Excited. Kinakabahan. Masaya. Halo-halo na ang nararamdaman ni Grace habang nasa may labas ng simbahan at naghihintay sa lalaking pakakasalan niya. Mainit man sa balat ang suot niyang wedding gown ay wala na siyang pakialam. Pinapaypayan naman siya nina Fe at Vilma.
“Uy, okay ka lang?” tanong ni Vilma. Kanina pa ito nangangawit kakapaypay kay Grace pero wala naman itong ibang choice.
“O-oo naman,” kaagad na sagot ni Grace kahit hindi niya na mapigilan ang kaba sa dibdib niya.
“Bakit ba kinakabahan ka? Ayan tuloy o, pinagpapawisan na ‘tong noo mo!” ani Fe na pinupunasan ng tissue ang kausap. Ang dami na niyang tissue sa loob ng bag na dala niya kaya naiinis siya sa pawis ni Grace na kailangan niyang paulit-ulit na punasan para hindi masira ang make up nito.
“Gaga, sino ba namang hindi kakabahan kapag ikakasal na!?” singhal ni Vilma. Inilibot nito ang paningin sa paligid ng labas ng simabahan. Halos kalahati ng populasyon sa Isla Azul ay naandito ngayon upang masaksihan ang kasal ng isa sa pinakakilala at may kayang anak ni Mang Cesar. Magarbo ang kasal pero ilan lamang ang nakabihis dahil hindi naman lahat ay may magagandang damit. Kung hindi nga lang alam ng marami na malakas magpakain at magpainom si Mang Cesar ay wala siguro magsyadong mag-iinteres na mag-aksaya ng oras dito. At isa na siya sa mga taong ang pakay lang ay makakain at makapag-uwi ng maraming pagkain pagkatapos ng kasal. “Pero bakit parang ang tagal nga ni Adolph ‘no?”
Lalong lumalakas ang kaba ni Grace. Karamihan sa mga bisita ay naiinip na rin kagaya ng dalawang kaibigan niya. Pero siya ay hindi nakakaramdam ng pagkainip. Mas kinakabahan siya na hindi niya maintindihan. “Wala pa rin naman si Mang Mario, eh. Saka ang alam ko. Medyo malaki sa kanya ang barong niya baka inayos pa ‘yon.” Hindi na talaga dapat tuloy ang kasal lalo na at si Adolph ang umatras. Hindi na siya umasa pang babalikan siya nito pagkatapos niyang makita kung gaano nito kagusto ang babaeng turista. Kung paano sagutin ang mga halik ni Rose. Kahit kaialn ay hindi siya hinalikan ng gano’n ng binata. Kaya nagulat siya nang puntahan siya nito sa bahay nila at humingi ng tawad sa kanya. Sobra siyang nasaktan noong ipagtabuyan siya nito para sa babaeng tursita pero hindi niya kayang tanggihan ang pakusap ni Adolph. Mas lalong hindi niya kayang hindi makasal sa lalaking nakakuha ng pagkababae niya. “Parating na ‘yon. H’wag na kayo masyadong mainip.”
“Grace, ‘yong babaeng turista oh…” turo ni Fe.
Kaagad namang nakuha ang atensyon ni Grace ng babaeng nakasuot ng manipis na bestida kung saan labas ang magandang hubog ng katawan, malusog na dibdib at makinis na batok dahil sa mataas na pagkakapuyod ng buhok nito. Tumingin pa ito sa kanya. Nakipagtitigan. Ngumiti. Ngiting may hatid na kakaibang kaba sa kanya. Actually hindi kaba, kung hindi takot na hindi niya alam maintindihan. Pero hindi siya magpapatinag at ngumiti rin siya pabalik dito. Sa pagkakataon na ito, siya na ang nagwagi dahil siya ang pakakasalan ni Adolph.
****
Ramdam ni Rose na nasa kanya ang tingin ng ibang mga tao sa harap ng simbahan ng Isla Azul. Kinawayan pa siya ng Tita Lani at kumaway din siya pabalik dito. At pagkatapos, ibinaling niya ang tingin kay Grace. Bakas niya ang kakaibang kaba sa mukha nito. Hindi niya tuloy mapigilan ang sarili na mapangiti nang maisip na makita lamang siya nito ay natatakot na itong hindi matuloy ang sariling kasal. At wala pa man siyang ginagawa na kahit na ano, nasisindak na niya ito.
“Rose…”
Lumingon si Rose sa tumawag sa pangalan niya. Ngumiti siya. “Jojo.”
“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Jojo. Bahagya niya pang hinila si Rose palayo mula sa simbahan.
“Teka… Teka… Relax,” natatawang huminto sa paglalakad si Rose at binawi ang braso mula kay Jojo. “Wala naman akong ginagawang masama ah.”
“Bakit ka ba kasi nandito!?” halos pabulong na tanong ni Jojo.
“Daanan ito papuntang palengke, bawal na ba akong dumaan dito?!” muli ay natatawnag balik tanong ni Rose.
“Alam kong may pina-plano kang gawin…” matigas ang boses ni Jojo.
“Mga plano na hindi mo pwedeng pakilaman.” Halos hindi naghihiwalay ang mga ngipin ni Rose habang nagsasalita bago muling ngumiti. “H’wag kang mag-alala, wala akong planong pumunta sa kasal ng anak ni Mang Cesar. Dahil magsasayang lang ako ng oras sa kanya. Sige na Jojo, kailangan ko nang umalis. Paki-sabi na lang kay Adolph, congrats.”
“Rose…” Tila may sariling isip ang mga kamay ni Jojo na hinawakan sa braso si Rose upang pigilan ito sa pag-alis. Wala siyang tiwala sa sinasabi nito. Wala siyang tiwala dito. Alam niyang may kung ano na namang naglalaro sa isip nito ngayon.
“Ano?” kunot ang noo at nakangiting tanong ni Rose bago bumuntong hininga at binawi ang braso nang hindi sumagot si Jojo. Makahulugan lamang itong nakatingin sa kanya. “Maniwala ka sa akin, hindi ako interesadong pumunta sa kasal ni Grace. At wala akong balak na manggulo dito. Anyway, baka may time ka mamayang gabi… Ikaw na sana ang maghatid kay Tita Lani sa bahay nila mamayang gabi pagkatapos ng…” Ngumisi siya na tila may pag-aalinlangan sa sasabihin. “Pagkatapos ng kasal nina Adolph at Grace.”
“Bakit?” takang tanong ni Jojo.
Kumibit balikat si Rose. “Wala lang. Feeling ko kasi baka sa bahay nina Kap Henry magkaro’n ng gulo mamayang gabi. Sige na, I have to go. Bye, Jojo.”
Hindi na iniiwas ni Jojo ang pisngi niyang saglit na hinaplos ni Rose bago ito tuluyang umalis sa harapan niya. Nakasunod pa rin siya ng tingin sa paglayo nito bago napapailing. Mahirap talagang pigilan at intindihin ang taong may matinding poot na nararamdaman.
****
“Sigurado ako na pagkatapos ng araw na ito, magiging magaan na ang buhay mo,” nakangiting sabi ni Mang Mario sa anak na nakasuot ng barong at nakaharap sa salamin.
‘Baka ang ibig ninyon sabihin, buhay ninyo ang magsisimulang gumaan pagkatapos ninyo akong ipang-bayad utang.’Pinigilan ni Adolph ang sarili na sabihin iyon pero hindi niya inaalis ang tingin sa kaharap na repleksyon. Labag sa kalooban niya lahat ng mga nangyayari ngayon kaya paanong magiging magaan ang buhay niya, pagkatapos ng araw na matatali siya sa babaeng kahit kailan ay hindi niya magagawang mahalin.
“Anak…” ani Mang Mario. Hindi naman ito manhid para hindi maramdaman na labag lahat sa kalooban ni Adolph ang ginawang desisyon. Pero mas lalong hindi ito makapapayag na mapunta ang nag-iisang anak sa babaeng alam niyang may masamang plano sa Isla Azul. “Salamat…”
Bumuntong hininga si Adolph pero hindi pa rin muling nagsalita. Ano bang dapat niyang sabihin? Walang anuman para sa pagsasakrpisyo niya ng habambuhay niyang kaligayan para sa habambuhay din na paggaan ng buhay ng tatay niya? Bumuntong hininga siya bago pilit na ngumiti. “Mauna na po kayo sa simbahan… Susunod na lang po kami ni Jin.”
“Hihintayin na kita…” ani Mang Mario.
Napaismik si Adolph. “H’wag po kayong mag-alala, hindi po ako tatakas sa kasal.”
Nakita ni Mang Mario ang pait sa sa mga labi ni Adolph. Nasasaktan pa rin siya kahit paano sa nakikitang pagsasakrpisyo ni Adolph para sa kanilang dalawa. “S-Sige… H’wag na lang kayong magtatagal para hindi na rin mainip ang mga taong naghihintay do’n.”
At sa pag-alis ni Mang Mario sa kwarto ni Adolph ay ang pagpasok naman Jin.
“Oh paps, bihis ka na pala… Bakit pinauna mo pa si Mang Mario?” takang tanong ni Jin. “Ayos na rin naman ‘tong barong mo, hindi na maluwag masyado.”
Hindi sumagot si Adolph at muling nanatiling nakatingin sa kaharap niyang repleksyon. Mamahalin ang barong na kanyang suot na magkahalong puti at ginto ang kulay, ang suot niyang sapatos ay bago rin, hindi man siya nagpagupit ay ibang-iba ang ayos ng kulot niyang buhok ngayon. Sa madaling salita, hindi maikakailang gwapong-gwapo siya hindi lamang sa sariling paningin kung hindi sa paningin ng sinomang makakakita sa kanya sa Isla Azul. At sigurado siyang kung makikita siya ngayon ni Rose, pati ito ay hindi magdadalawang isip muli siyang halikan.
“Paps, alam ko naman na alam mo na ito pero sasabihin ko pa rin… Isa ito sa pinaka-tamang desisyon na ginawa mo sa buhay mo,” sinabi lang iyon ni Jin kahit ang totoo ay litong-lito na siya sa kung ano ba talaga ang tama sa mali sa lahat ng nangyayari ngayon. “Mabait naman si Grace eh. Maganda rin kahit paano at gagawin niya ang lahat para maging masaya ang pamilya na bubuuin ninyong dalawa.”
‘Pamilya? Pwede ba akong maging masaya kahit hindi ko mahal ang babaeng pakakasalan ko? Matututunan ko ba talagang mahalin si Grace?’ Nagtiim ang bagang ni Adolph. Pigil na naman ang sarili na magsalita. Sa ganitong klase ng pagkakataon walang sinoman ang makakaintindi sa kanya kung hindi ang sarili niya. Hindi… Meron pa palang isa… Si Rose. Ang babaeng tumanggap sa kung ano at sino pa siya. Ang babaeng mas nakakikilala at nakaaalam kung ano talaga ang iniisip at nararamdaman niya. Ang nag-iisang babaeng alam niya sa sarili niyang mamahalin niya sa habambuhay.
“Hindi mahirap mahalin si Grace… Lalo na at tanggap ka ng pamilya niya,” dugtong pa ni Jin.
Hindi na naintidihan pa ni Adolph ang mga sumunod na sinabi ng kaibigan niya. Muli kasing pumasok sa isipan niya ang naging huling pag-uusap nila ni Rose. Ang huling beses na naglapat ang mga labi nilang dalawa. Wala sa loob na napalunok siya ng laway. Napasinghap. Naalala na naman niya ang halik na iyon. Ang mabangong hininga nito. Ang saglit na paglalaro ng mga dila nila. Kung paano niya nagawang hawakan ang katawan nito. Kung paano haplusin ng magandang turista ang mukha niya.
Nakita niya kung paano nasaktan si Rose nang sabihin niya ditong itutuloy niya ang pagpapakasal kay Grace. Naramdaman niya kung gaano siya kagusto nito. Kung gaano siya kamahal ng magandang turista.
‘Magkita tayo sa Paraisong Azul. Maghihintay ako.”
Isang malalim na buntong hininga ang binitawan ni Adolph kasunod ang isang mabigat na desisyong bibitawan niya.
“A-Adolph? Saan ka pupunta?” Hindi na napigilan ni Jin ang sarili at nahawakan na sa braso si Adolph nang bigla na lang tila lalabas ito ng kwarto nang walang sinasabi.
“M-May… May pupuntahan lang ako saglit,” ani Adolph.
“Saan nga?” May ideya na si Jin sa sagot sa tanong niya pero hinihiling niya na sana ay mali siya. Na sana ay iba ang marinig niyang sagot mula sa binata.
“Pupuntahan ko si Rose. Makikipagkita lang ako sa kanya saglit,” sagot ni Adolph habang hindi pa rin binibitawan ni Jin ang braso niya.
Kinabahan na si Jin. Ito na nga ang iniisip niya. Ganitong-ganito ang inaasahan niyang isasagot ni Adolph sa kanya. At alam niya na rin ang mga susunod pang pwedeng mangyari na kailangan niyang pigilan. “Adolph naman, naghihintay na silang lahat sa simbahan. Halika na! Dumiretso na tayo sa simbahan!”
Marahas nang binawi ni Adolph ang braso mula kay Jin. “Susunod nga ako! Alam mo pare-pareho kayo eh. Kapag sinabi kong hindi ako tatakas sa kasal ibig sabihin, dadating talaga ako! Saglit na oras lang naman ang hinihingi ko, ibigay ninyo naman na sa akin ‘yon!”
Bahagya nang napaatras si Jin dahil sa pagtaas ng boses ni Adolph. Nanlalaki pa ang mga mata nito at halos mangatal ang mga labi sa tila pagpipigil ng inis o galit. Sa tanang buhay nilang magkaibigan, ngayon niya lang nakitang nagalit ng ganito ang binata. “S-Sige… Sasabihin ko na lang sa kanila na susunod ka. P-Pero, h’wag ka na sanang magtatagal.”
Hindi na sumagot pa Adolph at kaagad na umalis sa harapan ni Jin. Nagmamadali siyang lumabas ng bahay. Hindi siya pwedeng mag-aksaya ng oras. Kailangan niyang makita si Rose sa huling sandali bago siya makulong sa buhay na kahit kailan ay hindi niya pinangarap. Gusto niya itong mayakap. Mahalikan. Maangkin.
Naiwan namang nakatulala si Jin. Malakas ang kaba sa dibdib niya. Mangyayari na ba ang kinatatakutan niya!? Mariin siyang napailing. Panghahawakan pa rin niya ang sinabi ni Adolph. Babalik ito upang pakasalan si Grace. Nangatal na ang labi niya habang patuloy ang mabilis na kabog ng dibdib niya. Malakas ang pakiramdam niya. Anumang oras ay may mangyayaring hindi magandang sa Isla Azul.