“Ang aga mo namang nagising?” bati ni Nanay Harwina nang lumabas ng kwarto si Rose.
“Medyo tanghali na nga rin po.” Umupo na si Rose at nagsimulang magtimpla ng kape na para sa kanya. Nag-aayos na kasi ng mga gamit ang mag-asawa para sa gagawing pangingisda at pagbebenta ng gulay.
“Maaga pa rin ‘to dahil madaling araw ka nang nakauwi kanina,” ani Tatay Poncio.
“Namalayan ninyo pa po pala ang pag-uwi ko kanina,” sagot ni Rose.
“Oo, mababaw lang kasi ang tulog ko. Saka gusto ko rin na makasigurado na maihahatid ka nang maayos ni Harris dito sa bahay,” ani Tatay Poncio.
Napangiti si Rose habang pinagmamasdan ang sumagot na si Tatay Poncio na abala sa pagtatali ng itak sa may tagiliran. Mag-aalas quatro na yata siya ng madaling araw nakauwi kanina at maingat siyang pumasok sa loob ng bahay upang hindi magising ang dalawang matanda. Pero mukhang hinintay talaga siya ni Tatay Poncio na makauwi. “Hinatid naman po ako ni Harris.”
“Dapat lang. Dahil kung hindi, pagagalitan ko talaga ang batang ‘yun,” muling sabi ni Tatay Poncio.
“May pupuntahan ka ba ngayon, Rose?”tanong ni Nanay Harwina na handa ang mga gamit.
“Wala po. Plano ko pong magpahinga buong hapon dito sa bahay.” Inaantok pa talaga si Rose. Pero nang maalimpungatan siya sa pag-aayos ng mag-asawa ng mga gamit nito ay nagdesisyon na siyang bumangon.
“Ikaw muna ang bahala dito sa bahay, at baka gabihin kami ng uwi mamaya dahil siguradong maraming kalat na naiwan sa may pampang dahil sa kasiyahan na naganap kagabi,” sagot ni Nanay Harwina. Nagdala na rin silang mag-asawa ng sako para sa mga kalat na inaasahan nilang makikita mamaya.
“Kung sumunod na rin po kaya ako sa inyo mamaya?” Ito ang unang beses na nakapunta si Rose sa Azula Night. Ni hindi nga niya alam na may gano’ng klaseng event na palang nagaganap sa isla. Sabagay, ilang taon na nga naman ang nakalilipas buhat ang gabi na ayaw na niyang maalala pa.
“H’wag na… Magpahinga ka na lang dito sa bahay dahil alam ko na napuyat ka kagabi. Nagluto na nga ako ng pagkain mo para sa pananghalian mamaya,” nakangiting sabi ni Nanay Harwina.
“Hala. Talaga po? Naku dapat hindi na po kayo nag-abala.” Medyo nahihiyang tugon ni Rose.
“Gusto lang namin ng Nanay Harwina mo na kapag bumalik ka na ng Maynila, may dahilan ka pa rin para balikan at dalawin kami dito sa Isla Azul.”
Napalunok ng laway si Rose habang walang salitang makapa na nais itugon sa sinabi ni Tatay Poncio. Pigil ang luha dahil sa tuwa na nararamdaman. Ang sarap talaga ng may tatay na nag-aalala kung anong oras siya uuwi at nanay na nag-aasikaso ng kailangan niya sa bahay. Bagay na sobra-sobra na niyang nami-miss.
“O siya, ikaw na munang bahala dito sa bahay at magpahinga kang mabuti,” paalam ni Tatay Poncio.
“Mag-iingat po kayo.” Inihatid niya ng tanaw ang mag-asawang lumabas ng bahay bago nagpatuloy sa pag-aalmusal. May ilang buwan na rin siyang namamalagi sa isla at hindi kasama sa mga plano niya ang muli niyang makita ang mag-asawang kumukupkop sa kanya ngayon. Ang muling mapalapit sa mga ito. Pero iyon ang bagay na labis niyang ipinagpapasalamat. Dahil muli niyang nararamdaman kung paano magkaro’n ng isang mapagmahal na magulang. Pagmamahal na walang halong kasinungalingan o pagpapanggap. Unti-unti namang nanumbalik ang sakit at bigat ng pakiramdam na pinipilit niyang kalimutan. Ang mga sigaw na paulit-ulit niyang naririnig sa isipan niya. Ang mga suntok, kalmot at mga mabibigat na bagay na minsan niyang naramdaman lumapat sa balat niya. Nangatal ang mga labi niya habang pigil ang mga luhang mangilid sa mga mata niya. Inihilamos niya ang mga palad sa mukha. Hindi siya iiyak. Hindi na ulit.
Tatlong mararahang katok sa pinto ang nagpanumbalik sa isip niya na nasa loob siya ng maliit na bahay ng mag-asawang itinuturing siyang kadugo at tunay na anak. Isang malalim na buntong hininga ang binitawan niya. Ngumiti muna siya bago tumayo upang buksan ang pinto. “May nakalimutan po ba kayo – H-Harris?” takang saad niya nang ang gwapong doctor ang mapagbuksan niya ng pinto. “Akala ko maaga ang alis mo ngayon.”
Hinawakan ni Harris ang pisngi ni Rose at siniil ng halik bago ito mahigpit na niyakap. “Gusto kasi kitang makita bago ako umalis dito sa isla.”
Ngumiti siya pero kunot ang noo. “Sandali ka lang namang mawawala. Saka –” Hindi na naituloy ni Rose ang sinasabi nang biglang lumuhod sa harap niya ang binata. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita ang maliit na kahon na hawak nito na may lamang singsing.
“Marry me, please?”
“T-teka… Joke ba ‘to? Tumayo ka na nga d’yan.” Pinilit ni Rose ang sarili na matawa habang pinapatayo si Harris. Patuloy ang kaba sa dibdib niya. Lito ang isip sa itutugon sa tanong ng gwapong doktor. Ang makasal kay Harris at makasama ito habambuhay bilang asawa nito ang matagal na niyang gustong mangyari. Pero hindi pa ngayon. At hindi siya sigurado kung pwede pa ba iyong mangyari.
Tumalima naman si Harris. Isinarado nito ang maliit na kahon bago tumayo. Kinuha nito ang kamay ni Rose at inilagay sa palad ang kahon ng singsing. “Alam kong parang masyadong mabilis ang naging tanong ko. Wala rin akong idea kung ano ‘yung pinagdaanan mo sa past relationship mo. Actually… Wala akong idea sa naging buhay mo no’n. Pero ramdam ko ‘yung bigat sa tuwing magkasama tayo. Sa tuwing titigan ko ang mga ngiti mo. Sa tuwing maririnig ko ang mga tawa mo.”
Tuluyan nang hindi napigilan ni Rose ang mga luha habang nakatitig sa mga mata ni Harris. Hindi pa rin talaga ito nagbabago. Alam na alam pa rin talaga nito kung paano siya babasahin.
“Rose, willing akong maghintay kahit gaano pa katagal. Willing akong maghintay hanggang sa magawa mo na akong tanggapin sa buhay mo. Willing akong na maghintay hanggang sa mahalin mo na rin ako.”
Hindi na siya sumagot. Hinalikan na lamang niya ang mga labi ni Harris. Mainit na halik kasunod ang mahigpit na mga yakap. “Hihintayin kitang makabalik, Harris. At sa pagbalik mo. Sana mabigay ko na ang sagot sa tanong mo.”