noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 84

Ch. 85 / 98 Feb 05, 2022

“Siguro nga, dapat bumalik na ko sa Manila,” ani Rose habang nakatingin sa dagat na may maliliit na alon. Malalim na ang gabi at dahil walang buwan ngayon, may dala silang lampara, upang kahit paano ay magbigay liwanag sa kanilanng dalawa ng katabi niyang si Harris. Pagkatapos ng ginawang gulo ni Adolph kanina, nakiusap siya kay Harris na h’wag na lang ipaalam kayna Tatay Poncio ang nangyari. Ayaw na niyang makadagdag pa sa alalahanin ng mag-asawa. Kaya pagkatapos nilang maghapunan kanina ay nagpaalam siyang magpapahangin muna sa labas kasama ang binatang doktor.

Bumaling ang tingin ni Harris sa katabing magandang turista. Mabuti na lang talaga at kasama niya si Jojo kanina, kung hindi ay baka nabasag na niya ng tuluyan ang mukha ni Adolph. “Hindi mo kailangang umalis.”

“Masyado ko nang nagugulo ang buhay ninyo dito sa isla. Baka ng tama si Mang Mario sa sinabi niya sa akin noon.” Mapait na ngumiti si Rose bago bumuntong hininga. “Isa akong salot dito sa Isla Azul.”

Hinawakan ni Harris ang kamay ni Rose. “H’wag mong isipin ‘yan, hindi totoo kung ano man ang masasamang sinabi niya noon. Kami ang dapat na mahiya sa ‘yo, dahil nagulo namin ang dapat na tahimik mong bakasyon dito.”

“Hindi pa rin mangyayari ang lahat ng gulo kung hindi ako dumating sa isla ninyo.” Sinalubong ni Rose ang mga tingin ni Adolph. “Isa pa, pinapabalik na rin kasi ako sa trabaho. Masyado na raw mahaba ang bakasyon ko.”

“Babalik ka pa naman diot ‘di ba?” Hindi pa makita ni Harris ang sarili na manirahan malayo sa Isla Azul. Nandito ang buhay niya sa Isla Azul at nang dahil sa ginawa ng daddy niya, pakiramdam niya ay mas lalong lumaki ang responsibilidad niya dito sa isla. Pero pakiramdam niya, mas hindi niya kakayanin na mawala pa si Rose sa kanya. Gusto niya itong sundan sa Maynila. Kaya niya namang mabuhay do’n kasama ang magandang turista. Pero paano naman ang Isla Azul?

Ngumiti si Rose. Lahat ng mga nangyayari ay mabilis na umaayon sa plano niya, maliban kay Harris. Wala sa plano niya ang makipagrelasyon dito lalo na ang muling mahulog ang loob niya sa gwapong doktor. “May dapat pa ba akong balikan?”

“Ako…” Diretsong sagot ni Harris. Sa lahat ng mga naging karelasyon niya noon, ngayon lamang niya naramdaman kung paano ang makuntento sa isang babae. Actually, hindi niya maintindihan pero sa unang beses pa lamang na nakita niya si Rose ay hindi na ito naalis sa isip niya. Paulit-ulit siyang binabalikan ng mga ngiti nito. Mga ngiti na hinding-hindi niya pagsasawang makita sa araw-araw.

Kunwa’y kumunot ang noon i Rose at napangiti. “Anong ikaw?”

“Rose, ayoko nang magpaliguy-ligoy pa. Sinabi ko na sa ‘yo na gusto kita. At alam ko sa sarili ko na mahal kita. Mahal na mahal.”

“Marami ka pang hindi alam tungkol sa akin, Harris. Hindi mo pa ako talaga kilala,” unti-unti nang nagiging seryoso si Rose. Wala siyang ideya kung ano ang pwedeng mangyari sa oras na makaalala na si Harris. Tatanggapin pa ba siya nito? O kamumuhian? Hindi naman kasi talaga ito kasama sa plano niya. Ang gusto niya lang ay maghiganti. Hindi ang magmahal ulit. “Hindi mo pa ako talaga kilala para masabi mong mahal mo ako. H’wag nating madaliin ang lahat. Ayokong masaktan ako o ikaw kapag mas nakilala na nating ang isa’t-isa. Ayokong -”

“Shhh. Wala akong pakialam sa nakaraan mo. At kagaya ng sinabi ko, hindi rin naman ako nagmamadali. Handa ako maghintay sa ‘yo, hanggang sa bumalik ka dito. Hanggang sa maging handa ka na.”

Napalunok ng laway si Rose. Pigil ang mga luha. Isa si Harris sa mga taong nakakapagpagaan ng loob niya. Pero paaano kung bigla rin itong mawala. Paano kung hindi nito matanggap kung sino siya sa Isla Azul? Isang malalim na buntong hininga ang binitawan niya at ipinikit na lamang ang mga mata upang damhin ang papalapit na mga labi ni Harris. ‘Bahala na…’

*****

“Tatay Poncio, gising pa po pala kayo,” ani Rose nang maabutang gising si Tatay Poncio. Kakauwi lang siya galing sa pagpapahangin sa labas kasama si Harris.

“Tamang-tama pala ang uwi mo, eto… mainit pa ang kape na tinimpla ko.” Nakangiting tugon ni Tatay Poncio na may kaharap na sariling tasa ng kape.

Umupo naman si Rose sa may katapat ng matandang lalaki bago hinawakan ang tasa ng kape na mainit-init pa. “Si Nanay Harwina po, tulog na po ba?”

Tumango ang matanda bago ibinaba ang sariling tasa sa ibabaw ng lamesa. “Kanina pa. Hindi lang ako makatulog kaya bumangon muna ako para magtimpla ng kape. Naisip ko na baka pauwi ka na rin kaya pinagtimpla na kita.”

Napangiti si Rose sa sinabi ng matanda. Alam niya kasing hindi kaagad nakakatulog si Tatay Poncio kapag wala pa siya sa bahay. Palagi nitong hinihintay ang pag-uwi niya. “Salamat po.”

Saglit na tumikhim si Tatay Poncio bago muling nagsalita. “Uhmm… May relasyon na ba kayo ni Harris?”

Napansin ni Rose na ang tingin ni Tatay Poncio ay nasa malayo. Kunwaring hindi sinusuri ang reaksyon niya sa tanong nito. “Wala po.”

“Gustung-gusto ko ang batang yon. Mabait siya pati na ang mama niya. Parehong nandito sa Isla Azul ang mga puso nila, kaya alam ko na mapapabuti ka kapag siya ang pinili mong mahalin.” Saglit na humigop ng kape si Tatay Poncio. “Si Henry lang naman talaga ang walang hiya sa pamilya nila. Napaka-demonyo at walang puso. Mabuti na lang talaga at walang namana ni katiting na kawalang-hiyaan si Harris mula sa kanya. Kaya malaki ang tiwala ko sa batang ‘yon na maaalagaan ka niya.” Napapailing na bumuntong hininga ang matanda. “Bakit ba sinasabi ko ito, hindi nga pala ako ang tatay mo.”

Lalong napangiti si Rose. “Mula po nang makilala ko kayo, tinuring ko na po kayong higit pa sa magulang ko. Malaki ang pasalamat ko sa inyo dahil naramdam ko ulit kung paano magkaro’n ng tatay na matagal ko pong hinahanap-hanap.”

Si Tatay Poncio naman ang nakangiti na umiling. Bumaling ang tingin niya sa anak-anakan na turista. Hindi niya naisip noon na pwede pa palang mangyari ito. Ang maramdaman nilang mag-asawa kung paano ang muling magkaro’n ng isang anak. “Mas malaki ang pasasalamat ko sa ‘yo, Rose. Sa napakatagal na panahon, ngayon ko lang ulit nakita ang asawa ko na ngumingiti kapag magkakasama tayo. Magaan ang loob niya sa ‘yo, pati na rin ako. Para bang, nakapatagal ka na naming kilala. Na-kwento na namin sa ‘yo kung gaano kami nagdusa sa pagkawala ng nag-iisang anak namin na si Lila. Malaki ang naging epekto no’n lalo na kay Harwina.” Malalim na buntong hininga ang binitawan ng matanda. Pigil ang sariling mga luha. “Sinisisi niya kasi ang sarili niya sa pagkawala ni Lila. Kahit ang totoo, ako ang may kasalanan. Ako ang padre de pamilya kaya dapat na ako ang gumagawa ng paraan at solusyon sa mga problema ng pamilya namin. Wala akong nagawa. Wala akong nagawa hanggang sa mawala ang nag-iisang anak namin ni Harwina.” Mas malalim na buntong hininga ang muling binitawan ni Tatay Poncio. “Ang pagdating mo sa bahay na ito, Rose… At sa buhay namin ang muling nag-alis ng bigat sa loob naming mag-asawa.”

Kaagad na pinunasan ni Rose ang mga luhang hindi na niya napigilan. Gustung-gusto niyang yakapin si Tatay Poncio at ipakilala ang sarili niya bilang si Cristy na minsang naging anak-anakan na rin ng mga ito pero pinigilan niya ang sarili. Hindi pa ito ang oras. Hindi pa siya handa.

Pinunasan na rin ni Tatay Poncio ang naluluhang mga mata. Pinipigilan niya ang maging emosyonal sa harap ng kanilang bakasyonista pero hindi niya na kaya. Lalo na at matagal na niya itong gustong sabihin kay Rose, ang pasasalamat sa pagdating nito sa buhay nilang mag-asawa. “Kaya itong ang tandaan mo, anak... Hanggang nandito ka sa Isla Azul. Hindi ko na muling hahayaan pa ang sinoman na makalapit at makapanakit sa ‘yo. Walang sinoman ang maaaring makapanakit sa anak namin ni Harwina.”