noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 47

Ch. 48 / 98 Feb 05, 2022

“Anong oras ka aalis bukas?” tanong ni Rose, hawak ang isang plastic ng popcorn na binili ni Harris para sa kanya. Medyo nalulungkot siya na nae-excite sa nalalapit na pag-alis ng gwapong doktor sa isla. Nakasanayan niya na ring makasama ito madalas pero alam niyang mas madadalian siyang kumilos sa oras na wala na ito sa tabi niya.

“Maaga kaya baka hindi na ako makapagpaalam bukas,” sagot ni Harris habang sinasabayan sa paglalakad si Rose.

“Gano’n ba. Okay lang, hindi mo naman kailangan na dumaan sa bahay bago umalis,” ani Rose bago sumubo ng popcorn. Medyo lumalalim na ang gabi. Nababawasan na ang mga ingay at tao sa paligid. Karamihan sa mga ito ay mga na tabi na lang at umiinom ng alak o kaya ay masayang nakikipagkwentuhan sa mga kasama.

“Ikaw? Hindi ka pa rin ba talaga sasabay sa akin pabalik ng Manila?” si Harris naman ang nagtanong. Kung wala lang talaga siyaang importanteng seminar na kailangang puntahan ay hindi talaga muna siya babalik ng Maynila. Gusto niyang sabay na silang lumuwas ni Rose. Lalo na ngayon na kahit hindi malinaw ang estado ng relasyon nilang dalawa. Ramdam niya na kahit paano ay nagkakaroon na siya ng pag-asa sa puso at buhay nto.

“Babalik ka rin naman kaagad, ‘di ba?” balik tanong niya.

“Oo naman.” Minsan nararamdam ni Harris na parang desperado na siya na magkaroon ng linaw kung ano man ang namamagitan sa kanila ni Rose. Pero ayaw niyang madalim ito. Kaya kahit paano ay may takot pa rin siyang nararamdaman na baka sa ilang araw o linggo niyang pagkawala sa tabi ng magandang tuista, magbago o mawala kaagad ang kung ano man ang namamagitan sa kanilang dalawa. “Ano ba ‘yung kelangan mong tapusin dito sa isla?”

Huminto sa paglalakad si Rose. Pasimpleng nagbitaw ng buntong hininga bago nakangiting nilingon si Harris. “Malalaman mo rin.”

“Kailan?” kunot ang noong muling tanong ng binata.

“Siguro sa pagbalik mo dito.” Hinawakan niya ang kamay ni Harris at malambing na pinisil. “H’wag kang mag-aalala, Harris. Kung ano ako o tayo ngayon bago ka umalis, ganito pa rin ang lahat sa pagbalik mo.”

Kahit paano ay nabawasan ang bigat na nararamdaman ni Harris sa gagawin niyang pag-alis. Hindi naman sa iniisip niya na mabilis magpalit ng lalaki si Rose, pero ayaw niya lang talagang mabigyan ng pagkakataon ang ibang lalaki sa isla na makaporma pa dito. “Talaga?”

“Oo. Kaya balikan mo kaagad ako,doc. Dahil mami-miss ko ang mga injection mo sa akin,” pilyang sagot ni Rose.

“Ikaw talaga,” napapailing pero nakangiting sabi ni Harris bago ikinulong sa mga palad ang magkabilang pisngi ni Rose. “Kung pwede nga lang na hindi na ako umalis. Basta Rose, babalik kaagad ako, promise.”

“Kung makapag-promise ka naman parang ang tagal mong mawawala.” Natatawang sabi ni Rose.

“Mami-miss lang kita…” Humahaplos ang mga hinlalaki ng kamay ni Harris sa makinis na mukha ni Rose. Dinarama ng mga palad ang kabuuan ng magandang mukha ng turista na tila nais tandaan ang bawat hubog no’n.

“Ako rin naman… Mami-miss din kaagad kita,” sagot ni Rose. Sa boses at mga tingin na ginagawa ni Harris ngayon sa kanya, muli siyang nakakaramdam ng pagka-guilty na pinipilit niyang labanan. Alam niyang ang bawat salitang lumalabas mula sa bibig ng gwapong binata ay walang halong pagpapanggap o pagkukunwari para lang makuha siya. Pero hindi ito ang panahon para sarili niya ang isipin niya. “Teka, sina Jojo ‘yun oh.”

Nilingon ni harris ang papalapit na sina Jojo at Jin.

“Uy Rose, mabuti at nakapunta ka dito sa Azula Night,” ani Jojo.

“Oo, buti nga napilit ako ni Harris kanina kasi sobrang saya pala kapag ganitong event dito,” sagot ni Rose bago bumaling ang tingin kay Jin na nasa tabi ni Jojo. “Mahilig ka rin pala pumunta sa mga ganitong party, Jin?”

Malayo pa lang ay nakita na ni Jin na magkahawak kamay na naglalakad sina Rose at Harris. At ngayon, hindi niya maiwasang pagmasdan ang mga kamay nitong nakapulupot sa braso ni Harris. Naalala niya tuloy kung paaano hawakan ng malalambot na kamay nito ang mga braso niya noong nakaraang gabi lang. Kumunot ang noo niya bago pinigilan ang sarili na mapailing. Ano ba itong pinag-iiisip niya ngayon habang kaharap si Rose at kasama ang dalawang kaibigan niya. Laking pasalamat na lang niya talaga at wala ngayon sa isla nila si Adolph. Lumunok muna siya ng laway bago sumagot. “Minsan lang naman sa isnag taon kaya dumadaan na rin ako saglit.”

“Kahit madalas, KJ ‘tong si Jin, napipilit ko pa ring pumunta sa mga ganitong event para samahan akong rumonda. Alam mo na, sa ganitong oras, madalas ang gulo. At least kapag malaki sa akin ang sasawayin ko, may isa pa akong katulong na sumaway sa mga lasing na pasaway,” kwento ni Jojo.

“Pero may mga tanod din naman na gumagala-gala. Kanina nga lang nakita ko si Kap Henry,” ani Rose.

“Iba pa rin kasi ‘yung may isang pulis kahit paano. Mas takot ang mga lasing sa pulis kaysa barangay tanod,” sagot ni Jojo.

“Paalis ka na nga pala bukas ‘no?” baling ni Jin kay Harris.

“Oo nga, eh. Pero ilang araw lang naman. Babalik din ako kaagad,” sagot ni Harris.

“Balikan mo kaagad ‘yan si Rose dahil alam mo na… Mahirap na lalo na sa isla natin,” pabirong sabi ni Jojo. “Sige, mauna na rin kami at baka sa banda do’n sa dulo may hindi na magandang nangyayari.”

“Ingat kayo,” ani Rose na kumaway pa bago naglakad palayo ang dalawa.

“Jin!” pahabol na tawag ni Harris.

Sabay namang napalingon ang dalawnag lalaki na hindi pa nakakalayo mula kayna Rose at Harris.

“Ano ‘yun, paps?” tanong ni Jin.

“’Yung favor ko, ha? Alam mo na,” nakangiting sagot ni Harris.

Napasinghap si Jin bago pilit na ngumiti at sumagit. “S-Sige…” Muli silang nagpatuloy ni Jojo sa paglalakad habang may kung ano-ano na namang naglalaro sa isipan niya… Ang mga haplos ng kamay ni Rose sa balat niya, ang pagpulupot ng mga kamay nito sa braso ni Harris, ang mga tingin nito kay Jojo, ang mabilis na pagbabago-bago ng expression ng mukha nito mula sa takot, masaya at nang-aakit… Pati na ring ang bilin nina Adolph at Harris sa kanya na bantayan si Rose. May pattern eh. Magulo pero alam niyang may mali. Isa lang ang makakasagot ng mga magulong tanong sa isipan niya. Ang magandang turista sa Isla Azul.