noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 51

Ch. 52 / 98 Feb 05, 2022

“Aalis ka na kaagad?” takang tanong ni Grace nang halos kapapasok pa lang nila ni Adolph ng bahay ay nagpapaalam na itong uuwi.

“Oo, eh,” tipid at may pag-aalinlangan na sagot ni Adolph.

“Maaga pa… Dito ka muna.” Lumapit si Grace sa binata. Nilaro ang kwelyo ng suot nito t-shirt. Wala ang papa niya at nasa kabilang isla, kaya may oras pa sila ni Adolph na malayang magawa ang gusto nila. “Wala pa si papa … Baka madaling araw na ‘yun makauwi.”

“Nasabi mo na ‘yan kanina kaya lang…”

“Kaya lang ano?” Sinimulang halik-halikan ni Grace ang leeg ng nobyo habang ang kamay ay pumapasok na sa loob ng t-shirt nito.

“G-Grace… Sandali…” Napalunok na ng laway si Adolph. Mukhang naturuan na niya talagang mabuti si Grace pagdating sa romansa,dahil unti-unti na kaagad siyang nadadala sa mga ginagawa nito. Pero hindi pwede. May mas importante pa siyang dapat puntahan. Inalis na niya ang mga kamay ng dalaga mula sa loob ng damit niya. “Kailangan ko nang umalis.”

“Bakit ba parang nagmamadali ka?” pigil ang inis na tanong na ni Grace. Kanina pa niya napapansin na parang hindi mapakali si Adolph at ngayon naman ay gustung-gusto na nitong umalis kaagad. “Saan ka ba pupunta?!”

“Uuwi, siyempre… Wala naman na akong ibang pwede na puntahan,” kaagad na sagot ni Adolph na umarteng natatawa pa sa sinasabi ni Grace. “Saka pwede ba, mahal… Malalim na ang gabi. Kailangan mo nang magphinga. Alam mo namang ayoko nang napupuyat ka eh.”

Bumuntong hininga si Grace. “Hay… Sige na nga. Basta, diretso bahay ka na ha?”

Muling umarteng natatawa si Adolph. “Oo nga. Eto namang mahal ko, oh. Isang linggo na lang bago ang kasal natin. Magloloko pa ba ako?”

Hinaplos ni Grace ang magkabilang pisngi ni Adolph bago hinalikan ang mga labi nito. Banayad na mga halik. Saglit lang iyon at pagkatapos ay muling sinalubong ang mga mata nito. Kanina pa siya may kabang nararamdaman na hindi niya maintindihan. Pero tama naman ang binata. Isang langgo na lang ay totoong magiging masaya na siya sa piling nito. “I love you, Adolph.”

Ngumiti si Adolph bago niyakap si Grace habang kinakapa ang mga salitang dapat ay kanina niya pa naisagot. Pasimple siyang bumuntong hininga. “I love yo too.”

***

Malayo ang tingin ni Rose habang malalim ang iniisip. Mahinahon ang mga alon ng dagat pero hindi ang kanyang kalooban. Ngayong wala si Harris sa tabi niya ay muling bumigat ang pakiramdam niya. Wala na ang taong palaging nagpapagaan ng loob niya. Nagbuga siya ng hangin bago napailing. Bakit ba pinoproblema niya pa ang bagay na ‘yun, dapat nga ay mas matuwa pa siya dahil makakagalaw siya ng mas maayos ngayon.

“Rose…”

Lumingon si Rose sa binatang umupo sa tabi niya. Ngumiti siya. “Akala ko hindi ka na darating.”

“Pwede ba namang hindi kita puntahan dito,” sagot ni Adolph habang hindi naaalis ang tingin sa mukha ng magandang turista. Sa totoo lang, sa ilang linggo na naging abala sila ni Grace sa pag-aasikaso sa kasal, kahit kailan ay hindi nawala sa isip niya si Rose. Ang mukha nito, mga labi… Ang amoy.

“Ang saya pala ng Azula night,” ani Rose.

“Sobra. Sayang nga lang, wala ako dito no’n…” muling tugon ni Adolph habang nagdadalawang isip kung itutuloy pa ba ang nais itanong. Pero nagdesisyon siyang itanong pa rin kahit alam na niya ang sagot. “Sino palang kasama mo no’n?”

“Si Harris… Sinundo niya ako sa bahay. Ayoko na nga sana sumama, kaya lang sina Tatay Poncio na rin ang nangulit na sumama ako kasi sayang daw kung hindi ko mae-experience ang masaya na gabi na ‘yun,” sagot ni Rose.

“Madalas daw kayong magkasama?” muling tanong ni Adolph.

“Medyo. Lalo na no’ng nagkulang ng mag-aassist sa kanya sa clinic niya. Doktora kasi ‘yung mommy ko, kaya kahit paano… May alam ako sa mga ginagawa ng sekretarya o nurse niya.”

“Ah gano’n ba…” ani Adolph. May kung anong tumutusok sa dibdib niya. Nagseselos siya. “G-gusto mo ba si Harris?”

Nagbuga ng hangin Rose. “Alam mo naman kung sinong gusto ko ‘di ba?” Nagkunwari siyang pilit na ngumiti. “Saka wala na rin naman kasi akong nakakasama na iba para ipasyal ako dito sa isla. Si Jin palaging busy… Si Jojo, ayoko namang abalahin sa trabaho niya… Ikaw naman, palagi kang wala dito sa isla.”

“Sorry… Naging busy talaga ako nitong mga nakaraang araw.” Hindi alam ni Adolph kung ano ba ang mangingibabaw sa pakiramdam niya. Makokonsensya ba siya dahil sa mga oras na hindi niya nasasamahan si Rose… O manghihinayang siya dahil alam niya na siya ang tinutukoy nito?

“Okay lang. Alam ko naman na gano’n talaga kapag ikakasal na…”

Hindi kaagad nakapagsalita si Adolph. Kinakapa ang mga susunod na dapat sabihin. Pero wala rin siyang naisagot.

Sinalubong ni Rose ang tingin ng binata. Bakas sa mga mata nito ang itinatagong lungkot kahit nakangiti ang mga labi. Ito ang mga pagkakataon na dapat ay hindi niya sinasayang. “Gusto mo na ba talagang magpakasal?”

Napalunok ng laway si Adolph. Gusto naman na niyang magpakasal eh. Gustung-gusto na. “Oo… Pero sa ‘yo.”

Napailing si Rose bago muling tumingin sa dagat. “Bolero.”

“Ikaw lang ang hindi ko kayang bolahin, Rose.” Hindi maalis-alis ang tingin ni Adolph sa katabi. Gusto niyang sulitin ang mga oras na kasama niya ito ngayon.

“Kung walang Grace, sa tingin mo pwedeng maging tayo?” Nanatili ang mga tingin ni Rose sa payapang alon ng dagat. Nakikisama pati na ang dagat sa takbo ng mga plano niya. Ramdam niya ang muling pagkabigla ni Adolph sa naging tanong niya. Inaasahan na niya ‘yon. Kasama ito sa lahat ng plano. Muli siyang napapailing bago mapait na ngumiti. “Sorry… Kung ano-ano na ‘tong sinasabi ko… Masyado na rin palang lumalalim ang gabi. Kailangan ko nang umuwi.”

Lalong naguluhan si Adolph at hindi kaagad nakasunod sa pagtayo ni Rose. Kung may babae siya na nanaising makasama sa habambuhay, si Rose lang ‘yun at wala nang iba. Pero paano si Grace? Ang utang nila sa pamilya nito? At ang Isla Azul. Handa na ba siyang iwanan ang isla para sa magandang turista? “Rose, sandali.”

Mahigpit na yakap ang sumalubong sa pagharap ni Rose sa binata.

“Hindi na ako magpapakasal…” halos pabulong na sabi ni Adolph. Nakakulong sa mga bisig niya ang maliit na katawan ni Rose.

“A-Anong sinasabi mo?” nauutal na tanong ni Rose. “S-saka bitawan mo ako. Baka may makakita sa atin dito at makaratong ‘to kay Grace…” naiiyak na sabi niya.

“Wala akong pakialam.” Inilayo na ni Adolph ang sarili mula kay Rose bago ikinulong sa mga palad ang pasngi nito.

“May gitlfriend ka at ikakasal ka na…” Pinaghandaan ni Rose ang oras na ‘to. Pigil ang mga luha niya habang nagsasalita. Garalgal ang boses.

“Pero ikaw ang maahal ko.” Bakas ni Adolph ang pangangatal sa boses ni Rose. Alam niyang nagpipigil lang umiyak ang magandang turista. Nasasaktan ito. Nasasaktan ito dahil ikakasal na siya. Nasasaktan ito dahil pareho sila ng nararamdaman para sa isa’t-isa. Hindi na niya sasayangin ang pagkakataon. “Rose… Hindi na ako magpapakasal. Umalis tayo dito sa Isla Azul. Wala akong alam sa Maynila pero handa naman akong –”

Pinutol ng mga halik ni Rose ang sinasabi ni Adolph. Ipinulupot niya pa sa batok nito ang mga braso. Pakiramdam niya ay umiikot ang sikmura niya. Nangangatal ang mga labi. Habang pilit na pinipigilan ang sarili na maitulak ang binata. Kailangan niyang gawin ito. Ito na ang simula ng totoong laro niya sa Isla Azul.

Hindi nakabwelo ng hangin si Adolph pero hindi na ‘yun mahalaga. Isa ito sa pinakaasam niya na mangyari. Ang maramdaman ang balat ni Rose na dumikit sa balat niya. Ang maglapat ang mga labi nilang dalawa. At ang maramdaman na matagal na rin siyang mahal ng babaeng turista. Buo na ang desisyon niya. Hindi na niya itutuloy ang pagpapakasal kay Grace.

“Mga walang hiya kayo!!!”

Isang sigaw ang nagpahiwalay ng mga labi nina Adolph at Rose. Sabay halos na napatingin sa nakatayong babae hindi kalayuan sa kanila. Basa ng luha ang magkabilang pisngi at nangangatal ang mga labi sa galit. Si Grace.

At bago pa nagawang makalapit ni Grace upang hablutin ang buhok ni Rose ay napigilan na ito ni Adolph at nayakap sa may baywang. “Grace, anong ginagawa mo dito?!”

Kaagad na lumapat ang palad ni Grace sa mukha ni Adolph. “At ikaw pa talaga ang may ganang magtanong ng bagay na ‘yan!?” nangangatal na rin pati ang boses niya. Mula nang umalis si Adolph kanina ay hindi na naalis ang kaba sa dibdib niya. May bahagi ng isip niya ang nangungulit na sumunod sa binata. At bago pa siya nakarating sa bahay nito ay dito siya sa may pampang dinala ng mga paa niya. Kung saan rinig na rinig niya nang sinabi ng binata na ayaw na nitong magpakasal sa kanya. At kitang kita niya ang mainit na halikan ng dalawa. Malalim ang paghingang pinaghahampas niya sa dibdib si Adolph habang umiiyak. “Paano mo nagawa sa akin ‘to!? Adolph, sabihin mo!!!”

“Pwede ba Grace! Tumigil ka na nga!” pasigaw na saway ni Adolph.

Napangiti naman si Rose sa nakikitang pag-aaway ng dalawa. Isa ito sa matagal na niyang gustong makita.

Bumaling ang tingin ni Grace kay Rose at lalong nag-init ang dugo niya nang makita ang ngiti sa mga labi nito na tila tuwang-tuwa na pinapanood sila ni Adolph. “Malandi kang babae ka.”

Umatras si Rose at napigilan kaagad ni Adolph si Grace na makalapit sa kanya. Lalo niyang nilakihan ang ngiti sa mga labi nang makitang humihigpit na ang hawak ng binata sa mga braso ni Grace. Naniningkit pa ang mga mata niya at tinaasan ng kilay si Grace bago saglit na muling pinaamo ang sariling mukha. “A-Adolph… Mabuti pa, iuwi mo na muna si Grace.”

Pakiramdam ni Grace ay lalo niyang gustong magwala dahil sa mabilis na pagbabago ng mukha ni Rose na tila ba nagpapaawa sa nobyo niya. Hindi siya makapaniwala. Binibilog ng malanding turistang iyon ang ulo ni Adolph! “Malandi ka talagang babae ka! Ano ba talagang gusto mo!?”

“Grace!” matigas at malakas ang boses ni Adolph. “Ang sabi ko tumigil ka na!”

“Ayoko ng gulo… Aalis na ako,” mahinang paalam ni Rose.

Kaagad namang iniwanan ni Adolph si Grace bago nilapitan si Rose. “H-Hindi… Hayaan mong si Grace ang umalis. Rose… Rose lahat ng sinabi ko kanina… lahat ‘yun totoo. Ikaw ang gusto kong makasama.”

“N-no… hindi pwede ‘to. Ayokong makasira ng relasyon. Kung ano man ‘yung nasabi natin kanina… kalimutan na lang natin lahat ‘yun, Adolph,” pigil ang luhang sagot ni Rose.

Nakagat ni Grace ang mga labing patuloy sa pangangatal. Durug na durog na siya sa gabing ito at hindi siya papayag na hindi man lang makakadapo ang kamay niya sa balat ng malanding turista. Muli siyang sumugod sa dalawa. Mas mabilis sa pagkakataon na ito. Nagawa niyang hablutin ang buhok ni Rose. “Napakalandi mong babae ka. Salot ka! Salot ka dito sa isla namin!”

“Grace! Grace, bitawan mo si Rose!” Nahirapan si Adolph na tanggalin ang kamay ng dalaga mula sa pagkakasabunot sa buhok ni Rose. Wala na siyang makitang ibang pagpipilian. Isang malakas na sampal mula sa palad niya ang dumapo sa psingi ni Grace at nagpatigil sa pagwawala nito.

Nanlalaki ang mga matang tumingin si Grace kay Adolph. Sa tanang buhay niya ay hindi siya napagbuhatan ng kamay ng papa niya. Tanging ang binata lamang ang nakagawa no’n sa kanya. At dahil pa sa malanding turista sa kanilang isla!?

Natumba naman si Rose sa buhanginan. Pigil pa rin ang mga luha pero garalgal na ang boses. “Adolph, please… Umalis na kayo. Ayoko ng gulo. Iuwi mo na si Grace.”

“Pero Rose…”

“Please… Ayoko ng gulo,” muling pakiusap ni Rose.

Bumuntong hininga si Adolph. Alam niya na hindi rin hihinto si Grace sa pagwawala. Hinawakan na niya ito braso. “Halika na. Ihahatid na kita sa inyo.”

“Hindi mo na ako kailangan kaladkarain dahil kaya kong umuwi mag-isa!” galit na sagot ni Grace.

“Halika na!” matigas ang boses ni Adolph.

Tumayo naman na si Rose nang simula nang hilahin ni Adolph si Grace. Inayos niya ang buhok at pinagpagan ang sarili. At nang magsalubong muli ang mga tingin nila ni Grace, pinagsiklop niya ang mga kamay, itinaas ang isang kilay bago ngumiti sa dalagang nanggagalaiti sag alit.

“Hindi pa tayo tapos, salot ka! Magkikita pa tayo!” halos hindi naghihiwalay ang mga ngipin ni Grace sa galit. Gusto niyang paharapin si Adolph para makita ang malademonyong ngiti sa mga labi ng babaeng turista. Para malaman ng nobyo niya ang pagpapanggap ni Rose. Pero bakit ba ito ginagawa ni Rose sa kanya?! Ano’ng atraso niya dito?! Nandito ba ito para guluhin siya? O ang buong Isla Azul?