noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 53

Ch. 54 / 98 Feb 05, 2022

Pakiramdam ni Mang Mario ay kaagad na umakyat ang dugo sa ulo niya nang makita ang pakay na babae na nasa bakuran ng bahay nina Tatay Poncio at nagwawalis. Nagmamadali siyang lumapit dito bago marahas na hinawakan sa braso si Rose.

“Hindi mo ba talaga titigilan ang anako ko, babae ka!?” nangangatal sa galit ang mga labi ni Mang Mario.

Lumunok ng laway si Rose. Nasasaktan siya sa pagkakahawak sa kanya ng lalaki pero nagawa pa niyang ngumiti. “Napadaan kayo Mang Mario? Sinabi na po ba ni Adolph sa inyo na hindi na siya magpapakasal?”

Lalong uminit ang dugo ni Mang Mario sa nang-aasar na ngiti sa mga labi ng turista. “Kailan mo ba talaga titigilan ang anak ko!?”

Kumunot ang noo ni Rose. “Wala po akong ginagawa na kahit na ano, Mang Mario. Bakit hindi ang anak ninyo ang tanungin ninyo? Kung kailan niya titigilan ang paghabol-habol sa akin na parang naglalaway na aso!?”

“Putang ina kang babae ka!”

“Mas putang ina ninyo!” Madiin ang bawat salitang lumabas sa bibig ni Rose. May gigil at galit. Hindi na niya napigilan ang sarili. Nangatal na ang mga labi niya sa galit. Hindi pa ganap na nangyayari lahat ng plano niya kaya labis-labis pa rin ang galit sa dibdib niya. “Anong pakiramdam ng nahihirapan!? Anong pakiramdam ng malapit na kayong tumira sa bangka!? Anong pakiramdam na sobrang baba ng tingin sa iyo ng ibang tao!? Hindi ba masakit?!” nanlalaki ang mga mata niya habang katal ang mga labi.

Wala sa loob na dahan-dahang nabitawan ni Mang Mario ang manipis na braso ng turista. Kitang-kita niya ang pigil na luha sa mga mata nito at pagggaralgal ng boses. Sino ba talaga ang babaeng ito!? Bakit parang galit-galit ito sa kanya?!

“Sa panahon ngayon, hindin pwedeng puro kabaitan lang ang mangingibabaw. Hindi pwedeng hindi gumanti ang mga naapi. Kaya gagawin ko lahat para maramdaman ninyo kung paano kayo itakwil ng sarili ninyong anak…” Nananakit na ang lalamunan ni Rose sa pagpigil ng mga luha. “At hinding-hindi ako titigil hangga’t hindi nasisira ang buhay mo. Hangga’t hindi ka namamatay, Mang Mario! Kayo ng mga kaibigan mo!”

Bahagyang napaatras si Mang Mario. Kilala siya ng babaeng turista. Kilala nito ang mga kaibigan niya. Pero paano?!

Napaismik si Rose. Lalong lumapad ang ngiti sa mga labi niya nang makita ang magkahalong takot at pagtataka sa mukha ni Mang Mario na inaasahan na niya. “Kaya pwede ba Mang Mario… H’wag ako ang kausapin mo tungkol d’yan sa anak mo. Dahil kahit kailan, hinding hindi ako magkakagusto sa anak mo na manang-mana sa ugali mong basura!”

Hindi na napigilan ni Mang Mario ang sarili, nasampal niya si Rose na ikinabagsak nito sa lupa. Dumugo ang labi ng magandang turista.

“Mang Mario, tama na po!” dumating si Jin na kaagad na pumagitna sa dalawa.

Biglang umiyak si Rose. Nakakaawang pag-iyak. “Ang sabi ko po sa inyo, kinausap ko na si Adolph. Ayoko na po ng gulo. Bakit kailangan pati ako saktan ninyo?”

Nagtiim ang bagang ni Mang Mario. Ang malademonyong mukha ni Rose kanina ay biglang umamo na parang tupang umiiyak ngayon. “Hayop kang babae ka! Umalis ka dito sa isla namin! Salot ka!” malakas na sigaw ni Mang Mario. Muli siyang pinigilan ni Jin sa gagawing pagsugod pa kay Rose.

“Ano bang ingay ito, ha?!” nagulat si Tatay Poncio nang makitang nasa lupa si Rose at nakahawak sa pisngi. Kinuha niya ang itak mula sa tagiliran at itinutok kay Mang Mario kung saan nakapagitan si Jin. “Anong ginagawa mo dito!? Bakit nangugulo ka dito sa bakuran namin!?

Kaagad namang lumapit si nanay Harwina kay Rose at niyakap ito. “Anak, ayos ka lang ba?”

Umiiyak na tumango si Rose.

“Paalisin mo na ang babaeng ‘yan dito, Poncio!” nakakaramdam ng paninikip ng dibdib si Mang Mario pero patuloy sa pagsasalita.

“Anong karapatan mong utusan ako!?” patanong na sagot ni Tatay Poncio habang ang itak ay halos nasa mukha na ni Jin na nakaharang kay Mang Mario.

“Nag-aalaga kayo ng salot dito sa pamamahay ninyo!” sigaw ni Mang Mario.

“Ikaw ang salot! Salot ka sa buhay ng pamilya mo! Umalis ka na dito kung ayaw mong lagyan ko ng sugat ‘yang mukha mo!” sagot ni Tatay Poncio.

“Walang hiya kang –”

“Mang Mario, tama na po! Baka makarating pa po kay kapitan ang nangyayari dito, mas malaking gulo po ‘to,” pangungumbinsi ni Jin kahit may kaba sa dibdib niya dahil sa talim ng itak na halos isang dangkal na lang ang layo sa mukha niya.

“Umalis ka na dito! At h’wag na h’wag mong susubukan na ilapat pa ulit ‘yang kamay mo dito sa anak namin kung hindi, gigilitan na kita ng leeg!” sigaw ni Tatay Poncio.

Kitang-kita ni Rose ang kaseryosohan sa mukha ni Tatay Poncio. Lalo siyang naiyak. Pero sa pagkakataong ito, totoong mga luha na at walang halong pagpapanggap dahil sa pagtatanggol sa kanya ng matandang lalaki at pagyakap sa kanya ng matandang babae.

“Hindi pa tayo tapos babae ka! Magkikita pa tayo sa impyerno, tandaan mo ‘yan!” pagbabanta ni Mang Mario bago umalis.

At nang wala na si Mang Mario ay nilapitan ni Tatay Poncio si Rose. “Ayos ka lang ba, anak?”

Napalunok si Jin sa huling salitang narinig mula kay Tatay Poncio. Kitang-kita niya ang pag-aalala ng mag-asawa sa babaeng turista. Pero mas naagaw ang atensyon niya ng mukha ni Rose. May luha sa mga mata at pilit na ngiti sa mga labi habang ang mga tingin ay nagpapabaling-baling sa mag-asawa. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang mga tingin na ginagawa ni Rose kapag hindi nagpapanggap. Sincere ang mga bawat ngiti at tingin na ibinibgay nito sa mag-asawa.

***

“Ayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong ni Jin nang lapitan si Rose. Pagkatapos ng gulong nangyari sa bakuran nina Tatay Poncio ay saglit na nagpahinga sa loob ng bahay si Rose. Hindi niya alam kung bakit naghintay siya sa may pampang na parang sigurado siyang pupunta doon ang turista. At pagkatapos ng halos isang oras ay dumating nga ito.

“Oo. Salamat kanina,” tugon ni Rose na nakatayo sa may tabi ni Jin.

“Dapat sumunod na kaagad ako kay Mang Mario kanina nang sabihin niya na pupuntahan ka niya. SInubukan ko pa kasing hanapin si Adolph, pero hindi ko naman siya nakita kaya sumunod na ako sa tatay niya,” kwento ni Jin. Nakokonsensya siya dahil medyo nahuli siya ng dating at hindi nagawang pigilan si Mang Mario na masampal si Rose.

“Ayoko rin munang makita si Adolph,” ani Rose.

“Ha? Bakit?” takang tanong ni Jin.

“Dahil ayoko ng gulo. Ayokong masira sila ni Grace nang dahil sa akin.”

Si Jin ang naguluhan sa sinabi ni Rose. Kung ayaw ni Rose ng gulo bakit nito hinalikan kagabi si Adolph? Bakit pinapakita at pinaparamdam nito na may gusto ito sa kaibigan niya. “Akala ko ba… Akala ko gusto mo si Adolph. Hindi mo ba siya kayang ipaglaban kagaya ng kaya niyang gawin para sa ‘yo?”

Kunot ang noong sinalubong ni Rose ang mga tingin ni Jin. Umiling siya. “Wala akong gusto sa kaibigan mo.”

Hindi kaagad nakasagot si Jin habang binabasa ang mga mata ni Rose. Isang buga ng hangin bago niya nagawang makapagsalita. “Pero hindi ba hinalikan mo siya kagabi? At sinabi mo sa kanya na… Na gusto mo siya at ikaw na lang ang pakasalan niya.”

Muling umiling si Rose. “Hindi totoo ‘yan. Siya lang ang habol nang habol sa akin. Actually, sinabihan ko na siya na h’wag na siyang makipag kita sa akin kasi nga ayokong maging dahilan ng gulo sa relasyon nila ni Grace. Isa pa, hindi siya ‘yung type ko. Hinding-hindi ko siya magugustuhan kaya bakit ko siya hahalikan?!”

Lalo lang naguguluhan si Jin pero sa nakita niyang pagkukwento ni Adolph kanina, isa lang ang sigurado siya. Hindi nagsisinungaling ang kaibigan niya. Naramdaman niya ang kamay ni Rose sa kamay niya.

“Naniniwala ka naman sa akin diba?” tanong ni Rose.

Dumako ang tingin ni Jin sa kamay ni Rose na may malaking peklat. Hinawakan iyon. Tiningnan ang palad. May peklat din iyon. Malalim. Itinaas niyang muli ang tingin upang magtama ang mga mata nila Rose. “Sino ka ba talaga?”

“H-ha?” saad ni Rose.

Humigpit ang hawak ni Jin sa kamay ni Rose na tila ayaw na itong pakawalan hangga’t hindi sinasagot ang mga tanong na gumugulo sa isip niya. “Wala akong alam malaiban sa pangalan mo, pero ikaw… parang kilala mo kaming lahat dito. Parang kinikilala mo ang bawat isa sa min dito sa isla. Sino k aba talaga, Rose? Bakit ginagawa mo ito sa amin ng mga kaibigan ko? Anong pakay mo dito sa Isla Azul?”