noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 50

Ch. 51 / 98 Feb 05, 2022

Napahinto si Jin sa paglalakad palapit ng bangka ng pinsan niya. Malalim na ang gabi. Payapa ang mga alon ng dagat. At malamig ang simoy ng hangin. Tumuloy siyang lumapit sa bangka habang pilit na iniiwas ang tingin sa babaeng naging dahilan ng pagkaantala niya kanina lang. Si Rose na nakaupo sa pampang at nakatingin sa malayo. Kinuha na niya ang naiwan bayong ng pinsan niya sa bangka pero pasimpleng sumusulyap sa dalaga. Maliwang ang bilog na buwan sa kalangitan kasama ang mga nagkikislapang bituin. Mula sa pwesto niya ay kita niya ang magandang mukha ng turista na may kakaibang lungkot sa mga mata.

Bumaba na siya ng bangka at naglakad na palayo. Wala na rin namang dahilan para sulyapan niyang muli si Rose. O kaya ang kausapin ito. Pero pagkatapos ng ilang saglit ay natagpuan na lang niya ang sarili niyang naglalakad palapit sa magandang turista.

“Jin?” takang saad ni Rose nang umupo si Jin sa tabi niya. “Gabi na, bakit nandito ka pa sa labas?”

“May naiwan kasi si Wilmer na bayong sa bangka, pinabalikan lang sa akin.” Itinaas pa ni Jin ang hawak na bayong upang ipakita kay Rose. Parang nagliliwanag ang kutis nito sa puti.

“’Yung pinsan mo?” pangingilala ni Rose.

Kumunot ang noo Jin.

Natawa naman si Rose nang makita ang reaksyon sa mukha ni Jin. “Magtataka ka na naman kung paano ko siya nakilala? Dumaan kasi ako isang beses sa pwesto nina Lolo Ambo, nando’n siya. Ipinakilala sa akin nina lolo… Pinsan mo nga raw siya sa mother side. Okay na ba?”

Tumango-tango si Jin. Minsan naiisip niya na parang tanga na lang din siya na kung ano-ano ang haka-haka na nabubuo ng isipan niya tungkol sa dalaga. Para siyang bata na naghahanp ng sagot kahit hindi naman niya alam kung ano ang tanong. Baka nga tama si Jojo. Masyado siyang nadadala sa mga comics at librong nababasa niya.

“Jin, nagka-girlfriend ka na ba?”tanong ni Rose. Nakatingin pa rin siya sa mapayapang alon ng dagat na nagpapagaan ng loob niya. Hindi na niya hinintay na makasagot ang binata at nagpatuloy sa sinasabi. “Alam mo ‘yung pakiramdam na, gustung-gusto mong magmahal ulit pero hindi mo magawa dahil nakatali ka sa isang madilim na nakaraan. ‘Yung halos kainin na ng konsensya mo ‘yung pagmamahal na nararamdaman mo. Ng galit… Ng pagkasuklam…”

Tahimik lang si Jin habang nakikinig kay Rose at nakatingin sa magandang mukha nito. Bakas sa boses at mga mata ang pigil na iyak. Sa ganitong klaseng pagkakataon, parang ibang Rose ang kasama niya. Kung hindi siya nagkakamali, ito ‘yung Rose na umiiyak dahil muntik na niyang mamolestya noon sa ilog mabato.

Nagbuga ng hangin si Rose bago tumingin kay Jin na kanina pa nakatitig sa kanya. Ngumiti ang mga labi niya na dahilan upang mapalunok ng laway ang binata at mag-iwas ng tingin. “When was the last time na nagmahal ka?”

Muling hindi nakasagot si Jin. Nako-conscious siya sa kakaibang titig na ginagawa sa kanya ni Rose habang nagsisimulang maguluhan ang isip. Nagkaro’n siya ng mga ilang girlfriend noong nag-aaral siya ng kolehiyo sa kabilang isla, pero minahal niya nga ba alinman sa mga iyon? May bahagi ng isip niya ang nalilito. Alam niya sa sarili niyang nagawa na niyang magmahal no’n pero kanino? Teka… Bakit ba ‘to tinatanong ni Rose sa kanya. Una, hindi sila malapit sa isa’t-isa. Pangalawang, wala siyang nakikitang dahilan para sagutin niya ang tanong. “Sino ba kay Harris at Adolph ang gusto mo?” wala sa loob na biglang tanong niya. Lumunok siya ng laway at may kaba sa dibdib.

Napaismik naman si Rose. Napakatalino talaga ni Jin kahit kailan. Ang hirap bilugin ng ulo. “Wala naman akong gusto sa kanila, eh… Sila ‘yung may gusto sa akin. Alam kong alam mo ‘yun, Jin.”

Alam ni Jin ‘yun… Alam na alam. Pinapabantayan pa nga sa kanya ng dalawnag kaibigan ang magandang turista. Paanong niya hindi malalaman. Pero ‘yung sinabi ni Rose na wala itong gusto alin man kayna Adolph at Harris ang parang mahirap paniwalaan. Muling nanumbalik sa isip niya ang mga sinabi ng dalawang binatang kaibigan niya.

‘Alam mo kasi, iba si Rose eh. Sa lahat ng mga naging babae ko, siya lang ang nagparamdam sa akin na, hindi pa huli ang lahat para sariling kaligayan ko naman ang isipin ko.’

‘Pero kasi, kapag kasama ko si Rose… Parang kayang-kaya ko na maging ako. Palagi niyang pinaparamdam sa akin na tanggap niya ako kahit sino pa man ako.’

Nanlalaban na naman ang instinct ni Jin. Bumabalik ang mga haka-haka niya. Ganito ba ang ginagawa ni Rose para makuha ang loob ng mga kaibigan niya. “Kailan mo ba balak umalis ito sa isla namin?”

Kumunot ang noo ni Rose. Pigil ang tawa pero napapailing. “Alam mo Jin, ang hirap mo ispelengin ‘no? Minsan mabait ka sa akin. Madalas, ang sungit mo. Umamin ka nga, pati ba ikaw nagkakagusto na sa akin?”

Muling napalunok ng laway si Jin habang kinakapa ang sariling nararamdaman. Oo, attracted siya kay Rose pero alam niyang hindi kagaya ng pagkahumaling ng mga kaibigan niya sa magandang turista. O pwedeng, pilit lang din niyang nilalaban ang sarili nararamdaman. “W-wala… Wala akong gusto sa ‘yo. Hindi ako kagaya ng mga kaibigan ko.”

“Alam ko,” muling natatawang sabi ni Rose. “Kaya nga hangang-hanga ako sa ‘yo.”

Gumuhit ang kakaibang kaba sa dibdib ni Jin. Si Rose, humahanga sa kanya?! Ganito rin ba ang sinabi nito sa mga kaibigan niya? “Tama na nga ‘tong usapan na ‘to. Kung hinihintay mo dito si Harris ngayon, nasa Maynila na ‘yun. Si Adolph, nasa kabilang isla at nag-aasikaso ng kasal niya.”

“Wala akong hinihintay sa kanila kasi hindi naman talaga ako interesado.”

“Eh bakit nandito ka?” muling tanong Jin. Pwede kaya na siya ang pakay ni Rose ngayong gabi? Siya ang pakay na kausapin at akitin nito ngayon?

“Bawal ba? May curfew na ba ngayon dito sa isla?” natatawang balik tanong ng dalaga. “Masyado kang tense… H’wag kang mag-alala… Hindi ikaw ‘yung sadya ko, kung bakit nandito ako.”

Pinigilan ni Jin ang pagkunot ng noo. Bakit ba basang-basa siya ng babaeng ito? Parang naririnig ang bawat salitang nabubuo sa isipan niya.

“Paps?”

Sabay na napalingon sina Jin at Rose kay Jojo na naglakad na palapit sa kanila. Nakapantalon ito ng itim pero tanging plain white tshirt na lamang ang pang-itaas kung saan bakat ang magandang katawan nito.

Nang tumayo si Rose ay tumayo na rin si Jin. Bumaba ang tingin niya sa hawak na dalawang bote ng alak ng pulis niyang kaibigan. Mukhang masasagot na ang mga tanong niya.

“Kailan ka pa pinayagan nina Lolo lumabas ng dis oras ng gabi?” pabirong tanong ni Jojo nang makalapit.

“May kinuha lang ako sa bangka ni Wilmer. I-ikaw… Bakit nandito ka pa?” balik tanong ni Jin.

“Ah, nakita ko kasi Rose dito. Hindi pa raw siya inaantok. Kaya eto, niyaya ko ng dalawang bote pampaantok. Gusto mo rin ba? Bibili ulit ako.” Iniabot ni Jojo ang isang bote ng alak kay Rose.

“H-Hindi na. pauwi na rin talaga ako. Mauna na ako sa inyo.” Hindi na tinapunan ng tingin ni Jin si Rose at dire-diretsong naglakad palayo sa dalawa. Wala ngayon sa isla sina Adolph at Harris. So ang pakay ngayon ng turista, ay isa niya pang kaibigan. Oo. May pattern ‘to. Hindi lahat coincidence lang. Alam niyang lahat ay umaayon sa kung anomang plano ng magandang turista sa kanilang isla.

Naiwan namang nakahabol tingin sina Jojo at Rose kay Jin.

“Weird talaga no’n…” ani Jojo bago lumagok ng alak.

“Ang sabihin mo… kahit kailan, hindi pa rin siya nagbabago,” ani Rose. Napapailing pero nakangiti ang mga labi. “Sobrang talino pa rin talaga ni Jin, hanggang ngayon.”

“Wala pa ba ang pinsan mo?” tanong ni Lola Cita.XLII

“Na-miss ko ‘tong mga ihaw ni Aling Irma,” ani Grace. Magkakasalo sila sa isang maliit na lamesa nina Jin at Adolph. Magkatabi ang dalawang binata at katapat niya ang nobyo. Halos isang buwan din silang naging abala ni Adolph para sa nalalapit na kasal.

“Ako nga rin, eh,” tipid na sagot ni Adolph habang malikot ang mga mata sa paligid.

Maliit lang ang kainan nina Aling Irma. May iba’t-ibang putahe na tinda pero ang sikat dito ay ang panindang mga ihaw. May mga tent at lamesa kung saan pwedeng mag-dine in. May sound system din para mma-relax ang mga customer. Ito ang pinakasikat na ihawan sa Isla Azul na madalas ay sa gabi lang nagbubukas.

“Kaya nga in-order ko ‘tong bago sa menu nila na inihaw na tilapia na may espesyal na sarsa,” sagot ni Jin bago sumubo ng kanin. Hindi na siya tumanggi pa nang magkita sila sa palengke ni Adolph at yayain siya nitong kumain sa ihawan kasama si Grace. Kahit paano naman ay kasundo niya ang dalaga kahit hindi sila gano’n kalapit sa isa’t-isa. Isa pa, nagi-guilty din siya dahil sa ginagawang pagtatakip sa mga kalokohan ni Adolph.

“Kinukumusta ka nga pala ni Vilma, Jin,” natatawang kwento ni Grace. Alam niya kung gaano kapatay na patay ang kaibigan niya sa binata. At nang makita ang pilit na ngiti sa mga labi ni Jin ay binalingan na niya Adolph. “Mahal, eto pa oh. Kunin po na itong part ng isda na paborito mo.” Inilagay niya ang pinirasong parte ng isda sa plato ni Adolph.

“Sige lang mahal,” tipid na sagot ni Adolph.

“Masama ba ang pakiramdam mo?” tanong ni Grace. Mula nang makabalik sila sa Isla Azul galing sa kabilang isla upang ayusin ang iba pang papeles para sa kanilang kasal ay tahimik na ang nobyo niya. Hindi rin nakaligtas sa pansin niya na parang kanina pa malikot ang mga tingin nito sa paligid. “May hinahanap ka ba?”

“W-wala…” kaagad namang tanggi ni Adolph. “Alam mo kung ano-ano ‘yang napapansin mo, eto… Ubusin mo na ‘tong sabaw mo.” Inilapit niya ang sabaw sa plato ng katapat na si Grace. Sinubuan niya pa ito ng pinirasong isda habang iniiwas ang tingin kay Jin. Alam niya kasing kunot ang noo nito. Sobra silang naging abala ni Grace sa pag-aasikaso ng mga papeles para sa kasal. Nawalan na siya ng oras na makipagkita kay Rose. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang bali-balitang madalas na nakikita ang magandang turista na kasama si Harris. Pero malakas pa rin ang paniniwala niya na kung magkakagusto si Rose sa sinomang lalake sa Isla Azul, sa kanya lang at wala nang iba pa. Biglang siyang nasamid at naubo nang maramdamang may sumabit na tinik sa lalamunan niya.

“Uy paps, okay ka lang?” tanong ni Jin.

Tumango naman si Adolph habang patuloy sa pag-ubo hanggang sa naramdaman na tumaas na sa loob bibig niya mula sa lalamunan ang tinik. Bahagya siyang tumagilid upang maidura iyon sa buhanginan. Pakiramdam niya ay gusto niya na lang lunukin ulit ang tinik kung hindi niya iyon kaagad naidura nang makita si Rose hindi kalayuan mula sa kanila. Ang pwesto nito ay halos nasa may likuran lamang ni Grace. Mag-isa itong kumakain sa maliit na lamesa at parang patapos na. Kaagad nitong napansin na nakatingin siya kaya kumaway ito sa kanya. Awtomatiko tumaas ang kamay niya at ngumiti dito.

Napansin naman ni Jin na bahangyang nakatalikod si Adolph na tila may kinakawayan habang abala sa pagkain si Grace. Pasimple siyang tiningnan iyon at nakita sir Rose. Nakaupo hindi kalayuan mula sa kanila at matamis ang ngiti sa mga labi. Ibinalik niya ang tingin sa katabi bago kay Grace. Ano ba itong ginagawa ng kaibigan niya? Bahagya niyang siniko si Adolph upang makuha ang atensyon nito. At nang humarap ito sa kanya ay sinamaan niya ito ng tingin.

“Bakit kunot ‘yang noo mo, Jin?” nagtatakang pansin ni Grace habang ngumunguya.

“Ah, si Jin gusto ng adidas. Inuutusan ako,” biglang sagot ni Adolph.

“Ang dami pang pagkain oh,” muli ay nagtatakang sabi ni Grace dahil sa mga pagkain na nasa harap nila.

“Sabi ko nga rin, eh. Pero nagke-crave daw siya kaya bibili muna ako,” tugon ni Adolph bago tumayo.

“Sige, samahan na kita mahal.”

“H’wag na!” biglang pigil ni Jin sa gagawin sanang pagtayo ni Grace kasunod ni Adolph. Napahawak pa siya sa kamay nito na kaagad din niyang binitawan. Isang lingon lang nito, sigurado siyang si Rose kaagad ang makikita nito. Pakiramdam niya tuloy ay siya pa ang mas kabado kapag muling nagkaharap sina Grace at Rose. “Ang ibig kong sabihin, si Adolph na lang ang bibili. Kasi hindi ka pa tapos kumain oh. Kaya sasabayan na kita.”

“Oo nga naman, mahal. Mabilis lang ako. Limang stick lang naman bibilhin ko,” ani Adolph bago tumuloy na tumayo. Pa simple pa siyang sumesyas na si Jin muna ang bahala kay Grace.

Naiinis namang pinandilatan ni Jin si Adolph. Saan ba kumukuha ng lakas ng loob si Adolph na lumandi pa kahit kasama si Grace?! Ibinalik niya ang tingin sa kasama. Pilit ang mga ngiti sa labi na pinilit niyang gawin natural. Bago sumubo ng pinirasong isda na halos hindi na niya malasahan. “Sarap nito, ‘no?”

****

Hindi masyadong matao ngayon sa ihawan ni Aling Irma. Saglit pang inilibot ni Rose ang paningin sa paligid at napangiti nang makuha ng isang lamesa ang atensyon niya. Masayang magkasalong kumakain sina Jin, Adolph at Grace. Kung sinuswerte nga naman siya.

Um-order muna siya ng dalawang stick ng barbeque at kalahating inihaw na tilapia na may kasamang kanin. Lalo siyang napangiti nang makita ang bakanteng lamesa malapit sa may likuran ni Grace. Umupo na siya doon paharap kayna Adolph at nagsimulang kumain. Sadya niyang binagalan ang ginagawa habang ang mga tingin ay nasa katapatang lamesa. Napansin niya ang pagiging malikot ng mga mata ni Adolph na tila may hinahanap. Hanggang sa magtagpo ang mga tingin nilang dalawa na hindi niya sinayang at kaagad na kinawayan ang binata at matamis na nginitian.

Muli siyang nagpatuloy sa pagkain dahil alam na niya ang mga susunod na mangyayari.

“Hi Rose!”

At kagaya ng inaasahan ni Rose, ang kulot na binata ang nabungaran niyang bumati sa kanya. “Hi Adolph.”

Hindi na hinintay pa ni Adolph na yayain siya Rose at umupo na kaagad sa katapat nito. “Kumusta ka?”

“I’m good. Ikaw? Long time no see ha?” balik pangangamusta ni Rose. Mahina ang boses ni Adolph pero may lambing. “Parang medyo pumayat ka ha.”

“Talaga ba? Sobrang busy saka toxic kasi eh. Kaya siguro namamayat ako,” tugon ni Adolph.

“Kailan pa naging toxic ang ikakasal?” natatawang tanong ni Rose.

Nagbitaw ng buntong hininga si Adolph. “Kung alam mo lang.”

“Lalim ng buntong hininga mo, ah. Anyway, sina Jin at Grace ba ‘yung kasama mo?” pag-uusisa ni Rose bago kumagat sa barbeque. Ang malalagkit na tingin niya ay hindi umaalis kay Adolph.

“Oo, pero busy naman sila kaya okay lang na dito muna ako,” kaagad na sagot ni Adolph.

“Ano ka ba, bumalik ka na do’n kasi baka magselos pa ang soon to be bride mo,” nakangiting sabi ni Rose. “Saka parang kinakawayan ka na ni Jin oh.”

Napalingon si Adolph at nakita niya ang pasimpleng pagkaway-kaway nga ni Jin sa pwesto nila. Napabuga siya ng hangin bago ibinalik ang tingin kay Rose. “Sorry, ang kulit talaga ng kaibigan ko na ‘yun.”

“Okay lang, h’wag kang mag-alala…” Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi ni Rose. At bago pa tumayo si Adolphh ay hinawakan niya ang kamay nito. “Kita tayo mamaya?”