noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 61

Ch. 62 / 98 Feb 05, 2022

“P*tang ina talaga! Kung wala lantg tayo sa barangay hall kahapon, sinaksak ko na ng ice pick ang mata ng gago na ‘yon!” may gigil na sabi ni Mang Lester.

“Gusto ko na ngang gilitan ng leeg!” dagdag ni Mang Celso.

“Akala mo kung sinong santong nagbabait-baitan! Ang kapal ng mukhang magharu-harian sa hindi naman niya teritoryo!” hindi rin nagpaawat si Mang Mario.

“Makakatikim talaga sa akin ang lalaking ‘yon. Wala siyang karapatan na ipahiya ako sa harap ng mga tao ko,” seryoso ang boses ni Mang Henry pero may himig ng pagbabanta.

Bumuntong hininga naman si Mang Delfin bago ininom ang alak na laman ng bote niya. Silang lima ang mga sanggang dikit na magkababata dito sa Isla Azul. Kahit mula nang maging ganap siyang pulis ay madalas pa rin siyang na nakakasama sa ganitong klase ng inuman ng mga kababata. Naging madalang lang mula nang mapalitan ang kapitan ng isla at naging si Kap Ryan na. Para kasing biglang naging sersyoso ang trabaho niya. Dumoble lahat ng ginagawa niya. Hindi ‘yun pabor sa kanya pero pabor sa kaligtasan ng Isla Azul, kaya hindi siya nagrereklamo. Kaligtasan at katahimikan naman ng isla ang pinakaimportante para sa kanya.

“Bakit parang tahimik ka, Delfin?” baling ni Mang Henry sa katabing pulis na hindi na nakasuot ng uniform at tanging plain t-shirt ang pang-itaas. Sa bahay nito sila nag-iinuman ngayon at pinagsasaluhan ang nilutong chicharong isda ni Aling Elisse.

“Ano bang dapat kong sabihin eh parang nasabi ninyo na lahat?” napapailing na sagot ni Mang Delfin.

“Alam mo Delfin, bakit kasi hindi mo na lang i-salvage ang p*tang-inang ‘yon para tapos na ‘tong problema natin.” Lasing na si Mang Lester kaya lalo siyang nanggigil ngayon. Sa ilang taon na pagpapasok niya ng droga sa Isla Azul, ngayon lang may naglakas loob na hulihin siya. At isang lalaki pang dayo sa isla nila. Pinahiya siya nito sa buong isla at hindi nagdalawang isip na ipahuli siya sa mga pulis. Mabuti na lang talaga at nakausap kaagad ni Mang Henry si Mang Delfin na hindi muna magsama ng iba pang pulis. Kung hindi, baka na sa Maynila na siya ngayon at do’n nakakulong.

“Hindi gano’n kadali ‘yon. Saka para namang hindi ninyo ako kilala. Hindi ako gano’ng klase ng pulis.” Alam ni Mang Delfin na may mali sa ginagawa niya bilang isang pulis. ‘Yon ay ang pagtakpan ang kasalanan ng mga kaibigan niya, kabilang na ang pagbebenta ng droga ni Mang Lester sa loob ng Isla Azul pati na rin ang mga pangmo-molestya ni Mang Henry sa ilang kabataan. Para sa kanya ay hindi naman iyon masyadong nakakaapekto sa isla, ilan lamang ang kakilala ni Mang Lester na bumili ng droga sa isla… Samantalang wala rin namang naglalakas loob na magsampa ng kaso kay Mang Delfin kaya bakit niya pa pakikialaman ang mga bagay na ‘yon. Pero hindi rin niya gusto ang suhestyon ng mga kaibigan. Ang pumatay ng inosenteng tao dahil lamang sa galit at inggit. Oo, naiinggit ang mga ito dahil mas pinagkakatiwalaan ng mga tao ang isang dayo sa isla kaysa sa kanilang mga lehitimong pinanganak dito sa Isla Azul.

“Kunwari ka pa eh, gawain ninyo rin naman ‘yon,” ani Mang Celso habang ngumunguya. “Napakasimple lang naman, barilin mo. Lagyan mo ng droga sa bulsa. Sabihin mong siya ang totoong pusher dito sa isla. Tapos!”

“Ibalato ninyo na lang kasi siya sa akin. Ako nang bahala sa kanya.” Muling uminom ng alak si Mang Delfin. Kapag ganitong kasama niya ang mga kababata niya, pakiramdam niya ay naiipit siya sa isang sitwasyong hindi niya naman gusto. Wala siyang kinakampihan pero alam niya kung sino ang mali at tama sa nangyayari. Kaya nga siya nag-pulis dahil ayaw niya ng krimen, pero hirap na hirap siyang timbangin ang trabaho at ang pagkakaibigan nila.

Umismik si Mang Mario. “Alam mo, matagal na naming binalato sa ‘yo ang g*gong ‘yon. Pero habang tumatagal, lalo lang kami nagkakaproblema dahil sa kanya!”

“Tama ‘yon. Kung matagal mo nang tinira ‘yang mayabang ng Ryan na ‘yan, hindi ako magkaka-record dito sa isla natin!” singhal ni Mang Lester.

Bumuga ng hangin si Mang Delfin pero hindi nagsalita.

Napansin naman iyon ni Mang Henry. Sa kanilang lima, sila ang pinakamalapit sa isa’t-isa. Kaya nga nagagawa nitong pagtakpan ang mga kasalanang ginagawa niya. Inilapit niya ang upuan sa tabi nito. Inakbayan ang lalaki. “Delfin, naalala mo ba no’ng mga bata pa tayo?”

Hindi nagsalita si Mang Delfin. Alam na alam na niya kung saan papunta ang sasabihin ni Mang Henry.

“Hindi ba muntik ka nang malunod no’n, tapos si Lester ang sumagip sa buhay mo? Saka no’ng muntik inatake sa puso ang tatay mo, wala ka sa bahay ninyo no’n at nasa training ka sa pagpu-pulis mo… Hindi ba sina Celso at Mario ang nagdala sa kanya sa ospital? At nang minsang ma-ospital ang asawa mo, sinong lagi mong kasama? Hindi ba ako? Kami ng mga kaibigan mo? Kami ang laging nagpapalakas ng loob mo na gagaling siya sa mga komplikasyon niya sa diabetes. Ngayon eto, masaya kayo kasama ang anak ninyo.” Tinapik-tapik pa ni Mang Henry ang balikat ng kausap. “Kaya Delfin, h’wag ka nang makialam, ha? Hayaan mo na lang sa amin ‘to. Kami nang bahala sa mga dayo na ‘yon.”

Nagtiim ang bagang ni Mang Delfin pagakatapos ng huling lagok na ginawa niya sa bote ng alak. Unti-unting naguguluhan ang isip. Alam niya ang tama pero parang mas panig siya sa mali? Bakit kasi minsan parang ang hirap kampihan ng tama?

Samantalang kanina pa sa may likod ng pinto si Jojo. Sigurado siyang malalim na ang tulog ng mama niya kaya naglakas loob siyang lumabas ng kwarto. Rinig na rinig niya ang mga naging pag-uusap ng mga matatanda sa may balkonahe ng bahay nila. Normal nang pag-usapan ng mga ito ang tungkol sa pamilya ng mga dayo. Pero bakit parang iba ang dating sa kanya ng tono ng pagsasalita ng mga kaibigan ng papa niya? Lalo na ‘yong huling sinabi ni Mang henry. Saka tama ba ‘yung narinig niya?

‘Kami na ang bahala sa MGA dayo na ‘yon…’

****

“Uy Jin, ikaw lang mag-isa?” tanong ni Cristy nang maabutan si Jin sa may gilid ng ilog mabato. May hawak itong lapis at sketch pad.

“Si Adolph nandito kanina pero umalis din kaagad,” sagot ni Jin na patuloy sa pagguhit.

Tahimik namang pinagmasdan ni Cristy ang katabi. Dalawang araw na buhat nang makausap niya si Lila. Hindi niya na muna ito pinilit na lumabas ng bahay lalo na ng sinabi nito sa kanya na gusto muna ulit mapag-isa. Hindi pa nito handang sabihin ang lahat kayna Tatay Poncio at Nanay Harwina pero gumaan na raw ang loob nito dahil nakausap na siya. May isa pang hiniling sa kanya si Lila, h’wag na h’wag babanggitin sa mga kaibigan niya lalo na kay Jin ang totoong nangyari. “Si Lila ba ‘yan?” pansin ni Cristy nang maaninag ang ginuguhit ng binatilyo.

Ngumiti si Jin pero hindi nagsalita. Patuloy siya sa pagguhit. Ang mukha lang ni Lila ang kaya niyang iguhit ng walang kinokopyahan. Para kasing kabisadong-kabisado na niya ang bawat hubog ng mukha nito. Ang bawat sulok ng ngiti at mga mata ng dalagitang mahal niya.

“Sobrang espesyal talaga ng bestfriend ko sa ‘yo ‘no?”

Ang sinabing iyon ni Cristy ang nagpahinto sa pagkilos ng kamay ni Jin. Sa totoo lang, maswerte ang isang kagaya niya na naging parte ng masayang barkadang ito. Kasi sino ba naman siya kumpara sa mga ito. Isa lang siyang patpating inuuod na sa kababasa ng mga libro at kaguguhit sa papel. Pero mas swerte siya dahil nakilala niya si Lila. Ang naging tagapagtanggol mula niya mula elementary hanggang ngayon. “Pakakasalan ko siya kapag matanda na tayo.”

Kitang-kita ni Cristy ang kislap sa mga mata ni Jin. Napakainosente pero seryoso kung titingnan.

“Elementary pa lang, sobrang lampa ko na. Laging ako tinutulak, pinapatid… At minsan binubugbog pa ng mga kaklase ko. Pero nagbago lahat ‘yun nang makilala ko si Lila. Napakatapang niya. Sinisigawan niya at sinusuntok lahat ng mga nambu-bully sa akin. Siya ang naging tagapag-tanggol ko. Kaya nangako no’n na, hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa kanya kapag matanda na kami. At kahit ganito ako kapayat, ako ang magiging tagapagtanggol niya.” Malayo ang tingin ni Jin habang inaalala ang unang beses na nagkita sila ni Lila. Dumating ito noong may dalawang mataba siyang kaklase na nagtapon ng bag niya sa basurahan. Sinapak nito ang dalawang ‘yon at pinagbantaan na h’wag na h’wag na ulit lalapit sa kanyta. Hindi niya kaagad nakita ang mukha nito dahil umiiyak siya no’n, pero nang tawagin nito ang pangalan niya at tumaas ang tingin niya dito… para siyang nakakita ng isang anghel na morena ang kulay ng balat. Nakangiti ang mga labi at nakalahad ang kamay sa kanya. Isang morenang anghel na bumaba sa lupa para mahalin niya. “Alam mo naman kung gaano ko siya kagusto ‘di ba? Elementary… Highschool. Hindi nagbago ang kung anumang nararamdaman ko sa kanya. Hanggang sa nagising na lang ako na alam ko na sa sarili ko na… Hindi ko na siya gusto.” Nakangiting sinalubong ni Jin ang mga tingin ni Cristy. “Dahil mahal na mahal ko na ang bestfriend mo.” Kumunot ang noo niya nang magtama ang mga tingin nila ni Cristy. “Teka… Bakit ka umiiyak, Cristy?”

“H-Ha?” Kaagad na pinunasan ni Cristy ang mukha na hindi niya napansing nabasa na ng mga luha. Naiyak na pala siya dahil sa mga sinabi ni Jin. Kung paano nito minamahal ang kaibigan niya. “W-wala… kinilig lang ako sa mga sinabi mo.” Suminghap siya bago tiningan ang drawing ni Jin. “Ang galing mo talagang mag-drawing.”

“Salamat. Balak ko ‘tong ibigay sa kanya kapag nagkita na ulit kami. Sana umayos na ang pakiramam niya,” ani Jin. Minsan niyang dinalaw si Lila sa bahay nito pero ang sabi ng mga magulang nito, masama raw ang pakiramdam ng dalagita at ayaw munang lumabas ng bahay.

“Ang seryoso ng usapan ninyo, ah!” bati ni Jojo na umupo sa tabi ni Cirtsy. Kasunod nito si Mel na umupo naman sa tabi ni Jin. “Anong pinag-uusapan ninyo?”

Isinarado na ni Jin ang malaking sketch pad. “Wala, ‘yung tungkol lang sa birthday ni Cristy.”

“Malapit na nga pala ang birthday mo ‘no?” baling ni Jojo kay Cristy. Medyo nagi-guilty siya dahil hindi niya masabi dito ang narinig niyang usapan kagabi ng matatanda. Paano niya ba sasabihin? Dapat niya bang sabihin. Paano kung lalo lang gumulo ang lahat. Pasimple siyang bumuntong hininga at pinalapad ang ngiti sa mga labi. “Saan party mo?”

“Party talaga? May konting handaan lang sa bahay, h’wag kayong mawawala ah. Next week pa naman ‘yon.” Napansin ni Cristy ang tahimik na si Mel. “Uy Mel, okay ka lang.”

“O-oo naman,” medyo nauutal na sagot ni Mel. Pilit na ngumiti.

“May problema ka ba?” muling tanong ni Cristy.

“Wala… Okay lang ako,” umiling pa si Mel habang nagsasalita.

“Sabihin mo na, alam na rin naman nina Cristy ‘yan,” ani Jojo.

“Tungkol ba ‘to sa… Sa nangyari sa barangay hall?” may pag-aalinlangan na tanong ni Cristy.

Lumunok si Mel bago tumango.

Suminghap si Cristy. Nalaman niya ang nagyari nang umuwi ang papa niya sa bahay na mainit ang ulo. Alam niya kung gaano nahihirapan ngayon si Mel dahil nahuli ng papa niya ang daddy nito na aktong nagdedeliver ng droga sa isla. “I’m sorry kung –”

“No! Hindi! Wala kang kasalanan,” kaagad na sabi ni Mel. Alam naman niyang daddy talaga niya ang may kasalanan sa lahat ng nangyayari. Bumuntong hininga siya. “O kahit pa si Kap Ryan. Alam naman nating totoo lahat ang paratang niya sa daddy ko.” Nagpigil ng luha si Mel. Mapait na ngumiti. “Kung kaya ko lang sanang itama lahat ng maling ginagawa ng mga magaulang ko… Matagal ko nang ginawa ‘yon.”