noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 35

Ch. 36 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER THIRTY-FIVE

“PAA NO na `to?” tanong ko. Hindi ko masasabing na-miss ko ang kwartong ito. Isang room sa mansiyon na pina-renovate para sa akin, pero hindi ko maramdamang akin. Mas gusto ko pa rin ang kwarto ko sa Marikina. O ang kwarto ko sa bahay ni Kuya. Pero siyempre, pinakagusto ko ang kwarto namin ni Gabriel.

Hindi ko na makakalimutan ang kwarto ni Gabriel. Pero sa tingin ko, hindi naman dapat makalimutan. Oo, nakipag-break na rin ako sa kanya. Pinalaya ko na ang mga sarili namin sa relasyon namin. Pero hindi kasamang mawawala ang mga alaala. Amnesia na lang ang katapat niyon. So far, kahit yata sa mga teleserye, hindi na uso ang amnesia. Kailangan ko na lang tiisin ang mga alaala, hanggang sa mawala na ang mga pakiramdam na kasama ng mga ito. Hanggang sa ang mga alaala ay maging alaala na lang talaga.

Tulad ng photosynthesis.

Pero wala itong kasamang sakit. Walang kasamang saya. Fact lang. Photosynthesis. Napabuntong-hininga ako. Kailan kaya magiging photosynthesis na lang sa akin si Gabriel? Nakahiga ako sa kama, nagmumuni-muni nang may kumatok sa pinto. Tumayo ako. Doon ko lang naalala na naglilipat nga pala ako ng mga gamit sa cabinet. Inayos ko muna ang mga damit sa gilid bago ko binuksan ang pinto.

“Antagal mo, may ginagawa ka ba?” tanong ni Jessie.

“Hindi `yong iniisip mo,” sagot ko.

“Okay lang ba?”

Umatras ako. “Oo naman,” sagot ko. “Kwarto ko lang ito. Bahay n’yo ito.”

Pumasok si Jessie at dumeretso sa kama, at nagpakakomportable. Aaminin ko, iyong itsura niya ngayon ang nagbibigay ng kuryente sa pakiramdam ko. Lalo pang wala na si Gabriel. Parang si Jessie ang makakatanggal ng pangungulila ko.

Nakasuot si Jessie ng lumang blue T-shirt na ginupit ang mga manggas para maging sando. Masyadong mababa ang pagkakagupit na kapag humangin ay lumalabas na rin ang dibdib niya, at minsan, pati ang flat niyang tiyan. Luma na rin ang boxer shorts niya. At sa likot ng galaw niya, napansin kong iyon na lang talaga ang suot niya.

“Bakit iniisip mo pa `yan?” sabi ni Jessie. “Ayos na ang papa ko at mama mo. Sila na nga ang nagsabi, tama na ang katatawag natin sa kanila ng `Tito’ at `Tita.’ Magiging magkapatid na tayo. Kaya huwag mo na ring i-analyze ang suot ko.”

“Wow! Magsusuot-suot ka ng ganyan, `tapos kapag tiningnan ka, may judgment ka na?” sabi ko. “Sana, sinubukan mong pumunta dito na naka-coat and tie.”

“Ay, kahit coat and tie ang suot ko, mai-in love ka pa rin sa akin,” sabi ni Jessie.

“`Wag na, sige na, okay na `yan. Baka mapahiya ka at nag-effort ka pa.”

“O gusto mo lang talaga itong suot ko?” Itinaas pa nito ang sando para ipakita ang kanyang dibdib.

“Huwag ka ngang ganyan, Jessie. Alam mong malungkot ako ngayon at marupok.”

“Huwag mo akong landiin kung hindi mo ako pagbibigyan,” nakangising sabi ni Jessie.

“At ako pa raw ang nanglalandi?”

Nagtawanan kami.

“Ang yabang mo rin,” sabi ko. “Pero sige, nakaka-in love ka naman talaga. Pero wala na, magkapatid na tayo.”

“Kung hindi ba tayo magiging magkapatid...”

“Para namang nagpapigil ka noong hinalikan mo ako sa falls. Magkarelasyon na ang parents natin no’n,” paalala ko.

Ngumiti si Jessie. “Lalo kitang nagugustuhan.”

“Gusto mong empowered na ako?”

“Oo,” sagot ni Jessie.

“Sinabi rin sa akin `yan ni Gabriel.”

“Ang laki na ng ipinagbago mo, Alex.”

“Pansin ko rin,” sabi ko. “Gano’n pala `yon? Kapag nasasaktan ka, wala kang magagawa kundi i-adjust ang mga bagay-bagay sa buhay mo para malampasan ang sakit. Tiis lang nang tiis hanggang sa makayanan. At kapag nakaya mo na, nagiging mas malakas ka na. Mas empowered. Gaya ng napapansin n’yo sa akin ngayon.”

“Dami mo ring natutunan,” sabi ni Jessie.

Natahimik kami sandali. Binalikan ko ang pag-aayos ng mga damit sa cabinet. Tumayo si Jessie at tinulungan ako. Napatabi siya sa akin at naramdaman kong tumama ang medyo patpatin kong braso sa namimilog niyang biceps.

“Ako na lang. May sarili akong ayos,” sabi ko. Totoo naman iyon. Magkakasama ang magkakakulay at ang mga damit na isinusuot ko kapag may mga okasyon.

Binitiwan ni Jessie ang hawak na damit. Pero hindi siya umalis sa tabi ko. Naupo siya at nagpatuloy sa pagtingin sa akin.

“Hinalikan kita dahil baka iyon na lang ang huling pagkakataon na pwede kong gawin `yon,” sabi ni Jessie. “Dahil alam kong seryoso na si Papa kay Tita Veron.”

Hindi ako nagsalita. Ako ang nag-bring up ng usaping ito. Hindi ko alam na itutuloy ni Jessie.

“Pero pinagsisihan ko iyon,” patuloy niya.

“Hala,” sabi ko. “Bakit? Iyon ba `yong turning point mo?”

“Pinagsisihan ko dahil ang sarap pala,” sabi ni Jessie. “Gusto ko pa. Hinahanap-hanap ko pa. At alam ko namang hindi na pwede.”

Tumayo ako at inayos sa cabinet ang mga natiklop kong damit. Tumayo na rin si Jessie at umupong muli sa kama.

“Sorry dahil sa akin, naging bakla ka,” sabi ko.

Natawa lang si Jessie

“Sana pala, hindi ko ibinigay ang best ko sa pag-kiss back. Gano’n pala ako kagaling, parang si Prince Charming. Nagising ang Sleeping Beauty sa loob mo.” Natawa ako sa joke ko. Natawa rin si Jessie. Pero sandali lang.

“Nasabi ko na sa iyo bago pa kita bugbugin na gusto na kita, interesado na ako sa `yo,” sabi ni Jessie. “Baka nga mahal na kita noon pa. Hindi ko lang alam gaya ngayon. Mahal na mahal kita.”

“Thanks,” sabi ko. Tumabi ako kay Jessie at huminga nang malalim. Ipinatong ko ang ulo ko sa balikat niya. Naramdaman ko ang hinliliit niya na dumidikit sa kamay ko.

“You’re welcome,” sabi ni Jessie.

At naramdaman ko ang hininga niya sa buhok ko, bago ang kanyang halik.

“Ehem!”

Napaupo ako nang tuwid nang marinig si Tito Raul.

“Good,” sabi ni Tito Raul. “Nagba-bonding na kayong magkapatid. Siguro, next time, labas na lang tayo.”

Uhm, `wag na lang po. `Yong huli nating labas…

Nabasa yata ni Tito Raul ang iniisip ko kaya inunahan niya ako. “Huwag kang mag-alala, Alex, ” hindi na mauulit kung anuman ang nangyari noong huli tayong magkasama-sama.”

Napangiti ako.

Lumapit sa amin si Tito Raul at umupo sa tabi ko. Ngayon ay nasa pagitan ako nina Tito Raul at Jessie. Hindi ko alam kung bakit kahit pilitin kong maging kalmado ay naging abnormal ang pagtibok ng puso ko.

“Sorry, anak,” sabi ni Tito Raul.

Medyo mahirap i-digest ang nangyayari. Weird. Awkward. Nagpatuloy sa pag-i-speech si Tito Raul pero hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya. May natandaan akong sinabi niya na verse mula sa bible pero hindi ko naintindihan. Hindi ko alam ang nangyayari at nasa point ako na tinatanong ang mundo kung bakit nangyayari ang lahat ng ito? Napansin ko na parang nagle-lecture si Tito Raul tungkol sa mga bakla at kung paano na niya ito tinatanggap ngayon.

“Pero pwede naman kayong magbago. Malay n’yo, phase lang `yan,” sabi pa ni ni Tito Raul.

Natahimik kaming tatlo.

“Sorry po,” sabi ko. “Pero wala naman po kayong dapat ipag-alala sa amin ni Jessie. Wala po kaming gagawing masama.” Hindi ko alam kung bakit iyon ang lumabas sa bibig ko. Para kasi siyang nag-aabang ng sasabihin ko. Parang iyong Salmong Tugunan na bahagi ng misa sa simbahan.

“Alam ko naman `yon,” sabi ni Tito Raul. “Nakausap ko na si Je-Ar. Nalinawan na siya.”

Ngumiti si Jessie.

“Hindi naman bakla si Je-Ar ko, `di ba, anak,” sabi ni Tito Raul na tumingin kay Jessie.

Ang daliri ni Jessie na kanina ay kumakalabit sa akin, ngayon ay nakahawak na sa kamay ko.

“Alam ko, hindi mo maiintindihan ito, Alex,” sabi ni Tito Raul. “Pero oo, hindi siya bakla. Napag-usapan na namin. Nalinawan na siya. Siguro, minahal ka niya. Inamin niya sa akin iyon dati pa. Nagkasakitan na kami dahil doon. Pero naisip na namin kung ano ang nangyari.”

Parang mababaliw ako pero hindi ko ipinakita sa mag-ama. Ano ang pinagsasabi ni Tito Raul. Na mahal ako ni Jessie pero hindi siya bakla?

Tumayo si Tito Raul at tumingin sa harap ng salamin sa kwarto. “Minahal ka lang naman ni Jessie. Sa iyo lang siya nakaramdam nang ganyan. Hindi sa kahit sinong lalaki, o kahit sinong babae.”

Nilingon ko si Jessie. “Bakla ka,” bulong ko. “Huwag na tayong mag-artihan dito.”

“Sshh,” sabi ni Jessie.

“Ngayon, dahil magkapatid na kayo, pwede ka na niyang mahalin nang higit pa sa gusto niya,” sabi ni Tito Raul. “Magpapakasal kami ni Veron. Kung papayag ang tatay mo, aampunin kita. Pero kung hindi, magiging magkapatid pa rin kayo ni Jessie sa paningin ng lahat. At hindi lang sa paningin nila. Maging sa inyong dalawa. Magkapatid na kayo. Pwede na ninyong mahalin ang isa’t isa, wala nang tututol.”

“Opo,” sabi ko saka tiningnan si Jessie. Nakangiti rin siya. Kumbinsido sa sinabi ng tatay niya.

“O, paano?” sabi ni Tito Raul. “Susunduin ko na muna ang mama mo.”

“Sige po,” sabi ko. “Ingat po.”

Umalis si Tito Raul at naiwan kami ni Jessie sa kwarto. “Naniwala ka ba sa mga pinagsasabi ng tatay mo?” tanong ko.

“Gusto mo ba akong maniwala?”

Napaisip ako. Nandoon lang ako sa point na sinasabi ng tatay niya na lalaki si Jessie. Pero maganda iyong point na pwede na kaming magmahalan bilang magkapatid. Bumalik ako sa pag-aayos ng damit habang iniisip kung ano ang isasagot ko kay Jessie.

“Iniisip ko rin,” sabi ni Jessie. “Don’t worry. Kumbaga sa concept paper, maganda ang proposal. Mahirap lunukin, pero kung mas beneficial sa ating dalawa…”

“Ano nga?” tanong ko.

“Anong ano nga?” tanong ni Jessie.

“Hindi ka ba talaga bakla?” deretsahang anong ko. “Ako lang ba talaga ang minahal mo?”

“Ikaw lang talaga ang minahal ko,” sagot ni Jessie. “Bakit kasi kailangang maging lalaki ka pa?”

Hindi na lang ako sumagot. Tapos na akong mag-ayos ng mga damit. Umupo ako sa tabi ni Jessie sa kama.

“Dito pala ako matutulog,” sabi ni Jessie.

Napatingin ako sa kanya. “Sana huwag,” sabi ko.

“Hindi kita hahalikan. Titiisin ko.”

“Pagtitiisin mo rin ako? Huwag mo akong landiin, dahil ayokong pagbigyan ka.”

“Okay. Sorry at naisip ko,” sabi niya saka tumayo at naglakad papunta sa pinto.

“Okay lang,” sabi ko. “Naisip ko rin naman, pero hindi ko na in-open up.”

Bago siya tuluyang lumabas ay huminto muna siya at nagsalita. “Ang open mo,” sabi niya.

“Wala naman nang kailangang itago,” sabi ko. “Nawala na ang pwedeng mawala.”

Ngumiti lang si Jessie. Ngumiti rin ako at nahiga na sa kama. Nagdasal at nag-text kay Gabriel ng “Goodnight.”

Goodnight din. Sweet dreams, reply ni Gabriel.

Pumikit na ako, pero hindi agad nakatulog.

NAGBIBIHIS na ako nang may kumatok sa pinto ng kwarto.

“Papasok na ako, sasabay ka ba?” tanong ni Jessie mula sa labas ng pinto.

“Oo,” sigaw ko.

“Sunod ka na sa labas,” sabi niya.

Binilisan ko ang pagsusuot ng T-shirt at sapatos. Saka nagmamadaling lumabas ng kwarto. Nakasakay na si Jessie sa motorsiklo nang abutan ko. Inabot ko ang helmet na ibinibigay niya. Bago pa. Ito siguro iyong sinabi ni Mama dati. Naitago pa pala ni Jessie. Sinuot ko na lang ang helmet at umangkas na sa motorsiklo. Yumakap ako kay Jessie sa pag-aakalang paaandarin na niya ang motorsiklo.

Pero hindi niya iyon ginawa.

Hinawakan niya ang dalawa kong kamay at hinigpitan pa ang pagkakayakap ko sa kanya. Nakapa ko ang matigas niyang tiyan, pero hindi dahil sa kabag. Alam ko namang bato-bato ang abs ng lalaking ito. Dahil na rin sa pagkakadikit ko kay Jessie, pumatong na ang ulo ko sa balikat niya. At sa paglingon niya, kinailangan kong umatras dahil baka magtama na naman ang among mga labi.

Ngumiti si Jessie. “Sayang,” sabi niya.

“Gusto mo pa ba talaga?” tanong ko. “Single ako.”

“You want to play this game with me?”

“Hindi,” sagot ko. “Joke lang.”

Mabilis na pinaandar ni Jessie ang motorsiklo pero hindi ko inalis ang mahigpit na pagkakayakap sa kanya. Mahirap mag-usap habang may nagmamaneho. Pero tuwing humihinto kami para sa traffic light, dumadaan ang kamay ni Jessie sa kamay ko.

Sige lang. Gusto ko rin naman ito. Kailangan ko ito, sabi ko sa sarili ko. Idiniin ko na lang lalo ang ulo ko sa likod ni Jessie.

Nakarating kami sa parking area ng campus. Hindi pa kami late. Nauna akong bumaba ng motorsiklo. Sumunod si Jessie. Sabay kaming nagtanggal ng helmet. Doon na lang din namin nakita ang paglabas sa kotse ni Gabriel. Ngumiti siya sa amin. Ngumiti rin ako. Kumaway naman si Jessie. Hindi ko alam ang gagawin.

“Sa faculty ka?” tanong ni Jessie kay Gabriel.

“Yup,” sagot ni Gabriel.

“Sabay na tayo,” sabi ni Jessie. “Sa tapat lang kami.”

“Sure,” sabi ni Gabriel.

Sabay-sabay na kaming umalis ng parking lot. Hindi ako nagsasalita dahil hindi ko alam ang sasabihin. Bakit kasi kailangan pang maging polite ng dalawang ito sa isa’t isa. Awkward tuloy.

“Kailan ang alis mo?” tanong ni Jessie.

“Hopefully, Friday,” sagot ni Gabriel. “I just have to have this framework approved para wala na akong ibang iniisip when I’m far North na.”

“Oo nga,” sabi ni Jessie. “Mahirap na kung babalik ka pa dito sa Manila, eh, nandoon ka na.”

“Well, paper or not, I will go back here as long as may babalikan ako,” sabi ni Gabriel.

“Si Alex ba ang tinutukoy mo?” diretsang tanong ni Jessie.

Kinabahan ako. Bakit walang preno kung mag-usap ang dalawang ito?

Ngumiti si Gabriel. “I’m keeping that between us,” sabi niya bago tumingin sa akin. “Alam mo na `yon.”

Napangiti lang ako. Alam ko na naman talaga.

MAGKATABI pa rin kami ni Jessie sa klase. Kahit nakikinig sa professor, napapansin ko siyang nagnanakaw ng tingin sa akin. Minsan nga, nang tumingin ako sa kanya, nakangiti siya at napangiti na rin ako.

“Is there something to smile about the lesson, Alex?” tanong ng professor.

“Nothing, Sir,” sagot ko.

“Then why are you smiling?”

Nagtaas ng kamay si Jessie. “Excuse me, Sir. But actually, my classmate is a little shy and he is telling me something about commercialization.”

Napatingin ako kay Jessie. Hindi ko alam ang pinagsasabi niya.

Bumulong na lang siya sa akin. “Magsalita ka, commercialization, kahit ano’ng alam mo.”

Inayos ko ang sarili ko at nagpanggap na alam ang sinasabi ko. “I think, Sir, that commercialization has its good points but it is not a very good idea especially for the youth. Their, our education should be given as right and not as a privilege.”

“And what is so funny about that?” balik-tanong ng professor.

“Sir,” sabi ni Jessie. “I was the one who made a comment that made him laugh, I mean smile.”

“And would you mind sharing it with the class?”

Nakatingin na sa amin ang mga kaklase namin.

“Well, I just said that, we all knew that, but we are doing nothing about it,” sabi ni Jessie.

“And that’s funny because?”

“Because it’s not funny at all,” sabi ni Jessie.

Natahimik kami. Pero nanatiling nakatingin ang professor kay Jessie.

“You see, it is a painful fact, but we need to survive bearing that pain. So, we tend to mask the pain with a smile, laughter, other feelings, just not to feel the painful truth,” sabi uli ni Jessie.

“Okay,” sabi ng prof.

PAGKATAPOS ng klase ay sinamahan na rin ako ni Jessie na mag-lunch. Nag-text ako kay Gabriel pero hindi siya nag-reply. Nagmotor uli kami sa isang street sa campus, at doon kumain ng burger. Nakatayo na lang kami sa tabi ng motor; at doon na rin kami kumain dahil maraming tao.

“Mag-thank you ka naman,” sabi ni Jessie.

“Bakit naman?” tanong ko. “Dahil sumagot ka para sa akin sa class? Eh, ikaw kaya, tingin ka nang tingin. Ikaw ang wala sa focus kaya ako napangiti.”

“Wala sa focus pero nasagot ko ang tanong.”

“Eh, di ikaw na ang magaling.”

Natawa lang si Jessie.

“Pero saan naman nangaling `yong hugot mo na masking the pain?” tanong ko. “Andami mong alam.”

“Alam mo naman ang pinagdadaanan ko sa bahay, kay Papa, sa `yo.”

“Ako talaga?” sabi ko. “O, sige, huwag na nating pag-usapan.”

Napangiti na lang uli si Jessie at tinuloy na namin ang pagkain ng hamburger.

Inihatid ako ni Jessie sa susunod na klase. Siya naman ay tumuloy na sa susunod niyang class. Okay ang lahat, madali lang ang subject. Hindi na ako napapangiti nang walang dahilan para biglang matawag ng prof. Natapos ang klase. Umasa akong magre-reply si Gabriel sa mga text ko. Pero wala. Pero hindi ako nawalan ng pag-asa. Pakiramdam ko, makikita ko si Gabriel na naghihintay sa akin.

Pero wala rin.

Smile na lang.

Deretso ang lakad ko. Hanggang sa may narinig akong tumawag sa akin.

“Alex! Saan ka pupunta?”

Napangiti ako. Si Jessie. Hindi siya si Gabriel, pero may sumalo sa ngiti ko. “Wala,” sagot ko. “Uuwi na.”

“Let’s go,” yaya ni Jessie.

Sumabay na ako sa paglalakad papunta sa parking lot. Nandoon na rin ang motorsiklo niya. Pagsakay ko sa likuran ni Jessie, doon ako nakaramdam ng lungkot. Nasaan si Gabriel? Bakit hindi siya nagparamdam? Aalis na ba siya?

Nakarating kami sa mansiyon sa Parañaque. Napansin ni Jessie na cell phone ko agad ang tiningnan ko pagtapak sa bahay. Ngumiti lang siya at iniwan ako. Nahiya ako nang kaunti. Pero mas napaibabawan ang pakiramdam na iyon ng lungkot. Wala pa ring reply si Gabriel. Kinatulugan ko na ang paghihintay sa wala.

Nagpatuloy ang mga araw na ganoon. Si Jessie, ihahatid ako. Sabay kaming magla-lunch ng hamburger. `Tapos uuwi kami. Si Gabriel, wala na yata talaga. Pinabayaan na ako. Hanggang isang araw, pagkatapos ng huling klase ko, hindi si Jessie kundi si Gabriel ang nakita kong naghihintay sa akin. Gusto kong mainis. Pero wala akong karapatan. Hindi naman kami.

“Uy, napadaan ka,” sabi ko.

“I’m sorry I didn’t reply on your messages,” sabi ni Gabriel. “I did that deliberately.”

“Sinadya mo o hindi, hindi naman mahalaga,” sabi ko. “Nasaktan ako. Pero hindi naman dapat `di ba? Hindi naman tayo.”

“I know. And I’m sorry. You have the right for your feelings.”

Nagsimula na kaming maglakad papalabas ng building.

“You wanna go somewhere, eat maybe?”

“Okay lang,” sabi ko. “Nag-burger kami ni Jessie.”

“I know,” sabi ni Gabriel. “Anyway, the framework needs more adjustment, said my prof. Ayaw naman niyang madaliin ko. He gave me till Monday to submit. Baka next week na ako makaalis.”

“Good,” sabi ko.

“Good?” sabi ni Gabriel.

“Oo.”

Tahimik kaming naglakad. Walang usapan. Hindi ko kasi alam kung ano ang sasabihin. Nararamdaman ko rin na walang plano si Gabriel na magsimula ng usapan. Ayoko ng katahimikang ganito. Iyong may hinihintay.

“Gabriel, andaya mo,” sabi ko. “Ano ba talaga ito? Tayo ba o hindi?”

“Hindi,” sabi ni Gabriel. “You broke up with me remember?”

“Oo. Pero parang niloloko lang natin ang mga sarili natin. `Eto tayong dalawa, magkasama pa rin. At kapag hindi naman, nasasaktan tayo. Nararamdaman mo rin naman ito, `di ba?”

“We’re just friends,” sabi ni Gabriel. “And we feel this with our friends, too.”

Natahimik kami.

“And frankly, it feels better,” sabi ni Gabriel. “Kasi kung hindi, I would have made a scene in the burger joint tuwing makikita ko kayong kumakain doon. At least, dahil hindi tayo, hindi ko kailangang masaktan when you were enjoying your burger with Jessie.”

“Mahigpit ang yakap ko sa kanya sa motor tuwing pumapasok kami at umuuwi,” sabi ko.

“Gusto mo bang magwala ako dito?” tanong ni Gabriel.

“Nope. Wala kang karapatan, hindi na tayo,” sagot ko.

“Then why tell me that?”

“Kasi kaibigan kita. Pinaka-close kong kaibigan. Wala naman akong masasabihan, ikaw lang.”

“Okay,” sabi ni Gabriel na walang pakiramdam.

Nagpatuloy siya sa paglakad. Naiwan ako nang bahagya kaya agad ko siyang niyakap mula sa likuran.

“Ganito kahigpit, o,” sabi ko habang hinihigpitan pa ang pagkakayakap sa kanya.

“Stop it,” sabi ni Gabriel.

Naramdaman kong nangingiti na siya. “Huwag ka munang magselos. `Ayan, it’s a tie na, ha? Gusto mo, kain din tayo ng burger?”

“Yes, I’m hungry and I’m craving for one.”

Si Gabriel na rin ang naghatid sa akin sa Parañaque. Marami kaming napagkwentuhan pero bilang magkaibigan lang. Ikinuwento niya ang mga sinabi sa kanya tungkol sa thesis nila. Kung gaano kalaki ang changes na kailangang baguhin dahil nagkaroon ng bagong naisip ang adviser niya. Ako naman, mga kwento tungkol sa paglipat ko sa mansiyon, iyong pagbisita sa akin ni Jessie, pati na rin ang lecture ni Tito Raul at mga napag-usapan namin ni Mama tungkol sa buhay at iba pa.

Gustong-gusto pa rin ni Gabriel na marinig ang mga kwento tungkol kay Mama.

Pagdating sa mansiyon ay inihinto niya ang sasakyan, pero hindi agad ako bumaba.

“Gab, hindi mo pala nahawakan ang binti ko buong biyahe,” pansin ko.

“I wanted to. But what we are doing is confusing enough. Let’s just be friends and do what usual friends do.”

“Salamat sa paghatid,” sabi ko. “Ang layo nito sa QC.”

“I’m going to Alabang,” sabi ni Gabriel. “I’ll be picking up some props for the play.”

“Ngayon mo lang sinabi.”

Nagpapalusot pa kasi.

“Well,” sabi ni Gabriel. “We’re just friends. I don’t have to tell you everything.”

“Sabagay,” sabi ko na medyo nasaktan.

“But then again, I’ve just told you. Parang nagpaalam na rin ako.”

Natawa kami pareho.

Bumaba ako at nagpaalam kay Gabriel. Masaya akong pumasok sa mansiyon. Wala pa si Mama. Gabi pa siguro uuwi. Malamang ay kasabay na niya si Tito Raul. Or Papa Raul na pala.

“Si Jessie po ba, nakauwi na?” tanong ko sa isang maid.

“Opo, nasa kwarto po niya,” sagot sa akin.

Hinayaan ko na si Jessie. Dumeretso na ako sa kwarto ko. Pero may naabutan akong nakahiga sa kama ko. Si Jessie—galit na galit at masama ang tingin sa akin. May kung anong takot na bumalik sa akin. Parang lahat ng nakita kong mukha ni Jessie nitong huli ay maskara lang. At ito, ang dating mukhang nagpapakaba sa akin, ang totoo niyang anyo. Ano ang nangyayari? Nanlilisik ang mga mata niya.

“Paano mo ito nagagawa, Alex?” tanong ni Jessie.