CHAPTER FOURTEEN
DU MILAT ako. Nakatulugan ko ang pag-iisip. Bakit inilapit ni Jessie ang mukha niya sa akin kagabi? Inisip kong panaginip lang iyon, pero ang malambot na kamang kinagisnan ko ang ebidensya na nangyari ang mga nangyari kagabi. Totoo ang paglapit ni Jessie. Pero bakit? Para saan? Bumalik ako sa pag-iisip hanggang sa may tumawag na rin sa pangalan ko.
“Alex!”
“`Ma, walang pasok, natutulog pa ako,” malakas na sabi ko.
“Wala kang powers na magsalita nang tulog. Bumaba ka na dito, may bisita ka.”
Agad akong tumayo at bumaba. Ang layo ng lalakbayin mula sa kwarto papunta sa receiving area. Pagdating doon, wala ring tao.
“Nasa kusina kami,” sabi ni Mama.
Pumunta ako sa kusina. Inabutan ko sina Mama at Mabel na may hawak na isang pinggan ng sinangag at isang pingganng itlog. Humarap sa akin ang lalaking nakasuot ng apron. Normal ang galaw ng lalaki, pero parang mabagal nang times two ang pagharap niya. Iyong tipong nagbe-blur ang background niya at ang pinakamatingkad na nakikita ko ay ang kanyang mga ngiti. Binura ko ang alaala ng nagdaang gabi. Ito dapat ang iniisip ko, ang aking nakikita, at hindi ang aking naramdaman.
“Good morning,” bati ni Gabriel. Hindi ako nakapag-react kaya nagsalita uli si Gabriel. “Sabi ni Tita Veron, ang haba daw ng tulog mo.”
Napatingin ako kina Mama at Mabel. Gusto kong yumakap at humalik kay Gabriel, pero may ibang tao. Nahiya ako. “Oo nga, eh,” sagot ko. “Bakit ka napunta dito?”
“Na-miss kita,” sagot ni Gabriel. “Sapat nang dahilan `yon, `di ba?”
“Madel, itapon mo na lahat ng asukal sa bahay,” sabi ni Mama.
“Hindi pa po kailangan, Tita,” biro ni Gabriel. “Siguro po kung hindi nahiya si Alex at yumakap sa akin, baka ipa-massacre na rin natin ang lahat ng bubuyog.”
“Ay naku po, Sir Gabriel! Masama po ang epekto sa kalikasan kapag nawala ang mga bubuyog,” sabi ni Mabel.
“Wow, karakter ang Mabel,” sabi ni Mama. “Environmentalist. Halika, doon na tayo magkwentuhan ng mga ipinaglalaban mo. Hayaan natin `yang mag-jowa dito.”
“Hindi pa nga po, eh,” sagot ni Gabriel pero sa akin tumama.
Natahimik ako. Mabuti na lang at si Mabel ang bumasag ng katahimikan.
“Bading po ba sila?” tanong niya na may halong pagkagulat at pag-aalala.
“`Yong bisita, alam ko, oo,” sabi ni Mama. “Itong anak ko, nagto-toss coin pa.”
“Ay, sana po, hindi matuluyan si Sir Alex,” sabi ni Mabel. “Bawal po ang bakla.”
“Iba ang religion namin,” sabi ni Mama. “Hayaan na natin sila. Let’s go.”
Dumeretso na sina Mama at si Mabel sa dining area. Nanatili akong tahimik.
“Gulat na gulat ka,” sabi ni Gabriel na hawak pa rin ang pinggan ng bacon.
“Sorry,” sabi ko. “Hindi ko lang in-expect. Paano ka nakarating dito?”
“Nag-drive.”
“`Ibig kong sabihin—”
“I asked around,” sabi niya at niyaya na akong sumunod kina Mama. “Let’s go, and eat.”
Tumingin muna ako sa paligid, baka may naiwan na kailangang dalhin sa dining area. Wala na.
“Ako na diyan?” sabi ko na ang tinutukoy ay ang pinggan ng bacon na hawak niya.
“Ako na. I’ll carry everything for you. I will even carry you.”
“Gabriel, bakit mo ginagawa ito?” tanong ko, medyo tumaas ang kilay. “Alam mo namang nakuha mo na ako.”
“Akala ko rin kasi, eh,” sabi niyang may halong pangamba. “Pero iniwan mo ako sa campus at sumakay ka sa motor ni Jessie Kailangan kitang bawiin.” Bago pa siya makahakbang ay nahawakan ko ang kanyang braso.
“Sorry,” sabi ko saka siya niyakap.
“Don’t. Okay lang. Naiintindihan ko. Nalilito ka pa kung handa ka nang maging tulad ko— bakla. Natatakot ka pa.”
Bumitiw ako. Humarap siya sa akin at tumitig.
“Kahapon, mas madaling takbuhan ang kalituhan kesa sa sakit ng katawan,” paliwanag niya, pero parang mas pagkukumbinsi sa sarili. “That’s why you chose Jessie over me.” Ngumiti siya na parang walang nagugutom sa Africa. Parang walang nangyaring problema hindi lang sa aming dalawa kundi sa buong mundo.
“Bakit mo naman naisip `yon?” tanong ko. Simpleng tanong na nagpapasalamat sa kanyang pag-unawa sa pinagdaraanan ko. Parang pinaghandaan na niya ang isasagot.
“Because that is less painful than thinking that you just chose Jessie over me.”
Kahit nakangiti siya, nakita ko ang pagdaramdam sa mga mata niya.
“Imposible `yan. Nahulog na ako sa `yo.”
“Oo, nahulog ka na,” sagot ni Gabriel. “Actually, you have been falling a long time ago. Kaya lang, parang nalilito ka na kung sino ang gusto mong sumalo sa `yo.”
Natigilan ako. Saan hinuhugot ni Gabriel ang obserbasyong iyon? Tahimik lang kami. Nakatitig sa isa’t isa. Hanggang sa muling sumabay sa mga labi niya ang ngiti ng kanyang mga mata.
“Fall for me please and I’ll always be here to catch you. And then I’ll never let you go,” sabi ni Gabriel.
Muli akong yumakap sa kanya. Yumakap siya pabalik. Mahigpit. Mainit. May pag-aangkin.
PAGKATAPOS kumain, nagawa na namang kumbinsihin ni Gabriel si Mama na isama ako sa condo niya. Kaya pagkatapos ng buong araw ko sa Parañaque, sumama ako kay Gabriel pabalik sa Katipunan. Hindi isang oras ang naging biyahe namin pero hindi ko ito gugustuhing matapos dahil mula nang mag-start ang kotse ni Gabriel ay hindi na niya binitawan ang kamay ko. Kahit sa pagkambiyo, dinadamay niya ang kamay ko. Tumutugtog ang “Let’s Wait Awhile” nang mapadaan kami sa isang intersection at naging pula ang traffic light.
“May plano ka bang mag-Law after ng Sociology?” tanong ko.
“Yup,” sagot niya. “Why did you ask?”
“Parang ngayon pa lang, nagpa-practice ka na. Biruin mo, napilit mo si Mama na umalis ng mansiyon. Huwag lang sana siyang magkasakit uli.”
“Kaya nga bibisitahin natin siya sa work lagi.”
Hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya. Humigpit din ang hawak niya. Tumitig siya sa akin. Para akong hinihigop ng kanyang mga mata. Hindi ko alam kung anong gayuma ang mayroon sa mga titig na iyon. Unti-unti, lumapit ako sa kanya habang mas humigpit ang pagkakahawak namin sa kamay ng isa’t isa. Pero may bumusina. Napangiti si Gabriel at napailing. Nakagat ko na lang ng ibabang labi ko. Green na pala ang traffic light.
Let’s wait a while… before it’s too late...
Pagdating sa condo, ibinaba ko ang malaking bag sa isang sulok ng kwarto ni Gabriel. Tapos ay umupo ako sa kama. Malambot din ang kama. Mas malambot nga lang ang kama ni Jessie. Pero mas pipiliin ko ang kamang ito. Napansin kong mas marami nang unan sa kama. Bagong palit ang sheets at amoy pa ang fabric conditioner mula sa laundry shop. Hinubad ko na ang sapatos ko at nahiga na. Niyakap ko ang unan. Ang sarap amuyin. Dumating si Gabriel. Naghubad siya ng sapatos, tumalon sa kama at nahiga. Tinanggal niya ang unan na yakap-yakap ko.
“Ako na lang,” sabi niyang ipinulupot ang mga braso ko sa katawan niya. Niyakap na rin niya ako. Mahigpit. Masarap. Kung makukulong man ako sa kanyang mga yakap ay hindi ko na hahangarin ang kalayaan.
“Oo nga,” sabi ko. “Mas masarap nga itong yakapin.”
Gaya ng unan, nilanghap ko rin ang kayakap ko. Ambango talaga ni Gabriel. Parang malamig na boses ang kanyang amoy.
“What should I do to keep you here forever?” sabi ni Gabriel.
“Just keep me,” sagot ko.
Lumuwag ang pagkakayakap niya sa akin. Inilayo niya ang kanyang mukha at tumitig. Ang titig niyang mapang-akit. Muli akong nahila papalapit sa kanya. Napahinga ako nang malalim at isinukong muli ang aking mga labi sa kanyang mga halik. Alam na alam ni Gabriel ang ginagawa. Puno ng pananabik ang bawat halik niya. Ipinadarama sa akin ang lambot ng kalinga na kaya niyang ibigay sa akin kapag ako ay kanyang-kanya na.
Pumatong sa akin si Gabriel. Ipinailalim sa likod ko ang kanang kamay habang ang kaliwang kamay ay nasa likod ng aking ulo. Patuloy ang pagkilos ng kanyang mga labi at dila na tumatama sa aking mga labi, pumapasok sa aking bibig, binibihag ang aking pagkatao. Bahagya akong napadilat at nakita ko siyang nakadilat. Pinagmamasdan ako. Napatitig ako sa kanya. Panandalian kaming natigil.
“Why?” tanong niya.
“Nakadilat ka?”
“You are so... You are so hot. I don’t wanna miss any of this moment with you, even a blink,” sabi niyang hinalikan uli ako.
Hindi na rin ako pumikit. Magkatitig lang kami. At kitang-kita ko ang pananabik niya sa akin. Sa amin.
Biglang kumanta si Bruno Mars. “Gorilla.” Cell phone ko iyon, nagri-ring mula sa bag ko.
“Will you get it?” tanong ni Gabriel.
Umiling ako.
Patuloy sa pagri-ring ang cell phone. Hindi ko sinasadya pero sumasabay ang galaw ng katawan ko sa kanta. Kahit mas malaki at mas mabigat si Gabriel, nagawa ko siyang itagilid at ihiga. Nagpaubaya siya hanggang sa ako na ang nasa ibabaw. Patuloy na nagtatagpo ang aming mga labi. Natapos ang kanta. At umulit pa nang ilang beses. Hindi ako nagpatinag. Hindi ko sinagot ang tawag. Napagod na ang caller pero hindi pa rin kami napapagod ni Gabriel. Ang tawag ay naging text message na lang. Sunod-sunod. Hanggang sa umalis ako sa pagkakadagan kay Gabriel. Nakatagilid at magkaharap na lang kami sa kama—nagsasalo sa matatamis na smack, ngitian, at biruan.
“May tumatawag sa `yo,” paalala ni Gabriel.
“`Di `yon importante,” sagot ko. “Iba ang ringtone ko kina Mama at Kuya.”
“Good,” sabi ni Gabriel at hinalikan uli ako. “Sa akin din ba?”
“Hindi ko alam,” biro ko. “Subukan mo.”
“Wait,” sabi ni Gabriel, tumayo at lumabas.
Nag-ring ang cell phone ko. Ambilis naman ni Gabriel. Hinanap ko sa bag ang cell phone na patuloy pa rin sa pagtugtog ng kantang “Gorilla.” Pumasok sa kuwarto si Gabriel kaya agad kong sinagot ang tawag. Para hindi niya mapansing normal ringtone pa ang naka-assign sa kanya.
“Busy, eh,” sabi niya.
Nakita ko ang cell phone ko. Si Jessie pala ang tumatawag.
“Bakit ka busy?” tanong ni Jessie.
Hindi ako nagsalita.
“Huy? Sagot!” matigas ang salitang sabi ni Jessie mula sa kabilang linya.
Huminga ako nang malalim. Hindi ko alam ang sasabihin. Kinansela ko ang tawag. Hindi ko kailangang sumagot kay Jessie. Tiningnan ko ang cell phone at in-off. Huminga ako nang malalim para kalmahin ang sarili.
“Lowbat na,” sabi ko kay Gabriel.
“Pinatay mo, eh,” sabi niya.
“Sorry. Papalitan ko na sana, kaso ambilis mo.” Tinangka kong tumawa kahit fake.
Natawa si Gabriel. “Sayang. Pero okay lang? Ang mahalaga, nahahalikan na kita nang ganito.” Lumapit siya sa akin at hinalikan ako. Pagkatapos ay hinila niya ako pabagsak sa kama. Nanatiling nakatitig ang mga mata niya sa mga mata ko. Nagsalubong uli ang aming mga labi.