noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 7

Ch. 8 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER SEVEN

NA KUHA ko ang last slot. Swimming na ang PE ko. “Coach, ito na po ang trunks,” sabi ko na humahangos pa. Pagkatapos kong halikan si Gabriel, agad akong tumakbo papunta sa pool area. Ang totoo, hindi ko alam kung bakit ko siya hinalikan. Mabilis na halik lang. Idinampi ko lang ang mga labi ko sa mga labi niya. Nanlaki ang mga mata niya. Nanlaki rin ang mga mata ko. Binawi ko na ang pagkakalapit ng mga mukha namin. Para hindi na ako magpaliwanag, agad akong tumalikod at tumakbo.

Nakatingin lang sa akin si Coach habang ipinapakita ko ang trunks na hawak ko.

“Sir, ito na po `yong trunks,” ulit ko.

“Ano’ng gagawin natin diyan sa trunks?”

“Sorry po, Coach.” Tumalikod ako at naglakad papunta sa shower area. Oo nga pala, uniform pala ang trunks, bakit ko naman iwinagayway sa mukha ni Coach. Habang naglalakad, naisip ko kung nandoon pa kaya si Gabriel. Anong mukha ang ihaharap ko sa kanya? Hinalikan ko siya.

Sana, wala na si Gabriel sa locker room, dasal ko hanggang makarating sa loob. Wala akong nakita kahit anino ni Gabriel. Yes! Ligtas. Nakahinga ako nang maluwag. Naghubad ako ng damit, tinanggal na rin ang briefs dahil wala akong isusuot pauwi. Ayoko namang umuwi na walang underwear. Pero naku, wala akong tuwalya.

“Kinuha ko na rin ito, baka kailanganin mo,” sabay hagis sa akin ng towel.

Natigilan ako. Gabriel? Gaano katagal na siya sa likod ko? Nakita niya ba akong naghuhubad? “Salamat,” sabi ko; hindi kosiya matingnan.

Lumapit si Gabriel. Nakangiti. Ngumiti rin ako. Alam kong may mali sa mga ngiti ko. Alam kong nababasa niya sa mga mata ko ang nararamdaman ko.

“You don’t have to explain anything,” sabi niya. “Yet.”

“Sorry,” sabi ko.

Pinanood na lang ako ni Gabriel na maglakad pabalik sa pool. Hinintay niya ako buong swimming class. Nakita ko siya sa bleachers na pinapanood kung paanong mula sa parang aso, natuto agad ako ng proper freestyle. Hindi perfect, pero pwede ko na raw praktisin, sabi ni Coach. Mula langoy- aso, nagmukha akong basang pusa na hiyang-hiya sa naghihintay na si Gabriel.

“Hihintayin mo ba ako,” sabi ko with the hopes na hindi.

“Of course,” sabi ni Gabriel.

NAPAKA-AWKWARD ng biyahe. Sampung minuto na ring nagmamaneho si Gabriel at pareho kaming walang imik sa loob ng kotse. Ngingiti-ngiti siya. Alam kong alam niyang nahihiya ako sa kanya. Hindi pa pala ako handa, pero kung makahalik naman… Hay?!

Napatigil kami sa isang intersection.

“Look at the stoplight,” natatawang sabi ni Gabriel. “Mas mapula ka pa do’n.”

Nag-init ang magkabilang pisngi ko. Nakatingin pa rin sa akin si Gabriel. Napapikit na lang ako. Pwede na lang ba akong matunaw? Bakit ko ba kasi tinanggap na sumabay sa kanya pauwi?

“Alex, wala kang dapat ipaliwanag,” sabi ni Gabriel. “`Yong nangyari kanina, kung ayaw mong pag-usapan, huwag mo na lang isipin.”

Tumingin ako sa kanya.

“We can just forget about it,” nakangiting sabi ni Gabriel. Parang masayang-masaya siya sa nangyari. Kahit sinasabi niyang kalimutan ko na lang, alam kong aalalahanin niya.

Umandar na uli kami na hindi pa rin nagkikibuan. Nagpatugtog na lang siya ng mga love song. Hindi ko alam kung nang-aasar ang mundo dahil eksaktong-eksakto ang kanta... Strike up the band and make the firelies dance silvermoon’s sparkling. So kiss me.

Natawa kami nang malakas.

Inilipat ni Gabriel sa hita ko ang kamay niya. Napatingin ako sa kamay niya, pagkatapos sa mga mata niya. Nakangiti. May kung anong saya akong naramdaman. Kailangan ko na namang kuwestiyunin ang sarili ko. Gusto ko na bang maging kami? Hinalikan ko na naman kasi siya. Iyon na ba `yon? Iniisip na kaya niya na kami na? Pero kapag tinanong ko siya, tapos ibinalik niya sa akin ang tanong, ano ang isasagot ko?

“If you don’t wanna talk about it, don’t think about it,” sabi ni Gabriel.

“Nababasa mo ba ang nasa isip ko?” tanong ko.

“It’s written all over your face.”

“Sorry.”

Ngumiti si Gabriel. “So, where do you wanna go? Absent ang prof ko. I’m all yours.” Halatang nagulat siya sa sinabi. “Sana, I can call you mine, too.”

Marami pang paandar si Gabriel. Ako naman, litong-litong-lito.

IYONG gusto kong linawin kay Gabriel, sa akin pa lang, lalong gumugulo na. Lalo na nang minsang pauwiin kami ni Mama dahil bumagsak daw ang kisame ng bahay.

“Nandiyan na pala ang binata mo, may kasamang reinforcement,” sabi ni Tito Raul.

“Ay, bano itong si Alex ko sa pagkakarpentero,” sabi ni Mama.

“ Nakow , hindi pwede `yang lalaking lalamya-lamya,” sabi ni Tito Raul. “Akyat ka dito at tuturuan kitang maging tunay na lalaki. Baka puro gawaing-bahay ang itinuturo ng mama mo.”

“Mas gusto ko nang ganyan ang anak ko kaysa `yong anak mo na parang anumang oras, eh, mambubugbog,” pagre-react ni Mama.

“Mukha lang maton `yong si Je-Ar pero mabait `yon,” sabi ni Tito Raul. “Huwag kang mag-alala, Alex, `pag naging anak na kita, magiging mas matigas ka pa sa mga poste ng bahay na `to. Tara, akyat ka na dito.”

Sinamahan na rin ako ni Gabriel sa bubong. Bukas ang kisame at isang yero papunta sa bubong. Doon kami dumaan.

“Bulok na itong pamakuan, kailangan nang palitan,” sabi ni Tito Raul. “Pakiakyat na lang `yong mga dos por dos.”

Sinilip ko si Mama sa ibaba. Hindi ko gusto ang nararamdaman ko. Nanlambot ang mga tuhod ko at may kung anong umiikot sa loob ng sikmura ko. Napaatras ako. Mabuti na lang at nasalo ako ni Gabriel kung hindi, natumba ako.

“Sige na, Alex,” sabi ni Gabriel. “Ako na kay Tito, ikaw na lang ang mag-abot ng mga kahoy.”

“Ayus,” sabi ni Tito Raul. “Ano ba’ng alam mo sa pag-ayos ng bubong, bata?”

“Tingnan po natin,” sabi ni Gabriel at naghubad ng T-shirt.

Natigilan ako nang makita ang katawan ni Gabriel. Para siyang anak ng diyos, like ng mga diyos ng Romans at Greeks. Defined na ang mga muscle niya sa dibdib na tinutubuan ng mga balahibo. Walang tiyan na lumalampas sa belt niya at tuwing hihinga siya, bumabakat ang mga guhit. At ang mga braso niya, gumuguhit ang mga definition habang iniaangat ang yero. Nakatulala pa ako kay Gabriel nang mapansin ako ni Tito Raul.

“Alex, para kang kahoy na nanigas. Baka mapakuan ka ng yero.”

Napansin ko si Gabriel na napangiti. “Ingat ka pababa diyan.” At itinuro niya ang dadaanan ko. Akala niya hindi ko napansin na ginawa niya iyon para lalong ma-flex ang braso niya. Itong si Gabriel, pasim-flex. Pagkatapos iakyat ang mga kahoy, tinulungan ko si Mama sa pagluluto ng spaghetti. Ito ang inihain namin kina Gabriel at Tito Raul nang matapos nila ang pag-aayos ng bubong.

“Salamat, Gabriel,” sabi ni Mama.

“Pamamanhikan ko na po ito” bulong ni Gabriel na suot na uli ang T-shirt niya.

“Hala ka,” sabi ko.

Natawa si Mama.

“O, bata, hindi mo na kailangang mag-work out,” sabi ni Tito Raul na may ibinulong kay Mama bago muling lumabas ng bahay. Aayusin pa yata ang mga ginamit kanina.

“Paano ba `yan, aprubado na ako ng nanay at tito mo,” sabi ni Gabriel, sabay akbay sa akin.

“Hindi ako kunsintidor, pogi,” nakataas ang isang kilay na sabi ni Mama. “Pero pumunta ka na rin dito kapag pipinturahan na namin itong buong bahay.”

“Ay, may renovation pala tayo?” sabi ko. “Hindi naman ninyo ako nasabihan.”

“Paparentahan na kasi natin itong bahay,” sabi ni Mama. “`Tapos, doon na tayo titira sa bahay ng Tito Raul mo. Magsasama na kami. Isasama na rin kita. Pakikuha naman `yong cheese sa ref para magadgad na.”

“`Ma,” sabi ko. “Mababago ang buhay natin, `tapos `yong pagkakasabi mo, ka-level lang ng pagpapakuha ng keso.”

“Eh, paano ba dapat?”

“`Ma, college na `ko. Mag-e-eighteen na `ko. Kasama sana ako sa desisyon.”

“Anak, mahal mo naman si Mama, `di ba?

“Wala ka bang ibang atake, `Ma?”

“Ano’ng gusto mo? Sumbatan?” tanong ni Mama. “Hindi pa natin `yon nagagawa.”

“I-reserve na lang natin ang sumbatan next time. Malaki ba `yong bahay ni Tito Raul? Maganda ba? Subdivision ba? Baka naman gillage `yan.”

“Anong gillage ?”

“Gilid ng village.”

“Gaga, hindi! Anak, may gate `yong subdivision at may guard din. O, saan ka pa?”

“Sige na,” sabi ko. “Kung saan ka masaya. Basta, `Ma, huwag mo akong pakikialaman, ha? Kung paano ka sa akin, dapat gano’n din siya.”

“Anak, mahal na mahal kita. Mas nauna ka kaysa diyan sa mokong na `yan. Nagkataon lang na mahal ko rin siya. Pero kung ayaw mo sa kanya—”

“Iiwan mo siya?”

“Pag-usapan muna natin. Anak, mahal ko si Raul. First time uli akong nagmahal after ni... `Kita mo na, hindi ko na matandaan? Nabura na ni Raul ang lahat ng sakit na naramdaman ko. Siya na talaga. Kaya gustuhin mo na rin siya. Unless papatayin ka niya, eh, tiisin mo na muna.”

“Ay naku, `pag ako nabatukan niyan—”

“Nakausap ko na siya. Hindi ka niya pwedeng pagbuhatan ng kamay. Pwede ka lang niyang tapikin, yakapin, at hawakan nang may pagmamahal. Pero hindi ka niya pwedeng saktan. Ikaw nga, huwag mo akong ina-underestimate. Magtiwala ka na lang sa akin.”

HINDI pa umuwi si Gabriel pagkatapos kumain. Nakitambay pa. Dahil nasa sala sina Mama at Tito Raul, sa kwarto na lang kami. Dahil pagod si Gabriel, nahiga siya sa kama at ako na ang nag-set up ng laptop para manood. Nang maayos na, hinila niya ako sa tabi niya. Nagulat na lang ako nang makita ko siyang topless. Hinubad na niya ang T-shirt. Ang katawan niyang kanina ay hanggang tingin lang ako, ngayon, abot-kamay ko na. Nag-init ako.

“Okay lang ba, Alex?” tanong ni Gabriel.

May kung anong pang-aakit siyang ginagawa. Nakikita ko. “Okay lang ba kung hindi?” tanong ko. Nilabanan ko ang pag-iinit ko. Napunta lahat sa ulo ko.

“Sorry,” sabi ni Gabriel at muli niyang isinuot ang T-shirt.

“Masyado kasing mapanukso,” sabi ko. “Hindi ko na nga maipaliwanag `yong halik ko sa iyo sa pool. `Tapos ngayon naman ganyan ka. Baka lalo pa akong hindi makapagpigil.”

“Gusto mo ba ang nakikita mo?” biro niya para siguro gumaan ang usapan.

“Alam mo naman ang sagot,” wala pa sa mood na sagot ko. “Gustong-gusto. Baka lang hindi ko magustuhan ang sarili ko pagkatapos kong gawin ang gusto ko.” Lumapit na lang ako kay Gabriel at tumabi sa kanya sa kama. Isinandal niya ang ulo niya sa balikat ko. Nagpe-play sa laptop ang palabas na obviously, hindi namin pinapanood.

“Sorry uli,” sabi niya.

Napabuntong-hininga ako. May kung ano kay Gabriel na hindi ko magawang magalit talaga. Ipinatong ko ang ulo ko sa ulo niyang nakapatong sa balikat ko. Hinawakan niya ang kamay ko. Hindi na ako nanlaban. Hinayaan ko na lang siya.

“Akala ko, kinalimutan mo na `yong kiss.”

“Mahirap makalimutan `yon,” sabi ko na lumambot na. “First ko `yon, eh.”

“Huwag mo munang i-consider na first mo `yon. Hindi pa kiss `yon.”

“Kiss na `yon,” naiinis na sabi ko. “Nagdikit kaya ang mga lips natin. Lips to lips nga `yon, eh!”

“Smack lang `yon,” sabi ni Gabriel. “You want me to show you what a kiss is?”

“Yabang,” sabi ko. “Iyon, eh, kung maki-kiss mo pa ako.”

“Why? Wala bang chance na maging tayo?”

“Meron siyempre,” Shit! Ang bilis ko na namang sumagot. Parang sinabi ko na rin na, “Oo, tayo na. Nag-iinarte lang ako sa sagot ko.”

“Don’t worry, hindi ko iisiping nag-iinarte ka lang,” sabi ni Gabriel. “Una mo ito. You want it to be right. Basta I’m ready when you are.”

Niyakap ako ni Gabriel kaya bahagya na rin akong yumakap. Tumitig kami sa palabras na hindi pa rin namin pinapanood.

“Gab? Huwag kang magsasawa sa akin, ha?”

“Never,” sabi niya. “You’ll always have a space in my heart.”