noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 40

Ch. 41 / 98 Feb 05, 2022

Iminulat ni Rose ang mga mata at nakiramdam sa paligid. Tant’ya niya ay alas tres pa lamang ng madaling araw. Bumangon siya pero hindi bumaba ng kama at nanatiling nakikiramdam. Ilang saglit pa ay napagtanto niyang tama siya. May babaeng umiiyak malapit sa kanya. Nagdesisyon na siyang bumaba ng kama. Inabot niya ang jacket na nakasabit malapit sa kanya at isinuot. Bubuksan na sana niya ang pinto ng kwarto nang mapahinto dahil sa dalawang boses na narinig niyang magkausap.

“Tahan na, Harwina…” boses iyon ni Tatay Poncio.

“Pasenya na Poncio,” humihikbing boses ni Nany Harwina. “Napaginipan ko na naman kasi si Lila. “

“Ikaw din ba?” nakangiti ang maputla at kulu-kulubot na mga labi matandang lalaki pero malungkot ang boses. “Dinalaw niya rin ako sa panaginip noong isang araw. Niyakap niya ako ng mahigpit. Umiiyak siya at humihingi ng tawad. Ang sabi ko nga….” nagbitaw siya ng malalim na buntong hininga kasunod ang paglandas ng mga luha sa pisngi nito. “Matagal na natin siyang napatawad.

“Kung bakit kasi maaga siyang kinuha sa atin ng D’yos. Napakabata pa niya…” umiiyak pang dagdag ni Nanay Harwina. “Kaya naman natin siyang ipaglaban. Kaya pa nating lumaban para sa kanya.”

“Walang may kagustuhan sa mga nangyari. Kung bumitaw man siya hindi ibig sabihin no’n na ayaw niya na tayong makasama. Nahirapan lang siya ng husto sa mga nangyari.” Bumuga ng hangin si Tatay Poncio bago hinawakan ang kamay ng asawa niya. “Pero alam mong naging matapang ang anak natin hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng buhay niya.”

Sinalubong na rin ni Nanay Harwina ang tingin ng naluluhang mga mata ni Tatay Poncio. “Nami-miss ko na talaga ang anak natin…”

“Ako rin. At alam kong miss na miss niya na rin tayo ni Lila. Pero Harwina, kailangan na nating ibaon sa limot ang lahat. Sigurado ako na ‘yun din ang gusto ng anak natin. Para tuluyan na siyang matahimik. At magsimula na tayong makausad.”

Dahan-dahang binuksan ni Rose ang pinto ng kwarto niya. Maliit na espasyo na sa sapat lang para masilip niya ang dalawang matanda. Nakagat niya ang mga labi upang mapigilan ang paghikbi nang makitang mahigpit na magkayakap ang mga ito. “Igaganti kita Lila…. Kahit anong mangyari. Makakaganti tayo sa ginawa nilang kahayupan sa ating dalawa.”

****

“Paps, aga mo?” bati ni Jojo nang maabutan si Jin na nakaupo sa may harap ng lugawan. Pero hindi ito kumakain at nakatulala lang sa malayo. “Tapos ka nang maglugaw?”

“Oo paps, tapos na,” tugon ni Jin na hindi man lang tiningnan ang kausap. Halos na siya nakatulog pagkatapos ng pag-uusap nila ni Rose kaninang madaling araw. Kung bakit ba naman kasi naisipan pa siyang utusan ng pinsan niya na balikan ang naiwan nitong bag sa bangka. Hindi naman siya makatanggi dahil ayaw niyang makipagtalo dito sa madaling araw.

“Ba’t tulala ka d’yan?” natatawang muling tanong ni Jojo nang maabot na ang in-order na lugaw. Ganito na ang routine niya sa isla. Pupunta ng maaga sa Isla Azul, mag-aalmusal ng lugaw, iikot-ikot sa buong maghapon at aalis na malalim na ang gabi. Gusto niya na nga sanang dito na lang din muna tumuloy pero alam niya mas lalo lang silang magtatalo ng papa niya. Kaya tiniis na lang an gang mag-uwian mula sa kabilang isla papunta dito.

Bumuntong hininga si Jin. Nagdadalawang isip kung sasabihin pa ba kay Jojo ang nangyari kaninang madaling araw. Ayaw niya sanang mapasama si Mang Mario pero sa nakita niyang marahas na pagkakahawak nito sa braso ni Rose, sigurado siyang may gusto itong gawin na hindi maganda sa magandang turista.

“Huy! Tulala ka na naman d’yan. Para tuloy, wala akong kausap,” napapailing na siniko pa ni Jojo ang katabi.

“Paps kasi ano eh…” Napakamot sa ulo si Jin bago umiling.

“Anong ano kasi?” kuno’t noong tanong ulit ni Jojo. “Alam mo parang kang natatae d’yan.”

“May… May nangyari kasi kagabi,” pagdadalawang isip na simula ni Jin.

“’Yung nagkalasingan sina Mang Abet? ‘Yung nagkabasagan sa may tindahan nina Aling Tina? O ‘yung muntik nang magsuntukan ‘yung mga dati nating kaklase na sina Pilo at Dodon?” Inunahan na ni Jojo ang kaibigan. Ito kasi ang mga naabutan niyang maliit na gulo kagabi habang nag-iikot-ikot siya.

Muling bumuntong hininga si Jin. “Actually hindi pala kagabi… Kaninang madaling araw pala.”

“Oh? Mga anong oras? Ala-una na rin yata ako nakatawid ng isla kanina,” ani Jojo habang ngumunguya.

“Mga mag-aalas dos siguro,” tugon ni Jin.

“Ah, baka nga wala na ako dito no’n. Anong nangyari? May nagkabugbugan ba? Nagkahabulan ng itak? O nagkasigawan dahil sa utang?” muling panghuhula ni Jojo. Iyon kasi ang madalas na dahilan ng maliliit na gulo sa Isla Azul.

“Nakita ko kasi si Mang Mario na parang… parang sinasaktan si Rose.” Medyo nakahinga ng maluwag si Jin nang sa wakas ay masabi ang kanina pa nais isumbong sa kababatang pulis.

Muntik namang mailuwa ni Jojo ang kasusubo pa lang na lugaw dahil sa narinig. Mabuti na lang at hindi na iyon masyadong mainit at nagawa niya nang lunukin na lang kaagad “Teka, anong sabi mo!? Sinaktan ni Mang mario si Rose?!”

Napalunok ng laway si Jin nang salubungin ang seryosong mga tingin ni Jojo. Bakas na bakas sa mukha nito ang pigil na galit. “O-oo. Pero ano kasi… Hindi naman totally sinasaktan…”

“Eh ano pala!? Anong ginawa niya kay Rose?!”

“P-paps, patapusin mo muna ako sa kwento ko…” Hindi alam ni Jin kung bakit parang kinakabahan na siya sa tila kakaibang concern na ipinapkita ngayon ni Jojo kay Rose.

“Ano ba kasi talagang nangyari?” Tuluyan nang nawalan ng ganang kumain si Jojo.

“Bumalik kasi ako sa may bangka namin kaninang madaling araw para kunin ‘yung maliit na bag na naiwan ni Wilmer, ‘yung pinsan ko… Tapos ayun nga, nakita ko si Mang Mario na mahigpit ang pagkakahawak sa braso ni Rose.”

“Anong ginawa niya kay Rose? May ibang pananakit pa ba siyang ginawa? Nakita mo bang minomolestya niya?!” Mahina pero matigas ang boses ni Jojo na tila nais niyang si Jin lang ang makarinig sa mga tinatanong niya.

“H-hindi. Wala naman akong nakitang gano’n.” Unti-unti nang kinakabahan si Jin dahil sa kakaibang ikinikilos ni Jojo. Halos hindi na maghiwalay ang mga ngipin nito habang nagsasalita. “Nakita ko lang na parang nasasaktan si Rose sa pagkakahawak ni Mang Mario sa braso niya. Nung binitawan siya ni Mang Mario, tumakbo siya sa likod ko at ang sabi niya… K-kinakaladkad daw siya ni Mang Mario at pinipilit na isama sa kung saan.” Ang mga huling sinabi niya ang pinakapinag-isipan niya sa lahat kung itutuloy pa bang sabaihin dahil hindi siya sigurado kung may katotohanan ba ‘yun o… Nag-iimbento lang si Rose.

“Bakit hindi ka pumunta ng barangay? Bakit hindi mo ni-report ‘to?!” bakas pa rin ang pigil na galit sa boses ni Jojo.

“Dahil hindi naman ako sigurado kung totoo ‘yun,” tugon ni Jin.

“Anong hindi ka sigurado eh nakita mo na nga ‘di ba?!” naiinis na muling tanong ni Jojo.

“Nakita ko na nakahawak ng mahigpit si Mang Mario sa braso ni Rose pero hindi ko nakita ang pagkaladkad sa kanya. Si Rose lang ang may sabi no’n..”

Napaismiki si Jojo bago umiling. “Anong ibig mong sabihin? Nag-iimbento si Rose?”

“H-hindi naman sa gano’n pero… Pero kilala natin si Mang Mario.”

“Hindi mo siya kilala, Jin,” mas mahinang sabi ni Jojo bago bumuntong hininga. Dumukot na siya ng pambayad para sa lugaw na in-order. Inabot niya na iyon sa tinawag na tindera.

“Pero hindi mo rin naman talaga kilala si Rose,” ani Jin. Hindi na rin niya napigilan ang sarili na mainis kay Jojo kasi parang tumatalon kaagad ito sa isang conclusion na wala namang basehan. “Bakit ba parang sobra kang nag-aalala sa turistang ‘yon?”

Gumuhit ang mapait na ngiti sa labi ni Jojo. “Hindi mo ba nage-gets? Paano kung biglang umalis dito sa isla si Rose?”

“Ano naman kung umalis siya?” balik tanong ni Jin. Para sa kanya, baka nga mas makabuti pa sa kanila ang pag-alis kung baka sakali ni Rose sa Isla Azul.

“Paano kung sa pagbalik niya sa Maynila ay ireklamo niya ang kung ano mang pananakit ang ginawa sa kanya ni Mang Mario? Paano kung dagsain tayo ng media dahil sa nangyari? Paano kung magulo ang tahimik na isla na ‘to? Hindi mo ba naisip ang mga bagay na ‘yun?”

Si Jin namang biglang natahimik sa mga patanong na sagot na ibinigay sa kanya ni Jojo. Seryoso pa rin ang mukha nito.

Mas malalim na bunting hininga ang binitawan ni Jojo ngayon. “Tama ka na hindi ko talaga o natin alam kung ano ang totoong nangyari, pero sana lang… Hindi na makalabas pa sa isla na ito kung may masamang mang nasabi o nagawa si Mang Mario kay Rose.” Tumayo na siya at tinapik sa balikat si Jin. “Sige na paps, mag-iikot ikot muna ako dito sa isla. Ayokong may ganung insidente na namang lumampas sa mga mata ko.”

Tumango na lang si Jin sa kausap pero nakasunod ng tingin dito. Magulo pa rin ang isip niya dahil sa nakitang kakaibang reaksyon ni Jojo. Sa Isla Azul ba talaga ito nag-aalala o sa magandang turista?