“Sabihin mo sa Lola Cita mo, napakasarap nitong kalamay na niluto niya. bagay na bagay dito sa pandesal,” ani Mang Mario habang kumakain.
“Makakararating po ‘yan,” tugon naman ni Jin. Maaga siyang pumunta kayna Adolph para dalhin ang niluto ng lola niya na kalamay. At dahil nagkakape na ang mga ito ay nakikape na rin siya. Bumaling ang tingin niya sa katabing si Adolph na mas mukhang puyat kaysa bagong gising. Mabagal din ang pagpiraso nito sa hawak na pandesal. “Uy, paps. Okay ka lang ba?”
“Oo naman,” kunwa’y natatawang sagot pa ni Adolph bago humigop ng kape. Malaki ang pasalamat niya dahil wala pa si Mang Celso nang ihatid niya kaninang madaling araw si Grace sa bahay nito. Pero nakiusap ang dalaga na h’wag siyang umalis. Humingi pa ito ng tawad kahit wala namang kasalanan. At nagmakaawa na ituloy na nila ang pagpapakasal. Hindi naman siya nakasagot ng maayos dahil sa totoo lang, buo na ang desisyon niya na iwanan ito. Hindi na niya itutuloy pa ang kasal nila.
“Anong oras ka pala nakauwi kagabi?” tanong ni Jin habang ngumunguya.
“M-maaga. Pagkahatid ko kay Grace, umuwi na kaagad ako dito,” sagot ni Adolph.
“Parang madaling araw na kitang namalayan na nakauwi dito,” singit ni Mang Mario.
“’Yun po siguro ‘yung lumabas ako sandali.” Buo na ang desisyon ni Adolph pero hindi niya alam kung paano iyon sasabihin sa tatay niya.
“Adolph! Adolph! Lumabas ka d’yang hayop ka!”
Halos sabay-sabay na napatayo sina Adolph dahil sa malakas na sigaw sa labas ng bahay.
“C-Celso? Ano bang nangyayari at ang aga-aga, sumisigaw ka d’yan?” bungad ni Mang Mario.
“Palabasin mo ‘yang hayop na anak mo!” muling sigaw Mang Celso.
Lumabas na rin sina Adolph at Jin. Bago pa napigilan ni Mang Mario ang kumpare ay nagawa na nitong suntukin sa mukha si Adolph na ikinatumba ng anak niya. “Sandali nga!” pumagitna na siya at hinakawan ang mga braso ni Mang Celso.
“Napakahayop mong lalaki ka! Putang ina mo!” nanggigil na sigaw ni Mang Celso.
“Pwede ba, sabihin mo nga muna kung anong ikinagagalit mo sa anak ko!?” pigil na rin ang galit na tanong ni Mang mario.
“Bakit hindi mo tanungin d’yan sa napakahayop mong anak?! Kung hindi pa ako nakauwi kaaagad kaninang madaling araw, baka kung ano nang ginawa ni Grace sa sarili niya!” Susugod pa sana ulit si Mang Celso kay Adolph pero mahigpit na hawak ni Mang Mario sa braso niya. Kung pwede lang talaga na basagin niya ang buong mukha ng lalaking ito. Nagbitaw siya ng malalim na buntong hininga bago binalingan ang kumpare. “Pagsabihan mo ‘yang anak mo. Kung hindi na talaga siya tutuloy sa kasal, umalis na kayo sa bahay na ‘to!” Marahas niyang binawi ang kamay bago nagmamadaling umalis.
Saglit natulala si Mang Mario sa umalis na kumpare bago binalingan si Adolph. Hinawakan niya ito sa kwelyo at itinayo. “Sabihin mo nga sa akin, magkasama ba kayo ng babaeng turista kagabi!?”
“Mahal ko si Rose, ‘tay...”
Nangatal ang mga labi ni Mang Mario. Akmang susuntukin niya si Adolph nang si Jin naman ang pumigil sa kamay niya. Binitawan na lang niya ang kinuwelyuhang anak bago sinamaan ng tingin. “Hindi ba sinabi ko sa ‘yo na layuan mo ang babaeng ‘yon!?”
“Pero siya ‘yung gusto kong pakasalan! Ngayon lang ako susuway sa lahat ng mga pinapagawa ninyo sa akin!” Pigil ang galit at luha habang nagsasalita si Adolph. Ito ang unang pagkakataon na pipiliin niya ang sarili niya. Ngayon lang niya gagawin ang bagay na gusto niya para sa sarili niya. “Hindi ko hinihingi ang suporta o pahintulot ninyo. Gagawin ko ‘to sa ayaw at sa gusto ninyo, ‘tay.”
“Adolph, hindi mo ba talaga naiintidihan?! Kapag hindi mo pinakasalan si Grace, baka sa bangka na tayo tumira! Lahat ng ari-arian natin ay nakasangla na kay Celso –”
“Nang dahil sa mga pagsusugal ninyo!” putol ni Adolph sa sinasabi ng tatay niya. “Kayo naman talaga ang puno’t dulo nito ‘di ba!? Bakit kailangan ninyong ibunton sa akin ang mga kasalanan ninyo?! ‘Tay, kung hindi ninyo winaldas ang lahat ng mga naiwan ni nanay, hindi akong magiging pambayad utang sa mga kagaguhan ninyo!”
Hindi na naawat pa ni Jin si Mang Mario at nagawa nang tumama ng kamao nito sa pisngi ni Adolph.
“Sige, bugbugin ninyo pa ako. Kung gusto ninyo nga, patayin ninyo na ako. Pero hinding-hindi na magbabago ang desisyon ko na umatras sa kasal namin ni Grace. Sasama na ako kay Rose sa pagbalik niya sa Maynila!” matigas na sabi ni Adolph.
“Hinding-hindi mangyayari ‘yan! Hindi ko hahayaan na sirain ng turista na ‘yun ang kasal ninyo ni Grace at ang buhay natin sa isla na ‘to!” pigil ang galit na umalis na si Mang Mario.
“A-ayos ka lang ba?” ngayon lang nagawang magsalita ni Jin. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga narinig at nalaman niya. Nagawa ni Adolph na tapusin na ang lahat kay Grace kagabi lang.
“Sino ba namang magiging ayos kung dalawang beses kang nasapak sa umaga?!” inis na sagot ni Adolph habang nakahawak sa panga na ramdam niyang may pasa na.
“Ano ba kasi ‘yung sinasabi ni Mang Celso?” naguguluhan pa ring tanong ni Jin.
“Malinaw naman ‘di ba? Ayoko nang magpakasal kay Grace.” Nagbitaw si Adolph ng buntong hininga. “Lalo na ngayon na sigurado na akong tama ang hinala ko.”
“A-anong ibig mong sabihin?” Hindi gusto ni Jin ang tono ng pagsasalita ni Adolph. Inis ito pero sigurado siya na buo na ang desisyon nito.
“Sinabi na sa akin ni Rose ang nararamdaman niya. Na gusto niya rin ako. Sinabi niya na umalis na raw kami dito sa isla Azul at sa Maynila na kami tumira.”
“Sinabi niya lahat ‘yun?” gulo pa rin ang isip na tanong ni Jin. Kasing gulo ng mga nangyayari ngayon dito sa isla ng dahil sa magandang turista.
“Hindi lahat pero parang gano’n na rin… Saka…” lumunok muna ng laway si Adolph. Pakiramdam niya kasi ay bumabalik ang sarap ng mga labi ni Rose na natikman niya kagabi. “Hinalikan niya ako kagabi.”
“Tang-ina, hindi nga?!” Hindi makapaniwalang tanong ni Jin.
Napaismik si Adolph. “Ngayon pa ba ako magbibiro?! Kaya nga paps, desidido na talaga ko. Hindi ko na babalikan si Grace… Hindi na ako magpapakasal sa kanya. Magsasama na kami ni Rose sa Maynila.”