noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 91

Ch. 92 / 98 Feb 05, 2022

“Ma, nakauwi na po pala kayo…” ani Harris nang maabutan sa may balkonahe ang mama niya. Lumapit siya dito at humalik sa pisngi nito.

“Pwede ba tayong mag-usap, Harris?” tanong ni Tita Lani.

“Alam ninyo na po siguro ang nangyari,” tugon ni Harris. Ilang araw kasing wala ang mommy niya dito sa bahay para asikasuhin ang ilang negosyong napabayaan nila dahil sa nangyari sa daddy niya.

Bumuntong hininga si Tita Lani “Oo pero… Hindi sana ang tungkol kayna Poncio ang gusto kong pag-usapan natin.”

Kumunot ang noo ni Harris nang mabakasan ang kaseryosohan sa mukha ng mommy niya. Umupo na siya sa katapat nito at nabaling ang tingin sa inilagay na kahon ni Tita Lani sa ibabaw ng lamesang nakapagitan sa kanila.

“Kinausap ko ang psychiatrist mo, ang sabi niya… Oras na rin daw siguro para malaman mo ang lahat,” ani Tita Lani.

“Psychiatrist?” kunot noong tanong ni Harris.

Tumango si Tita Lani. “Matagal ka ng may psychiatrist, Harris.”

“Hindi ko maintindihan mommy. Kailan pa po ako nagkaro’n ng –” Napalunok si Hrris ng laway nang simulang ilabas ng mommy niya ang mga laman ng kahon. Isang lumang polaroid camera ang nilagay ni Tita Lani sa ibabaw ng lamesa kasunod ang mga lumang litrato.

“Almost 10 years ago, nagdesisyon kami na burahin sa alaala mo ang isang parte ng buhay mo…” simula ni Tita Lani habang nagpipigil ng mga luha. Matagal na niya ito dapat na ginawa pero natakot siya na baka hindi magkaro’n ng normal na buhay si Harris, kapag nagpatuloy ito sa pangungulila sa isang dating espesyal na kaibigan. Mataas ang pangarap nilang mag-asawa sa nag-iisang anak. Ito ang magmamana ng pagdo-doktor ng tatay ni Kap Henry at magpapatuloy ng tungkulin ng kanilang pamilya sa Isla Azul, pero paano ito gagawin ni Harris kung sa bawat oras na magigising ito noon ay wala na itong ginawa kung hindi ang umiyak… At hanapin ang anak ng namayapa niyang kaibigan. Walang ibang ginawa si Harris noon kung hindi ang tumulala habang paulit-ulit na bumubulong ng… ‘Cristy.’

Bumuntong hininga si Tita Lani. “Ang lahat ng mga litrato na ito, ikaw ang kumuha gamit ang camera na niregalo ko sa ‘yo para sa pagtatapos mo ng highschool.”

Unang inabot ng nanginginig na kamay ni Harris ang polaroid camera. Nag-igting ang mga panga niya dahil sa kakaibang bigat na nararamdaman niya sa dibdib niya sa hindi niya malamang dahilan. Ibinaba niya ang camera at inabot ang mga lumang litrato bago iyon isa-isang tiningnan. Pamilyar na mukha pero hindi ang mga litrato. Hindi niya maalala kung saan at kailan niya kinuhanan ang mga iyon, mga litrato nina Adolph, Mel, Jojo at Jin. Hanggang sa mapahinto ang kamay niya sa litrato na may isang babae. Maganda ang babaeng nasa litrato, morena ang kulay ng balat at mahaba ang buhok. Nakangiti itong nakatingin sa kanya. Lalong bumibigat ang pakiramdam niya. Pigil pa rin ang mga luha pero sumasakit na ang ulo niya.

“Minsan tinanong mo ako kung may anak ba sina Poncio at Harwina…” Lumunok muna ng laway si Tita Lani, pinunasan ang mga luhang lumalandas sa mga pisngi niya. Muli siyang inuusig ng konsensya niya. Iniisip niyang kung hindi lamang nawala sa isip niya ang dapat na pagkikita nila ni Lila noon... Hindi sana ito maaabuso ng asawa niya. Hindi sana ito magkakaro’n ng dahilan para magpapakamatay. “Si Lila ang nasa larawan na ‘yan. Napaka-simple lang ng batang ‘yan pero napaka-bait. Mahal na mahal niya sina Poncio at Harwina.” Suminghap siya habang pilit na pinipigilan ang pangangatal ng mga labi at boses. “Minolestya siya ng daddy mo… At nagpakamatay siya.”

Hindi makapaniwalang sinalubong ni Harris ang tingin ng mommy niya. Sumasakit lalo ang ulo niya pero mas lamang ang bigat na nararamdaman niya sa dibdib niyang parang pinipiga. Ayaw na sana niyang marinig pa ang mga susunod pang sasabihin ng mommy niya dahil iba ang dulot na sakit no’n sa kanya pero kailangan. Bumalik ang tingin niya sa hawak na mga litrato. Isang payat na babae ang sumunod niyang nakita, singkit ang mga mata at nakangiti habang nakatingin sa malayo. Tant’ya niyang hindi alam ng dalagita na kinukuhanan ito ng mga litrato. Pinalitan niya ang litrato at mukha nito ang muli niyang nakita. Nakailang palit na siya sa mga hawak pero halos lahat ay mukha na ng magandang dalagita ang laman. Huminto ang kamay niya sa isang litrato na kasama niya ito, nakangiti silang dalawa at nakatingin sa isa’t-isa.

Stolen shot pero kitang-kita sa litrato kung gaano sila kasaya. Kung gaano siya kasaya na kasama ang dalagitang hindi niya maalala ang pangalan. Pero bakit parang tinutusok ng ilang libong karayom ang dibdib niya. Hanggang sa tuluyan na niyang hindi napigilan ang paglandas ng mga luha sa magkabila niyang pisngi. Nabitawan na niya ang iba pang litrato na lumaglag sa sahig, at tanging ang litrato kung saan kasama niya ang nakangiting dalagita ang naiwan sa kamay niya na patuloy niyang tinititigan.

“10 years ago nang mangyari ang tinatawag na bloody night dito sa Isla Azul. Isang massacre ang nangyari sa bahay ng kaibigan mo, Harris. Hindi ko alam kung matatandaan mo, pero… Kayo ng mga kaibigan mo ang unang nakakita sa nangyari sa bahay kung saan naganap ang massacre. Kayo rin ang unang naka-discover ng katawan ni Lila nang magpakamatay siya. Pagkatapos ng mga araw na ‘yon...” Nagbuga ng hangin si Tita Lani. Kitang-kita niya ang pagkalito at sakit sa mukha ng nag-iisang anak niya at hindi iyon madali para sa kanya. Dahil nakita na niya kung paano ito halos masiraan ng bait dahil sa mga nangyari noon.

Pinunasan niya ang mga luha. Sa pagkakataon na ito, kailangan niyang magpakatatag dahil sa kanya huhugot ng lakas si Harris. Sa kanya lang wala ng iba. “Pagkatapos no’n, hindi na naging normal ang buhay ninyo. Hindi na kayo makausap ng maayos at wala kayong ibang ginawa kung hindi ang tumulala o umiyak. Lalo ka na… Gabi-gabi at oras-oras mo siyang hinahanap. Umiiyak ka habang binabanggit ang pangalan niya. Nagwawala ka at hinahanap mo siya. Hindi mo matanggap na wala na si -”

“C-Cristy… Cristy…” bulong ni Harris. Halos malukot na ang litrato na hawak ni Harris. Ang litrato na naging dahilan kung bakit parang gusto ng lumabas ng puso niya mula sa dibdib niya at sumabog.

Lalong naiyak si Tita Lani nang marinig ang pangalan na binaggit ng anak niya.

“Cristy patawarin mo ako… Sorry, Cristy… Sorry…” Iyak ni Harris. Naaalala na niya ang lahat. Ang magulo at madugong umaga sa bahay nina Kap Ryan, ang nakabigting katawan ni Lila at ang pagkawala ng unang babaeng nagpatibok ng puso niya na hindi niya nagawang protektahan… Si Cristy. Ngayon ay alam na niya kung bakit parang hirap na hirap siyang magmahal ulit… Kung bakit sa tuwing hahawak siya ng camera ay gusto niyang maiyak… At kung bakit palaging may nakangiting babae ang dumadalaw sa panaginip niya na hinahabol at iniiyakan niya. Ang babaeng unang minahal niya. Ang babaeng hindi niya nagawang iligtas mula sa kapahamakan.

Niyakap ni Harris ang litrato at patuloy na umiyak. Hinampas niya ng ilang ulit ang dibdib niya pero hindi nababawasan ang kung ano mang sakit na nararamdaman niya do’n. Ganito pala talaga kasakit ang nangyari. ‘Yung klase ng sakit na hinihiling niya na sana ay mawala na lang din siya sa mundong ito. Na sana tuluyan na lang sumabog ang dibdib niya. Sana tuluyan na lang din siyang mawala upang makita at mayakap na niya ang babaeng unang minahal niya. “I’m sorry, Cristy… I’m sorry wala akong nagawa. Sorry…”