CHAPTER TWENTY-EIGHT
“PASADO ako,” hatol ko sa sarili ko. Nagsinungaling ako. Niloko ko ang sarili ko. Pero hindi mali ang ginawa ko. May bahagi ng mga sinabi ko ang totoo. Siguro ay bumibigay ang katawan ko sa pang-aakit ni Jessie. May timbang na rin siya sa aking puso. Pero alam ko, sa isip ko, kay Gabriel lang ako. Kay Gabriel ko lang isusuko ang aking pagkatao, at kay Gabriel ko lang ihahain ang puso ko. Kung may kahati man siya rito, kung hindi man kaya nang biglaan, uunti-untiin ko. Aalisin ko.
Pumili na ako. Mas mahal ko ang bumago sa akin. Ang nagpakilala sa akin kung sino ako at kung saan ako masaya. Si Gabriel ang nagligtas sa akin mula kay Jessie. Si Gabriel ang nagtayo sa akin noong nakasadsad ako sa lupa—putikan at bugbog mula sa pananakit ni Jessie. Siya ang nagtago sa akin noong gugulpihin ako ni Jessie sa CR. Siya na nagpasakay sa akin sa kotse noong habulin ako ni Jessie habang umuulan. Kahit nakita ni Jessie ang aking pagsisinungaling, kung hindi man makatotohanan ang mga narinig ni Gabriel sa akin sa telepono, magiging totoo ang lahat ng sinabi ko sa kanya.
“Pwede rin kasing kinukumbinsi mo lang ang sarili mo. Gano’n `yon minsan,” sabi ni Sir Cabalfin. “`Yong totoo, ano ba talaga ang gusto mo? Ano ba’ng pumipigil sa `yo?”
“Mahal ko po si Gabriel,” sagot ko. “Hindi pa ba sapat `yon?”
“Sapat, Alex,” sabi ni Sir. “Ano ba’ng ginawa ni Jessie at iniisip mo pa rin siya?”
Napaisip ako habang naglalakad kami ni Sir pababa ng building. Hinintay ko uling matapos na magpa-check ang lahat ng classmates ko bago ipasa kay Sir ang revised final plates. Pagkatapos ay humingi uli ako ng payo.
“Wala,” sagot ko.
“Wala siyang suot,” sabi ni Sir. “`Yan ang sabihin mo. Kung nalaglag kaya ang tuwalya niya habang tinitikman niya ang bacon mo, hindi ka kaya napadamba sa katawan niyang kung i-describe mo kanina ay parang Lupang Hinirang? Na-memorize mo ring masasabi.”
“Nagtanong ka kasi Sir. Kung hindi mo itinanong, hindi ko sasabihin `yong mga detalye.”
“Okay,” sabi ni Sir. “Bakit nga ba kasi binibigyan mo pa ng chance si Jessie na mapalapit sa iyo? Hindi ka na lang bumalik sa bahay ni Gabriel.”
“Cool off nga kami. Nakakahiya namang isiksik ko ang sarili ko—”
“Kung gusto mo talaga, huwag kang papigil, walang hiya-hiya.”
“Nahihiya talaga ako, Sir. Sinarhan na nga niya ako ng kotse. Ayokong masarhan din ng pinto.”
“Bakit hindi mo subukang tumira sa kuya mo?”
“Ayokong maipit si Kuya. Damay nga siya dito dahil kapatid niya ako at best friend niya si Gab. Pero hanggang doon na lang. Kapag tumira ako kay Kuya, mapipilitan siyang maging tulay para magkabati kami ni Gab.”
“Ayaw mo ba n’on?”
“Hindi `yon ang gusto ni Gabriel. Ako ang may problema, ako ang aayos.”
“Sinabi ba `yon ni Gabriel?”
“Hindi po, Sir.”
“Bakit ka assuming?”
“Ito po ang nararamdaman kong dapat kong gawin. Alam kong nasa tamang direksiyon ako, Sir,” sabi ko. “Kung hindi, hindi na sasagutin ni Gab ang tawag ko. Wala na siyang ibibigay na chance.”
“May point ka diyan. Matalino ka rin naman pala.”
“Sir, hindi ko alam kung compliment `yan.”
“Compliment,” sabi ni Sir Cabalfin. “Kung ako rin si Gabriel, masakit man, siguro, keri ko ring sumama ka muna kay Jessie. Kasi half brothers na kayo. Inevitable na magsama kayo. At kailangang sure ako na maubos ang kakerengkengan mo kay Jessie habang katabi mo siya. Kasi, kung malayo ka kay Jessie, `tapos nagkita kayo at may bumalik na spark sa heart mo, masakit iyon para sa akin.”
“Ito nga siguro ang ultimate test sa akin. Pasado naman ako Sir, `di ba?”
“So far,” sabi niya. “Babagsak ka ba do’n, may buffet na nakahain sa iyo, hindi mo man lang tinikman. Check na check `yon. At thank you sa vivid description mo kay Jessie. Parang mag-iiba na ang tingin ko sa kanya.”
“Kayo na, Sir, ang kerengkeng. Ginamit n’yo talaga, Sir, `yong word na kerengkeng .”
“Ay, gamit lang nang gamit ng words para hindi mamatay.”
“Opo. Itong nararamdaman ko lang kay Jessie ang dapat kong patayin.”
“ Nakonek mo rin talaga.”
“Kasi Sir, miss na miss ko na si Gabriel,” sabi ko.
“Ay, ang arte ni Bakla. Nasa-sad. Pakainin kaya kita ng mamon sa SM Dasma para sumaya ka?”
Nagtawanan kami ni Sir.
Pagdating sa steps ng building, nagpaalam na ako. Naupo ako habang tumuloy si Sir sa parking area. Nag-text na ako kay Gabriel. Sabi niya, susunduin niya ako. Walang reply. Walang kotse. Naghintay ako sa wala. Hanggang sa marinig ko ang paparating na motorsiklo. Alam kong problema iyon. Tumayo ako at naglakad papalayo sa building. Kung hindi darating si Gabriel, uuwi akong mag-isa. Huminto ang motorsiklo. Hindi ako lumingon. Alam kong si Jessie ang sakay niyon.
“Umangkas ka na dito. Uuwi na tayo.”
Hindi ako sumagot. Lumakad ako nang mabilis. Narinig kong umandar ang motorsiklo. Sumunod sa akin si Jessie.
“Angkas na,” sabi niya.
Masaya si Jessie sa ginagawa niya. Pero kilala ko amg lalaking ito. Susuko ito. At magiging inis ang nararamdaman niya. Ang pagyayaya niya ay magiging pananakot. Binagalan ko ang paglalakad. Hindi makasabay si Jessie dahil mataas ang motorsiklo niya at tutumba siya kapag binagalan ang pagpapaandar. Bumaba si Jessie para masabayan ako. Hindi madali ang ginagawa niya dahil akay niya ang kanyang motorsiklo habang sumasabay sa akin.
“Pahihirapan mo talaga ako?” tanong niya.
“Hala! Ako daw ang nagpapahirap?”
“Gumaganti ka?” sabi ni Jessie.
“Hindi na `yon kailangan,” sabi ko. “Pinahirapan mo ako noon, oo, pero hinayaan ko na. Kung aalalahanin ko pa, masisira lang ang meron ako ngayon.”
“Pero pinag-iisipan mo na rin kung ano ang gusto mo ngayon, `di ba?”
Wala akong pinansin sa sinasabi niya.
“If that Gabriel truly loves you, hindi ka niya susubukin. Magtitiwala lang siya. Hindi ka niya iiwan sa kamay ng kaaway.”
“`Yon ang pagtitiwala niya. Kahit alam niyang may nararamdaman ako sa `yo, alam niyang siya ang pipiliin ko.”
“Di inamin mong may gusto ka sa akin. Ayos na `yon. Sakay na, uwi na tayo.”
“Alam mo naman `yon. At gusto mo `yon. Ako, ayoko.”
“Sigurado ka?”
Huminto ako at humarap kay Jessie. “Bakit ko gugustuhin? Hindi ko alam kung bakit ko ito nararamdaman sa iyo. Pero ayoko nito. Para kang sakit na hindi ko alam kung paano ko nakuha. Pero gusto kong mawala na para umayos na ang buhay ko.”
“You wanna know kung bakit mo ako mahal?” sabi ni Jessie. “Dahil takot ka sa akin. Tinakot kita. At ngayong naging mahina ako, gusto mong maramdaman na akong tumatakot sa `yo ay nasakop mo na.”
Tama ba si Jessie. Napansin yata niya na napaisip ako kaya itinuloy niya ang pagsasalita.
“I am your fear, and now you can conquer me. You just have to love me back.”
“Sige, tama ka,” sagot ko. “But I don’t want to love you back. Na-conquer na kita nang hinalikan mo ako. Na-conquer kita no’ng nakita kong nabago na kita.” Naglakad na uli ako.
Sumunod pa rin si Jessie. “What can I do for you to love me then?”
“Wala. Iwan mo na ako.”
“`Pag iniwan ba kita, mamahalin mo ako?”
“`Wag ka nang makulit?”
“Ikaw ang makulit,” sabi ni Jessie. Bumibigat na ang boses niya. “Sumakay ka na para makauwi na tayo. Huwag ka nang maarte. Mabigat itong motor. Huwag mo na akong pahirapan.”
“Ikaw ang may gusto niyan,” sabi ko. “Wala akong pakialam kung iwan mo ako. Mas gusto ko nga `yon.” Deretso lang ang lakad ko na unti-unti ay bumibilis. Hindi ko tinitingnan si Jessie. Wala akong pakialam sa kanya. Napansin ko na lang na wala siya sa tabi ko. Sumakay siya sa motorsiklo at sumabay sa bilis ko. Nang nakasabay na siya ay huminto ako. Sinubukan kong maglakad pabalik. Pero napahinto ako nang may bumusina—ang kotse ni Gabriel. Kanina pa ba siya nakasunod sa amin?
Huminto rin ang motorsiklo ni Jessie. Alam ko. Naririnig ko kahit hindi ko nililingon. Mabilis akong tumakbo papunta sa kotse. Hinawakan ang pinto. Nang mag-click ay binuksan ko. Sa wakas, hindi na naka-lock. Pag-upo ko ay natanaw ko si Jessie na nakatingin sa akin. Nakita ko ang pagbabago sa mukha niya. Proud siya nang sumigaw sa akin. Naabutan ko pa ang maangas niyang mga mata at kaunting ngiti na may confidence; alam na mapipilit niya akong mapaangkas. Nawala iyon at naging disappointment. Parang nag-alala siya at nanghinayang. Nawala ang saya sa mukha niya. Pero hindi galit ang pumalit. Lungkot. Napakalungkot ko si Jessie. Nalungkot din ako. Pero agad na napawi ang lungkot ko dahil katabi ko na ang una at tunay kong mahal.
“Saan tayo?” tanong ko kay Gabriel.
“Thank you,” sabi ni Gabriel, nakangiting tumingin sa akin. Saka hinawakan ang hita ko. “Finally, you chose me.”
Napatigil ako sa paghinga at nanlaki ang mga mata. Napatitig lang ako kay Gabriel. Naramdaman kong nangingilid ang mga luha ko pero pinilit kong labanan. Ang tagal kong hinintay ito. Hinawakan ko ng dalawang kamay ang kamay ni Gabriel na nakahawak sa akin. Iniangat ko ang kamay niya at hinalikan. Napahikbi ako habang ginagawa iyon. At hindi ko na napigilan ang mga luha. Kahit umiiyak ay napangiti na rin ako. Nagawa ko na ba ang hinihintay niyang gawin? Naipasa ko na ba ang final test ni Gabriel?
“Lagi naman kitang pipiliin,” sabi ko. “Naging maarte lang ako. Naging kampante. Alam ko kasi, lagi kang nandiyan. Na-take for granted kita.”
“I’m always here. But I get hurt, too. And sometimes the pain is too much, I cannot contain it. Nagiging galit. I’m sorry Alex.”
“Huwag na lang nating pag-usapan,” sabi ko. “Alam kong kasalanan ko. Sinasabi mo rin na may kasalan ka. Okay na `yon. It’s a tie naman pala.”
“Wow, this cool off thing is kinda good for you,” sabi ni Gabriel. “Nag-mature ka bigla.”
“Nakaka-mature palang masaktan, eh,” sabi ko.
“Sorry, I hurt you.”
“Deserve ko `yon. Ang arte ko. At ang maaarte, sinasaktan para magtino.”
Natawa si Gabriel. “Then I am maarte, as well. And I deserve some punishments.”
Umiling lang ako. At parang alam na ni Gabriel ang nasa isip ko, ang gusto ko. Inilapit niya ang ulo niya sa akin, at idinikit ang mga labi niya sa mga labi ko. Napahinga ako nang malalim. Napapikit. Ang tagal ko itong hinintay. At ang bawat pagdadampi ng aming mga halik ay parang laging una, laging sabik. Natigil kami nang may bumusina sa amin. Pinaandar ni Gabriel ang kotse. At doon ko lang napansin at naalala na kanina, nasa harap nga pala namin si Jessie. Ngayon, wala na siya.
NAG-DRIVE thru na lang kami for dinner at sa sasakyan na kami kumain. Magkasama naming binagtas ang EDSA papunta sa Parañaque. Traffic. Walang katapusan. Ito pala ang forever. At okay lang, si Gabriel ang kasama ko. Gabing-gabi na nang makarating kami sa mansiyon. Si Mama ang nagbukas sa amin.
“I will be borrowing your son again, for awhile,” sabi ni Gabriel. “Sorry because I hurt him, though I promised I won’t. Pero sana, pasamahin pa rin ninyo siya sa akin.”
“Anak, ano `to?” tanong ni Mama. “Namamanhikan?”
“What’s namamanhikan?” tanong ni Gabriel.
Natawa si Mama. Naputol lang nang dumating si Tito Raul.
“Anong katarantaduhan `to?” tanong ni Tito Raul. Nakakatakot ang boses niya. Mas nakakatakot pa sa alaala ng pananakot ni Jessie. Kunot ang noo niya at mabigat ang mga paa nang lumapit sa amin. Dinuro niya si Gabriel. “Ito bang salot na ito ang nanghahawa ng kabaklaan sa pamamahay ko?”
Humarang ako.
“Hon,” sabi ni Mama. “Wala silang ginagawang masama.”
“Gab, umuwi ka muna,” sabi ko at inakay ko na siya palabas.
“Will he hurt you?” sabi ni Gabriel. “I won’t leave without you.”
“`Ma, aalis muna kami,” sabi ko. Nalilito ako. Ang daming nangyayari. Magpapaalam lang naman kami ni Gabriel, bakit kailangang sumingit pa si Tito Raul.
“Teka, hindi. Raul, ano ba?” sabi ni Mama na alam kong nalilito rin.
“Sige, lumayas muna kayong mga bakla, bago kayo makatikim sa akin,” pananakot ni Tito Raul.
“Hoy, ang baklang pinapalayas mo ay anak ko!” paalala ni Mama.
Nanlisik ang mga mata ni Tito Raul. Hindi alam kung kanino titingin. Sa akin, kay Mama, o kay Gabriel. Si Gabriel ang napili niya. Kinuwelyuhan niya si Gabriel at inihagis. Napahiga si Gabriel sa sahig. Nakita kong nasaktan siya kaya tumakbo ako papunta sa kanya. Napaupo ako at humarang sa kung ano man ang plano pang gawin ni Tito Raul.
“Raul, ano ba?” sigaw ni Mama.
“At susuportahan mo pa `yan?” Lumusob sa akin si Tito Raul. Sa amba niya, alam kong matinding sipa ang mararanasan ko. Nagawa na sa akin ito ni Jessie at ngayon, alam ko na kung saan niya natutuhan. Pero bago tumama ang sipa ni Tito Raul sa akin ay may humarang. Tumama and tadyak ni Tito Raul sa binti ni Jessie.
“Dad, huwag,” pigil ni Jessie. “Hindi lang sila ang bakla sa bahay na ito.”