“Anong pakay mo dito sa Isla Azul?”
Napalunok si Rose sa biglang pagseryoso ng mukha ni Jin na hawak pa rin ang kamay niya. Kahit kailan talaga ay napakahirap bilugin ng ulo nito. Pinilit niyang matawa habang binabawi ang kamay. “A-ano bang sinasabi mo, Jin?”
“Kilala mo kaming lahat dito pero ikaw… Wala kaming alam na kahit ano tungkol sa ‘yo,” patuloy ni Jin.
“Ang weird mo ha. Saka pwede ba, hindi naman kita pinipilit na maniwala!” Kilala niya si Jin. Hindi siya nito bibitawan hangga’t hindi nakukuha ang sagot mula sa kanya. “Kung ano man ‘yung sinabi sa ‘yo ni Adolph, my God! Paniniwalaan mo talaga siya?! Gumagawa lang siya ng kwento. Paano ako magkakagusto sa isang kagaya niya?!”
“Tigilan mo na ang pagsisinungaling mo, Rose. Hindi ko talaga alam kung paano sila nagkakagusto sa ‘yo. Si Mel, si Adolph, si Harris pati na rin si Jojo! Ano bang ginagawa mo para mabilog ang ulo nila?! Ano ba talagang plano mo sa amin ng mga kaibigan ko?!” lumalalim na ang paghinga ni Jin. Gusto niya nang malaman ang totoo ngayon. Hindi siya papayag na masira ng babaeng turista ang pagkakaibigan nila.
“B-bitawan mo na sabi ako…”
“Sabihin mo na sa akin ang totoo! Sino ka ba talaga?!” matigas na tanong ni Jin.
“Jin!? Anong ginagawa mo?!”
Saglit na lumingon si Rose kay Adolph na nakatayo hindi kalayuan mula sa kanila. At nang ibinalik ang tingin kay Jin ay bigla niya itong sinampal dahilan upang mabitawan na nito ang kamay niya. “Ang sabi ko sa ‘yo hindi kita gusto! Si Adolph ang gusto ko kaya h’wag mong ipilit ang sarili mo sa akin!”
Nanlaki ang mga mata ni Jin at hindi kaagad nakapagsalita lalo na nang lumapit si Adolph sa kanila. Tumakbo si Rose sa likod nito.
“A-Adolph… S-Si Jin… Pinipilit niya akong halikan!” naiiyak na sabi ni Rose.
Hindi makapaniwala si Jin dahil sa sinabi ni Rose na ngayon ay nasa likod ni Adolph. Pero mas lalong lumakas ang kabog sa dibdib niya nang makita ang pasimpleng pagngisi ng turista. “P-Paps… Hindi totoo –”
“Putang ina ka, Jin! Pinagkakatiwala ko sa ‘yo si Rose pero ikaw lang pala ang magtatangkang umahas sa kanya!” sigaw ni Adolph. Mabilis na tumama ng tatlong beses ang kamao niya sa panga ni Jin.
“Adolph, tama na...” awat ni Rose.
Humihingal na tinigilan ni Adolph ang kaibigan nang marinig ang boses ni Rose. Ang mga kamay nito ang unti-unting nagpakalma sa pakiramdam niya. Binitawan ang kwelyo ni Jin bago tumayo. “Umalis ka na dito Jin, bago ko pa tuluyang mabasag ‘yang mukha mo.”
Nasapo ni Jin ang pumutok na labi. “Adolph, pwede ba h’wag ka ngang magtanga-tangahan! Binibilog ng babaeng ‘yan ang ulo mo! Ang ulo nating lahat!”
“Ang sabi ko umalis ka na dito gago ka, bago ko pa makalimutan na may pinagsamahan tayo!” bulyaw pa ni Adolph.
Tumayo na si Jin. Idinura ang dugo. At sa pagsulyap na ginawa niya kay Rose ay nakita niyang muli ang ngiti sa mga labi nito. Napailing na lang siya. Nagpabaling-baling ang tingin niya dalawa bago nagdesisyong umalis.
“Rose…” saglit na niyakap ni Adolph ang magandang turista at pagkatapos ay hinaplos ang mukha nito. Nagtiim-bagang siya nang makita ang maliit na sugat sa labi nito. Nalaman niya kanina na pinuntahan ng tatay niya ang bahay na tinutuluyan ni Rose kaya kaagad siyang sumugod dito. “Si Tatay ba ang may gawa nito?”
Nangilid ang luha sa mga mata ni Rose bago tumango.
“Sorry… Dapat hindi na umabot ang lahat dito.” Pinipigilan ni Adolph ang sarili na maiyak. Napakagulo ng sitwasyon niya at sa totoo lang ay hindi niya na alam kung paano pa iyon aayusin. Isa lang ang sigurado siya. Hinding-hindi na niya hahayaan ang tatay niya na masaktan pa ang babaeng mahal niya. “Umalis na tayo dito sa Isla Azul.”
****
“Napaano ‘yan?” takang tanong ni Jojo nang tumabi siya kay Jin. Nakita niya itong nakasandal sa may puno ng niyog habang ang tingin ay nasa papalubog na araw.
“Nasapak ako ni Adolph kanina.” May hawak na yelong nakabalot sa tuwalya si Jin na idinidikit niya sa may panga niya. Balak niyang umuwi ng malalim na ang gabi dahil siguradong mag-uusisa ang mga lolo at lola niya tungkol sa pasa at sugat niya sa mukha.
“Si Adolph ang may gawa n’yan?!” takang tanong ni Jojo. “Anong pinag-awayan ninyo at umabot kayo sa ganyang sakitan?”
Bumuntong hininga si Jin. “Hindi ano… Sino.” Napailing siya bago inalis sa may panga ang hawak na tuwalya ng yelo. “Hindi niya kasi ako maintindihan. Ayaw niyang maniwala sa sinasabi ko.”
Isinubo ni Jojo ang maliit na pirasong turon na hawak bago ibinulsa ang plastic. “Sino ba kasi ‘yung tinutukoy?” tanong niya habang ngumunguya. “Si Grace ba?”
“Paps hindi si Grace… ‘Yung turista. Si Rose.”
Hindi kaagad nalunok ni Jojo ang nginunguyang turon dahil sa sinabi ng katabi.
“Hindi ko na alam kung ano bang pinakain ng babaeng ‘yun kay Adoolph at baliw na baliw sa kanya. Pero sigurado ako, may mali sa ginagawa niya. Binibilog niya ang ulo ni Adolph. Nating lahat.”
Nilunok na ni Jojo ang nginunguya pero nanataling tahimik.
“Ang sabi ni Rose, wala siyang gusto kay Adolph. Pero sinabi sa akin ni Adolph na hinalikan siya ni Rose. Siguro minsan sinungaling talaga ang kaibigan natin pero alam na alam ko kung kailan siya nagsasabi ng tototo. At sigurado ako, sa kanilang dalawa… Si Rose ang nagsisinungaling,” giit pa ni Jin. Magkahalong inis at galit na ang nararamdaman niya ngayon. Pinag-aaway-away sila ng babaeng turista at wala siyang magawa na kahit ano. “Hindi ko lang alam kung paano papatunayan kay Adolph pero sigurado ako, may hindi magandang binabalak ang babaeng ‘yun dito sa isla natin.”
Nagtiim-bagang si Jojo.
“Paps? Nakikinig ka ba?”
“Oo naman. Nakikinig ako. Hindi pa naman ako bingi,” kunwa’y natatawang sagot ni Jojo.
“Tulungan mo naman ako, oh,” pakiusap ni Jin.
“Tulungan saan?” alam ni Jojo ang tinutukoy ni Jin pero nagtanong pa rin siya.
“Tulungan mo akong patunayan na tama ang mga hinala ko kay Rose,” seryosong sagot ni Jin habang diretso ang tingin sa katabi.
Nagbitaw ng buntong hininga si Jojo. Hindi madali ang pinapagawa ng kaibigan niya. Naiipit tuloy siya sa sitwasyon na sa hinagap ay hindi niya naisip na pwedeng mangyari. “Sinabi ko naman kasi sa ‘yo, ‘di ba? H’wag ka nang makialam. Kita mo ‘yan… Napapahamak ka tuloy.”
Kumunot ang noo ni Jin. Bakit ba sa tuwing hihingi siya ng tulong sa kaibigan ay palaging ganito ang sagot nito? “Sabihin mo nga sa akin ang totoo… May gusto ka rin ba sa babaeng turista na ‘yun?”
Muling nagbitaw ng buntong hininga si Jojo. Napapailing na ngumiti. “Ano bang sinasabi mo d’yan?”
“Eh bakit ayaw mo akong tulungan? Alam ko na may mga connection ka sa Maynila na pwedeng gamitin para malaman natin ang mga ilang mga bagay na tungkol sa kanya,” pangungulit pa ni Jin. “Kailangan nating malaman ang totoong pagkatao niya.”
“Jin, mukhang napapasobra na naman ‘yang kababasa mo ng mga detective comics. Hindi naman kasi lahat ‘yan, nangyayari talaga sa totoong buhay,” sagot ni Jojo.
Nagsisimula nang mainis si Jin. Lalo na sa tuwing sasabihin ito ni Jojo sa kanya. Hindi naman talaga niya dinadala sa totoong buhay ang mga nababasa niya. Sigurado siyang tama ang lahat ng hinala at haka-haka niya sa pagkakataon na ‘to. “Aminin mo na… pare-pareho kayo nina Adolph at Harris na nabilog na ang ulo nang dahil sa turista na ‘yun.”
Muling nagbuga ng hangin si Jojo bago sinalubong ang mga tingin Jin na kanina pa niya iniiwasan. “Hinding-hindi mangyayari ‘yun dahil iisa lang ang babaeng minahal natin.”
Kumunot ang noo ni Jin. Sumasakit na ang ulo niya na parang mas masakit pa sa sugat sa labi at pasa niya sa panga. “Anong ibig mong sabihin?”
Tumayo na si Jojo at nag-inat. “Gumagabi na… Kailangan ko makatawid ng maaga sa kabilang isla.”
“Paps, sandali…” kaagad na humabol si Jin kay Jojo. “Ano bang sinasabi mo? Ipaliwanag mo naman ng maayos oh. Sa totoo lang kasi…” humugot muna siya ng malalim na buntong hininga bago ibinuga. Sumasakit na ang ulo niya sa mga nangyayari at ginagawa ni Rose sa isla nila. Na dinadagdagan pa ng mga sinasabi ni Jojo. “Gulung-gulo na ako… Gulung-gulo na ang isip ko. Kung hindi mo ako kayang tulungan… Ipaliwanag mo na lang sa akin ang mga sinasabi mo.”
Ngumiti si Jojo. “Malilinawan ka rin kapag naalala mo na ang lahat.”
“A-anong lahat?”
“’Yung mga bagay na pinilit nilang alisin sa isipan natin. ‘Yung madugong alaala na akala natin hindi na babalik pa. At kapag nangyari na lahat ‘yun, ihanada mo ang sarili mo. Sigurado akong maiinintindihan mo na kung ano ‘yung mga nangyayari pero… Baka hindi mo kayanin ang sakit at bigat.” Muling ngumiti si Jojo bago tinapik ang balikat ng kausap. “Sige na paps. Una na ako.”
Naiwang tulala si Jin na nakahabol tingin kay Jojo. Madugong alaala na pinilit na alisin sa isipan nila… Mula sa kung saan ay may naririnig siyang mga iyak sa isipan niya. Malakas ang ulan. Madilim at madugong bahay.
***
“Bakit ngayon ka lang? Kanina ka pa hinahanap nina lolo,” bungad ni Wilmer sa pinsang si Jin.
“Tulog na ba sila?” hindi pinansin ni Jin ang tanong ng Wilmer.
“Oo, pero kanina-kanina lang. Ano’ng nangyari sa mukha mo?” muling takang tanong ni Wilmer na nakasunod ng tingin kay Jin.
Hindi na muli pang nagsalita si Jin. Tumuloy siya sa isang maliit na kwarto ng bahay nila. Ang tambakan ng mga lumang gamit.
Nagtatakang sinundan naman ni Wilmer ang pinsan niya. “Uy napaaway ka ba? Sinong may gawa n’yan? Upakan ko!”
Hindi ulit nagsalita si Jin at tinanggal ang mga patong-patong na kahon.
“Teka, bakit mo pinapakialaman ‘yan? Sabi nina lolo h’wag na h’wag gagalawin ‘yan ‘di ba?”
Nagpatuloy si Jin sa ginagawa hanggang sa tumambad sa paningin niya ang pinakailalim na kahon. Bakas ang kalumaan at pinalilibutan ng mga agiw.
“Alam mo pinsan, kapag nahuli ka nina lola… mapapagalitan ka ng mga ‘yun. Kaya nga nilagay ‘yan sa pinakailalim para hindi na buksan ulit eh,” giit pa ni Wilmer.
Naramdaman ni Jin ang pagbilis ng tibok ng puso niya habang binubuksan ang kahon. Lumang photo album pero nang buksan niya ay walang laman na mga litrato. Halatang kinuha mula doon ang mga litrato dahil bakas pa ang mga tape na pinandikit. Muli niyang hinalungkat ang kahon. Mga picture frame na walang laman. Note book na pinilas ang mga papel. Bakit ganito? Bakit parang merong mga bagay na ayaw ipakita sa kanya ang kinalakihan niyang mga magulang? Hindi siya huminto hanggang sa lumaglag ang isang lumang litrato mula sa hawak niyang mga envelope na walang laman. Nanginginig ang kamay na kinuha niya ang litrato… Kupas ang kulay pero buo pa ang mga mukha.
Napalunok siya kahit tila biglang nanuyo ang lalamunan niya. Nangatal ang mga labi at nanikip ang dibdib niya.
‘’Yung mga madugong alaala na pinilit nilang alisin sa isipan natin dahil baka hindi natin kayanin ang sakit at bigat’
***
Alas dos na ng madaling araw pero hindi pa rin nakakatulog si Rose… Nakaharap siya sa salamin na kung may ilang minuto na ay hindi niya na matandaan pa. Buhat nang makauwi siya kanina ay hindi maalis-alis sa isipan niya ang mga sinabi ni Jin.
Napatingin siya sa kamay niyang may malalim na peklat. Mapait na ngumiti kasunod ang pangingilid ng luha sa mga mata. Pinipigilan niyang umiyak pero hindi siya nagtagumpay. Habang hinahaplos ng isang kamay ang peklat na iyon ay pigil ang paghagulhol niya.
Ipinikit na niya ang mga mata na labis niyang pinagsisihan. Para kasing nang dahil sa ginawa niyang iyon ay unti-unting bumalik ang lahat sa alaala niya. Ang madugong alaala na pinilit niyang alisin sa isipan niya pero hindi na yata mangyayari pa kahit kailan.
‘Sino nga ba ako? Bakit nga ba ako nandito sa tahimik na islang ito?’