noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 62

Ch. 63 / 98 Feb 05, 2022

“Ciristy, mabuti pa siguro kung mauna ka nang umuwi para makapagsaing ka na… Medyo marami pa kasi itong paninda ko,” suhestyon ni Aling Nimfa.

“Isasama ko na rin po ba si Nonoy?” tanong ni Cristy habang inilalagay sa bayong ang mga iuuwing gamit.

“Hihintayin ko na lang si Mama umuwi. Sabay na lang kami, ate,” kaagad na sagot ni Nonoy.

Natatawang nagtinginan sina Aling Nimfa at Cristy. “Oh sige po kuya Nonoy, hindi na po kita isasabay pauwi,” ani Cristy na malambing ng kinurot ang pisngi ng kapatid.

“Dalhin mo na itong isang payong at baka abutan ka ng ulan. May isa pa naman ako dito at kasya na kami ni Nonoy dito,” utos ni Aling Nimfa.

Tumalima naman si Cristy. Kinuha na niya ang bayong at nagsimulang maglakad palayo. Nakalabas na siya ng palengke ng biglang bumuhos ang malakas na ulan. Binuksan niya ang malaking payong at nagpatuloy sa paglalakad. Bigla rin siyang napahinto nang makarinig ng mga boses ng mga lalaki.

“Palibhasa kasi ang yabang mo!”

“Teka, parang si Adolph ‘yun ah?” Hindi na sana papansinin ni Ciristy ang mga boses na tila nag-aaway-away kung hindi lang iyon nabosesan. Nagpalinga-linga siya at nakita niya ang mga kaibigang binatilyo. Nakahawak si Mel sa may likuran ni Adolph, si Jojo naman ay nasa likuran ni Harris at si Jin ay nakapagitan sa mga ito.

Bumuhos na ang mas malakas na ulan kaya basang-basa na ang limang binatilyo na hindi man lamang inaalintana ng mga ito.

Binitawan ni Cristry ang bayong pati na ang payong sa tabi nito at saka lumapit sa mga kaibigan. “Ano bang nangyayari dito?!”

“Eto kasing si Adolph, eh. Masyado nang tine-take advantage si Grace,” ani Harris.

“Alam mo, kung dati mo pa sinabi sa akin na type mo pala si Grace, eh ‘di sana hindi ko na pinatulan!” naiinis na sagot ni Adolph.

“Pwede ba, wala akong sinabing ganyan! Ayoko lang ng ginagawa mo kasi hindi na tama. Pati tablet na gusto mo, pinabili mo sa kanya!” Hindi na rin mapigilan ni Harris ang pagtaas ng boses. Nakwento kasi ng mommy niya na nagpapabili si Grace dito ng tablet. Ireregalo raw kay Adolph.

“Aminin mo na.” Ngumisi pa si Adolph. “Sa amin ka pa ba naman mahihiya? May gusto ka sa sarat na ‘yun!”

“Wala akong gusto sa kanya, nagmamalasakit lang ako,” muling katwrian ni Harris.

“Ang sabihin mo, pakialamero ka lang talaga kagaya ng tatay mo. Hindi na nga kapitan dito sa isla, nakikialam pa rin sa mga patakaran ng totoong kapitan!” singhal ni Adolph.

“Teka, Adolph… H’wag mo namang idamay ang matatanda dito!” saway ni Jojo.

“Isa ka pa… Kung itong tatay ni Harris, walang ibang ginawa kung hindi ang makialam… Ang tatay mo naman, inutil na walang pakialam!”

Isang malakas na suntok na ang tumama sa mukha ni Adolph mula sa kamao ni Jojo.

“Jojo! Tama na!” nanlaki ang mga mata ni Cristy at kaagad na nilapitan ang natumbang si Adolph. Dumugo ang ilong ng binatilyo. “Ayos ka lang ba?”

“Alam mo Cristy, kaya lumalaki ang ulo ng lalaking ‘yan kasi alam niyang kinakampihan mo siya!” inis na sabi ni Harris. Matagal na siyang nagtitimpi sa ugali ni Harris. At ang panggagamit nito kay Grace na kahit hindi naman ka-close ang hindi niya na matagalan sa lahat.

“Ang yabang mo talaga kahit kelan! Ano?! Porque mayaman kayo feleing mo, kaya mo nang bilhin lahat!?” Kaagad na umakmang susugod ulit si Adolph ng pigilan siya ni Mel.

“Jojo, tigilan ninyo na nga si Adolph. Alam ninyo nang nakainom ‘yung tao!” malakas na sigaw ni Mel.

“Sige, kampihan mo ‘yang kaibigan mo kahit na alam mong mali!” sigaw ni Jojo. “Kaya nagiging inutil ang papa ko dahil sa salot mong tatay na nagpapasok ng droga dito sa isla!” Hindi na rin niya napigilan ang sarili niya. Hindi naman talaga inutil ang papa niya. Masyado lang nitong pinapahalagahan ang mga kaibigan nito. Ang tatay ng mga kaibigan niya. “Tatay mo ang nagdadala ng droga na pinagtatakpan ng mga inutil naming tatay!” sigaw ni Jojo.

Hindi na nakapagpigil si Mel. Siya na ang sumuntok kay Jojo na muli nitong ikinatumba.

Nakahanap naman ng pagkakataon si Adolph na suntukin si Harris.

Lalong nagkagulo ang apat.

Hindi makaawat si Jin dahil mabilis siyang natutumba sa tuwing tinutulak ng mga ito.

“Tama na!!!” umiiyak na ring nakiawat si Cristy pero walang gustong huminto sa apat. Hanggang sa malakas siyang natabig ni Adolph at natumba siya sa putikan. Ang likod ng kamay nito ay tumama sa pisngi niya na gumawa ng maliit na sugat.

“Cristy!” sambit ni Jin na kaagad na nilapitan ang umiiyak na dalagita.

Napahinto ang lahat lalo na si Adolph na kaagad na binitawan ang kwelyo ni Harris. Nag-aalala siyang tumingin kay Cristy.

Tumayo si Harris at lumapit kay Cristy.

Kaagad na binawi ni Cristy ang braso niya nang alalayan siya ni Jojo. “Pwede ninyo namang daanin lahat sa pag-uusap bakit kailangan ninyo pang magsigawan!? Hindi na nga nagkakaintidinhan ang mga magulang natin, pati ba naman tayo magpapaapekto pa?! Kung gusto ninyo palang sumunod sa yapak ng pag-aaway-away nila eh di sana hindi na lang tayo naging magkakaibigan!” Isang malalim na butnong hininga ang binitawan niya bago tumayo. “Ano!? Hindi pa ba taalaga natin aayusin ‘to!?”

Napalunok ng laway si Adolph. Nakita niya ang pamumula ng pisngi ni Cristy na basang-basa ng ulan. Gusto niya itong lapitan pero pakiramdam niya ay hinaharangan siya nina Harris. Nagbitaw siya ng malalim na buntong hininga. Umiling. Pinatigas ang ekpresyon ng mukha. “Magkampihan na lang kayo d’yan!” aniya bago naglakad palayo.

“Adolph!” Hahabol sana si Cristy kaya lang hinawakan ni Jin ang braso niya.

“Hayaan na lang muna natin siya… Lasing kasi ‘yan, nag-away sila ng tatay niya. Kaya siguro mainit ang ulo,” ani Jin.

Hindi na umimik si Cristy. Ibang Adolph na naman ang kasama nila kanina.

***

“Ang lakas ng ulan!” sambit ni Aling Nimfa habang naglalakad at mahigpit ang hawak sa kamay ni Nonoy. Mabuti na lang at medyo malaki ang payong na dala nila.

“Mama, basa na po ‘yung laylayan ng bestida ninyo,” pansin ni Nonoy.

“Okay lang ‘yan anak. Nababasa ka ba?” tanong ni Aling Nimfa.

Umiling naman ang bata. Halos ang sukob kasi ng payong ay nasa kanya na.

“Dapat pala umuwi na rin tayo kanina kaagad,” ani Aling Nimfa. Belt bag, isang bayong at bilao lang naman ang dala nila pauwi na gamit bukod sa hawak na payong. Pero dahil sa malakas na hangin at ulan ay nahihirapan silang maglakad ng anak niya.

“Nimfa…”

Napahinto sa paglalakad si Aling Nimfa dahil sa boses na tumawag sa panagalan niya. Nalingunan niya ang isang sasakyan na hindi kalayuan mula sa kanya. Sakay sina Mang Henry, Mang Celso at Mang Mario. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kaba lalo na sa ngising nakikita niya sa mga labi ni Mang Celso. Hinawakan niya ng mas mahigpit ang kamay ng anak niyang bahagya niyang inilagay sa may likuran na tila nais itago sa mga lalaki.

“Halika na, sakay ka na…” anyaya ni Mang Celso habang hinihimas ang kanyang makapal na bigote.

“H-Hindi na… Patila na rin naman ang ulan.” Umiling pa si Aling Nimfa. Nagpatuloy sila sa paglalakad ni Nonoy.

Umandar naman ang sasakyan na minamaneho ni Mang Celso at sinabayan ang paglalakad ng mag-ina.

“Nimfa, sumakay ka na. Kawawa naman ‘yang anak mo oh. Nababasa nan g ulan,” si Mang Mario ang nagsalita na nasa may likod ng driver seat. Bukas ang bintana at walang pakialam kung pumapasok ang tubig ulan.

“Salamat pero maglalakad na lang kami ng anak ko,” muling tanggi ni Nimfa na hindi man lang nilingon ang kausap. Mas binilisan niya ang paglalakad na halos hilahin na si Nonoy.

“Nimfa, halika na… Basang-basa ka na rin ng ulan oh,” si Mang Celso muli ang nagsalita.

“Okay nga lang ko. Kaya naming maglakad ng anak ko. Salamat na lang,” medyo inis na ang boses ni Nimfa. Maya-maya pa at naramdaman niya ang muling paghinto ng sasakyan.

“Mama, maputik na po ang tsinelas ko…” mangiyak-ngiyak na si Nonoy. Kanina pa siya nakakaramdam ng takot sa mga lalaking nasa sasakyan kaya hindi siya umiimik.

“H-Hayaan mo lang. Lilinisin natin ‘yan mamaya.” Naging malikot ang mata ni Aling Nimfa. Medyo madilim na ang paligid dahil sa makapal na ulap at malakas na ulan. Sa dinadaanan nila ngayon, imposibleng may ibang tao silang makita.

“Mama!” sigaw ni Nonoy nang biglang matisod ang mama niya. Umihap ang malakas na hangin na halos tanagyin ang payong na hawak nito. Bumaliktad ang mga bakal noon at kaagad nasira.

“A-Ayos lang ako,” mabilis na ibinalik ni Aling Nimfa ang mga laman ng bayong na kumalat. Isinarado niya ang payong. “Nonoy, malapit na tayo sa bahay. Maligo na lang muna tayo sa ulan,” halos pabulong na sabi ni Aling Nimfa sa anak. Ngunit sa pagtayo niya ay muntik siyang muling matumba sa biglang pagsulpot ni Mang Celso at Mang Mario sa harapan niya. Muli niyang itinago ang anak sa may likuran.

“Sabi naman kasi sa ‘yo sumabay ka na sa sasakyan…” nakangising sabi ni Mang Celso. “Basang-basa ka na tuloy.”

“Tingnan mo, naputikan ‘yang maganda mong mukha –“

“H’wag mo akong hawakan!” Itinutok ni Aling Nimfa ang dulo ng mahabang payong kay Mang Mario nang akmang hahawakan siya nito sa mukha. Pasimple niyang tiningnan ang sasakyan na hindi kalayuan mula sa kanila. Nandoon lang si Mang Henry at nakangising nanonood sa kanila. Malikot ang mga mata niya at lihim na nagdadasal na sana ay may maligaw na tao sa lugar nila ngayon.

“M-Mama…” nagsimula nang umiyak si Nonoy. Nagtago siya sa may likuran ng mama niya.

“Bakit ba parang takot na takot ka sa amin?” napapailing na tanong ni Mang Mario. “Pati anak mo… Natatakot na.”

“D’yan ka lang!” matigas ang boses ni Aling Nimfa habang malakas ang kabog ng dibdib niya.

“Alam mo ‘yan ang gusto ko sa babae, ‘yung nagmamatapang!” Hindi alintana ni Mang Mario ang lamig na nararamdaman. Dahil mas nangingibabaw naman ang katigasan sa loob ng pantalon niya dahil sa nakikitang pagkabasa ng buong katawan ni Aling Nimfa. Lalo kasing humapit ang suot nitong bestida. Lumabas ang magandang kurba ng balakang at malulusog na dibdib.

Napapaatras na si ALing Nimfa dahil sa muling paghakbang ng dalawang lalaki. Wala talaga siyang tiwala sa mga ito. Lalo na kay Mang Celso at Mang Mario. Sa tuwing naglalaba kasi siya sa ilog ay iba ang tingin na ginagawa ng mga ito sa kanya. Para bang hinihubaran siya. “Sabi nang –” Hindi na naituloy ni Aling Nimfa ang sinasabi nang maagaw ni Mang Celso ang mahabang payong na pinanghaharang niya.

Saglit na pinagmasdan ni Mang Celso ang payong bago nakangising inihagis.

“H’wag mo akong hawakan!” Pilit na binabawi ni ALing Nimfa ang braso niyang mahigpit na hinawakan ni Mang Mario.

“Mama! Mama!”

Nanlaki ang mga mata ni Aling Nimfa nang hablutin ni Mang Celso si Nonoy palayo sa kanya. “Bitawan mo ang anak ko!!! Nonoy!”

“Alam mo masyado kang matapang babae ka! Matagal na akong nanggigigil sa ‘yo!” Halos hindi naghihiwalay ang mga ngipin ni Mang Mario habang nagsasalita.

Si Mang Henry naman ay nagsindi ng sigarilyo habang aliw na aliw sa pinanonood.

Sabay-sabay silang napapitlag sa malakas na busina ng isang bagong dating na sasakyan. Kaagad na bumaba ang isang lalaking nakasuot ng uniform na pang-pulis. “Anong nangyayari dito? Celso? Mario? Anong ginagawa ninyo kayna Nimfa?”

Binitawan ni Mang Celso si Nonoy na kaagad na tumakbo at yumakap kay Aling Nimfa.

Inalpasan na na rin ni Mang Mario ang braso ng babae bago ngumiti sa pulis na kaibigan. “Nagkakatuwaan lang kami dito, Dlefin.”

“Nagkakatuwaan?! Ang babastos ninyo!” Hindi na napigilan ni Aling Nimfa ang maiyak. “Para kayong mga walang asawa at anak na babae!”

“Hoy Nimfa! Wala kaming kahit na anong ginagawa sa ‘yo, ah! Dahan-dahan ka d’yan sa mga sinasabi mo!” singhal ni Mang Celso.

“Celso, tama na ‘yan!” sigaw ni Mang Henry mula sa loob ng sasakyan. Pinatay na nito ang sigarilto at itinapon sa labas ng bintana. “Sumakay na kayo dito!”

Ngumisi muna si Mang Mario bago hinawakan sa mukha si Aling Nimfa.

Malakas na tinapik ni Aling Nimfa ang kamay ni Mang Mario at sinamaan ito ng tingin. Nangangatal pa rin ang mga labi niya hanggang sa makabalik na ang dalawa sa sasakyan ni Mang Henry. Bumisina pa ito at kumaway sa kanila ni Mang Delfin bago tuluyang umalis.

“Mama… Mama… Natatakot po ako…”

Lumuhod si Aling Nimfa at niyakap ang humahagulhol na anak. Medyo tumitila na ang ulan. “Wala na sila. H’wag ka nang matakot, anak.”

Pinulot naman ni Mang Delfin ang nagkalat na gamit at ibinalik sa loob ng bayong… “Ihahatid ko na kayo.”

Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ni Aling Nimfa. Ayaw niya sanang tanggapin ang alok ni Mang Delfin pero mas takot siya na baka bumalik ang sasakyan nina Mang Henry. Isa pa, malaki ang tiwala niya kay Mang Delfin. Kaya tahimik siyang sumakay sa owner jeep nito at kinalong si Nonoy na huminto na sa pag-iyak.

“Nimfa…” ani Mang Delfin bago binuhay ang makina ng sasakyan.

Hindi umimik si Aling Nimfa. Ang mga tingin niya ay nasa labas ng bintana.

“Alam kong alam mo na lumalaki ang alitan nila kapitan at Mang Henry ngayon. Baka pwedeng… ” Mahina pero nasa boses ni Mang Delfin ang pakikiusap. Humugot at nagbitaw ng malalim na buntong hininga. “Baka pwedeng hindi na ito makarating kay kapitan…”

Hindi muling umimik si Aling Nimfa. Lumandas ang mga luha sa pisngi niya na kaagad niyang pinunasan. Nabawasan na ang kaba sa dibdib niya pero may takot pa rin siyang nararamdaman. Ayaw na itong maulit. Pero mas lalong ayaw niyang lumaki ang gulo at problemang kinakaharap ngayon ng asawa niya. Lumunok siya ng laway. Pinigilan ang pangangatal ng labi. Niyakap ng mas mahigpit ang kandong na anak. “S-Sige…”