Malamig ang simoy ng hangin. Payapa ang alon ng tubig dagat. Malalim na ang gabi kaya tanging mga kuliglig na lang ang maririnig sa paligid. Niyakap ni Rose ang mga braso habang ang mga tingin ay nasa malayo.
“Bakit ka bumalik?”
Narinig ni Rose ang boses ni Jin mula sa likuran niya na kaagad ring naglakid palapit. Ngumiti siya saglit. Iginuhit ang pagtataka sa mukha bago nilingon si Jin na tumayo sa may tabi niya. “Anong ibig mong sabihin?”
“H’wag ka nang mag-deny… Alam kong alam mo kung ano ang sinasabi ko,” seryosong saad ni Jin. Naguguluhan pa rin siya sa mga naalala niya pero sigurado siya na kung may isang tao na makakapagpaliwanag ng isip niya, si Rose lang ‘yon.
Natatawang umiling si Rose na ikinunot ang noo. “Alam mo ang weird mo. Kanina lang, inaaway mo ako tapos eto ka ngayon at kung ano-ano ang sinasabi. Uuwi na ako. Baka nag-aalala na sina Tatay Poncio sa akin.”
“Bumalik na ang alaala ko, pero hindi lahat. At alam ko na ikaw lang ang magiging susi para masagot ang mga katanungan sa isip ko.” Bumuntong hininga muna si Jin. Malalim bago binitawan ang pangalan kahit hindi siya sigurado kung tama. “Cristy…”
Ang sinabing iyon ni Jin ang nagpahinto sa paglalakad ni Rose paalis. Lumunok siya ng laway at bumuntong hininga. Masyadong maaga ito sa inaasahan siya. Iiginuhit niya ang ngiti sa mga labi.
Napaatras si Jin sa ginawang pagharap ni Rose at paghakbang palapit sa kanya. May ngiti sa mga labi nito. Ngiting hindi niya nagugustuhan. Napalunok siya ng laway habang nagsisimulang kabahan ang dibdib.
“Bakit parang natatakot ka? Akala ko ba…” Pinaliit ni Rose ang mga mata. Mas lalong ginawang mapanukso ang mga ngiti. “Kakakaalala ka na? Ano bang naalala mo tungkol sa akin?” Nagpatuloy siya sa paglalakad palapit sa kinakabahang binata. “Mayb atraso ba ako? May sinaktan ba ako? May pinatay ba ako?” Pigil na ang luha sa mga mata niya.
“H-hindi ko pa rin maintindihan… Please tulungan mo akong intindihin kung ano ba talaga ang nangyari?” Pakiramdam ni Jin ay maiiyak na rin siya. May kung anong bigat sa dibdib siyang nararamdaman na hindi niya maipaliwanag. Oo may bahagi ng nakaraan siyang naalala pero hindi lahat. Naalala niya na ang ilan sa mga kaibigan na nakasama noon, sila-sila nina Harris, Adolph, Mel, Lila at… Cristy. Pero nasaan ang dalawang dalaga? Hindi niya maalala kung bakit biglang nawala ang mga ito sa alaala niya. Lahat ng bagay tungkol sa dalawang ito. Hindi niya na napigilan pa ang sarili na maiyak sa kabila ng pagkalito. Gusto niya nang malinawan ang isip niya. Gusto niya nang gumaan ang loob niya. “Tulungan mo naman ako. Tulungan mo ako na maalala at maintindihan ang lahat.”
Huminto sa paglapit si Rose. Inalis na ang mapagpanggap na mga ngiti sa labi. Pinunasan ang mga luhang lumalandas sa pisngi niya. Ito na siguroa ng oras para kay Jin.
****
“Hindi ako makapaniwala, paano nagawa sa inyo nina Kap Henry ‘yon? Siya na pinagkakatiwalaan ng lahat ng tao dito sa Isla Azul?!” Nakagat ni Jin ang labi habang malalim ang paghinga. Nakaupo sila ni Rose sa bahagi ng pampang na hindi naabot ng tubig dagat. Halos maiyak siya sa kwento ng dalaga sa kung ano ang nangyari pagkatapos nilang maghiwa-walay isang gabi bago ang kaarwan nito. Ang huling bahagi ng alaala niya. “Pero paano ka naka-survive? Paano mo nagawang mabuhay sa kabila ng…”
“Sa kabila ng paulit-ulit na pagpatay nila sa akin?” dugtong ni Rose sa hindi na natuloy na sasabihin ni Jin. Wala pa dapat sa plano niya na sabihin ang lahat sa binata pero hindi na rin niya maitatago pa ang lahat. Isa pa, hindi naman kasama ang mga kinikilala nitong magulang sa mga plano nya. Walang atraso sina Lolo Ambo at Lola Cita sa pamilya niya. Pinunasan niya ang sariling mga luha. Hindi pa man siya nakakapagsalita ay nararamdaman niya na ulit ang sakit ng nakaraan na ilang taon niyang pilit na kinakalimutan pero hindi niya nagawa. “Actually kahit ako, hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na buhay pa ako. May isang doktora ang nakakita sa akin na walang malay sa may pampang sa malayong isla. May edad na siya, walang asawa at walang anak. Nakita niya raw ako na halos walang saplot sa katawan, puro sugat ang balat at kahit hindi niya pa ako nahahawakan, sigurado raw kaagad siya na… Na nagahasa ako. Ang kwento niya sa akin, nang dalhin niya ako sa loob ng clinic niya at ginamot, pinag-isipan niya pa raw kung tatawag kaagad siya sa pulis para ipagbigay alam ang nangyari sa akin o itatago muna ako pansamantala. Dahil sa lalim ng mga sugat ko, sa paraan kung paano ako sinubukang patayin, naisip niya raw na hinding-hindi titigil sa paghahanap ang mga taong nasa likod ng nangyari sa akin kapag nalaman nila na buhay pa ako. Hanggang sa magkamalay na nga ako at nagpanggap na wala akong maalala, doon siya nagdesisyon na itago muna ako habang wala pa akong memorya.” Mapait siyang ngumiti nang maalala si Doktora Beatrice. Ang isang matandang dalagang doktora na kumupkop at nag-alaga sa kanya sa loob ng nakapahabang panahon. “Ginamot niya ang sugat ko. Mula dulo ng mga daliri ko sa paa hanggang ulo. Isa siyang dermatologist.” Nakangiti siyang humarap kay Jin. Matamis na ngiti ang nakaguhit sa mga labi na tila nagpapa-cute. “Kaya ang ganda ng mukha ko ngayon. Walang kabakas-bakas ng peklat ng nakaraan. Inayos niya ang ilong ko, ang hugis ng mga mata ko, pati na ang mga labi ko…”
“Hindi mo sinabi sa kanya ang totoo?”
Humugot ng buntong hininga si Rose. Malalim. Matagal siyang na-guilty dahil pakiramdam niya ay hindi niya sinuklian ng maayos ang lahat ng kabutihan na ginawa ng doktora sa kanya. Legal siya nitong inampon, binihisan, pinag-aral at binigyan ng bagong pangalan. Sobrang bait nito at parang totoong anak ang turing sa kanya. Malaki ang pinagbago sa mukha at buhay niya. Hanggang sa five years ago, nalaman niya na may malalang sakit na pala ito. Terminal stage ng cervical cancer na hindi kaagad sinabi sa kanya. At bago ito tuluyang nawala, plano na niyang ipagtapat ang lahat.
****
“Mommy, hindi ko po alam kung ito ang tamang pagkakataon na sabihin ko ang bagay na ito…” Hawak ng dalawang kamay ni Rose ang kamay ni Doktora Beatrice. Nasa loob sila ng kwarto ng nanghihinang doktora. Pigil ang sarili na umiyak pero garalgal na ang boses. Naramdaman niya ang mahinang pagpisil ng doktora sa kamay niya pero hindi niya magawang sagutin ang mga tingin nito. Nilalamon kasi siya ng konsensya niya dahil sa pagsisinungaling sa napakahabang panahon. Hindi niya alam kung paano sasabihin dito ang lahat. Kung paano sisimulan ang katotohanan. “Siguro po ay hindi ninyo na ako mapapatawad pa dahil sa nagawa ko. Malaki po ang pasasalamat ko sa inyo para sa pagdugtong ninyo sa buhay ko na alam kong kahit kailan, hinding-hindi ko masusuklian. Mommy, sorry po kung nagsinungaling ako. Sorry po kung hindi ko kaaga inamin na… Na wala talaga akong amnesia.” Hindi niya na mapigilan ang mapahagulhol na halos mayakap ang payat at kulubot na balat ng kinilala niyang inang habang nagpapanggap sa ibang katauhan. Si Doktora Beatrice ang nagbigay hindi lamang ng dahilan upang madugtungan ang buhay niya… Kung hindi upang magpatuloy siyang bumangon at lumaban. Palagi nitong sinasabi sa kanya na lahat ng masasakit na nangyayari sa buhay ng isang tao ay may malalalim na dahilan. Hindi niya kaagad iyon malalaman at maiintindihan hangga’t wala pa sa tamang oras at panahon. Palagi rin nitong pinapaalala na kahit gaano kahirap ay mahalaga ang paglimot at pagpapatawad. Bagay na hindi niya alam kung kaya niya bang gawin.
“H’wag kang mag-sorry, anak… Alam kong natakot ka lang na sabihin sa akin kung ang ano ang totoo… Cristy.” Mahina ang boses ni Doktora Beatrice. Paos.
Dahan-dahang itinaas ni Rose ang mga tingin. Nakangiti ang maputlang mga labi ng kinilala niyang ina sa maraming taon. Muling umagos ang luha mula sa mga mata niya nang maramdaman ang muli nitong mahinang pagpisil sa kamay niya. “A-alam n-ninyo po?”
Marahang tumango si Doktora Grace. Nanatiling may ngiti sa mga labi. “Hinihintay ko lang na sa ‘yo mismo manggaling pero alam ko na sa umpisa pa lang, hindi talaga nawala ang alaala mo.”
“Mommy, I’m sorry…” Humihikbi na si Rose habang halos yakap na ang kamay ni doktora.
“Wala kang dapat ihingi ng tawad sa akin, anak. Dahil wala ka namang naging kasalanan. Naging mabuti kang anak sa akin. At pinunan mo lahat ng kulang sa buhay ko. Malaki ang pasasalamat ko na ako ang nakakita sa ‘yo… Na nakasama kita. Na naging parte ka ng buhay ko ” Hindi na rin mapigilan ni Doktora Beatrice ang sarili na maiyak. Noong una pa lang ay alam niya na ang pagpapanggap ni Rose na may amnesia pero sinakyan na lamang niya ang lahat. Ramdam niya kasi na mabait itong bata at hinintay na lamang niya itong magkwento tungkol sa nakaraan. Pero nang malaman niya ang tungkol sa sakit niya at may taning na ang buhay niya, ay nagdesisyon na siyang magpa-imbestiga tungkol sa nakaraan at totoong pagkatao ng ampon ninyo. Doon niya nalaman ang naging mapait ng nakaraan nitong itinago sa kanya. “Hinintay ko lang ang pagkakataon na ito. Na ikaw mismo ang magsabi sa akin ng lahat… Dahil alam ko, na kahit paano ay gagaan ang pakiramdam mo kapag nailabas mo ang bigat mula sa dibdib mo, anak.”
“Salamat po mommy. Para sa lahat-lahat ng ginawa ninyo para sa akin. Para sa pagiging pangalawang magulang ko at sa pagiging dahilan kung paano ako nabigyan ng pangalawang buhay. Habambuhay ko po ‘tong tatanawin na utang na loob sa inyo.” Basang-basa na ng luha ang magkabilang pisngi ni Rose habang mahigpit ang hawak sa kamay ni doktora.
“Sapat na naging mabuti kang anak sa akin. Pero kung may bagay man ako na gusto gawin mo, kahit hindi ko sigurado na susundin mo dahil alam kong napakahirap para sa iyo. Isa lang ‘yun anak, gusto ko sana na… Na kalimutan mo na ang lahat ng galit sa dibdib mo. Kalimutan mo ang lahat ng paghihiganti na nabubuo sa isipan. H’wag kang magpalamon sa poot.” Lumalalim na ang paghinga ni Doktora Beatrice. Naninikip na ang dibdib niya habang pilit na hindi inaalis ang ngiti sa mga labi. “Basta ito ang tandaan mo, hindi man tayo magkadugo… Mahal na mahal ka na parang tunay na anak ng Mommy Beatrice mo.”
****
Pinunasan ni Rose ang mga pisnging basang-basa ng luha. Parang kahapon lang nangyari ang lahat. Sobrang sariwa pa rin ng sakit na nararamdaman niya. “Hindi ko nagawang mangako kay Mommy Beatrice na hindi ako babalik dito sa Isla Azul… Na hindi ako maghihiganti. Dahil alam ko sa sarili ko na hinding-hindi ko matutupad ang pangako na ‘yun.” Mapit na ngumiti si Rose bago nilingon si Jin. “Kaya nga nandito ako ngayon sa isla ninyo. Para ipaghiganti ang nangyari sa amin ng pamilya ko at ng bestfriend ko.”
“Pero bakit gano’n? Bakit wala akong maalala tungkol sa inyo. Saka… Saka nasaan na si Lila?” Sa tuwing babanggitin ni Jin ang pangalan ni Lila, may bahagi ng puso niya ang kumikirot. Para bang pinipigilan siya na maalala ang bahagi ng nakaraan na ‘yun.
“Dahil si Lila ang naging dahilan kung bakit tinanggal kami sa alaala ninyo.” Inihilamos ni Rose ang mga palad sa mukha upang mapigilan ang sarili na mapahikbi. Ang maganda at masayang mukha ni Lila ang nakita niya mula sa dilim. Ang pangako niya na nabasag dahil sa mapait na pangyayari. Humugot siya nang malalim na buntong hininga at ibinuga bago tumingin sa madilim na karagatang may maliliit na alon. “Handa ka na ba talagang maalala ang isa sa pinakamasakit na parte ng nakaraan mo, Jin?