Napatayo si Harris nang makalapit ang humahangos na si Jin sa kanya. Pawisan ang buong mukha nito at malalim ang paghingal na tila galing sa malayong pagtakbo. Pero ang lalong nagpaalala sa kanya ay nang makita si Jojo na akay nito at tila walang malay. May dugo sa noo ng binatang pulis na tila malakas na hinampas ng kung anong matigas na bagay.
“Anong nangyari?!” Hindi na hinintay ni Harris na makasagot si Jin, pumasok siya sa loob at kaagad na kinuha ang medicine box. Nang makabalik ay hindi nagsayang ng oras at sinimulang gamutin ang malaking sugat ni Jojo sa noo. “Saan ba kayo galing?! Sino nakaaway ni Jojo?”
“W-Wala siyang nakaaway…” nauutal na sagot ni Jin. Hanggang ngayon ay malakas pa rin ang tibok ng puso niya. Kanina ay nagdesisyon siyang puntahan si Rose pero laking gulat niya nang si Jojo na lang ang maabutan na walang malay sa labas ng bahay nito.
“Eh sinong may gawa nito sa kanya?!” halos pasigaw na muling tanong ni Harris habang nililinis ang sugat sa noo ni Jojo. Pumutok ang bukol nito pero mabuti na lang at hindi iyon masyadong malalim at malaki kaya hindi na kailangan pang tahiin. “Saan ba kasi kayo galing dalawa?!”
“N-Nakita ko na lang siyang walang malay at duguan…”
“Saan nga?!” tanong ni Harris. Naiinis na siya dahil parang ayaw pa sumagot ng maayos ni Jin.
“S-Sa labas ng bahay nina Tatay Poncio…”
Napalunok ng laway si Harris at napahinto sa ginagawang paglalagay ng benda sa ulo ni Jojo. Dahan-dahang bumaling ang tingin niya kay Jin na halatang nagpipigil ng iyak. “N-nasaan si Rose? May nangyari bang masama sa kanya?!” kinakabahang tanong ni Harris.
Umiling si Jin. “Wala siya do’n sa bahay.”
Tinapos na ni Harris ang ginagawang pagbebenda sa ulo ni Jojo. Kaagad niyang inayos ang mga gamit. Aalis siya at babalikan niya ang bahay nina Tatay Poncio. Hindi niya dapat iniwanan mag-isa si Rose do’n. Hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili niya sa oras na may masamang nangyari dito.
“Harris… Kailangan nating mahanap si A-Adolph.”
Kumunot ang noo ni Harris na lumingin kay Jin. “Ano bang sinasabi mo?! Si Rose ang nawawala, bakit si Adolph ang kailangan nating hanapin?!”
Hindi pa naman nakakausap ni Jin ang walang malay na si Jojo pero sigurado na siyang ito ang may kagagawan ng lahat. Si Adolph lang ang pwedeng gumawa nito kay Jojo. Ito lang ang may dahilan para dukutin si Rose. “Si Adolph lang ang pwedeng gumawa nito.”
“Pero bakit?!” Naguguluhan pa ring tanong ni Harris. Gustung-gusto na niyang umalis pero kailangan muna niyang malaman ang totoong nangyari mula kay Jin.
“Basta! Halika na! Sa sasakyan ko na lang sasabihin ang lahat. Kailangan na natin siyang puntahan sa bahay niya!” Kulang na lang ay hilahin ni Jin ang binata. Kanina pa niya pinipigilan ang maiyak at pilit na nilalabanan ang kabang nararamdaman niya. Kilala niya si Adolph pero hindi pa rin siya sigurado sa kung ano ang kaya nitong gawin. “Wala si Rose sa bahay nina Tatay Poncio, baka dinala siya ni Adolph sa bahay nito.”
Nagbuga ng hangin si Harris. Hindi na siya muling nagsalita pa. Kinuha na niya ang susi ng sasakyan sa ibabaw ng lamesa at akmang aalis na upang sumunod kay Jin nang may humawak sa kamay niya. Si Jojo na hirap na hirap sa pagmulat ng mga mata.
“S-Sasama ako…”
****
“Hindi ko maintindihan, bakit gagawin ni Adolph na sapilitang isama si Rose?” Muling nakaramdam ng pagkirot sa ulo si Harris habang nagda-drive papunta sa bahay ni Adolph. Katabi niya si Jin at si Jojo naman ay nasa nakaupo sa may likuran.
“Mahaba kasing kwento eh. At saka,” tiningnan na ni Jin si Jojo mula sa rearview mirror. Mukhang nawalan na naman ito ng malay. “Si Jojo talaga ang makakapagpaliwanag sa mga nangyayari na ‘to dahil siya ang may alam ng mga plano ni Rose.”
“Plano? Anong plano?!” lalong naguguluhang muling tanong ni Harris.
“Planong paghihiganti dito sa Isla Azul,” seryosong sabi ni Jin. Alam na niya ang mga plano ni Rose pero mahirap ‘yun ipaliwanag kay Harris, lalo na ngayong wala siyang ideya kung ano ba ang tumatakbo sa isipan ni Adolph. At nang maihinto ni Harris ang minamanehong sasakyan ay sinalubong niya ang mga tingin nito. “Si Rose at Cristy ay iisang tao lang.”
Namilog ang mga mata nit Harris sa narinig. Magtatanong pa sana siya nang bigla ng bumaba si Jin mula ng sasakyan. Sumunod siya dito at piniglan ito sa gagawing pagpasok sa loob ng bahay. “Jin, sandali lang. Lalo lang akong naguguluhan sa mga sinabi mo. Paanong naging iisa silang dalawa. P-Patay na si Cristy.”
Nagsalubong ang kilay ni Jin nang mapatingin kay Harris. Sa tono ng pananalita nito ay para bang kilalang-kilala na si Cristy. “Nakakaalala ka na?”
Tumango si Harris. “H-Hindi pa lahat pero sinabi na sa akin ni mommy ang totoo.”
Bumuntong hininga si Jin. Bakas niya sa mukha ng binatang doktor ang pagkalito sa mga nangyayari. “Marami ka pang hindi alam, Harris. Pero bago ‘yun kailangan muna nating hanapin sina Adolph at Rose.”
“Pero totoo bang… Iisang tao lang si Rose at Cristy?” muling tanong ni Harris. Kung totoo man ang sinasabi ni Jin tungkol sa babaeng turista, ‘yon siguro ang dahilan kung bakit sa napakabilis na panahon ay kaagad niya itong minahal.
Marahang tumango si Jin. Hirap na hirap din siya sa nangyayari ngayon. Kahit gaano niya kagustong sabihin ang lahat kay Harris ay alam niyang wala ng oras. Pumasok na siya sa loob ng bahay na halatang walang tao dahil sobrang dilim. Binuksan niya ang flashlight na dala. Bumungad sa kanya ang mga magulong gamit sa loob. Nakataob na lamesa, basag na orasan na nasa sahig at wasak na mga upuan. “Wala sila dito.”
“Sabihin mo muna sa akin ang dahilan kung bakit gustong gawan ng masama ni Adolph si Rose!” hindi pa ring humihintong pangungulit ni Harris.
Hindi na pinansin pa ni Jin ang mga sinabi ni Harris habang inililibot ang ilaw ng flashlight na hawak sa paligid. Napalunok siya ng laway nang makita sa dingding ang isang tila litratong nakapako. Nilapitan niya iyon at nanlaki ang mga mata niya. Litrato nilang pito iyon sa Paraisong Azul. Pero ang mukha nilang lima nina Mel, Jojo, Lila at Harris ay halos burado na at hindi na makilala dahil sa tila pag-uka gamit ang isang matalim na bagay. Muling siyang napalunok ng laway ng mailawan ang natitirang malinaw na mga mukha. Sina Adolph at Rose…
Napalunok ng laway si Jin. Bumibilis at lumalalim na naman ang tibok ng puso niya kasunod ang pamumuo ng pawis sa noo niya. Hindi ‘to pwedeng mangyari. “Naalala na ni Adolph ang lahat…”