Pinagmamasdan ni Rose ang mga halaman sa malaking veranda nina Harris habang naghihintay na umalis ang mga pulis na dumating upang kausapin si Tatay Poncio tungkol sa nangyari kagabi. Siya na lamang ang umuwi kaninang umaga para kumuha ng ng mag-asawa na mananatili ng isang linggo dito sa bahay.
Iba’t-iba ang kulay ng mga bulaklak at hugis ng mga dahon ang nakikita niya sa may veranda. May malaki, maliit at karamihan ay mababango. Halatang alagang-alaga ni Tita Lani.
Naalala niya na ito ang dahilan kung bakit magkasundo ang mga nanay nila ni Harris. Bukod kasi pagluluto ay hilig din ng mama niya ang pag-aalaga ng mga halaman. Marami sila halamanan noon sa maliit nilang bakuran. Karamihan ay galing kay Tita Lani. Napabuntong hininga siya nang mapagtantong kanina pa pala niya tinitigan ang malaki at namumulang bulaklak ng gumamela. Ang pinakapaborito ng mama niya sa lahat.
“Ikaw marahil ang sinasabi nilang magandang turista.”
Nag-igting ang mga panga ni Rose ng marinig ang isang pamilyar na boses. Pinilit na iginuhit sa mga labi ang isang ngiting sinigurado niyang natural na makikita sa hinarap na lalaki. “Kayo po pala, Mang Delfin.”
Lumunok ng laway si Mang Delfin. Ngayon niya lamang nakita ang sinasabing magandang turista sa Isla Azul, pero may kakaibang dating ang boses nito sa kanya. Lalo na ang pagbanggit nito sa pangalan niya. Para bang napaka-pamilyar sa panrinig niya.
“Bakit po kayo nandito? Hindi po ba matagal na kayong nag-retire bilang isang pulis?” tanong ni Rose habang may sarkastikong ngiti sa mga labi.
“Gusto ko lang makita at makausap si Poncio,” tugon ni Mang Delfin habang patuloy na sinusuri ang babaeng tutista. Hindi pamilyar ang mukha nito. Tunay na estranghero sa paningin niya. Pero ang boses at mga ngiti, hindi niya matandaan kung saan niya huling beses na nakita o narinig.
“Para saan pa?” muling tanong ni Rose. Ramdam niya ang makahulugang mga titig ng lalaking kausap niya. Sinusuri siya nito. Kinikilala. Pero sigurado siya na sa laki ng pinagbago ng mukha niya, hinding-hindi nito maalala ang huling beses na nakapag-usap silang dalawa.
“Gusto ko lang personal na makitang maayos na siya.” Nabakasan ni Mang Delfin ang inis sa boses ni Rose. Naiinis itong kaharap at kausap siya. Pero bakit? Ito ang unang pagkakataon na nagtagpo ang landas nila, kaya wala siyang nakikitang dahilan para kainisan siya nito.
“Oh c’mon! Kailan pa po kayong naging concerned dito sa isla? Sa mga tao dito sa Isla Azul?!” Naniningkit pa ang mga mata ni Rose habang nagsasalita. Pinipigilan niya ang sarili na manginig sa galit, pati na ang mga luha niya na nais nang magwala mula sa mga mata niya. Inamin sa kanya ni Jojo ang tungkol sa pagtatakip ni mang Delfin sa mga kaibigan nito. Lalo na ang pagsang-ayon nito sa kasinungalingan upang masira ang pangalan ng papa niya. Walang kinalaman si Mang Delfin sa pagkamatay ng pamilya niya, pero nang dahil sa lalaking ito, mas lalo silang napagkaitan ng totoong katarungan. “Alam ko naman ang totoo. Mas concern pa kayo sa sarili ninyo at mga kaibigan ninyong baluktot ang isip kaysa sa mga taong totoong nagmamalasakit dito sa isla.”
Hindi kaagad nakapagsalita si Mang Delfin. Napalunok siya ng laway habang titig na titig sa mukha ng babaeng turista. Lalo na sa mapait na ngiti sa mga labi nito. Sino ba ang babaeng ‘to? Bakit kung makapagsalita ito ay parang kilalang-kilala siya?
“Bakit bigla kayong natahimik, Mang Delfin? Tinanong ko lang naman kung…” Bumuntong hininga muna si Rose. Lumunok ng laway habang patuloy na naniningkit ang mga matang nakatitig sa lalaki. “Totoo bang nagmamalasakit ka sa mga tao dito sa Isla Azul? Kasi kung oo…” Muli siyang napalunok ng laway. Muling nagpigil ng mga luha. “Bakit pinagtakpan mo ang mga totoong mamamatay tao dito sa Isla Azul?”
“Sino ka? Sino ka ba talaga?” Ngayon napagtatanto na ni Mang Delfin na tama ang sinabi ng mga kaibigan niya. Nagsimula ang gulo sa Isla Azul mula nang dumating ang babaeng turista. Hindi ito nagkataon lahat. Planado. Planado ito ng babaeng kaharap niya ngayon. Pero bakit?! “Anong kailangan mo –”
“Rose, sorry natagalan ako. Pwede mo nang makita si Tatay Poncio.”
Sabay na napalingon sina Mang Delfin at Rose kay Harris na kalalabas lang ng veranda.
Lumapit si Rose kay Harris at ipinulupot ang mga kamay sa braso nito bago nakangiting muling tumingin kay Mang Delfin. “Ayos lang, Harris. Nag-enjoy naman ako kausap si… Mang Delfin.”
“Ngayon nga lang pala kayo nagkakilala ‘no? Si Mang Delfin ang pinakamatagal na nangalaga ng totoong katahimikan dito sa Isla Azul. Dahil sa kanya, walang kriminal na nakakapasok dito sa isla. At namana lahat ‘yun ni Jojo,” kwento ni Harris.
Napaismik naman si Rose. Sinalubong ang naguguluhang mga tingin ni Mang Delfin. Pasimple siyang sarkastikong ngumiti ngumiti bago nagsalita. “Halata nga… Halatang napaka-payapa ng isla na ‘to dahil sa pangangalaga niya.”
“Tara na sa loob? Hinahanap ka na rin ni Tatay Poncio,” yaya ni Harris bago nagpaalam kay Mang Delfin.
“Sige po, Mang Delfin. Papasok muna kami sa loob ni Harris. It was nice to see you…” Pasimple pang ngumisi si Rose bago makahulugang tiningnan ang lalaki. “Again.”
Lumunok ng laway si Mang Delfin habang nakahatid tanaw kayna Rose at Harrris. Hindi turista sa Isla Azul ang babaeng kausap niya kanina lang. Kilala siya nito. At sigurado siyang maaaring kilala niya rin ito. Pero sino ito? Sino ba talaga ang babaeng ito at ano pakay nito sa Isla Azul? Sa kanilang lahat.
****
“Bakit kasi hindi ka na lang muna mag-stay sa bahay?” tanong ni Harris kay Rose. Inihatid niya na ito sa bahay at nakatayo sila pareho sa may tabi ng sasakyan niya. Si Tatay Poncio at Nanay Harwina ay nasa malaking bahay at doon muli magpapalipas ng gabi.
“Ayoko naman na walang maiwan na magbabantay dito sa bahay nila Tatay Poncio. Alam ko naman na walang mangangahas na pumasok dito sa bahay pero iba pa rin kasi ‘yung may tao dito.”
“Eh ‘di, sasamahan na lang kita…” ani Harris.
Ngumiti si Rose. Umiling. “Umuwi ka na, dahil kailangan ka do’n.”
“Bakit ikaw? Hindi mo ba ako kailangan?”
Pinigilan ni Rose ang paglapad ng ngiti niya. Naglalambing na naman ang binata. Pero alam niyang sa pagkakataon na ito, kailangan na iparamdam na niya kay Harris kung paano muling mabuhay ng malayo sa kanya. Nang hindi siya kasama. “Mas kailangan ng isla na ‘to.”
“Ha?” takang saad ni Harris. Para kasing nakalalim ng gustong ipahiwatig ni Rose. Isa pa, kanina niya pa rin napapansin ang kakaibang lungkot sa mga mata nito.
“Ang ibig kong sabihin, kailangan ka ni Tatay Poncio. Kaya umuwi ka na…” natatawang pagtataboy pa ni Rose.
Hinagkan ni Harris ang mga labi ni Rose. Banayad na halik habang ang kamay niya ay nasa magkabilang pisngi nito. Nang maghiwalay ang mga labi nila ay tinitigan niya ang magandang mukha ng turista. Mula sa labi nito, ilong at mga mata. Ang mukha nitong kahit kailan ay hidning-hindi niya pagsasawaan titigan. Kahit hindi niya maintidihan kung bakit parang napakabilis mahulog ng loob niya sa dalaga. Napakabilis niya itong minahal ng sobra. Ang alam niya lang, hindi na siya mabubuhay pa ng hindi ito kasama. Saglit niyang muling hinalikan sa noo ang dalaga. “I love you.”
Ramdam ni Rose ang sincerity sa sinabing iyon ni Harris. Malungkot siyang ngumiti at hinihiling niyang sana ay hindi iyon napansin ni Harris. Siya naman ang saglit na humalik sa mga labi nito. “Umuwi ka na…”
“Grabe, wala man lang I love you too.” Napakamot sa ulong ani Harris. Mukhang hindi na niya talaga makukumbinse pa si Rose na mag-stay na lang siya kasama niya. “Sige na nga. Pumasok ka na sa loob ng bahay tapos aalis na ako.”
“Hihintayin na kitang makaalis. Baka kasi dito ka pa matulog sa sasakyan mo.” Natatawang pagtataboy ni Rose.
“Grabe siya! Naisip mo pa talaga ‘yon?!” ani Harris.
“Kilalang-kilala na kita Harris. Kaya hihintayin na muna kitang umalis bago ako pumasok sa loob.” Natatawang muling sabi ni Rose.
Bumuntong hininga si Harris. Actually, iyon talaga ang plano niya. Mabuti naman na kasi ang kalagayan ni Tatay Poncio. Kaya balak niyang si Rose naman ang bantayan kahit hindi sa loob ng bahay nito. Kahit matulog na lang siya sa loob ng kotse niya. Pero dahil ayaw niyang magtalo pa sila, sumang-ayon na siya sa pagtataboy nito sa kanya. “Eto sasakay na po.”
“Uhmm… Harris.” Lumapit si Rose kay Harris na akmang pasakay na ng kotse nito. Hinagkan niya ang mga labi at pagkatapos ay niyakap ito ng mahigpit.
Nagtataka man ay nakangiting sumagot ng yakap si Harris.
Naipikit ni Rose ang mga mata nang maramdaman ang mga braso ni Harris sa katawan niya. Ito ang mga pagkakataon na hinihiling niya na sana ay hindi na matapos pa. Bakit kaya kapag nagdurusa ang isang tao ay parang walang hangganan, pero kapag sumasaya siya ay napakabilis ng oras? Bukod kayna Tatay Poncio at Nanay Harwina, sa mga yakap ni Harris siya nakatagpo ng totoong katahimikan, pero alam naman niya na hindi ‘yon pang-habambuhay. Ang panghabambuhay ay hindi para sa kanilang dalawa.
Pasimpleng pinunasan ni Rose ang luha sa mga pisngi niya. Bumuntong hininga bago kumalas sa mga yakap ni Harris.
“Umiiyak ka ba?” nagtataka at nag-aalalang tanong ni Harris. Naramdaman niya ang mainit na pisngi ni Rose nang makulong sa mga palad niya.
Nakangiti naman umiling si Rose. “Bakit naman ako iiyak. Sige na, Harris. Umuwi ka na…”
“Hindi ba talaga ako pwedeng mag-stay na lang kasama mo?” nakalabing tanong ni Harris. Hindi talaga siya komportable na iwanan itong nag-iisa.
“I’ll be fine here, h’wag kang mag-aalala sa akin. Saka… Maaga naman akong pupunta sa inyo bukas,” sagot ni Rose. Pinisil niya ang kamay g binata habang ikinukubli ang lungkot sa mga mata. Plano na kasi niyang umalis bukas ng umaga ng walang paalam sa mga ito. Ang ibig sabihin, pwedeng ito na ang huling gabi ng pagkikita nilang dalawa. “Maaga kitang pupuntahan bukas.”
“Promise?”
Ngumiti si Rose muling dinampian ng halik ang mga labi ni Harris. “Promise.”
Bumuntong hininga si Harris. Batid niyang hindi na talaga niya mababago pa ang isip ni Rose. “Magpahinga ka na rin kaagad, ha?”
Nakangiting tumango si Rose kay Harris na sumakay na ng kotse nito. “Ingat ka sa pagda-drive.” Kumaway pa siya bago ito tuluyang makalayo mula sa kanya. At nang wala na ang sasakyan ng binata ay inilibot niya ang paningin sa paligid. Kanina pa niya nararamdaman na parang may nanonood sa pag-uusap nila ni Harris. May nakikinig.
Malamig na simoy ng hangin.
Mga ingay ng kuliglig at ibon na panggabi.
Madilim na paligid.
Bukod sa mga iyon ay wala na siyang iba pang napansin na kakaiba. Napapailing na nagdesisyon na siyang maglakad patungo sa may pinto ng bahay. Binubuksan na niya ang pagkakandado no’n nang makarinig ng mga kaluskos mula sa likuran niya. Mga yabag na papalapit sa kinatatayuan niya. At tuluyan nang nanlamig ang kamay niya nang marinig ang isang pamilyar na boses na tumawag sa tunay niyang pangalan.
“Cristy, kailangan nating mag-usap.”