Mabilis na kumalat ang usap-usapan tungkol malalaking pangyayari sa Isla Azul na naganap lamang sa loob ng isang araw. Ang paggkahuli sa ginagawang kalaswaan ni Kap Henry at pagpapakulong dito ng sariling asawa na si Tita Lani. Ang hindi pagsipot ni Adolph sa kasal nila ni Grace na ang alam ng karamihan, napilitan lamang ang binata kaya umatras. Ang pagkamatay ni Mang Mario dahil sa sama ng loob at pagsumbat ni Mang Celso dito. Lahat iyon ay napag-usapan ng mga taga-isla. Walang mga kinalaman sa pangyayari pero paksa ng kanilang mga tsismis.
Unang gabi ng burol ni Mang Mario sa loob ng maliit ng simabahan. Nakatulala lamang si Adolph habang nakaupo hindi kalayuan mula sa kabaong ng tatay niya. Muling pinipigilan ang sarili na maiyak dahil ayaw niyang makita ng mga taong makikiramay na namamaga ang mga mata niya. Ayaw niyang makita ng mga ito ang kahinaan niya. Kahit ang totoo, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang wala na ang nag-iisang kapamilya niya.
“Paps…”
Naramdaman ni Adolph ang isang tapik sa kanyang balikat kasunod ang pag-upo ni Jojo sa tabi niya.
“Nakikiramay ako…” ani Jojo.
Ngumiti lang si Adolph bilang tugon. Ang alam niya kasi, bawal sumagot ng pasasalamat . Kung ano ang dahilan, wala na siyang pakialam pa. “Nasaan si Jin? Bakit hindi kayo magkasama ngayon?”
“Susunod na lang daw siya. Baka raw kasi sumabay na sa kanya sina Loloa Ambo,” tugon ni Jojo. Bakas niya sa boses at mga mata ng kausap ang lungkot kahit pa nakangiti ang maputla nitong mga labi. Nagkausap silang dalawa kanina ni Jin bago siya pumunta dito sa burol. At naguguluhan pa rin siya sa naging sagot nito tungkol sa sinabi ni Adolph dito. Baka malinawan siya kung sa binata niya iyon mismo maririnig. “Adolph, ano ba talagang nangyari? Bakit bigla ka na lang umatras sa kasal at hindi mo sinipot si Grace?”
Bumuntong hininga si Adolph. Napakamot sa makapal at kulot niyang buhok. Dahil sa pagkalito at sakit sa dibdib na nararamdaman ay bigla na namang nagbanta ang mga luha niyang sinigurado niyang hindi tutuloy. Saglit pa siyang tumikhim upang mapawi ang hapdi sa lalamunan na bahagyang nanakit dahil sa pagpigil sa sarili na maiyak. Muling nagbitaw ng buntong hininga bago napapailing na sumagot. “Hindi ko rin alam… Oo, ayoko talagang makasal kay Grace dahil hindi ko naman siya mahal. Pero nakapagdesisyon na ako na gagawin ko ito para kay tatay. Tapos… Tapos ewan. Magulo na lahat. Ang huling natatandaan ko na lang…” Mas malalim na buntong hininga pa na tila humuhugot ng lakas na ipagpatuloy ang kwento niya. “Ang huling natatandaan ko, magkasama kami ni Rose sa Paraisong Azul.”
Napalunok si Jojo sa narinig na pangalan na lugar. Silang magkakaibigan lang ang nakakaalam ng lugar na iyon. Ang tumatawag sa bahagi ng isla na ‘yon na ‘Paraisong Azul’. May kung anong kaba siyang nagsisimulang maramdaman nang maisip na unti-unti ng bumabalik ang alaala ni Adolph. Pero ang nakpagtataka, paanong nakasama nito si Rose kung nasa mansion ang magandang turista? “Imposible…”
“Anong imposible do’n?!” biglang nakaramdam ng inis si Adolph sa naging sagot ni Jojo. Ito rin kasi ang narinig niya kay Jin pero hindi na niya hinayaan pa na muling makapagsalita. Napakaimposible ba talagang sumama sa kanya si Rose at magmakaawa sa kanya na takasan niya ang kasal para piliin ito? Oo, hindi niya ito pinili pero mahirap ba talagang paniwalaan na humingi ng oras ang magandang turista sa kanya upang magkasama silang dalawa? “Jojo, magkasama kami ni Rose! Hindi ko lang matandaan kung bakit paggising ko wala na siya sa tabi ko, pero totoo! Nasa Paraisong Azul kami ng araw ng kasal ko. Naguguluhan nga ako kung paanong bigla na lang siyang naglaho na parang bula sa tabi ko. Kung paanong paggising ko… Malalim na ang gabi.”
Napalunok ng laway si Jojo. Hindi siya makapaniwala na nagagawa ni Rose ang lahat ng mga plano nito ng mag-isa lang at walang kahirap-hirap. “Pero nasa mansion nina Kap Henry si Rose no’ng araw ng kasal mo.”
“H-ha?” napamaang si Adolph. Hindi makapaniwala sa narinig. “A-anong ginagawa niya do’n? Paano nangyari ‘yon?”
“Alam niya kasi na uuwi na si Harris kaya pinuntahan niya,” muling sagot ni Jojo. Nakita niya ang pagiging malikot ng mga mata ni Adolph. Ang pagkalito sa mukha nito. Gusto niyang maawa pero anong magagawa niya?
“Bakit niya pupuntahan si Harris?” Halos hindi naghihiwalay ang mga ngipin ni Adolph habang nagsasalita. Lalong sumasakit ang ulo niya. Mas lalong hindi niya na naiintindihan ang mga nangyayari. Bigla siyang mariing na umiling bago nandidilat na tumingin kay Jojo. “Nagsisinungaling ka. Ayaw mo lang maniwala na magkasama kami ni Rose kahapon kaya gumagawa ka ng kwento.”
“Adolph, totoo ang sinasabi ko. Nagkagulo pa nga sa mansion nang dahil sa kanya.” Saglit na nag-isip si Jojo. Kailangan niyang maging maingat sa mga salitang bibitawan niya. “Pinagtangkaan kasi siya ni Kap Henry.”
“Paanong pinagtangkaan?!” May ideya na si Adolph sa ibig sabihin ni Jojo pero gusto niya pa ring marinig mula dito.
“Pinagtanggakaan siyang gahasain ni Kap Henry.” Nakita ni Jojo ang pigil na galit sa mukha ni Adolph. Galit na may hatid na kakaibang kaba sa kanya. “Mabuti na lang at ako ang naghatid kay Tita Lani sa mansion, nadaanan ko rin si Harris na kakadating lang dito isla. Magkasabay ko silang inihatid pauwi at nakita namin na lumalaban si Rose sa ginagawa sa kanya ni Kap.”
“Napakawalang hiya talaga ng lalaking ‘yon!” Kumuyom ang kamao ni Adolph. Kung wala lang siya sa burol ng tatay niya, malamang ay naihagis na niya ang lahat ng kagamitan sa paligid.
“Nakausap ko rin si Tita Lani, inilabas niya lahat ng tinatagong sikreto ni Kap,” muling dugtong ni Jojo. “Ang tungkol sa mga batang ginalaw ng asawa niya dito sa Isla Azul.”
*****
Makapal ang suot na jacket ni Rose pero tila nanunuot pa rin ang malamig na hangin na nagpapatayo ng balahibo niya sa braso. Sabay silang pumasok ni Harris sa maliit na simbahan ng Isla Azul. Saglit niyang inilibot ang paningin sa paligid habang naglalakad. Wala pang sampu ang tao sa loob. May ibang nagkakape, kumakain ng tinapay at may dalawnag bata na nakanganga nang natutulog sa sulok. Tumayo sina Jin at Jojo nang makita ang pagdating nila.
“Tanungin ko lang sina Jin kung nasaan si Adolph,” paalam ni Harris.
Tumango si Rose bago nagpatuloy sa paglalakad. Bumibigat ang pakiramdam niya sa mga binti niyang tila may nakasabit na mabigat na bakal habang papalapit sa kabaong. Natutuyuan ng laway ang kanyang lalamunan at nangangatal ang kanyang mga labi. At nang masilayan ang payat na payat na mukha, tuyot na mga labi at may mangingilan na buhok sa ulo ng bangkay na si Mang Mario, pinigilan niya ang sarili niyang maiyak. Iginuhit pa niya ang nakalolokong ngiti sa mga labi habang tinititigan ang bangkay ng lalaki.
‘Kulang pa ang buhay mo kapalit ng mga kahayupang ginawa mo sa pamilya ko,’ sa isip ni Rose. Gusto niyang matuwa sa pagkamatay nito pero parang hindi pa rin nababawasan ang bigat sa dibdib niya. Kung kaya niya lang sanang paulit-ulit na patayin si Mang Mario ay gagawin niya.
“Masaya ka na?”
Kaagad na pinawi ni Rose ang ngiti mula sa mga labi niya dahil sa naging pabulong na tanong ni Jin na nakatayo sa tabi niya. “Hindi pa… Dahil hindi pa ako tapos.”
“Kailan k aba matatapos sa ginagawa mong paghihiganti?” muling mahinang tanong ni Jin.
“Hindi ko alam. Sa totoo lang, kulang pa itong kamatayan niya para sa sinapit namin ng pamilya ko.” May gigil sa boses ni Rose. Basag na iyon dahil sa pagpigil sa sarili na maiyak habang pinagmamasdan ang mukha ng isa sa mga lalaking naging dahilan ng pagkawasan ng buhay niya.
“Pero Rose -”
“Rose, nakabalik na si Adolph. Tara, lapitan na natin siya,” sabi ng bagong lapit na si Harris.
Tumango si Rose at tumalima kay Harris. Tinalikuran niya si Jin na ramdam niyang nasunod lang din sa kanila. Nakita niya ang biglang pagkatulala sa kanilang dalawa ni Harris ng lalapitang si Adolph.
“Rose…” bulong ni Adolph na tila ang magandang turista lang nakikita niya ngayong kasama niya sa loob ng simbahan. Ito ang pinakangarap niya noon… Ang makita ang paglalakad ni Rose palapit sa kanya habang nasa loob sila ng simbahan. Ito ang babaeng pangarap niyang makasama sa habambuhay.
“Nakikiramay kami ni Rose, Adolph…” Pinutol ng boses ni Harris ang nangangarap na diwa ni Adolph.
Tumuon ang tingin ni Adolph sa kamay ni Harris umakbay sa balikat ni Rose. “Magkasama kayong dalawa?”
“Oo, sinundo ko siya dahil gusto ka niya talagang puntahan at nag-aalala siya sa ‘yo kahit dapat ngayon ay nagpapahinga siya,” tugon ni Harris.
Napansin ni Adolph ang sugat sa labi at pasa sa pisngi ni Rose. Mukhang totoo ang sinabi ni Jojo kanina. Nagtiim ang kanyang bagang. Pinigilan ang sarili na magwala. Kasama niya lang si Rose kahapon at nakikiusap na h’wag na siyang tumuloy sa kasal. Hawak niya ang mga kamay nito. Nakakulong ang maliit na katawan sa mga bisig niya. Bilanggo ang mga labi ng bawat isa. Pero ano ito? Bakit kasama ito ni Harris? Bakit nakaakbat ang kamay ni Harris sa balikat nito. Walang ibang lalaki ang pwedeng humawak kay Rose kung hindi siya lang. Walang ibang lalaki ang pwedeng umangkin dito! Walang iba kung hindi siya lamang.
“Adolph…”
Pinutol ng boses ni Rose at paghawak nito sa kamay ni Adolph ang natutuliro niyang pag-iisip. Bumakas ang ngiti sa mga labi ng magandang turista.
“Nakikiramay ako… I’m sorry for your loss,” ani Rose.
Naramdaman ni Adolph ang pagpisil ni Rose sa kamay niya pero ang tingin niya ay nagpapabalik-balik mula sa kamay ni Harris na nasa balikat nito ang mga mata ng turista. “Rose… bakit -”
“Harris, baka gusto ninyong magkape muna ni Rose?” naramdaman ni Jin ang tension sa pagitan ng tatlo na kaaagad niyang pinutol.
Nabaling ang mga tingin Adolph sa kamay ni Rose na bumitaw mula sa kanya. Hahabulin niya sana iyon upang abutin nang nang akbayan siya ni Jojo.
“Pagkapehin mo muna sila, Jin,” utos ni Jojo.
May sinabi pa sina Rose at Harris na hindi na naintindihan ni Adolph. Ang mga mata niya ang napako sa magkahawak kamay ng mga ito habang naglalakad palayo mula sa kanya. Litong-lito ang isip. Walang maintindihan sa nangyayari. Hindi pwedeng mangyari ito. Hindi na natuloy ang kasal niya at nawala na ang nag-iisang kapamilya niya dito sa Isla Azul. Hindi siya papayag na pati si Rose ay mawala pa mula sa kanya.