“Sandali lang doc, magpapalit lang ako ng damit. Ang aga mo naman kasing pumunta,” nakangiting sabi ni Rose.
“Sige, dito na lang ako sa maghihintay,” sagot ni Harris na nakatayo sa may gilid ng kotse. Hindi kasi siya halos nakatulog kagabi kaya maaga niya itong pinuntahan.
“Ayaw mong pumasok sa loob?” tanong ni Rose.
“Sigurado ka bang gusto mo akong pumasok sa loob?” balik tanong ni Harris na may nakalolokong ngiti sa mga labi.
Malambing namang kinurot ni Rose ang pisngi ni Harris. “Sabi ko nga, d’yan ka na lang maghintay. Baka iba pa ang mapasok mo kapag tumuloy ka sa bahay. Wala pa naman sina Tatay Poncio at Nanay Harwina,” ani Rose bago naglakad na patungo sa loob ng bahay.
Naiwan namanng nakasandal sa may kotse si Harris habang inilibot ang paningin sa palibot ng maliit na bahay nina Mang Poncio. Napapangiti na lang siya nang maalalang dati-rati lang ay ang mag-asawang matanda lang ang ipinupunta niya dito, ngayon ay ang magandang turista na. Kahit pa medyo naguguluhan na siya sa set up nilang dalawa dahil sa tuwing nais niyang pag-usapan o linawin ang tungkol sa kanila ay iniiwasan nito, sa ngayon ay okay na sa kanya ‘yon. Hindi dahil sa sex lang ang habol niya kay Rose. Sa totoo nga lang, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naramdaman niya sa sarili niya na parang gusto na niyang lumagay sa tahimik... Kasama si Rose.
“Harrisssss!!!”
Naputol ang pagmumuni-muni ni Harris dahil sa malakas na tili ni Rose mula sa loob ng bahay na kaagad niyang tinakbo. Bumilis ang tibok ng puso niya nang hindi kaagad mabuksan ang pinto. Nakakandado iyon mula sa loob. “Rose! Rose! Anong nangyari!?”
“Harris, tulong!!!” muling palahaw ng boses ni Rose sa loob.
Malakas na inihamapas ni Harris ang balikat sa pintong yari sa kawayan. Nagtaka siya kung bakit tila sobrang higpit ng kandado mula sa loob dahil ang alam niya nga ay hindi nagla-lock ng bahay ang matandang mag-asawa. “Rose, nandy’an na ako!” sigaw niya bago makailang ulit pang ibinunggo ang balikat sa pinto hanggang sa tuluyan iyong bumukas.
“R-Rose nasaan –” Hindi na naituloy ni Harris ang sinasabi nang sumalubong ang nakasusulasok na amoy sa ilong niya na halos magpabaliktad ng kanyang sikmura. Nagsimulang manginig ang mga tuhod niya nang makita ang paligid ng bahay na tila binuhusan ng malapot dugo. Ang bawat dingding na yari sa kahoy ay nababahiran ng mapulang likido na kung saan nanggaling ay hindi niya sigurado. Pati na nga ang inaapakan niyang sahig ay nanlalagkit din. May isang tila mabalahibong bola pa sa sulok na nababalot din sa malapit na dugo. Napalunok siya ng laway at napahawak sa ilong at bibig. Napagtanto niyang hindi kasi iyon isang bola. Kung hindi isang pugot na ulo.
“Rose!” Pinilit niyang palakasin ang loob at inilakad ang nanlalamabot na mga tuhod patungo sa isang maliit na kwarto na alam niyang inuupuhang kwarto ng turista. Wala na siyang palahaw o ingay na naririnig na lalong nagpapakaba sa kanya. Binuksan niya na ang pinto ng kwarto at tumambad sa kanya ang isang katawan na nasa ibabaw ng kama. Nakatalikod iyon mula sa kanya. Nakasuot ng short at gula-gulanit na pang-itaas. “R-Rose…” Nilapitan niya na ang duguang babae. Kinalong. At hinawi ang nanlalagkit na buhok dahil sa dugo. Napalunok siya sa mukhang nakita niya. Hindi iyon si Rose. Pero pamilyar ang mukha ng dalagita. Napakapamilyar. Pinulsuhan niya ang dalagita, wala na itong buhay. Wala sa loob na muli niyang hinaplos ang duguang mukha nito kasunod ang pamumuo ng luha sa gilid ng mga mata niya. Hindi niya maalala kung sino ba itong babae pero bakit parang may matinding kirot siyang nararamdaman ngayon sa dibdib niya na halos magpahagulhol sa kanya ngayon. At sa muling pagkurap ng kanyang mga mata ay ang pagdilat din ng mga mata ng dalagita na kanyang kalong. Ang nanlalagkit at duguang kamay nito ay nakahawak sa magkabila niyang pisngi habang bumubulwak ng dugo ang nakaawang nitong bibig.
“T-Tulungan mo ako…. Harris.”
****
Pawisan ang noo, malakas ang kaba sa dibdib at halos mangatal ang mga labi ni Harris nang bumangon mula sa kama niya. Inilibot niya paligid ang mga tingin. Nasa loob siya ng sariling kwarto.
Napahawak siya sa noo kasunod ang pagbitaw ng malalim na buntong hiniga. Binangungot na naman siya. Napakasamang bangungot. Na sa sobrang sama ay hindi niya na maalala pa.