noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 92

Ch. 93 / 98 Feb 05, 2022

“Sigurado ka bang gusto mong mapag-isa?” may pag-aalala pa ring tanong ni Tita Lani kay Harris. Medyo kalmado naman na ang anak niya, nakapagtimpla na rin siya ng kape para sa kanilang dalawa na naubos na rin nila at ngayon ay sinabi nitong, gusto munang mapag-isa.

Nakangiting tumango si Harris. Mabigat pa rin ang pakiramdam niya lalo na sa dibdib niya pero kahit paano ay nabawasan iyon, kailangan niya lang siguro talagang malaman ang totoo. Kailangan niya lang umiyak. “I’ll be fine here, mommy. H’wag po kayong mag-alala.”

Bumuntong hininga si Tita lani at inayos na ang mga tasa na wala ng laman at inilagay sa ibabaw ng tray. Tatayo na sana siya nang may maalala. Nakangiti niyang hinawakan ang kamay ni Harris. “Harris, alam kong mabait si Rose. Sigurado ako na kung may isang tao na makakapawi ng lahat ng natitirang sakit at bigat d’yan sa dibdib mo, si Rose lang ang makakagawa no’n.”

Naramdaman ni Harris ang pagpisil ng mommy niya sa kamay niya.

“Naalala ko no’ng unang gabi na makita ko kayong magkausap. ‘Yung ngiti sa mga labi mo no’n, nakikita ko lang ‘yon kapag… Kapag si Cristy ang kasama mo.” Hindi maalis sa isipan ni Tita Lani ang gabi na unang beses niyang makita ang babaeng turista na kasama ng anak nila. Lalo na ng ipakilala ito sa kanila ni Harris, may kung ano kay Rose na nagpapagaan ng loob niya. Panatag siya dito at para bang napakatagal na niya itong kilala.

Napalunok ng laway si Harris nang maalala ang sinabi iyon ng mommy niya. Alam niyang ang gabi ng burol ni Mel ang tinutukoy niyo, mabigat sa pakiramdam niya no’n pero kaagad na gumaan nang makita niya si Rose sa pangalawang pagkakataon. Mula ng makilala niya ito sa bahay nina Tatay Poncio ay hindi na ito maalis sa isipan niya. Halos gabi-gabi niyang nakikita ang nakangiting mukha nito.

“Sa lahat ng babaeng ipinakilala mo sa akin bukod kay Cristy, sa kanya lang ako napanatag ng ganito. Alam ko namang ikaw pa rin ang magde-desisyon sa huli, pero gusto ko lang malaman mo na… Gustung-gusto ko si Rose para sa ‘yo.” Muling pinisil ni Tita Lani ang kamay ni Harris. Hinagkan pa niya ito sa noo bago siya tumayo at pumasok sa loob ng bahay dala ang tray ng mga tasa.

Naiwan si Harris na hawak ang litrato na magkasama silang dalawa ni Cristy. May lungkot pa rin sa dibdib niya pero nang maalala si Rose ay unti-unti iyong nababawasan. Tama ang mommy niya, bukod kay Cristy, kay Rose lang siya nakaramdam ng totoong saya at kapanatagan. Si Rose lang ang nagparamdam sa kanya na pwede ulit siyang maging masaya.

Isang malalim na buntong hininga ang binitawan niya bago pilit na ngumiti. SImula ngayong gabi, tuluyan na niyang tatanggapin ang pagkawala ni Cristy sa buhay niya. Oras na siguro para magmahal siyang muli. At alam niya na gusto rin ni Cristy na maging totoong masaya siya kagaya noon.

“Harris… Harris tulungan mo ako!”