CHAPTER ELEVEN
HI NDI ako makakilos kaya kinailangan na akong lapitan ni Mama. Tinanong niya kung okay lang ako. Doon lang ako nahimasmasan. Doon ko lang din naramdaman ang sikip ng paligid. Para akong iniipit, sinasakal. Hindi ako makahinga. Lahat ng bagay sa kwartong ito, nahawakan ni Jessie. Wala akong magagawa kundi mapalibutan ng mga bagay na pag-aari niya. Pag-aari ng lalaking pinakakinatatakutan ko.
“Excuse po muna,” sabi ko. Akala siguro ni Tito Raul ay naghahanap ako ng banyo kaya itinuro niya ang CR sa kwarto. Hindi pwede. Mas masikip iyon. Naalala ko ang pagharang sa akin ni Jessie sa CR sa school, ang pagsandal niya sa akin sa pader sa locker area sa swimming pool. Hindi pa nga ang sakit ang natatandaan ko, kundi ang kaba sa pagtitig niya. Ang mga nanlilisik niyang mata. Lalong kumabog ang dibdib ko.
“Okay ka lang ba?” tanong ni Mama nang sundan ako.
“May naiwan… Naalala ako, may bilin si Kuya,” palusot ko. Nagmamadali akong lumabas. Pero ang bawat daanan ko, ang bawat paghakbang ko sa engrandeng hagdan, maging ang maluwang na sala hanggang sa malaking pinto palabas ng bakuran ay parang lumiliit sa aking bawat tapak. Sa bawat lingon ko ay lumalapit sa akin ang mga pader. Nararamdaman ko ang bigat ni Jessie, ang higpit ng mga kapit niya sa akin. Nahihirapan akong huminga.
Nakarating ako sa bakuran, palabas ng gate, hanggang sa kalsada. Doon ako napayuko, napahawak sa mga tuhod at huminga nang malalim. Dahan-dahan kong nilingon ang bahay. Bakit dito pa? Nag-ring ang cell phone ko. Mula sa bulsa, kinuha ko ang cell phone at tiningnan kung sino ang tumatawag—si Gabriel. Pag-asa. Alisin mo ako Gabriel sa lugar na ito. Balikan mo ako dito sa Maynila.
“Hello,” mabilis kong sagot. Wala akong narinig na salita. Narinig ko lang ang mga pagsinghot at paglabas ng hangin sa kanyang bibig. “Hello, Gab, okay ka lang?” tanong ko uli.
Umiiyak si Gabriel. “Alex, wala na si Lola,” sabi niya.
Hindi ko marinig ang mga sinasabi niya, pero naiintindihan ko. Siguro dahil sagabal ang pag-iyak niya sa kanyang pagsasalita. O dahil sagabal ang iniisip ko sa aking pagdinig. Ilang araw na niyang alam na wala na ang lola niya. Pero parang ngayon lang nag-sink in sa kanya.
“I tried to stay in Manila. Dahil diyan, kaya kong maniwalang buhay pa si Lola,” humihikbing kwento ni Gabriel. “Pero ito, hinarap ko na. Wala na si Lola.”
Alam ko kung gaano kahalaga kay Gabriel ang lola niya at nagpaikot-ikot na lang doon ang mga sinasabi niya. Kailangan niya ito. Kailangan niyang maikwento ang lungkot na nararamdaman niya para mawala sa kanyang sistema. Nakakagaan iyon ng loob. Ako naman, nagsimulang makinig nang walang naiintindihan. Naisip ko ang sarili ko. Paano na ang dinadala ko? Paano ko mailalabas kay Gab? Napaka-selfish ko kung makikipagsabayan ako sa problema niya sa pamilya.
“Masakit talaga `yan, Gab,” sabi ko na parang alam ang pakiramdam ng nawalan. Oo, nawalan ako ng tatay. Pero nandiyan lang naman talaga siya sa totoong buhay.
“Thank you, Alex,” sabi ni Gab. “Sorry, baka matagalan pa ako dito sa Baguio. Pero tatawagan kita nang madalas. Diyan ka lang palagi, marami pa akong iyak.” Natawa nang bahagya si Gab, parang lumuwag ang pakiramdam nang makaiyak sa akin.
Pero ako, pakiramdam ko ay lalong sumikip. Saan ako pupunta? Kay Kuya? Nandoon si Daddy. Mas gusto ko bang kasama si Daddy kaysa kay Jessie? Hindi na ako aasa kay Daddy. Haharapin ko na lang si Jessie. Alam ko namang kailangan ko siyang harapin at lampasan. Pero bakit dito sa sarili niyang bahay iyon dapat maganap?
“…Akala ko nga tinatawanan ako ni Ate no’ng makita niya ako sa harap ni Lola. Pero hindi pala, umiiyak na rin siya…”
Tuloy-tuloy pala sa pagkukwento si Gab. Hindi ko na napansin. Tinanggap ko na lang ang sitwasyon ko. Naupo ako sa gilid ng kalsada; pinakinggan ang boses ni Gab. Kahit paano, gumaan ang pakiramdam ko. Mahal ako ni Gabriel. Kung anuman ang mangyari, matatapos ang lahat. Sa dulo niyon, may nagmamahal sa akin.
“Salamat, Gab,” sabi ko.
“Ha?” tanong ni Gabriel na parang naputol ko ang sinasabi niya.
“Sorry,” sabi ko. “Nasaan na uli tayo?”
“Lumilipad yata ang isip mo.”
“Hindi,” sabi ko. “Sabi ko lang salamat. Kahit malayo ka, nararamdaman pa rin kita dito.”
“Of course,” sabi ni Gabriel. “I’ll always be there for you. Kung nasaan ka, sasamahan kita. Kahit hindi physically. Pero darating din tayo sa physically na `yan in a few days.”
Dahil sa tawag ni Gabriel, lumuwag uli ang mundo ko.
Sa sidewalk, tuloy lang ang pag-uusap namin. Bihira ang dumadaang sasakyan sa kalsada. Unti-unti, kumulimlim ang paligid. Medyo lumamig na. May marinig akong motor na paparating. May malakas na hanging tumama sa katawan ko, na para bang kinalabit ako para lumingon sa pinanggagalingan ng ingay.
Isang malaking motor ang papalapit sa akin at huminto sa tapat ng bahay nina Tito Raul. Bumaba ang lalaking kahit naka-helmet ay nakatingin sa akin. Naka-jacket siya at nakamaong, nakadagdag sa nakakatakot niyang itsura. Para siyang mama, para siyang kriminal. Kung ano ang gagawin niya sa akin, hindi ko alam. Pero sigurado ako, ito na ang simula.
“Gab, tawag lang ako ni Mama,” paalam ko.
“Sige,” sabi ni Gabriel. “Basta tawag ka lang `pag may kailangan ka. At tatawagan kita palagi so keep your phone with you always…”
Tuloy-tuloy pa rin sa pagsasalita si Gabriel. Naririnig ko pa siya habang nakatitig ang mga mata ko sa lalaking bumaba mula sa humintong motorsiklo. Hinubad niya ang helmet. Siya na nga. Nakangisi si Jessie at mayabang na lumapit na akin.
Hindi ako nakakilos.
Kinuha ni Jessie ang cell phone na nakatapat pa sa tainga ko. Nagsasalita pa rin si Gabriel. Hindi ko alam ang gagawin ni Jessie sa cell phone. Itatapon? Ibabagsak at tatapakan? Ingungudngod sa mukha ko? Nakatulala lang ako at hindi alam ang tumatakbo sa isip niya.
Itinapat niya sa tainga ang cell phone. Pinakinggan. Naririnig ko pa si Gab na naghe-hello na parang tinatanong kung nandito pa ako.
Muling iniabot sa akin ni Jessie ang cell phone ko. “Last na ‘yan,” sabi niya, saka sumakay uli sa motor at pumasok sa loob ng bumukas na gate.
Naiwan akong nakatulala. “`Bye, Gab.” Iyon na lang at tinapos ko na ang tawag. Laban ko na itong mag-isa. Ako lang mag-isa. Tumayo ako at naglakad papalayo sa mansiyon. Hindi ko alam kung saan pupunta pero dinala ako ng mga paa ko sa gate ng subdivision. Doon nasira ang moment ko. Tinatanong ko pa ang mundo at si god: Bakit kailangang maging ganito kahirap ang buhay ko? Wala ako sa isang teleserye, pero bakit may kontrabidang humahalakhak sa bawat araw na gumigising ako?
“Bakit ka lalabas?” tanong sa akin ng guard.
“Ha?” tanong ko.
“Ano’ng pangalan mo?”
“Ha?”
“Sino ka at saan ka galing?”
Nakukulitan na yata ang guard. Nasa loob nga pala ako ng exclusive subdivision. Ang mga aliping namamahay ay kailangan ng permiso sa kanilang amo para makalabas.
“Alex,” sagot ko. “Galing ako kina Tito Raul… Reyes.”
Nagsimula nang manghusga ang mga mata ng guard. Nakatitig siya nang matagal sa akin bago bumalik sa guardhouse at mag-dial sa telepono. Lumilipad pa ang isip ko nang magsalita ang guard.
“Sorry po, Sir,” sabi niya sa mabait nang tono. “Safety lang po.”
Ngumiti na lang ako at lumabas ng subdivision.
“Welcome po sa bago ninyong bahay!” pahabol na sabi ng guard na para sa akin ay isang pagbabanta.
Sumabay ang lakad ng mga paa ko sa pag-iisip at hindi ko namalayan, nakasakay na ako sa jeep. Naglalakad ang paa ko, lumilipad ang isip ko. Naisip ko si Kuya Albert. Hihingi ako ng tulong kay Kuya. Pumara ako, alam ko na ang gagawin. Nag-ring ang cell phone ko habang naghihintay ng sasakyan. Tumatawag si Mama.
“Alex, nasaan ka na? Nakita ka na pala ng anak ni Raul, hindi ka pa sumabay. Umuwi ka nga muna.”
“`Ma, pupunta lang muna ako kay Kuya,” paalam ko.
“Mamaya na si Albert. Umuwi ka muna dito, itong bagong kuya mo muna ang kilalanin mo.”
Bagong kuya? Wala nang ibang pumasok sa isip ko sa mga sumunod na sinabi ni Mama. Wala akong nagawa kundi sundin si Mama.
NAKATITIG lang ako sa shadow of the valley of death. Papasok ba ako sa mga gate na ito? Oo. Kasi si Mama ang bumulaga sa pinto. Nakita akong nakatulala.
“Pumasok ka nga dito, Alex?!” mahinang sabi ni Mama. Dumeretso siya sa loob.
Sumunod ako. Isang katulong ang nagsara ng pinto nang nasa loob na ako ng bahay. Sinalubong ni Tito Raul ng halik si Mama. Nakita ko ang saya ni Mama. Hindi ko alam kung anong magic mayroon si Tito Raul at ngayon ko lang nakita si Mama na ganito kasaya. Simpleng salu-salo lang pero hindi mawala ang ningning ng kanyang mga mata. Kung anumang magic iyon, iyon din siguro ang magic ni Jessie na kahit tayo pa lang ay napapanginig na ang katawan ko. Iyon mismo ang nararamdaman ko, dahil kasama sa ngitian nina Mama at Tito Raul si Jessie.
Pero may kakaiba. Ngayon ko lang nakitang ganito kaaliwalas ang mukha ni Jessie. Posible kayang ibang Jessie ito? Kakambal ni Jessie o ibang Jessie na walang kinalaman sa Jessie na bumubugbog sa akin?
Napatingin sa akin si Jessie at iniwas ko ang tingin papunta sa chandelier. Iba ang yaman nina Tito Raul, dining room lang, may chandelier pa. Doon na lang ako tumingin para hindi makita ang saya ni Mama sa pakikipagkwentuhan kay Jessie.
“`Ayan na ang aking anak,” sabi ni Mama. “Alex, ito si Je-Ar. Architecture ang course niya. Schoolmates pala kayo!”
“Hi, Alex,” sabi ni Jessie.
“`Di ba gusto mong mag-shift sa Architecture? Patulong ka...”
Hindi ko na napansin ang mga sinabi ni Mama. Nakatitig lang ako kay Jessie. Wala ang kanyang nanlilisik na mga mata. Para siyang isang maamong shitsu, iba sa parang galit na bulldog na lagi kong nakikita. Siya siguro ang anak ng bulldog at shitsu.
Bullshit! Pero kung gusto mo ang ganitong game, sige. “Hi, Jessie,” bati ko. Gusto mo pala, parang first time tayo magkakakilala, ha.
Lumapit si Jessie sa akin at sinubukan akong akbayan. Hindi ko napigilang umatras. Parang instinct ko ang matakot sa kanya. Lumapit siya sa akin at ipinatong ang kamay sa balikat ko. Ang gaan. Nakakapanibago.
“Kumain ka na ba?” tanong niya sa akin.
“Oo,” sagot ko.
“Talaga?” tanong ni Mama. “Nagluto pa naman ako ng—”
“Tara na,” sabi ni Jesisie na parang alam na ang sasabihin ni Mama. “Doon na tayo sa kwarto para masanay ka sa bago mong bahay.”
“Masanay?” tanong ko. Hindi ko gusto ang salitang iyon.
“Sige na,” sabi ni Tito Raul. “I-orient mo na ang kapatid mo sa bago niyang bahay.”
TAHIMIK kami ni Jessie habang naglalakad. Nauuna siya, nakasunod ako. Palabas ng dining area, paakyat sa second floor hanggang sa kanyang kwarto. Binuksan niya ang pinto at pinauna akong pumasok. Humarap siya sa akin at ngumiti, itinuro ang loob, pinapapasok ako. Hindi ko inalis ang mga mata ko sa mata niya habang pumapasok ako. Walang katiting na bangis ang kanyang tingin. Pero kung anong bagal ng hakbang ko ay siya namang bilis ng tibok ng puso ko.
Tumango lang si Jessie pagpasok ko. Isinara niya ang pinto. Pinindot ang lock. Paupo na ako sa kama nang magsalita siya.
“Hindi ka uupo sa kama ko,” sabi niya.
Nanatili akong nakatayo. Itinuro niya ang isang sulok. Sinundan ko ng tingin ang kanyang daliri.
“Diyan ka lang,” sabi niya sa napakakalmadong boses.
Mas nakakatakot ang tono niyang iyon kaysa sa galit na boses niyang nakasanayan ko na. Hindi ako nakagalaw sa kaba.
“Lakad na,” utos niya, hindi pa rin nagbago ang boses. Hindi rin nagbago ang pagkakatayo ko. Nakatitig lang ako sa kanya. Hindi ko alam ang iniisip niya. “Huwag mo nang hintaying ako pa ang magbalibag sa `yo sa sulok!” Nagsisimula nang magbago ang pagkakasabi niya ng mga salita.
Doon ako nagulat. Lumakad ako papunta sa sulok, malapit sa study area, katabi ng maliit na basurahan. Nanatili akong nakatingin kay Jessie. Bumalik ang tamis ng ngiti at pagtingin niya sa akin.
“Upo ka,” sabi niya.
Umupo ako.
“`Ayan, saktong-sakto,” sabi niya. “Diyan ka lang kapag nasa kwarto ko. Maliwanag?”
Tumango lang ako.
Lumapit siya sa akin, yumuko at inabot ang aking baba. Dahan-dahan niya itong itinaas hanggang sa sumunod ako at tumayo. Mas matangkad siya sa akin kaya nanatili siyang nakatungo sa akin. Ang lapit ng mukha niya sa mukha ko. Nanatiling nasa baba ko ang kanyang kamay. Nararamdaman ko ang kanyang paghinga. Gabuhok lang ang layo ng aming mga pisngi. Para bang inaamoy niya ang aking mukha. Napapikit siya habang ginagawa ito. Parang tuwang-tuwa siya habang pinagpapawisan ako nang malamig.
Dumilat si Jessie nang halos magtama na ang aming mga ilong. Bumalik ang matamis niyang ngiti bago gawin ang inaasahan ko. Sinuntok niya ako sa sikmura. Nagdilim ang paningin ko sa sakit.
“Akin ka tuwing nandito ka sa loob ng kwarto ko,” bulong niya. Ito ang boses niya na sanay ako. Bumalik na ang kanyang pagiging halimaw. “Gagawin ko sa iyo ang lahat ng gusto ko. Susundin mo ang lahat ng gusto ko. Wala akong maririnig na sumbong sa kahit anong mangyayari sa loob ng kwartong ito.” Bago ako tuluyang mawalan ng malay ay may pahabol pa siyang salita. “Welcome to my humble abode.”