noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 78

Ch. 79 / 98 Feb 05, 2022

Mabigat ang pakiramdam ni Adolph sa ulo niya imulat ang mga mata. Saglit pa siyang napahawak sa mya noo niya at hinilot-hilot iyon bago tuluyang naimulat ang mga mata. “Nasaan ako? Anong nangyari?”

Malamig ang hanging yumakap sa katawan niya. Pino ang butil ng buhanging dumidikit sa balat niya. At tila tambol sa ingay ang mga alon ng dagat na hindi layuan sa kanya.

Kaagad na napabalikwas si Adolph. Inilibot ang paningin sa madilim na kapaligiran na pinapaliwanag lamang ng bilog na buwan sa kalangitan. “Putang ina! Anong oras na?!”

Lumakas ang tibok ng dibdib niya. Masakit pa rin ang ulo niya at gulo ang isip pero tumayo na siya at nagsimulang maglakad.

“Ano bang nangyari, bakit wala akong maalala?!” ani Adolph habang mabilis na naglalakad. Bukod sa madilim na paligid ay nahihirapan din siya maglakad dahil sa kakaibang pakiramdam sa sarili niya. Para bang hindi nakasayad ang mga paa niya sa lupa, parang pati ang mga punong nadadaanan niya ay lumulutang at tila nage-echo naman sa pandinig niya ang huni ng mga panggabing ibon at kuliglig sa paligid. Huminto siya saglit at ipinilig ng mabilis ang ulo. Hinampas-hampas niya pa ‘yon. Masakit pero tila nagsisimula namang kumalma ang kanyang sarili bago nagpatuloy sa mabilis na paglalakad. Lito pa rin sa kung anong nangyari kanina at sa kung saan dapat pumunta ngayon.

Sa mahigit na kalahating oras niyang paglalakad, tinahak ng mga paa niya ang daan pauwi sa bahay nila. Unti-unti na niyang naalala ang lahat. Ngayon ang araw ng kasal niya. Kasal nila ni Grace…. Kasal na para sa ikabubuti nila ng tatay niya kahit hindi niya mahal ang dalaga. Pero pinuntahan niya si Rose sa Paraisong Azul. Nangako siya sa sarili niya na saglit lamang silang magkikita. Oo! Tama! Magkasama sila kanina. Magkayakap. Magkadikit ang kanilang mga labi. Pagkatapos… pagkatapos wala na siyang maaalala. Bakit gano’n? Bakit mag-isa na lang siya nang magising siya? Nasaan ang babaeng turista?

Napahinto siya sa paglalakad ng matanaw ang bahay nilang nagliliwag. “Bakit ang daming tao sa bahay namin?”

Nagpatuloy siya sa paglalakad palapit sa bahay.

“Adolph!” si Jin na kaagad na lumapit sa kulot na kaibigan. Kitang-kita niya ang pamumula ng nandidilat nitong mga mata. “Anong nangyari sa ‘yo? Saan ka galing? Buong araw ka naming hinahanap!”

“Bakit ang daming tao dito sa bahay namin?” balik tanong ni Adolph na tila hindi tinatanggap ng utak niya ang mga tanong na binitawan ng kausap. Malakas ang kaba sa dibdib niyang hindi niya nagugustuhan. Lalo na mabaling ang tingin sa kanya ng mga tao at nagsimulang magbulung-bulong.

“Adolph, si Mang Mario…” Hindi alam ni Jin kung paano sisimulan ang gustong sabihin sa binata. Sa simbahan pa lang na binawian na ng buhay ang tatay nito ay labis na siyang kinakabahn sa kung ano ang pwede pang sumunod na mangyari. Si Mel, Aling Sonia, Mang lester… At ngayon naman ay si Mang Mario. Kasama ito sa mga planio ni Rose. Sigurado siya. Siguradong-sigurado siya.

“Anong nangyari sa tatay ko?!” Hinawakan ni Adolph sa magkabilang braso ang patpating kaibigan nang hindi kaagad ito sumagot. Lalong pinandilatan ng mga mata. Hilo pa rin siya at mas sumasakit ang ulo niya dahil sa nangyayaring hindi niya maintindihan. “Sabihin mo Jin, anong nangyari sa tatay ko?!”

“Wala na siya, Adolph!” Napataas ang boses ni Jin hindi dahil nasasaktan na siya sa pagkakahawak ni Adolph sa mga braso niya, kung hindi dahil hindi na niya kaya pa ang nakikitang sakit sa mga mata ng kaibigan niya. Kaagad itong naluha nang marinig ang sagot niya at ganoon din siya nang manlabo ang paningin dahil sa mga luha. “Wala na ang tatay mo. W-wala na si Mang mario, Adolph.”

“H-Hindi… Hindi totoo ‘yan!” Binitawan ni Jin an gang patpating binata. “Tabi!” sigaw niya at hinawi ang mga taong nasa labas ng bahay nila na alam niyang nakikiusyoso lang. “T-Tay…” nangatal ang mga labi niya nang makita ang tatay niyang nakahiga sa matigas nilang katre sa sala. Nanlalambot ang mga tuhod pero pinilit niyang maglakad palapit dito. “Tay gumising ka… Nandito na ako. Nandito na ang anak mo.” Lumuhod siya sa tabi ng katawan ni Mang Mario at sinimulang yugyugin ang ama. Hindi totoo ito. Hindi pwedeng mawala ang kaisa-isa niyang pamilya. Sinakrpisyo niya na lahat. At handa siyang magsakripisyo nang paulit-ulit para lamang sa sariling ama. Hindi ito pwedeng mangyari. Hindi! “Tay, gumising ka!!!”

*****

“Tahan na anak... Nahihirapan ka nang huminga dahil sa pag-iyak mo,” pakiusap ni Mang Celso habang nakayakap kay Grace. Mula nang makauwi sila ng bahay may dalawang oras na ang nakalilipas ay hindi pa rin humihinto sa pag-iyak ang anak niya. “Hayaan mo na si Adolph. Siraulo lang ang lalaking hindi magpapakasal sa ‘yo. At hinding-hindi ko na hahayaan pang makalapit sa ‘yo ang siraulo na ‘yon!”

“Papa, hindi ninyo po naiintindihan. Wala pong kasalan si Adolph!” iyak ni Grace. Halos hindi na niya maimulat ang mga mata dahil sa pamamaga ng mga ito.

‘Ay putang ina. Anong walang kasalanan?! Hindi ka nga niya sinipot sa araw ng kasal ninyong dalawa!’ pigil na pigil si Mang Celso na isigaw iyon kaya huminga muna siya ng malalim bago muling nagsalita. “Oh sige na, wala nang kasalanan ang gago – lalaking ‘yun. Pero pakiusap, h’wag ka nang umiyak. Baka hikain ka pa… Nahihirapan ka nang huminga, anak.”

Mariing umiling Grace. “Inakit lang siya ng siya ng babaeng turista! Siya ang may pakana nito! Sigurado ako! Magkasama silang dalawa ngayon! Inagaw lang niya sa akin si Adolph. Inagaw niya!” lalo lang siyang naiyak habang hinahampas sa dibdib ang papa niya. “Papa nakita ninyo namang bumalik sa akin si Adolph, ‘di ba? Nagmakaawa siya na ituloy ang kasal. Kaya wala siyang kasalanan. Si Rose! Ang babaeng turista na ‘yun! Siya po ang may kasalanan! Inakit niya lang po si Adolph. Inakit niya po ang lalaking dapat ay mapapangasawa ko! Inakit niya ang mahal ko…”

Niyakap ni Mang Celso ng mahigpit ang anak. Wala na siyang makapang salita na maaaring sabihin para kahit paano ay gumaan ang loob ng anak niya. Ito lang ang kaya niyang gawin sa ngayon. Ang manatili sa tabi ni Grace at iparamdam dito na hindi ito nag-iisa. “Sige lang anak… Iiyak mo lang ang lahat.” Pigil na rin ang mga luha ni Mang Celso. Naiiyak siya dahil sa sobrang sakit na dinaranas ng anak niya ngayon. Kahit kailan ay hindi niya hinayaang may makapanakit dito. Pinalaki niya itong matapang. Ibinigay niya ang lahat ng luho… Itinuring niya na parang isang prinsesa. Tapos wawasakin lamang ng isang lalaki ng puso ng babaeng inalagaan at minahal niya ng buong buhay niya!?

“Papa, gusto ko po munang mapag-isa…” pakiusap ni Grace.

“Pero anak –”

“Please, papa… Ngayong gabi lang po. Iwan ninyo po muna ako, pakiusap.” Bumitaw na si Grace sa pagkakayakap sa ama. Humiga sa kama at niyakap ang malaking unan na katabi niya.

“Sige anak. Pero h’wag mong ila-lock ang pinto ng kwarto mo. Para masilip-silip kita.” At nang hindi sumagot si Grace ay lumabas na ng kwarto si Mang Celso. Dumiretso siya ng kusina at nagsimulang magtimpla ng kape. Nanggigil pa rin siya hanggang ngayon sa ginawa ni Adolph sa anak niya. Kagaya ni Grace ay sigurado siyang kasama nito ang babaeng turista. H’wag lang talagang makabalik-balik ito ng Isla Azul, sigurado siyang mapapatay niya ito.

Bumuntong hininga siya nang maalala ang hitsura ng lalaking itinuring niyang kaibigan sa napakahabang panahon. Si Mang Mario na nalagutan ng hininga nang dahil sa kanya. Kung siya ang papipiliin, mas gugustuhin niyang mamatay ang anak nitong si Adolph. May pinagsamahan kasi sila ni Mang Mario… maraming taon. At matagal niya rin itong itinuring na kaibigan. Napapailing na hinalo niya ang tinitimplang kape baago muling bumuntong hininga. Nangyari na ang lahat. Namatay na ito kagaya ng isa niya pang kaibigan na si Mang Lester. Ang mga kababata niyang halos kapatid na rin ang turing niya.

“Celso? Celso si Delfin ito. Gising ka pa ba?”

Malalakas ang katok sa nilingon na pinto ni Mang Celso. Ang boses ni Mang Delfin ay medyo mahina pero kababakasan na tila nais gisingin ang sino mang tulog sa loob ng bahay niya. Kaagad niya na itong pinagbuksan ng pinto. “Anong ginagawa mo dito? Kung ang ipinunta mo dito ay ang pagkamatay ni Mario, wala na akong pakialam pa.”

Napalunok ng laway si Mang Delfin nang mabanggit ang pangalan ng namayapa nilang kaibigan. Mabigat din sa kanya iyon dahil naging malapit ito sa kanya noon. Pero mas may mahalaga siyang pakay kay Mang Celso. “Hindi ito tungkol sa kanya.”

Kumunot ang noo ni Mang Celso dahil sa sobrnag kaseryosohan ng boses ng kausap. “Pasok ka… Gusto mo ba ng kape?”

“Hindi na ako papasok at alam kong mas makabubuti kung dito tayo sa labas mag-uusap. Celsom nasa kabilang isla ngayon si Henry, nakakulong siya…” ani Mang Delfin na hindi pinansin ang alok na kape ni Mang Celso.

“Ano?!” Nanlaki ang mga mata ni Mang Celso. Hininaan niya ang boses at lumapit kay Mang Delfin. “Anong nangyari?!”

“Hindi pa malinaw sa akin. Ang sabi ng anak ko, pinagtangkaan niya raw gahasain ang babaneg turista.” Gusto sanang ipa-abswelto ni Mang Delfin ang kaibigan niya pero hindi niya kakayanin sa pagkakataon na ito lalo na at isang babaeng taga-Maynila ang ginawan nito ng masama. Hindi na niya balwarte ang Maynila at mahihirapan na siyang konrotlin ito. “Magsasalita na rin daw si Lani tungkol sa mga biktimang lumapit sa kanya noon upang humingi ng tulong.”

“Malaking problema ‘yan lalo na at maraming alam si Lani! Bakit kasi hindi nag-iingat si Henry?!” sambit ni Mang Celso. Pero mas napukaw ang isip niya sa unang sinabi ni Mang Delfin. “Sandali, sinabi mo ban a ang babaeng turista ang muntik na niyang gahasain kanina?”

“Oo,” sagot ni Mang Delfin.

“Paanong nangyari yun?!” Hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Mang Celso.

“Inihatid ni Jojo si Lani at Harris sa mansion, do’n nila naabutan na si Henry na halos molestyahin na ang turista.” Nagkataon na nasa presinto si Mang Delfin kanina at dumadalaw lamang, nang dumating si Jojo kasama si kap Henry at ilang mga tanod kanina.

“Hindi ‘yan ang ibig kong sabihin,” ani Mang Celso.

“Ha?” napamaang si Mang Delfin na hindi maintindihan ang pagkalitong nakikita sa mukha ng kausap.

“Ang ibig kong sabihin, paanong nangyaring napunta si Rose sa mansion. Eh siguradong sigurado ang anak ko na magkasama sina Adolph at Rose ngayon. Na baka nagtanan silang dalawa. Dahil siya lang naman ang pwedeng maging dahilan kung bakit aatras si Adolph sa kasal. Ang babaeng turista lang at wala ng iba!” sambit ni Mang Celso. Kagaya ni Grace, hindi siya pwedeng magkamali na ang babaeng turista ang dahilan ni Adolph kaya hindi ito pumunta sa kasal. Na magkasama ngayon ang dalawa at umalis na ng Isla Azul upang magsama. “Delfin, hindi ka ba nagtataka? May kakaiba eh… may kakaiba sa nangyayari ngayon. Lalo na sa babaeng ‘yon.”

“Wala akong maintindihan sa sinasabi mo, Celso.” Lalo lamang nalito ang isip ni Mang Delfin. Hindi pa niya nakikita ang babaeng turistang tinutukoy ni Jojo pero marami na siyang naririnig tungkol dito. At hindi siya sugurado kung ito rin ba ang babaeng tinutukoy ni Mang Celso. “Sino bang tinutukoy mo?”

“Ang babaeng turista.” Halos pabulong na sagot ni Mang Celso. Pakiramdam niya ay parang nararanasan niya ngayon ang tinatawag ng karamihan na deja vu. “Alam mo parang nangyari na ‘to eh… Ganitong-ganito rin. Nagkagulo ang isla natin noong -”

“Noon nang dumating sina Ryan dito sa Isla Azul,” putol ni Mang Delfin sa sinasabi ni Mang Celso. Naalala niya pa noong unang beses na may pinahuli si Kap Ryan na pusher sa isla nila, wala pa itong kahit na anong posisyon sa Isla Azul pero mahilig ng makialam. Hindi pa ito kapitan pero nagkakagulo na sila noon. At ganitong-ganito rin ang nangyari. Ang pagkakaiba lang, apat sila noon nina Mang Henry, Mang Mario at Mang Lester na pumupunta sa bahay ni Mang Celso upang pag-usapan ang gulong dinalada ng lalaking dayo sa kanilang isla.

“Kailan ba nagsimula ang lahat ng ito?” makahulugang sinalubong ni Mang Celso ang mga tingin ni Mang Delfin. “Hindi ba mula nang dumating ang babaeng turista na ‘yon? Ganitong-ganito rin tayo nang dumating si Ryan dito sa isla natin.”

Bumuntong hininga si Mang Delfin. May kabang namumuo sa dibdib niya kahit paranghaka-haka pa lang naman ang lahat ng sinasabi ni Mang Celso. Pero bakit parang gumagana ang instinct ng pagiging pulis niya. At pakiramdam niya, marami pang hindi magandang bagay ang mangyayari dito sa Isla Azul.