noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 38

Ch. 39 / 98 Feb 05, 2022

Napayakap sa mga braso si Rose nang maramdaman ang malamig na hanging humahalik sa balat niya. Nang magpaalam na si Harris kanina ay hindi siya kaagad dumiretsong pumasok sa loob ng bahay. Sa naging huling topic nila ni Harris kanina sa Paraisong Azul, sigurado siyang hindi talaga kaagad siya makakatulog. Kaya naisipan niyang maglakad-lakad muna. At dinala siya ng mga paa niya sa may pampang kung saan sila madalas magkita ni Adolph.

Ibinaling niya ang mga tingin sa madilim na karagatan. Malamig ang tubig dagat na humahalik sa mga paa niyang nakasuot lang ng manipis na sandals. Wala ang presensya ng kulot na binata sa paligid. Mukhang abala talaga talaga ito sa nalalapit ng kasal. At alam niyang malapit na rin niyang maisakatuparan ang mga plano niya.

“Hanggang kailan ka ba mananatili dito sa isla namin?”

Napalunok ng laway si Rose. Napakapamilyar ng boses na iyon. Pero mas paimlyar ang kirot na naramdaman niya sa may dibdib niya. Pinilit niyang alisin ang pait sa mukha niya at iginuhit ang ngiti sa mga labi bago hinarap ang lalaking nagsalita hindi kalayuan sa may likuran niya. “Mang Mario? Mangingisda po ba kayo ngayon?”

“Ang tanong ko ang sagutin mo, hanggang kailan ka ba mananatili dito sa isla!?” seryosong tanong ni Mang Mario. Sinigurado niyang hindi makakauwi ngayong gabi sa Isla Azul si Adolph bago siya nagdesisyong magbakasakali na pumunta dito upang komprontahin ang babaeng turista.

“Baka po sa susunod na buwan,” nakangiti pa ring sagot ni Rose. Pigil ang pait sa mga labi at pati na rin ang pagsabog ng mga luha niya. “Bakit ninyo po natanong.”

“Dahil ayokong nakikitang umaali-aligid ka sa anak ko! Layuan mo si Adolph. Ikakasal na siya!” paasik na sagot ni Mang Mario.

Ngumisi naman si Rose bago napailing. “Bakit hindi ‘yung anak mo ang kausapin mo? Siya ang dikit nang dikit na parang aso sa akin. Pinagtatabuyan ko na nga eh, kaya lang parang lalong nauulol.”

Hindi na napigilan ni Mang Mario ang sarili. Sinugod niya si Rose at marahas na hinawakan ang payat nitong braso. “Umalis ka na dito sa isla! H’wag mong guluhin ang mga tao dito, kung hindi -”

“Kung hindi ano!? Kung hindi papatayin mo ako!?” Malalim na ang paghinga ni Rose. Masakit ang pagkakahawa ng matandang lalaki sa braso niya pero hinayaan niya lang ito. Hindi na niya napigilan ang pagpait ng mga ngiti niya pero pigil pa rin ang mga luha. “Ano? Hindi ka makasagot ‘no? Kasi mamamatay tao ka!”

Hindi nakapagsalita si Mang Mario. Bakas niya ang galit sa mukha ng babaeng kaharap. Hindi lang ‘yun basta galit. Matinding panibugho. Pero sino ba ito? Bakit parang kilalang-kilala siya ng babaeng turista?

“Mang Mario? Rose?”

Sabay napalingon sina Rose at Mang Mario kay Jin na may hawak na lente.

“M-Mang Mario, nasasaktan na po ako. Bitawan niya po ako.”

Mabilis na binitawan ni Mang Mario ang braso ni Rose. Nagulat siya kung paanong kaagad na nagpalit ang expression sa mukha nito, mula sa galit na galit na parang tigre hanggang sa tila isang ligaw na kuting na umiiyak at naghahanap ng ina.

“Anong nangyayari dito?”

Kaagad na tumakbo ang takot na takot na si Rose patungo sa may likuran ni Jin. “H-Hindi ko alam Jin. Bigla na lang akong sinugod ni Mang Mario, hinawakan niya ako sa braso at kinakaladkad. Ang sabi ko, ayokong sumama sa kanya pero pinipilit niya akong hilahin.”

Lalong nanlaki ang mga mata ni Mang Mario sa sinabi ni Rose. Sa ganitong pagkakataon, paano niya mapapaniwala si Jin na hindi totoo ang sinasbai ni Rose? Nagbitaw siya ng buntong hininga. “Uulitin ko Rose, layuan mo ang anak ko!” aniya bago wala nang sumunod na salita at kaagad nang umalis.

“A-ayos ka lang ba?” may pagdadalawang isip na tanong ni Jin. Nakita niya ang pagpula ng payat at maputing braso ni Rose dahil sa marahas na pagkakahawak ni Mang Mario.

“H-hindi… Natatakot ako kay Mang Mario. Mabuti na lang talaga dumating ka… Kung hindi baka…” Hindi na naituloy ni Rose ang sinasabi at naiyak na lang.

“Ano raw bang kailangan niya sa iyo?” muling tanong ni Jin. Hindi niya tuloy alam kung kanino ba dapat siya kumampi, sa tatay ni Adolph na matagal niya nang kilala. O sa magandang turista na ngayon ay halos humahagulhol na sa harap niya.

“Hindi ko rin maintindihan. Ang sabi niya lang layuan ko si Adolph tapos nagulat na lang ako nang bigla niya akong lapitan at pilit na pinapasama sa kanya sa kung saan. May gusto lang daw siyang sabihin… May gusto lang daw siyang itanong. May gusto lang daw siyang malaman. Natakot ako pero hindi niya ako binitawan,” umiiyak pa na sagot pa ni Rose.

“Rose…” Muling saglit na nagdalawang isip si Jin. “Ano ba talaga kasing kailangan mo dito sa isla namin?”

Kumunot ang noo ni Rose habang patuloy ang paglandas ng luha sa mga pisngi niya. “Pati ba naman ikaw, Jin? Bawal na ba talaga ako magbaskayon dito?! Ano bang tingin nyo sken? Mangkukulam na may dalang malas o sumpa!?”

Medyo nakonsensya si Jin nang magsalubong ang mga tingin nila ni Rose. Basang-basa ng luha ang magkabilang pisngi nito.

“Alam mo, ayoko ng gulo. Isa lang naman ang gusto ko. Isang payapang bakasyon bago ako bumalik sa magulong buhay ko sa Maynila. ‘Yun lang!” ani Rose bago tinalikuran ang kausap na binata at naglakad palayo. Pinunasan na niya ang mga luha bago nakakalokong ngumiti.

Napalunok ng laway si Jin habang nakahabol ng tingin sa papalayong turista. Paano kung tama si Jojo na mali siya sa mga hinala niya? Paano kung wala naman talagang pakay na masama si Rose sa isla nila? Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya. “Pero paano kung tama ako?”