harris. Kasama nito si Adolph na nagbubukas ng mga sinugkit na buko. “Ang sabi niya kasi sa akin, gusto niya raw gawing sobrang special ‘tong advance birthday celebration mo. Kasi nga ‘di ba, mag-aaral na siya sa Maynila. Kaya lahat kami, kinuntsaba niya. Lalo na ‘yan si Adolph.”
Naramdaman ni Cristy ang pag-init ng mga pisngi niya. Hindi ugali ni Harris ang nakikipag-ayos kapag nag-aaway ito saka si Adolph. Pero ginawa nito para sa kanya. Pero may biglang pumasok sa isip niya. Uminom muna siya ng juice bago dahan-dahang nilingon si Lila.“Lila? Hindi ka ba galit sa kanya?”
“Bakit naman ako magagalit kay Adolph?” kunwa’t natatawang tanong ni Lila kahit alam niya na ibang tao ang tinutukoy ni Cristy.
“H-Hindi kay Adolph… Kay –”
“Harris?” putol ni Lila sa sinasabi ni Cristy. Nakangiti siyang umiling. “Wala siyang kasalanan. Hindi niya kasalanan kung ano man ang kababuyang ginawa sa akin ng tatay niya kaya walang dahilan para magalit ako sa kanya.”
Ibinaba ni Cristy ang hawak na baso ng juice. Hinawakan niya ang kamay ni Lila. Pinisil.
Muling nilingon ni Lila si Cristy. Ngumiti. Nagpipigil siya ng luha dahil advance celebration ito ng bestfriend niya at ayaw niya iyong gawing madrama ng dahil lamang sa kanya. Pero bigo siya dahil lumandas din kaagad ang luha sa pisngi niya na kaagad niyang pinunasan. “S-Sorry…” Bumuntong hininga siya. “Birthday celebration mo ‘to pero ang drama ko.”
Pigil na rin ang luha ni Cristy. “Okay lang, ano ka ba,” nakangiting sabi niya. “Sorry din kasi nagtanong pa ako. Pero masaya ako na kahit paano, nakakangiti ka na ngayon.”
“At dahil sa ‘yo ‘to…” Pinisil din ni Lila ang kamay ni Cristy. Mula nang magkausap silang dalawa, kahit paano ay gumaan na ang pakiramdam niya. Kailangan niya lang talaga ng kahit isang tao na makakausap. Mayayakap. At maiiyakan. Isang taong makakaintindi ng nangyari sa kanya. At ang bestfriend niya lang ‘yon. Nagawa na rin niyang harapin ang mga magulang pero wala siyang kahit na anong sinabi tungkol sa nangyari. Sapat na sa kanya na may isang taong nakakaalam ng buong pangyayari. “Thank you, ha. Sa totoo lang, hindi ko maimagine ang buhay kung wala ka sa tabi ko, Cristy.”
Si Cristy naman ang nagpunas ng pisnging nabasa ng luha. “Basta ito ang tandaan mo. Hinding-hindi ako mawawala sa tabi o buhay mo, Lila.”
“Lila?”
Pinunasan muna ng dalawang dalagita ang mga pisngi bago nilingon ang tumawag sa pangalan ni Lila. Si Jojo na katabi si Jin at may hawak na platito ng barbeque.
“Tikman mo ‘tong inihaw ko na barbeque,” yaya ni Jojo.
“Na ako ‘yong nag-marinade,” singit agad ni Jin.
“Pero ako pa rin ang nag-effort na mag-ihaw,” bawi ni Jojo.
“At ako ang nagtimpla ng sauce ng mga inihaw mo,” hindi pa rin nagpapatalo na sabi ni Jin.
“Hay naku Lila, lapitan mo na nga ang mga ‘yan bago pa magtusukan ng barbeque stick,” natatawang sabi ni Mel habang nagpapaypay sa iniihaw na barbeque.
****
“Bakit nagso-solo ka dito?”
Nalingunan ni Cristy si Adolph. Umupo ito sa tabi niya.
May inabot si Adolph na maliit na paper bag kay Cristy pero ang tingin ay nasa payapang alon ng dagat. “Para sa ‘yo.”
“Uy, thank you!” nakangiting kinuha ni Cristy ang maliit na paper bag at binuksan. Isang maliit na panda na stuffed toy. Alam ng mga kaibigan niya na mahilig siya sa panda. “Hala. Ang cute! Thank you Adolph.”
“Walang anuman. Actually, nakakahiya nga kasi ‘yan lang ang regalo ko sa ‘yo,” kamot ang ulong sagot ng binatilyo.
“Ang cute kaya nito!” natutuwang pinisil pa ni Cristy ang pisngi ng stuffed toy.
Bumuntong hininga si Adolph. “Cristy, sorry nga pala do’n sa nangyari no’ng nakaraang araw.”
Ngumiti si Cristy at tumingin sa katabing binatilyo. “Ayos lang ‘yon. Nagkaayos naman na kayo nina Harris.”
“Ang totoo n’yan…” Muling bumuntong hininga si Adolph. Sa pagkakataong iyon, mas malalim. “’Yung tablet na sinasabi ni Harris na nire-request ko kay Grace, plano ko talagang ibigay sa ‘yon…”
Biglang nakonsensya si Cristy sa narinig. “Hindi mo naman na kailangan gawin ‘yon. Parang hindi mo ako kilala, lahat ng bagay naa-appreciate ko…. Lalo na kapag galing sa mga taong malapit sa puso ko.”
Ang huling apat na salitang binitawan ni Cristy ang naging dahilan upang salubungin ni Adolph ang mga tingin ng dalagita. Nakangiti ang mga labi nito.
“Alam mo, mabait naman si Grace,” ani Cristy. Maraming nililigawan si Adolph sa school nila pero kahit kailan ay hindi niya narinig na pinormahan nito si Grace kahit pa ang dalagita na ang madalas na nagpapa-cute dito.
“Alam ko. Lagi nga akong busog sa bahay nila kapag napunta ako do’n,” natatawang sagot ni Adolph.
“Bakit hindi mo na lang siya ligawan? ‘Di ba botong-boto sa ‘yo si Mang Celso?” tanong ni Cristy.
“Dahil may iba akong gusto… May iba ako na gustong ligawan. Kaya lang hindi pwede, kasi hindi kami talo,” kwento ni Adolph.
Namilog ang mga mata ni Cirsty. “Teka! H’wag mong sabihing… Bakla ka?”
“Hindi! Ito naman oh.” Natatawang napailing si Adoph. “Hindi kami talo kasi… Kasi kaibigan ko siya. At ayokong mawala siya, bilang isang kaibigan ko kung sakaling hindi niya ako magawang magustuhan,” dugtong ni Adolph habang nakatitig sa mukha ni Cristy. Simple lang ang pagkakapuyod ng buhok. At bahagyang nakalabas ang collarbone dahil sa maluwag na t-shirt na suot. Napakasimple lang talaga kung titingnan pero ito ang dalagitang palagi niyang inaasam na sana ay magkagusto rin sa kanya kagaya ng ibang nililigawan niya. Pero hindi ito ang tipo ng babaeng liligawan niya para lang isama sa koleksyon, kung hindi para seryosohin hanggang sa magiging huling araw niya dito sa isla. “Salamat, ha?”
Kumunot ang noo ni Cristy. “Oh, bakit ikaw ang nagte-thank you? Ako ‘tong naka-receive ng regalo mula sa ‘yo.”
“Hindi mo kasi alam kung gaano kalaki ang nagbago dito sa isla mula ng dumating… Kayo ng pamilya mo. Medyo magulo pa rin pero nabawasan dahil sa pamumuno ng papa mo. At saka, malaki ang nagbago sa akin mula nang makilala kita.”
Bakas ni Cristy ang kaseryosohan sa mukha ni Adolph. Ibang Adolph na naman ang katabi niya ngayon. Nawala ang kayabangan at kapreskuhan. Ang Adolph na malambing at mabait na parang nagpapakita lamang sa tuwing silang dalawa lang ang magkausap.
“Baka naman pwedeng makaistorbo sa inyong dalawa?”
Sabay na lumingon sina Adolph at Cristy kay Harris na umupo na sa tabi ng dalagita.
“Adolph… Pasesnya na ulit do’n sa –”
“H’wag mo nang isipin ‘yon,” putol ni Adolph sa sinasabi ni Harris. Inilahad niya ang kamay. “Wala na ‘yon.”
Inabot naman ni Harris ang kamay ng kaibigan. “Salamat.”
“Kain muna ako…” Nang magkalas ang kamay ay tumayo na si Adolph at pinagpagan ang suot na short na maong. “Harris, ngayon lang kita pagbibigyan. Iingatan mo ‘yang si Cristy ha?”
Ngumiti naman si Harris. Tumango. “Pangako.”
Naglakad na pabalik sa may mahabang lamesa ng mga pagkain si Adolph.
“Eto nga pala ‘yung regalo ko,” ani Harris.
“Thank you!” Binuksan ni Cristy ang regalo ni Harris. Isang picture frame na may litrato nilang pito. “Ang ganda…”
“Para matandaan mo na kahit kailan, hinding-hindi masisira ang pagkakaibigan natin,” ani Harris.
Inilagay ni Cristy ang regalo sa may tabi niya kasama ng binigay ni Adolph. “Salamat ha? Bukas pa ang birthday ko pero ang aga ng celebration mo. Saka ang ganda dito? Paano mo na-discover itong lugar na ito?”
“Siyempre, gusto ko na may sarili tayong celebration ng barkada. And actually, no’ng isang araw ko lang na-discover itong lugar. No’ng tinakas ko for the first time ang owner jeep ni daddy. Nabinyagan ko na nga ng pangalan ‘to eh…”
“Talaga? Anong pangalan?” nakangiting tanong ni Cristy.
“Paraisong Azul…” tugon ni Harris. Ibang-iba ang lugar na ito sa ibang parte ng Isla Azul. Walang mga mangingisda o bangka sa papligid dahil wala namang isda sa parte na ito. Medyo tago rin. Kakailanganin ng sasakyan bago marating ang lugar na ito. Sa madaling salita, walang ibang tao kung hindi sila lamang. Kaya ito ang magiging paraiso nilang magbabarkada.
”Thank you ulit, Harris.”
“Sa pagdala sa ‘yo dito? Wala ‘yon. Basta, ito na ang magiging paraisong tambayan nating pito,” ani Harris.
Ngumiti si Cristy. “Kasi palagi mo na lang pinaparamdam sa akin na sobrang espesyal ko.”
“Espesyal ka naman talaga. Hindi lang sa lugar na ito o sa mga kaibigan natin.” Hinawakan ni Harris ang kamay ni Cristy at inilagay sa may dibdib niya. “Espesyal ka dito sa puso ko.”
Ngumiti si Cristy.
“Kaya hintayin mo ako pag-umalis na ako papuntang Maynila, ha? Babalik din naman ako kaagad.”
“Teka, bakit parang ang tagal mo namang mawawala?” nagtataka nang tanong ni Cristy.
Bumuntong hininga si Harris. Lumungkot ang mukha. “Ang totoo, sinabi kasi ni daddy kagabi na kapag nagsimula na raw akong mag-aral sa Maynila… Baka hindi niya muna ako pauwiin kada bakasyon para raw makapag-concentrate ako sa pag-aaral ko.”
“Ibig sabihin…” Pinigilan ni Cristy ang sarili na maiyak kaya naramdaman niya ang pananakit ng lalamunan niya. “Ibig sabihin matatagalan bago ka bumalik ulit dito sa Isla Azul?”
“Parang gano’n na nga. Pero Cristy...” Malambing na pinisil ni Harris ang kamay na hawak niya. “Pangako, babalik kaagad ako… Tutuparin ko lahat ng pangarap ko kasama ka. Sabay nating aabutin ‘yon. Hihintayin mo naman ako, ‘di ba?”
Saglit na kinagat ni Cristy ang labi para mas lalong mapigilan ang sarili na maiyak. Bumuntong hininga bago tumango. “Hihintayin kita…”
Hinaplos ng mga palad ni Harris ang magkabilang pisngi ni Cristy. “At sa pagablik ko, liligawan na talaga kita.”
“Sana payagan ka na ni papa no’n,” natatawang sagot ni Cristy.
“Harris! Cristy! Matutunaw na ang ice cream dito. Tara na!” yaya ni Lila mula sa lamesa kung nasaan sila ng ibang kasama.
“Sige, papunta na kami,” tugon ni Harris. Inalalayan niyang tumayo si Cristy. “Tara na.”
Susunod na sana si Cirsty sa paglalakad ni Harris ng bigla siyang mapahinto dahil sa malakas na kulog at kidlat. Napatingin siya sa madilim na ulap kahit mag-aalas quarto pa lang ng hapon.
“Cristy? Bakit?” takang tanong ni Harris dahil sa biglang paghinto sa paglalakad ng dalagita.
“Ang dilim kasi ng langit eh. Parang galit na galit. Kaninang umaga naman, medyo mataas ang sikat ng araw,” seryosong sagot ni Cirsty na hindi naaalis ang tingin sa madilim na kalangitan. Hindi naman siya nerbyosa dahil hindi siya nagkakape. Ngayon lang talaga. Nagbitaw siya ng malalim na buntong hininga bago nagpatuloy sa sinasabi. “Tapos bigla akong nakaramdam ng kaba. Ewan ko ba… Parang bigla na lang akong natakot na hindi ko maintindihan kung bakit.”