noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 45

Ch. 46 / 98 Feb 05, 2022

“Wala pa ba ang pinsan mo?” tanong ni Lola Cita.

Tiningnan ni Jin ang oras sa suto na relo. Alas-tres na ng hapon at wala pa rin ang pinsan niya na dapat ay papalit sa kanina nina Lola Cita at Lolo Ambo sa pagbabantay sa tinitindang mga daing. “Wala pa nga po eh.”

“Kung saan na naman naglakwatsa ‘yun,” pakli ni Lolo Ambo.

“Alam mo naman ang batang ‘yon, may nunal sa talampakan kaya hindi matigil sa tayo. Malamang, marami pa ‘yung dinaanan na mga kakilala niya bago makararting dito,” ani Lola Cita na inaayos ang kwelyo ng suot na polo shirt ng matandang asawa. “Mabuti na lang talaga at hindi naging buhay ang nunal niya sa talampakan dahil baka mahirapan siyang gumala nang gumala kapag nagkataon.”

Natawa naman si Jin sa huling sinabi ni Lola Cita. Ipinangpatuloy niya ang pag-aayos sa itinitindang daing. Kahit paano ay nawala na ang pag-aalala at iniisip niya sa dalawang kababatang kasama kanina sa magkaibang oras. Hindi pa rin siya makapaniwala kung bakit at paanong nahumaling ng gano’n sina Harris at Adolph kay Rose. Siguro nga totoong maganda at maaalindog ang turista pero malakas ang hinala niya na may iba itong ginawa upang makuha ang loob ng dalawa niyang kaibigan.

“Si Jojo ba ‘yon?”

Naitaas na niya ang tingin dahil sa tanong ni Lolo Ambo. Napangiti siya nang makita ang tinutukoy ng lolo niya. Si Jojo nga. Mukhang magkakaroon siya ng kausap ngayong hapon tungkol sa mga kakaiba niyang napapansin. Pero kaagad na nawala ang ngiti at excitement niya nang makita ang kasama nito.

“’Yung magandang turista ba ang kasama niya?” si Lola Cita naman ang nagtanong. Malabo na ang mga mata nito. Pero sa tindig at puti ng kutis ng babaeng kasama ni Jojo, sigurado itong hindi taga-isla ang babae.

“Opo,” mahinang sagot ni Jin. Habang ang mag tingin ay nasa daalawnag tinutukoy na naglalakad hindi kalayuan mula sa kanila.

“Mukhang ang magandang turista na ‘yan ang dahilan kung bakit napapadalas ang punta ni Jojo dito sa isla natin,” nakangiting pansin ni Lolo Ambo.

Kumunot ang noo ni Jin. Gusto niyang sumalungat sa sinabi ng lolo niya pero hindi na lang siya nagsalita. Sigurado naman kasi siyang hindi si Rose ang dahilan kung bakit nandito sa isla si Jojo. Gusto lang talaga nitong mapanatili ang katahimikan at kaligtasan sa isla. At alam niyang hinding-hindi ito mahuhumaling sa turista hindi kagaya ng nangyari kayna Harris at Adolph ngayon.

“Bakit kasi hindi mo pa ligawan Jin? BBago ka pa maunahan ng mga kababata mo,” ani Lola Cita. “Napakagandang bata pa naman n’yan.”

“Lola naman, ako pa ang nakita,” kunwa’y naiinis na sagot ni Jin. Hindi niya naman itinatangging totoo ang sinasabi ng matandang babae. Sa hitsura at dating ni Rose, walang lalaki sa isla nila ang hindi mapapalingon sa oras na dumaan ito. Pero hinding-hindi siya magiging biktima ng magandang turista. ‘Biktima?’ Hindi niya alam kung matatawa ba siya sa salitang nabuo sa isipan niya. Nagbitaw na lang siya ng malalim na buntong hininga. At sa muling pagbaling niya ng tingin sa dalawang taong pinag-uusapan, nakita niyang nakatingin na sa kanya si Rose. Nakangiti at kumakaway. Tila nagkusa namang tumaas ang kamay niya at kumaway din sa magandang turista. ‘Teka Jin, bakit ka nagwe-waveback?!’ saway niya sa sarili bago ibinaba ang kamay.

Naglakad na sina Rose at Jojo palapit sa pwesto nina Jin.

“Hi Lolo Ambo at Lola Cita. Kumusta po kayo?” tanong ni Rose pagkatapos magmano sa dalawang matanda.

“Maayos naman. Ikaw? Kumusta?” sagot at balik tanong ng nakangiting si Lolo Ambo. Napakagaan ng loob ng matandang lalake sa kaharap na babae na para bang matagal na niya itong kilala.

“Mabuti rin naman po,” tugon ni Rose.

“Parang mas lalo kang gumaganda dito sa isla namin,” nakangiting pansin ni Lola Cita.

“Kayo rin po Lola, parang habang tumatagal ay lalo kayong bumabata sa paningin ko,” malambing na tugon ni Rose. Bumaling ang tingin niya kay Jin na abala sa paglalabas ng mga daing mula sa bayong. “Hi Jin.”

“Hello,” ani Jin na hindi man lang nagtaas ng tingin.

“Paps, bigyan mo pala ako ng tatlong supot ng daing. Iuuwi ko mamaya,” ani Jojo.

“Sige sige, babalutin ko na.” Kumuha na kaagad ni Jin ang tatlong supot ng daing at pinagsama-samna. Ginagawa niya lang talang abala ang sarili.

“Girlfriend mo na ba ‘tong si Rose, Jojo?” tanong ni Lola Cita.

“Naku hindi po. Nagkasabay lang po kami kanina sa paglalakad dahil bibili si Rose ng panghapunan nila nina Nanay Harwina,” nakangiti at kamot ang ulong sagot ni Jojo. “Pero willing naman akong sabayan siya hanggang sa paglalakad niya pabalik ng Maynila.”

Nakita ni Jin ang pamilyar na ngiti sa mga labi ni Jojo. Ang ngiting madalas niyang nakikita kayna Harris at Adolph kapag ang magandang turista ang topic nila.

“Gano’n ba, may pag-asa pa pala tong apo namin,” muling sabi ni Lola Cita.

Naramdamann ni Jin ang pag-init ng mga tainga niya. “Lola!” saway niya.

Sabay-sabay namang nagtwanan ang apat.

“Eto na ‘yung mga daing mo,” ani Jin kay Jojo.

“Mamaya ko na lang kukunin, tatambay pa naman ako dito,” tugon ni Jojo.

“Ako rin pala, Jojo. Pabili ako ng limang supot ng daing,” ani Rose.

“Sige,” kaagad na inayos ni Jin ang daing na para kay Rose. Gusto niya sanang umalis na ito kaagad. Inabot niya ang daing na para dito at kinuha ang bayad. Pinadagdagan pa ni Lolo Ambo ng isang libreng supot ng daing ang binigay niya kay Rose.

“Matanong ko lang, may boyfriend ka na ba Rose?” tanong ni Lolo Ambo.

Ngumiti si Rose bago tumingin kay Jin. Nagtama ang mga tingin nilang dalawa. “Wala po. Wala pa po kasi sa isip ko ang mag-boyfriend.”

“Kaya nga po hindi ako makadiskarte Lolo Ambo, ayaw akong i-entertain,” natatawang singit naman ni Jojo.

“Eh baka etong apo namin, magkaro’n ng pag-asa,” ani Lola Cita.

“Lola, tama na nga po ‘yan. Pinapahiya ninyo na po ako eh,” kunwaring reklamo ni Jin. Pasimple niyang tinatapunan ng tingin si Rose na para bang pinag-aaralan ang bawat ngiti at kilos nito.

“Namumula na po si Jin,” natatawang pansin ni Rose.

“Ganyan talaga ang batang ‘yan kapag kinikilig,” sagot ni Lola Cita.

“Hindi po ako kinikilig!” napapailing na sabi ni Jin. Gustung-gusto niya nang paalisin si Rose sa pwesto nila para tumigil na ang lolo at lola niya ginagawang pang-aasar sa kanya.

“Naku Lola, mauna na po ako ramdam kong kanina pa gusto ni Jin na umalis na ako dito,” natatawang paalam ni Rose.

Napalunok naman si Jin. Para kasing narinig ni Rose ang mga bulong niya sa isipan niya. Nagmano pa ito sa dalawang matanda ibinaling sa kanya ang mga tingin.

Ngumiti si Rose. Ngiting palagi niyang ginagamit na pampain sa mga bibiktimahin niya. “Bye Jin.”

Saglit na natulala si Jin sa babaeng nagsimula nang maglakad palayo sa kanilang pwesto. Habol ang tingin sa paglalakad nito. Ang mataas na sikat ng araw ay tila nagpapakinang sa maputi nitong balat. Wala sa loob na humagod tuloy ang tingin niya mula sa payat nitong mga binti hanggang sa magandang hubog ng katawan.

“Ang ganda niya ‘no?”

Ang sinabing iyon ni Jojo ang tila nagpabalik sa gunita ni Jin at napailing. Pinipigilan niya ang sarili na mahumaling kay Rose pero bakit parang ang hirap? “Sakto lang,” aniya habang muling nag-aayos ng mga tindang daing. “’Lo, saan po kayo pupunta.”

“Bibili lang ako ng mami-mirienda natin.”

“Ako na lang po,” prisinta ni Jin. “Banana cue na lang po ba?”

“Oo, saka turon sa lola mo,” ani Lolo Ambo.

“Sige po, ‘Lo.” Tinapik ni Jin si Jojo. “Sama ka? Libre kita, turon.”

Ngumiti naman si Jojo bago sumunod kay Jojo. “Kahit naman ‘di mo ako ilibre.”

“Paps, bakit nga pala kayo magkasama ni Rose?” tanong ni Jin habang kasabay na naglalakad ang kababata.

“Ayun nga. Nagkasabay lang kami kasi mamalengke daw siya ng pang-ulam nila sa bahay,” tugon ni Jojo.

“Hindi mo siya sinundo kayna Tatay Poncio?” muling tanong ni Jin.

“Bakit ko naman siya susunduin do’n?” taka at natatawang balik tanong ni Jojo.

“Ewan… Ano… Siguro kasi… Type mo siya? Gano’n?” patanong na sagot ni Jin. Sinadya niya talaga isama si Jojo para matanong ito ng tungkol sa turista. Huminto na sila sa paglalakad at bumili ng tatlong bananaque at dalawang turon.

“Bakit ikaw? Hindi mo ba siya type?”

“Bakit nabalik sa akin ang tanong?” kunwa’y natatawang tanong ni Jin. Medyo naiinis na siya sa pagbabalikan nila ng mga tanong ni Jojo. “Oh, turon mo.”

“Bakit hindi mo na lang sagutin? Kasi type mo nga rin siya?” natatawa pa ring patuloy na pagtatanong ni Jojo. Huminto sila sa paglalakd sa may lilim ng puno ng ninyog. Kinain niya ang hawak na turong nakaplastic at bananacue naman ang kay Jin. Nakatanaw sila sa dagat kung saan may mangilan-ngilan na bangka ng mangingisda ang pumapalaot. “Sino ba namang lalaki sa islang ito ang hindi magkakagusto sa kanya ‘di ba?”

Bumaling ang tingin ni Jin kay Jojo. Eto na naman ang nakakalokong ngiti sa mga labi ng kababata niya. Mukhang pati si Jojo ay mabibiktima na rin ng magandang turista. Pero kailangan niya ng tulong nito. Sa tatlong kaibigan niya, alam niya si Jojo lang ang pwede niyang mahingan ng tulong kaya hindi siya papayag na tuluyan itong mahulog sa kung ano man ang larong ginagawa ng magandang turista sa Isla Azul. “May kakaiba sa kanya.”

“Ha? Kanino?” Kumagat ulit si Jojo sa nangangalahati na niyang turon.

“Hindi mo ba napapansin? Parang… Parang inaakit niya ang mga lalaki dito sa isla.”

Pinigilan ni Jojo ang sarili na matawa dahil ayaw niyang mainis sa kanya si Jin. “Paps, ang lakas maka-detective Conan niyang sinasabi mo.”

“Seryoso ako. H’wag mo namang akong tawanan,” naiinis na sabi ni Jin. Nawalan na siya ng ganang kainin ang hawak na bananacue. Bumitaw siya ng buntong hininga. “Ang totoo nga niyan, gusto kong humingi ng tulong sa ‘yo.”

“Anong klaseng tulong?”

“May napapansin kasi talaga ako kay Rose. Parang hindi normal ang bawat kilos niya. Hindi mo ba naararamdaman? Jojo, alam ko kayong mga police may kakaibang instinct na ginagamit para sa mga kriminal na hinuhuli ninyo. Wala ka bang kahit na anong nararamdaman o napapansin man lang sa kanya?” Hindi na napigilan pa ni Jin ang sarili niya. Hindi pa ganoong nahihibang si Jojo kay Rose kumpara kay Adolph at Harris. Kaya alam niyang pwede niya pa rin itong mahingan ng tulong. “Jojo, baka naman pwede kang gumawa ng para mabigyan ako ng impormasyon tungkol sa kanya.”

Bumitaw ng malalim na buntong hininga si Jojo. Napailing pa siya bago sinalubong ang tingin ni Jin at tinapik ito sa balikat. “Paps, alam mo… Kung ayaw mong madamay…” Ngumiti si Jojo. “H’wag ka na lang makialam.”

Kumunot ang noo Jin. Ni hindi na siya nakapagsalita pa nang talikuran na siya ni Jojo at maglakad palayo mula sa kanya. Gulo ang isip at kunot ang noo.‘Madamay saan?’