Mahigpit ang yakap ni Rose sa katawan ni Tatay Poncio nang marinig ang isang putok ng baril. Patuloy ang paglandas ng luha sa kanyang mga mata. Kung mawawala si Tatay Poncio, mas mabuti pang mawala na rin siya. Siya naman talaga ang nagsimula nito. Siya ang puno’t dulo kaya dapat lang na siya ang mamatay.
“Rose!”
Namulat ni Rose ang mga mata nang marinig ang tumawag sa pangalan niya. Ilang minuto na pala ang nakalipas pero wala pa siyang kahit na anong nararamdamang masakit sa katawan niya. Narinig niya ang nagmamadali at papalapit na yabag sa may pwesto niya.
“Rose, ayos ka lang?”
“J-Jojo…” Hindi makapaniwalang usal ni Rose nang makita si Jojo na nakatayo sa tabi niya. Ngayon niya lang unti-unting napagtanto, hindi sa katawan niya tumama ang bala ng baril na narinig niyang pumutok kanina.
Hinanap ng mga mata niya ang lalaking labis-labis niyang kinamumuhian. Nakita niya itong nakahandusay sa lupa, duguan, pilit na inaabot ang baril na kanina lang ay hawak nito habang ang mga mata ay matalim na nakatingin sa kanya.
“P-Papatayin k-kita… P-Patayin kitang babae ka!” hirap na sambit ni Mang Celso habang bumubulwak ang maraming dugo mula sa bibig nito. “S-Salot! S-Salot k-ka! P-Putang in aka! P-Papatayin kita! P-Pinatay mo ang anak ko!”
“T-Tatay Poncio!” nagulat si Jojo nang makita si Tatay Poncio na duguan habang yakap ni Rose. Mabuti na lang at naisipan niyang mag-ikot-ikot muna sa isla bago siya umuwi. At nang makarinig ng isang putok ng baril malapit sa kanya ay kaagad niya iyong tinakbo at hinanap. Hindi na rin siya nakapag-isip kaagad nang makitang nakatutok na ang baril na hawak ni Mang Celso kay Rose. Kitang-kita niya ang gigil at galit sa mukha ng lalaki.
Bumalik ang mga tingin ni Rose sa yakap na lalaki. Pikit pa rin ang mga mata at namumutla ang mga labing may bahid ng dugo. Muling kaagad na lumandas ang mga luha sa pisngi niya. Wala naman talaga siyang gustong madamay eh. Maliban sa mga taong gusto niyang paghigantihan, wala na siyang iba na gustong mamatay. Hindi siya gano’n katigas at hindi talaga siya masamang tao. Hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili niya sa oras na si Tatay Poncio ang magbayad sa mga paghihiganting ginagawa niya ngayon. “J-Jojo, tulungan mo akong dalhin siya kay Harris.”
Hindi na nagsalita si Jojo at kaagad na tumalima kay Rose. Inalalayan niya ito sa pagbubuhat kay Tatay Poncio. Saglit niya pang tinapunan ng tingin si Mang Celso na dilat ang mga matang binawian ng buhay.
****
“Ligtas na po si Tatay Poncio.”
Ang sinabing iyon ni Harris ang muling nagpasabog sa mga luha ni Rose. “Thank you…. Thank you, Harris.” Hinawakan ng nanginginig niyang mga kamay ang mga kamay ng binatang doktor. Sa ilang oras na paghihintay nila habang ginagamot si Tatay Poncio, ay wala siyang ibang ginawa kung hindi ang umiyak at magdasal na sana ay makaligtas si Tatay Poncio at maging maayos ito. Hiniling niya na sana… Siya na lang ang mapahamak. Siya na lang ang mamatay.
“Tumagos ang bala sa katawan niya at walang maselan na internal organ na tinamaan, kaya wala na kayong dapat na ipag-alala, Rose,” tugon ni Harris.
“Salamat Harris. Hindi mo pinabayaan ang asawa ko. Hindi ko na alam ang mangyayari sa akin kung pati sa kanya ay may masamang mangyari,” iyak ni Nanay Harwina.
“Ginawa ko lang po ang trabaho ko, Nanay Harwina. Isa pa, malakas po si Tatay Poncio. Kaya nalampasan niya rin po ang lahat ng ‘to. Mabuti na lang din po at nadala siya dito kaagad nina Jojo at Rose sa bahay,” nakangiting sabi ni Harris habang pilit na itinatago ang labis na pag-aalala kay Rose. Nagulat siya nang sumugod sina Jojo at Rose kanina kasama ang duguang si Tatay Poncio. Saglit na umalis si Jojo para sunduin si Nanay Harwina. At pagkahatid kay Nanay Harwinasa bahay ay muling umalis para salubungin ang mga darating pang pulis.
“Sorry po, ‘nay… kasalanan ko po ang lahat ng ‘to. Kung hindi po dahil sa akin, hindi ‘to mangyayari kay Tatay Poncio. Dapat ako po ang nabaril. Dapat ako po ang -“
“Walang dapat na napahamak at mas lalong wala kang kasalanan… Ginawa lang ni Poncio ang alam niyang dapat niyang gawin. Ang protektahan ang tinuturing naming anak.” Putol ni Nanay Harwina sa sinasabi ni Rose. Niyakap niya ito ng mahigpit. Kahit kailan ay hindi niya sinisi si Rose. Kilala niya ang asawa niya, kung mula noon hanggang ngayon ay sinisisi pa rin nito ang sarili sa pagkawala ni Lila, sigurado siyang ngayon ay gagawin nito ang lahat para lang maprotektahan ang anak-anakan nila. Kahit sariling buhay pa ang maging kapalit.
Pilit na ngumiti si Rose nang kumalas siya sa pagkakayakap mula kay Nanay Harwina at humarap kay Harris. “Pwede na bang makita ni Nanay Harwina si Tatay Poncio?”
Tumango si Harris. Kanina pa niya gustong yakapin si Rose pero pinipigilan niya ang sarili. “Oo, tara… Ihahatid ko kayo sa kwarto kung nasaan siya.”
“Pakisamahan muna si Nanay Harwina, magsi-C.R. lang ako sandali,” ani Rose.
Natigilan si Harris. Hindi kasi siya kampante na iwang nag-iisa ang dalaga. “Sigurado ka, ayos ka lang mag-isa?” nag-aalalang tanong niya. Alam niyang gusto lang mapag-isa ni Rose. Sana lang ay nandito sa bahay ang mommy niya para kahit paano ay may iba pang maaaring dumamay dito.
Nakangiting tumango si Rose. “Susunod na lang ako. Saka sigurado ako na kapag namalayan ni Tatay Poncio na kasama niya na si Nanay Harwina, mas lalong lalakas ng loob niya.”
Bumuntong hininga si Harris bago tumalima. Sinamahan niya na si Nanay Harwina sa kwarto kung nasaan ang asawa nito. Sabay nilang iniwanan ang magandang turista na nakahatid tanaw sa kanila.
Nang makataas na sa sina Harris at Nanay Harwina sa ikalawang palapag ng bahay, ay naglakad na si Rose patungo sa loob ng pinakamalapit na banyo. Pumasok na siya doon bago iyon kinandado. At sa pagsandal niya sa likod ng pinto ay ang tuluyang pagsabog ng mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Pigil ang sariling mapahagulhol hanggang sa tuluyan na siyang mapaupo sa malamig na sahig.
Si Aling Sonia… Si Mel… Si Grace… At ngayon naman… Pati ang lalaking minsan niyang itinuring na tunay na tatay ay muntik nang madamay. Wala siyang ibang tao na gustong mapahamak at mamatay. Wala maliban sa mga demonyong sumira ng buhay niya.
‘Ilang tao pa ba ang hihintayin mong mapahamak?’
Tila narinig niya sa loob ng isipan niya ang boses ni Jojo. Paulit-ulit niyang sinasabi na wala siyang pakialam kahit sino pa ang madamay, mapahamak o mamatay. Pero hindi totoo ‘yun. Dahil habang tumatagal ay mas lalo na siyang nilalamon ng konsensya niya. Wala naman siyang ibang pagpipilian eh. Mas lalong hindi siya matatahimik kung hindi niya makukuha ang paghihiganti na gusto niya para sa pamilya niya… At para kay Lila.
Pero kung tuluyang may nangyaring masama kay Tatay poncio kanina, hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili niya. Dahil alam niyang hinding-hindi rin siya mapapatawad ni Lila.
“Para sa inyo naman po ang ginagawa ko na ‘to… Kahit hirap na hirap na ako, gagawin ko ang lahat para maipaghiganti kayo…” Iyak niya. Ang mukha niyang basa ng mga luha ay nakasubsob na sa mga palad niya. Hindi siya mamamatay tao… Hindi siya masamang tao. Gusto niya lang makuha ang hustisya para sa mga taong mahal niya sa buhay. Gusto niya lang maghiganti. At hindi ibig sabihin no’n, masama na siyang tao. Hindi naman silat ang puno’t dulo ng lahat. Biktima lamang din sila ng pamilya niya.
‘H’wag mo akong iiwan please? Ikaw lang ang nag-iisang kakampi ko sa madilim na mundo ko. Kaya sana mangako ka na kahit kailan, hinding-hindi ka mawawala sa buhay ko, bes.’ boses ni Lila.
‘Mahal kita, Ate. Salamat sa palaging pagtatanggol at pagprotekta sa akin.’ boses ni Nonoy.
‘Ako lang naman ang Mama mo, kaya ako ang unang makakaalam kapag nalulungkot ka…’ boses ng Mama niya.
‘Matuto tayong magpatawad, anak… Kahit anong mangyari, h’wag nating hahayaan na lamunin tayo ng galit at tuluyan na maging masamang tao.’ boses ng Papa niya.
Niyakap ni Rose ang sarili. Pigil pa rin ang sarili na mapahagulhol. Paano niya maaalis ang galit sa dibdib niya kung pilit na kinuha mula sa kanya ang mga taong mahalaga sa buhay niya? Paano siya magpapatawad? Paano ba talaga makalimot?
‘Gusto ko sana na… Na kalimutan mo na ang lahat ng galit sa dibdib mo. Kalimutan mo ang lahat ng paghihiganti na nabubuo sa isipan. H’wag kang magpalamon sa poot.’ boses ni Mommy Beatrice.
“Sorry po, Mommy Beatrice… Sorry pero hindi ko natupad ang pangako ko. Sorry papa… Mama…. Nonoy… Sorry, Lila.”
Niyakap na niya ang mga hita at isinubosob sa mga tuhod ang mukha niya. Baka nga tama na ‘to. Baka nga sumusuobra na siya. Kung pwede lang sana… Kung pwede lang na bumalik siya sa unang araw na pagdating nila ng pamilya niya dito sa isla. Kung pwede lang na bumalik siya sa masasayang araw niya dito sa Isla Azul. Kung pwede lang sana….
“Sorry Lila…”
*****
Saglit na pinagmasdan ni Rose ang mukha niya sa salamin. Naghilamos na siya pero bakas pa rin ang pamumugto ng mga mata niya. Malalim na buntong hininga ang binitawan niya bago siya nagdesisyon lumabas na ng banyo.
“J-Jin?” Hindi inaasahan ni Rose na makikita niya si Jin na nakasandal malapit sa kanya.
“Ang sabi ko naman sa ‘yo ‘di ba, tumigil ka na! Pati si Tatay Poncio muntik nang mapahamak nang dahil sa ginagawa mo!” matigas na sabi ni Jin.
“Pero hindi ko ginusto ‘yon!” kaagad na sagot ni Rose.
“Bakit ‘yung nangyari kay Aling Sonia? Kay Grace?” suminghap si Jin. “At kay Mel?! Ginusto mo ba ‘yun?! Rose, kaibigan natin si Mel!”
“Kriminal ang tatay niya!” giit ni Rose.
“’Yung tatay niya ‘yun! Pero hindi siya! Mabuting tao si Mel, pero dinamay mo siya!” Mula nang bumalik lahat ng memomrya ni Jin ay mas lalo siyang nagi-guilty sa pagkawala ni Mel. Pakiramdam niya kasi ay dapat noon pa bumalik ang alaala niya, baka sakaling may ibang paraan siyang nagawa non at baka buhay pa ngayon ang kaibigan nila. Isa pa, mabuting tao si Mel. Kahit gaano kahayop ang ugali ng tatay nito, wala ni katiting doon ang namana ng binata. Hindi ito dapat nadamay sa paghihiganti ni Rose. Hindi ito dapat namatay.
“Tumahimik ka na… H’wag nating pag-usapan ang bagay na ‘to ngayon dito sa bahay ni Harris,” sagot ni Rose. Lalampasan na sana niya si Jin nang hawakan siya nito sa braso. “Bitawan mo ako, Jin! Sinasabi ko sa ‘yo, hindi mo magugustuhan ang gagawin ko kapag pinigilan mo pa ako.”
Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak ni Jin sa braso ni Rose, hindi dahil sa nasindak siya nito… Kung hindi dahil sa awa na nararamdaman niya nang makita ang pamumugto ng mga mata ng dalaga. Tama si Jojo, mahina pa rin si Rose na pilit lamang nagpapakatatag sa harapan nilang lahat. “Sa tingin mo ba natutuwa si Lila na may nangyaring masama sa tatay niya?
“Bakit ikaw? Sa tingin mo ba, tahimik siya sa mga panahon na hindi nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay niya?” Lumandas na ang luha sa magkabilang pisngi ni Rose na kaagad niyang pinunasan ng kamay niya. Ayaw niyang ipakita kay Jin na naaapektuhan siya sa mga sariling ginagawa niya. Na Siya mismo ay nasasaktan din. Naiintindihan naman niya ang sinasabi nito, pero sana ay maintindihan din siya ni Jin.
“Pera tama na kasi! Itigil mo na ‘to! Patay na sina Mang Lester, Mang Mario at Mang Celso… Nakakulong na si Kap Henry. Ano pa bang gusto mo? Sino pa bang gusto mong mapahamak?!” Alam ni Jin ang nasa isip ni Rose… Na walang sinoman sa kanila ang nakakaintindi sa pinagdadaanan nito ngayon. Sa nararamdamn nitong sakit. Pero isa lang naman ang gusto niyang mangyari, ang wala nang madamay pa na ibang tao sa ginagawa nitong paghihiganti. At gusto niyang iparamdam sa magandang turista na… Nandito pa rin sila na mga kaibigan nito. Na hindi nag-iisa si Rose.
“Sa tingin mo ba gusto ko talaga ‘to? Gusto ko ang lahat ng nangyayari na ‘to? ‘Yung may mga nadadamay? ‘Yung may mga namamatay kahit wala naman talaga silang kasalanan?” saglit na kinagat ni Rose ang labi nang muli siyang maiyak. Kaagad niyang pinunasan ang mga luha nang mapaharap kay Jin. “Hindi ninyo kasi alam ang pakiramdam ng nag-iisa eh. Wala kayong alam sa nararamdaman ko.”
“Oo, tama ka… Kahit kailan siguro, hindi talaga namin maiintindihan ang sakit na nararamdaman mo. Pero mali ka sa sinasabi mong nag-iisa ka na lang… Dahil nandito pa kami. Kami na mga kaibigan mio.” Hindi na rin napigilan ni Jin ang sariling mga luha. “Rose, tama na… Nakikiusap ako, itigil na natin ito. Nakapaghiganti ka na sa kanilang lahat. Siguro oras na para… Para malaman nila ang totoo at makilala ka nila.”
Nagtiim ang bagang ni Rose habang nag-iisip. May punto si Jin. Nagawa at naisakatuparan na niya ang lahat ng mga plano niya. Oras na nga siguro para umalis siya sa isla kung saan nagsimula ang lahat. “Aalis ako dito pero… Hindi ko na kailangan pang ipakilala sa kanila ang sarili ko. Hindi na nila kailangan malaman pa ang totoo.”