CHAPTER THIRTY-ONE
ITO ANG pangatlong beses na hinalikan ako ni Jessie. Hindi ako nakagalaw. Naalala ko lang ang tanong ni Mama. Kung nakita ko na ang hinaharap ko kasama si Lalaki One. Hindi ko inisip. Kaya kahit patuloy ang pagkilos ng mga labi ni Jessie sa aking mga labi ay hindi ko nagawang gumalaw.
Napahinto si Jessie. Umatras. Bumalik sa upuan niya. “Sorry,” sabi niya.
Tumango lang ako.
Ininom na niya ang tinimpla kong kape. Kaunti lang. Pagkatapos ay ibinaba niyang muli ang tasa.
“May lason `yan,” sabi ko.
Muli niyang hinawakan ang tasa at uminom ng kape. Mas marami. “Kung hindi lang mainit masyado, uubusin ko `to,” sabi ni Jessie.
Hindi ako nagsalita. Umupo na lang ako sa kabila ng mesa, sa harap niya. Pinanood ko lang siya. Nahihirapan siyang tumingin sa akin. Nawala na ang dati niyang tapang. Hindi na kagaya ng dati ang kanyang titig—iyong naka-focus lang sa akin at hinihintay na masalo ng mga mata ko ang tingin niya. Pagkatapos ay manlilisik at ako ang susuko dahil sa kaba.
“I’m sorry, Alex,” sabi uli niya habang nakatingin sa malayo.
“Pinapatawad na kita,” sabi ko.
“Sigurado ka?” tanong ni Jessie.
“Oo,” sagot ko.
“You, making it sounds so easy, make it so hard for me to believe. Bakit ang dali-dali mong magpatawad?”
“Siguro dahil naintindihan na kita. At kahit mali man ang intindi ko, okay na `yon. Paniniwalaan ko pa rin. Kasi gusto na kitang mabitawan. Gusto ko nang lumaya sa kahit anong nag-uugnay sa ating dalawa. Galit man `yan o—”
“O ano?” tanong ni Jessie.
“O kahit ano?” sagot ko. Walang malisya ang sagot ko. Naintindihan naman yata niya. Natahimik kaming dalawa. “Sana, palayain mo na rin ako. Tanggapin mo na lang ang pagpapatawad ko.”
“Saan mo ako pinapatawad?”
“Sa lahat-lahat.”
“Ano-ano `yon?”
“Ikaw? Sige, kung ano ang makakapagpatanggap sa iyo ng pagpapatawad ko, sabihin mo na. Isa-isahin mo na lahat ng guilt mo sa akin.”
“Nasabi ko na kagabi. `Yong pananakit at pananakot ko. `Yong lahat ng kaba at abala na ibinigay ko,” sabi ni Jessie. “`Yong tangka kong paninira ng buhay mo. Sinubukan kong sirain kayo ni Gabriel. Alam kong masaya ka sa kanya; at ayoko n’on. Dahil gusto ko, sa akin ka maging masaya.” Tiningnan niya ko nang deretso. Hindi ko napigilang hindi tumingin sa kanya at malunod sa katotohanang nasa harap ko. “Sorry for my inconsistencies,” patuloy ni Jessie. “Me not making peace with my contradictions affected you so much. Gusto lang kitang mahalin, pero hindi ko magawa. I’m so sorry.”
Wala akong nagawa kundi ang mapatango. Hindi ko rin nagawang magpigil. Naramdaman ko na lang na nababasa ang pisngi ko ng aking mga luha.
Ininom ni Jessie ang natitirang kape. “Salamat,” sabi niya. “Matagal ba bago umepekto ang lason nito? Pwede na kasi akong mamatay. Napatawad mo na ako.”
Umiling ako. Pinahid ang mga luha. Lumuluha ako dahil masaya ako; at si Jessie ang dahilan. “Walang lason `yan,” sabi ko. “At hindi ka pa pwedeng mamatay.”
“Wala naman na makong hinihintay,” sagot ni Jessie. “Wala nang nagmamahal sa akin. Ikaw lang ang nakakapansin sa akin. Ang tanging naghahanap. `Tapos, sinaktan pa kita. Kaya `pag nakikita mo ako, nagtatago ka na. Hindi ako mahalaga para kahit kanino.”
“Oo, hindi kita mahal,” sabi ko. Nakita ko ang pagbabago ng mukha niya. Nalungkot. Napangiti ako. “Hindi kita mahal pero mahalaga ka sa akin. Hindi ko alam kung paanong sa pananakit mo sa akin, naging mahalaga ako. Siguro dahil ikaw ang nagturo sa akin na maging matapang. Ikaw ang takot na hinarap ko. Basta.”
“Sorry,” sabi uli ni Jessie.
Hinawakan ko ang mga kamay niya na nakahawak sa tasa. “Okay na ako. Sana, maging okay ka na rin.” Nagkatitigan kami. Napangiti ako. Buong pagkatao ko ang ngumiti. Alam ko na, napagtagumpayan ko na si Jessie. “Kailangan ko nang umalis,” sabi ko. Umalis ako sa pagkakaupo. Tumalikod at naglakad.
“Alex,” tawag ni Jessie.
Napalingon ako.
“Hanggang mahalaga lang ba ako sa iyo? Hindi pa ba pwedeng mahal na talaga?”
Ngumiti ako. “Huwag kang abuso. Kapapatawad ko pa lang sa `yo.”
“Pagpapatawad pa lang ba ang pwede? Hindi pa kayang pagmamahal?”
“Mahal ko pa si Gabriel,” umiiling na sagot ko. Iniwan kong mag-isa si Jessie sa kusina. Umakyat ako sa kwarto at nagbihis. May mga damit pa rin ako sa mansiyon. Pagkatapos magbihis ay bumaba na uli ako at hindi na lumingon paglabas ng pinto. Hindi na ako nagpaalam kayJessie. Hindi ko na siya hinanap. Masaya ako na nakaramdam ng kalayaan. Ito ang matagal ko nang hinahanap. Makakatulog na ako nang mahimbing.
Pero panandalian lang ang pakiramdam na iyon. Dahil sa labas ng gate ng mansiyon, may nakita akong pamilyar na sasakyan—ang kotse ni Gabriel. Nakasandal si Gabriel sa pinto ng kotse. Nakangiti. Mabilis akong lumapit at niyakap siya nang mahigpit. Mas mahigpit ang iginanti niyang yakap. Nang magbitaw kami ay agad niyang hinawakan ang aking mga kamay, inilagay ang mga daliri niya sa pagitan ng sa akin. Tinitigan niya ako. Walang pagdududa ang kanyang mga mata, tanging saya. Hindi ko naiintindihan pero sinabayan ko na lang ang kanyang nararamdaman. Ganito naman dapat minsan. Huwag nang magtanong, sunod agad sa sinasabi ng puso. At puso ni Gabriel ang susundin ko. Masaya siya, masaya rin ako. Lumapit ang mga labi niya sa mga labi ko. Nagpaubaya pa rin ako. Hanggang sa bumitiw siya sa halik.
“Mahal na mahal kita, Alex,” sabi ni Gabriel.
“Bakit?” tanong ko. Bigla kong naisip na parang mali ang reaksiyon ko. Ang tamang gawin kapag sinabihan ng “I love you” ay sumagot, hindi matulala. At kapag napansin na medyo dead air na, dapat sumagot na agad ng “I love you, too.” Iyon ay kung “I love you, too” talaga ang nararamdaman. Pwede rin namang “Thank you.”
“Because that is what I feel. Always remember that... please,” sabi ni Gabriel.
“Hindi ko iyon malilimutan. Alam ko `yon, at mahal na mahal din kita.”
Nagyakap uli kaming dalawa. Nang maghiwalay ay pinagbuksan niya ako ng car door. Pagkatapos ay sumakay na siya sa likod ng manibela. Nakahawak si Gabriel sa hita ko. Nakapatong naman ang kamay ko sa kamay niya. Kapag kailangan niya sa pagmamaneho, binabawi niya, pero muling binabalik. Maliban sa mga galaw na iyon, walang ganap sa sasakyan. Wala ring usapan. Doon ko naramdaman na baka hinihintay niya akong magkwento.
“Salamat sa pagsundo,” sabi ko.
“Of course,” sabi ni Gabriel. “I miss you in our home.”
“Kanina ka pa ba naghihintay sa labas?”
“Not really. Some twenty minutes, maybe.”
“Salamat.”
“So, how’s Jessie?”
Kinabahan ako. Hindi ko inaasahang kakabog ang dibdib ko nang ganito katindi.
“Why, what’s wrong?” pansin ni Gabriel.
“Hindi ko alam,” sagot ko. “Kinabahan ako sa tanong mo.”
“Thanks for your honesty.”
“Bakit kailangan ko pang itago? Hindi ko rin naman kasi alam kung bakit ako kinabahan.”
Napangiti lang si Gabriel. Nang magpalit siya ng gear, hindi na niya ibinalik ang kamay niya sa hita ko.
Natakot ako. Tahimik. “Nag-iisip ka ba nang masama? Pabababain mo ba ako?” tanong ko.
“Of course not, Alex. Mahal na mahal kita. Always remember that.” Humarap siya sa akin at ngumiti. Saka hinawakan at hinalikan ang kamay ko. “Come on, let me help you understand that kaba.”
“Bakit?” tanong ko. Siguro nga ay dahil sa kaba kaya “bakit” ang naisagot ko. “Ah, siguro dahil iyon ang una kong naramdaman nang makita kita paglabas ko ng gate. Pero ang kalmado mo. Nakakatakot `yon, Gab.”
“Why?”
“Tigilan mo nga ako sa why na `yan?”
“Well, hindi ko kinuwestiyon ang ‘bakit’ mo kaninang sabihin kong `mahal na mahal kita.”
Hala, ang bilis bumalik sa akin n’on, ah. Nasa Guadalupe pa lang kami.
“So, why were you supposedly be scared of seeing me?” tanong ni Gabriel.
“Dahil mali na pinuntahan ko si Jessie. Alam kong magagalit ka,” sagot ko.
“But you told me about it, Alex. And maybe you did that, thinking that it would make it less painful for me. And I appreciate that. That’s why I’m here. I chose to appreciate your honesty.”
“At ngayon, nagiging mabait ka na naman,” sabi ko. Magsasalita pa lang si Gabriel pero inunahan ko na siya. “At hindi ko minamasama `yon.”
“So, iyon lang ba ang dahilan ng kaba mo?”
“Hindi ko alam. Gusto mo, ikwento ko na lang mula noong tumuntong ako sa gate?”
“Shoot.”
Nagsimula akong magkwento ko. Nakangiti lang si Gabriel habang nakikinig sa bawat detalye ng kwento ko na hindi niya kinukuwestiyon. Tumitingin-tingin lang siya sa akin. Napapa-“ahh”, napapa-“oh” at pinapatuloy lang sa akin ang pagkukwento. May pagkakataon pang hinahawakan niya ang kamay ko at hinahalikan.
“Thank you for trusting me,” sabi ni Gabriel. “For knowing that I’ll understand. For choosing me still.”
“Siyempre naman. Bakit naman hindi?”
“Anong bakit naman hindi?” nakangiti pa ring tanong ni Gabriel. Napansin yata niya na hindi ko naintindihan. “I mean, why keep on choosing me?”
“Dahil mahal kita,” sagot ko.
“Mahal na mahal din kita,” sabi niya. “Always remember that.”
Parang isang “mahal na mahal kita” at “always remember that” ang pabaon sa akin ni Gabriel sa bawat pagkakataon na hinalikan ako ni Jessie.
NAKARATING kami ni Gabriel sa building ng condo unit ni Kuya Albert. Sumakay kami elevator. Pero sa halip na sa floor ni Kuya kami bumaba, sa pinakataas ako dinala ni Gabriel. Muling bumilis ang tibok ng puso ko. Huminto ang elevator. Bumukas. Lumabas kami. Bakit kailangang dito pa niya ako dalhin? Ang taas-taas nito. Kinakabahan ako. Umiikot ang sikmura ko. Hindi ko kaya ang matataas na lugar.
Pero bale-wala iyon kay Gabriel. Hinila niya ako papunta sa isang sulok kung saan minsan kaming tumayo. Muli niyang hinawakan ang mga pisngi ko. Hinalikan. Isang halik na parang unang beses pa lang niyang ginawa sa akin. Nawala ang takot ko. Ito ang kapangyarihan ni Gabriel sa akin Nakakalimutan ko ang lahat ng takot kapag kasama siya. Lalo na’t sinasakop ng mga labi niya ang mga labi ko. Damang-dama ko ang pagmamahal niya.
Pagkatapos ng mahabang sandal na parang katumbas ay walang hanggan, marahang inatras ni Gabriel ang kanyang mga labi. Naiwan ang mga labi ko na bahagya pang nakabuka, naghihintay sa kanyang pagbabalik. Pero wala nang labing dumikit sa akin. Dumilat ako. Nakita ko si Gabriel na nakatitig sa akin. Namumula ang mga mata dahil sa pagluha. Hindi humihikbi pero nakangiti. Alam kong hindi siya masaya.
“I’ll be making the biggest mistake of my life, babe.”
Tinapos ni Gabriel ang lahat ng namamagitan sa amin. Ito ang pangalawang beses na hiniwalayan ako ni Gabriel.