CHAPTER THIRTY-EIGHT
PAANO nangyari na last week lang, nasa akin ang lahat, `tapos ngayon, gumigising ako na parang wala nang naghihintay sa akin? Hindi ito ang unang pagkakataon na nagising ako na nasa dibdib ko ang cell phone. Pero hindi gaya noong nakaraan, si Gabriel ang laman ng puso ko. Ngayon, si Jessie ang hinihintay ko. At pareho sila na walang paramdam buong magdamag. Nandiyan lang silang dalawa noong nakaraan, ngayon pareho na silang wala.
Ang totoo, hindi ko alam ang mararamdaman. Mayroon ba akong dapat sisihin? Mayroon bang may kasalanan? Wala naman. Wala namang gumawa ng mali. Walang mali. Pero bakit ko nararamdaman ito? Bakit ako nasasaktan?
Kasi, nag-expect ako.
Ito siguro ang sakit na nararamdaman ni Jessie sa ginagawa ko sa kanya. Hindi ko naman sinasadya na umasa siya. Ginusto niya iyon. Kaya sana hindi naman niya ako ginagantihan.
Pero ibig sabihin ba niyon, ginugusto ko rin ito? Pinipili ko rin bang umasa?
Ang sakit-sakit naman pala nito.
Kaya hindi ko na inisip na mayayakap ko si Jessie habang nakaangkas ako sa motorsiklo niya papasok sa campus. Hindi ko na inisip na makakasabay ko siyang kumain. Hindi ko na inisip na makikita ko siya paglabas ko ng kwarto. Kaya hayun, wala nga siya paglabas ko ng kwarto. Pagdating sa dining area, wala rin siya. Wala ring ingay ng motorsiklo. Wala rin ang pagsubok ko na hindi umasa. Pinigilan kong hindi umasa, pero umasa pa rin ako. At heto ako. Umasa sa wala.
Pero bumusina uli ang sasakyan ni Tito Raul. Tito Papa na pala.
“Hindi umuwi si Jessie kaya isasabay na kita. Kailangan ko ring daanan ang mama mo.”
“Salamat po,” sabi ko. Sumakay na ako sa kotse. Nag-iisip pa rin ako. Nagsalita si Tito Papa pero hindi ko narinig.
“May problema ka ba sa school?” tanong niya.
“Wala naman po,” sagot ko.
“Para kasing ang lalim ng iniisip mo.”
“Wala naman po. Kulang lang sa tulog.”
“Ah, sige, matulog ka na lang pagbalik mo,” sabi ni Tito. “Nagkita ba kayo ni Je-Ar kahapon?”
“Hindi nga po, eh,” sagot ko. “Hindi po ba siya umuwi?”
“Hindi,” sabi ni Tito Papa. “Hindi ba nagpaalam sa iyo? Sa boardinghouse niya siya natulog. May inaayos.”
“Hindi po siya nagsabi,” sagot ko.
“Nami-miss mo na ba ang kapatid mo?”
May kakaibang bugso sa dibdib ko ang sinabi ni Tito. Oo nga, name-miss ko si Jessie. At oo, kapatid ko siya. Tumango lang ako. Alam na ni Tito Papa ang ibig sabihin niyon.
“Nami-miss ka rin n’on,” sabi ni Tito Papa. “Pero mayroon siyang mga kailangang gawin din para sa sarili niya. May mga desisyon siyang kailangang gawin, para sa iyo, para sa akin, para sa pamilya natin.”
Hindi ko naintindihan ang last part ng mga sinabi ni Tito Papa. Mas nag-focus ako sa sinabi niyang nami-miss din ako ni Jessie.
“Ikaw din, Alex. Magdedesisyon ka. Kapatid mo si Jessie. Pwede mo siyang ma-miss. Pwede mo siyang mahalin. Pwede mo siyang makasama habang-buhay sa iisang bahay. Sa bahay natin. Kasi, kapatid mo siya.”
Napatingin ako kay Tito Papa.
Tumingin din siya sa akin. Ngumiti.
Ngumiti rin ako. Pero may kakaibang sakit sa dibdib ko.
“Opo,” sabi ko. “Kapatid ko po si Jessie.”
NAKAUPO na si Jessie sa tabi ng uupuan ko nang dumating ako sa classroom. Pinilit kong hindi ngumiti. Pinilit kong isipin ang sinabi ni Tito Papa. Iniba ko ang nararamdaman ko. Pinilit kong magalit. Pinilit kong hindi siya pansinin.
“Huwag mo nang pilitin, ngumiti ka na,” sabi ni Jessie.
Napatingin lang ako sa kanya.
Tumitig lang din siya sa akin.
Unti-unti, ang ngiti niyang tikom ay nagpasilip ng mapuputi niyang mga ngipin. Sumasabay na rin ang kanyang mga mata. Maganda ang mga ngiting iyon. Hindi ko nakayanan. Sumuko ako. Ngumiti na rin ako.
“Ano’ng problema mo?” sabi ko.
“Miss mo ako?” tanong ni Jessie.
Inilabas ko na lang ang notebook ko at pencil. Binuksan ko ang notebook, iniumang ang lapis sa papel, kahit wala naman akong isusulat. Unti-unti akong tumingin kay Jessie. Nandoon pa rin ang titig niyang nakangiti. Sumuko na naman ang katawang lupa ko. Pinilit kong hindi ibuka ang bibig ko. Pero alam kong basang-basa niya sa mga mata ko ang nararamaman ko.
“Sabihin mo na kasi,” sabi ni Jessie.
Ang ngiti ko ay napalitan ng pag-aalala. Inalis ko ang tingin kay Jessie at ibinalik sa papel na nagkakaroon na ng sulat na walang kahulugan.
“Hinatid ako ni Tito Daddy kanina,” sabi ko. “Nakapagdesisyon ka na ba?”
“Hinihintay pa kita,” sabi ni Jessie. “Hindi pa tapos ang seven days ko, hindi ba?” Hinawakan niya ang kamay ko na may hawak na lapis. “`Yong desisyon mo, whatever that is, sana hindi pa final. Patapusin mo muna ang mga araw ko. May bukas pa naman, eh.”
Tumingin ako kay Jessie. Nahiya ako. Bakit ang aga kong nagdesisyon sa harap ng tatay niya?
“Nakapagdesisyon ka na ba?” tanong niya.
“Hindi,” sabi ko na muli siyang tinitigan.
“Hindi?” balik-tanong ni Jessie na may kasamang ngiti sa mga labi.
Inalis ko na ang tingin sa kanya at ibinalik sa notebook na nadidiinan ko na ng lapis. Iniba ko na lang ang iniisip ko. At ang pag-iisip, nahaluan ng lungkot. “Hindi mo ako pinatulog,” sabi ko. “Nagme-message ako sa `yo pero hindi ka nagre-reply. Ano `yon? Apat na araw kang—” Hindi ko alam ang salitang gagamitin. Manliligaw ba? Magpapaka-sweet? Magpaparamdam ng pagmamahal? “`Tapos…”Itinuloy ko na lang na parang fill in the blanks.
“`Tapos, bibitawan kita?” tanong ni Jessie.
Nawala ako sa isinusulaa\t ko. Wala naman talaga akong isinusulat pero natigil ang pagpapaitim ko sa page ng notebook. “Binitawan mo na ba ako?” tanong ko, hindi pa rin tumitingin kay Jessie.
“Seven days, `di ba?” sabi niya. “Sinabi ko naman sa iyo, sa fifth day, you will miss me. Effective pala.”
Napahinga ako nang malalim. Oo, tama siya. Sinabi nga niya iyon in passing. May kaunting kiliti sa puso ko na sumabay sa pagkabunot ng tinik na nararamdaman ko. At ang kiliti, nagbigay sa akin ng ngiti. Pero hindi ko iyon ibibigay lang nang basta-basta.
“Ang sama mo,” sabi ko. “Hindi kita na-miss. Pinag-alala mo lang ako.”
“Okay na rin `yon,” sabi ni Jessie. “Nag-aalala ka na sa akin.”
“Dati naman na `yon,” sabi ko. “Kaya nga kita binalikan noong...” Isa na namang fill in the blank. Ayoko nang sariwain ang pambubugbog kay Jessie ng tatay niya. Pero paalala iyon ng totoo naming sitwasyon. Ang hindi ko ipinakikitang ngiti ay tuluyan na namang nawala. “Jessie, magiging magkapatid na tayo.”
“Iniisip mo na ba `yon?” tanong ni Jessie. “Huwag na muna.”
Dumating ang professor namin. Iba na ang dapat isipin.
Pagkatapos ng klase naming ay hindi pa kami tumayo agad ni Jessie. Hinintay muna namin na makalabas ang mga kaklase namin bago kami marahang kumilos na parang lumalabas sa sinehan. Magkatabi kaming naglakad, at unti-unti, nararamdaman ko ang kamay niyang sinasayaran ang likod ng kamay ko.
“Seryoso ka ba diyan?” tanong ko.
Ngumiti si Jessie at agad nang hinawakan ang kamay ko. Inipit ng mga daliri niya ang mga daliri ko. Iniangat at pagkatapos ay hinalikan. Ibinaba niya ang mga kamay namin at naglakad na kami papunta sa pinto. Bumagal ang paglakad namin. At habang papalapit kami sa pinto, naramdaman kong unti-unting lumuluwag ang hawak niya sa kamay ko.
Hindi pa yata handa si Jessie na makita ng iba kung ano siya.
Naalala ko si Gabriel. Kung paanong mahigpit niyang hinahawakan ang kamay ko kapag naglalakad kami sa lobby at nakikita ng lahat na may dalawang lalaking nagmamahalan.
Paglabas namin ng pinto ay tuluyan nang binitawan ni Jessie ang kamay ko.
“Nahihiya ka ba?” tanong ko.
“No,” sagot ni Jessie. “Rumerespeto lang.” At itinuro niya ang lalaking naghihintay sa corridor.
Nakita ko si Gabriel na nakatayo at nakatingin sa amin.
“I’m sorry, but we have to talk,” sabi ni Gabriel.
“Gab...” Fill in the blanks na naman ako.
Pero si Jessie ang sumalo.
“Alex,” sabi ni Jessie. “Kami ang mag-uusap.”
“Gab?” tanong ko.
“Yes,” sabi ni Gabriel. “Please excuse us.”
Hindi na ako nag-react. Ako na ang umalis at pumunta sa steps ng building. Doon ko na hinintay kung sino man sa kanila ang darating. Kung silang dalawa, eh, di mas mabuti. Ano ang pag-uusapan nila? Bakit hindi ako kasama? Lalayo pa dapat sila sa akin, pero ako na ang nagsabing, “Hihintayin ko na lang kayo sa steps.” Iniwan ko sila. Heto ako ngayon, nakatulala. Nagbibilang ng mga jeep at kotseng dumadaan. Lagi naman akong nawawala sa bilang tuwing maiisip kung bakit sila nag-uusap. Ano ang pinag-uusapan nila tungkol sa akin?
Nakaka-thirty seven na kotse na ako, labindalawang jeep, at walong bike kung saan ang dalawa ay dalawang beses nang nakaikot, nang may umupo sa tabi ko.
“Jessie here,” sabi niya. “Isasama ka ni Gabriel na mag-lunch.”
“Eh, ikaw?” tanong ko kay Jessie.
“Okay lang ako,” sagot niya saka tumayo.
Tumayo na rin ako at nagpagpag ng pants. Tumingin lang ako kay Jessie. Nakatingin lang din siya sa akin. Hindi ko mabasa ang sinasabi ng mga mata niya. Wala na ang matatamis na ngiti. Ganoon din naman ako. Hindi ako natutuwa sa nangyayari. Ang totoo, may kaunting tanong ako sa sarili na nagiging inis na. Ano ang pinag-usapan nila?
“Sorry,” sabi ni Jessie.
Ayoko nang itanong kung bakit. Naramdaman ko na lang. May mali sa sitwasyong ito. At parang kung sasagot si Jessie, mabubura ang apat na araw niyang ibinigay sa akin.
WALA kaming usapan ni Gabriel kahit nakasakay na ako sa kotse niya. Bumaba kami sa dati naming kinakainan—sa mamahaling restaurant sa loob ng campus. Ngayon, mas malakas na ang loob ko na um-order. Nakatipid yata ako sa biyahe dahil may hatid-sundo na ako.
In-order ko ang usual na ino-order namin—iced tea at pasta. Ganoon din ang in-order ni Gabriel.
Wala pa rin kaming pinag-uusapan habang naghihintay na i-serve sa amin ang mga pagkain. Nang unang i-serve ang iced tea, linuha lang ni Gabriel ang honey at nilagyan ang iced tea ko. Alam pa rin niya kung gaano katamis ang iced tea ko.
“Salamat,” sabi ko.
“Sorry,” sabi ni Gabriel.
Hindi ako nagsalita. Wala na ring idinugtong si Gabriel. Naghintay ako. Pero wala siyang sinabi kaya ako na ang nagdugtong.
“Sorry kayo nang sorry dahil alam ninyong magagalit ako sa ginagawa ninyo. Bakit n’yo ako pinaglalaruan?” Pinilit kong hindi magmukhang galit. Gusto ko lang ng usapan kaya sinabi ko iyon habang kinukuha ang tinidor para kumain na ng pasta na isinerve sa amin.
Hinawakan ni Gabriel ang kamay ko. “I know it’s unfair. I’ve asked so much from you. We, Jessie and I asked so much from you.”
“Love ba itong ina-ask n’yo?” tanong ko. “Alam mo naman, Gabriel, ikaw lagi ang pipiliin ko.”
“I know. That’s why when Jessie asked me for seven days with you—”
“Alam mo ang ginagawa ni Jessie?”
“Yes,” sagot ni Gabriel. “And after that, he will never bother us, you.” Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko. “But I cannot just watch you realise how much you really love him.”
Nakita ko ang sakit sa mga mata ni Gabriel. Hindi ko naiintindihan. Nakikita kong isinusuko na niya ako kay Jessie. “Hindi Gab,” sabi ko.
“I wish you were telling the truth,” balik niya sa akin. Nagpatuloy siya sa pagkain nang tahimik. Nagpapakatatag, pero nakikita ko ang sakit.
“Sinasaktan ba kita?” tanong ko.
“Yes,” sagot ni Gabriel. “But I’m making sure that it isn’t just your fault. That’s why I’m letting you go.”
“Huwag mo naman akong pabayaa. Sana, ipaglaban mo ako.”
“This is what I’m doing now. I’m trying to get you back. No more seven days. I will bring you home with me now.”
Hindi ko alam kung bakit ako kinabahan. “Pero—”
“Walang pero-pero.”
“Iniisip ko lang si Mama. Hindi niya—”
“I’ll call her.”
“Pero,” singit ko pa rin.
“Okay,” sabi ni Gabriel. “I get it. Ihahatid kita.”
“Salamat,” sabi ko.
Pagkatapos kumain ay inihatid ako ni Gabriel sa next class ko. Nakita ko si Jessie na nag-aabang sa isang sulok. Nakatago. Hindi ko alam kung nakita siya ni Gabriel. Pero kung oo, hindi na niya iyon binigyan ng halaga.
Sa klase, pinilit kong hindi isipin ang dalawa. Nagpaka-busy ako sa ipinagagawa ng prof. Effective. Natapos ko ang plate nang wala pang isang oras. At para sa susunod na dalawang oras, hindi pwedeng nakatulala lang ako. Kakainin ako ng pag-iisip. Mababaliw ako.
“Those who are finish can go,” sabi ng prof.
Nagtayuan ang mga kaklase ko. Sumunod na rin ako. Mabuti na rin ito, walang nag-aabang sa kanila. Solo ko ang sarili ko. Lumabas ako ng classroom. Naglakad sa building. Hanggang sa makalabas at makarating sa kalsada. Ito ang me time ko. Sarili ko lang at ang buong paligid ang iniintindi ko. Pagdating ko sa Oval, sa gitna niyon ay may mga naglalaro ng Frisbee. Hinahabol ng isa ang Frisbee, pagkatapos ay ibabato sa isa. Sasaluhin at saka ibabalik sa naghagis. Naupo ako sa isang bench at pinanood ang naglalaro. At doon ko nakita ang sarili ko.
Ako ang Frisbee. At ang mga naglalaro, sina Gabriel at Jessie. Sila lang ang mga buhay sa game, at ako, isang bagay lang na pinagpapasa-pasahan. Ayokong maging Frisbee lang.
Nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip nang may tumabi sa aking lalaki.
“I wouldn’t mind if you were comparing yourself to that lifeless disc.”
Kilala ko na ang boses na iyon. At alam ko rin na nababasa na naman ng may-ari niyon ang iniisip ko.
“X-Men ka ba?” tanong ko.
“Nope,” sagot ni Gabriel. “Because I would feel the same if I was in your shoes.”
Tahimik muna kami.
“I was holding you, then I’ll let you go for Jessie to catch,” sabi ni Gabriel. “And Jessie is now throwing you back to me. And I don’t know, I might throw you back away again. I don’t know. I don’t want to, but I don’t know.”
Hindi pa rin ako nagsalita.
“But please don’t feel bad for being that Frisbee,” sabi ni Gabriel. “Those players are nothing without that disc. They would be nothing without it. Just like me, I would be nothing without you.”
“Ikaw pa?” sabi ko. “Nothing? Eh, naipasa mo nga ako.”
“And being nothing is like death,” bawi ni Gabriel. “And I was waking up just to die in those days that I let you be with Jessie.”
Alam ko kung paano mamatay at magising para mamatay lang uli kinabukasan. Naramdaman ko iyon noong araw na nakipaghiwalay ka sa akin. At ang sakit-sakit n’on. Hindi ko na iyon nasabi, pero naramdaman iyon ni Gabriel nang hinawakan ko ang kanyang kamay nang mahigpit.
“Pinabayaan mo rin ako, Gabriel,” sabi ko. “Ang sakit-sakit din n’on. At si Jessie, siya lang ang nagpapasaya sa akin. Wala akong magawa. Sinubukan kong umiwas pero sobrang sakit din, eh. At kahit ano’ng makakapag-alis sa sakit na `yon, papayagan ko. Si Jessie `yon.”
“Did he...”
“Hindi, Gab.” Hindi ko na hinayaang ituloy ni Gabriel ang sasabihin niya. Dahil hindi iyon totoo. Wala pa rin. Pero bakit nasasaktan ako ngayon kay Gabriel? Bumalik lahat. Hindi tama ang mga ginawa niya sa akin. Sinaktan niya ako.
“Don’t cry, please,” sabi ni Gabriel at nagsimula na siyang yakapin ako.
Yumakap ako pabalik sa kanya. At lahat ng sakit na naramdaman ko, ibinuhos ko na. Iniiyak ko na. Dahil sa lahat ng sakit na naidulot niya, mas nangibabaw ang nararamdaman ko. Miss na miss ko ang lalaking ito. Bumitaw si Gabriel sa akin, at niluwagan ko na rin ang pagkakayakap ko sa kanya. Tumingin siya sa mga mata ko. Alam ko na ang susunod. Ang tagal ko na itong hindi nararamdaman. Sabik na ako sa mga tinging ito, sa mga labing dadampi sa akin. Marahan, napapikit ako. Naramdaman ko ang kanyang hiniga, hanggang sa ang ilong niya ay nasa akin na ring mga ilong. Pero sa gitna ng aming pagyayakapan ay biglang may pumigil. May humila kay Gabriel patayo at bigla siya sinuntok.
“Lunch lang!” sabi ni Jessie. “Kakain lang kayo! Hindi nguso ni Alex ang kakainin mo.”
Gaganti sana ng suntok si Jessie pero nasalag ni Gabriel. Si Gabriel naman ang sumuntok kaya napaatras si Jessie. Napatigil ang mga tao nang makitang nagsusuntukan ang dalawang lalaki.
“Tama na `yan,” awat ko habang tinitingnan ang mga nanonood.
Tuloy ang away nila.
“Five days is enough,” sabi ni Gabriel.
“Tigilan na nga n’yo `yan,” sabi ko na nahihiya na sa nangyayari. Wala nang mga salitaan. Pulos suntok at sipaan lang. Hindi ko alam kung sino ang nanalo. “Tama na sabi!” Kinabahan ako lalo pa’t nakarinig ako ng sirena ng pulis. “Tama na!” pigil ko uli.
Pero hindi pa rin sila nagpapigil. Napayakap si Jessie kay Gabriel para mapigilan ang mga suntok ng huli. Si Gabriel naman, ibinangga ang nakayakap sa kanya sa puno. Tumama ang likod ni Jessie sa puno. Nakita kong nasaktan si Jessie. Pero kinuha ni Gabriel ang pagkakataon para suntukin si Jessie. Bumagsak si Jessie. Sisipain na siya ni Gabriel pero humarang ako.
“Tama na sabi!” sigaw ko. Napipikon na ako. Nahihiya ako sa mga tao at nagagalit sa pag-aaway ng dalawa.
Napatigil si Gabriel at napatingin sa akin.
Tinulungan kong tumayo si Jessie. Pero hindi siya nagpatulong. Tumayo siyang mag-isa—may galit ang mga mata kahit sa akin. Sinuklian ko rin ng galit ang kanyang mga mata. Kay Gabriel naman ako tumingin. Nagtataka si Gabriel. Galit pa rin ako. Nang bumitaw ako ng tingin, bumitaw na rin ako sa kanilang dalawa at naglakad palayo.
“Bahala kayo,” sabi ko. “Matatanda na kayo, matuto kayong magtino.”
NAGHIHINTAY pa ang taxi sa tapat ng mansiyon nang lumabas si Mama ng gate at inabutan ako ng pera. Iyon ang ipambabayad ko dahil naubos ko na sa restaurant ang budget ko.
“O, nasaan nga si Jessie?” tanong ni Mama nang papasok kami sa mansiyon.
“Ewan ko sa kanya,” sagot ko.
“Ay, tough-tough-an? Walang pakialam? Eh, kulang na lang no’ng nakaraan, magsubuan kayo ng pickles.” Natawa si Mama sa sinabi niya
“`Ma, hindi kami magsusubuan. Walang nakakatawa.” Muntik na akong masubsob nang batukan ni Mama. “`Ma, ang lakas n’on. Nasa sitcom tayo?”
“Eh, `yong sinasagot-sagot mo ako na walang nakakatawa?” sabi niyang nakataas ang isang kilay. “Kung may problema ka, sabihin mo lang sa akin, huwag mo sa akin ibunton.”
Napahinto ako. Napatingin kay Mama. “Sorry po. Sila kasi...” At umiyak na ako. “Sila po kasi, pinagpapasa-pasahan nila ako.”
“Ganyan talaga tayong magaganda, anak. Sumpa talaga itong sitwasyon natin. Akala nila madali ito para sa atin? Hindi, `no. Hindi madaling magustuhan ng lahat. Mahirap pumili at masakit makasakit ng hindi mapipili. Nakapili ka na ba?”
“Ayoko pong pumili sa kanila?”
“Anak, hindi pwedeng dalawa sila. Masama `yon.”
Hindi ako nagsalita.
“Pero pwede namang wala kang piliin sa kanilang dalawa.”
“Gusto ko po munang magpahinga,” sabi ko.
“And that’s what I mean, magpahinga ka muna. Reevaluate your feelings. Piliin mo ang sarili mo.”
Pinili ko ang sarili ko. Nagkulong muna ako sa kwarto at doon nagbukas ng laptop. Nagpatugtog ng playlist na nakakaiyak at ninamnam ang lungkot. Ginagawa akong laruan ng dalawang ito, and it was not fair. Masakit ang ginawa ni Gabriel sa akin na hinayaan niya si Jessie. Si Jessie naman, nakikipaglaro. Hindi niya sinabi sa akin na may kasunduan sila ni Gabriel. Ano iyong seven days niya? Challenge lang? Hindi ako challenge lang. May nararamdaman ako. Hindi ako laruan. Hindi ako pwedeng pagpasa-pasahan lang.
Sa pagmumuni-muni ko, biglang may kumatok sa pinto ko. Medyo malakas. Parang emergency. Naisip ko agad si Mama. Bakit? Agad kong binuksan ang pinto. Hindi ko inaasahang ako pala ang mae-emergency. Pumasok si Jessie at isinara ang pinto. Hinawakan niya ako sa magkabilang braso at kinaladkad bago ibato sa kama. Kahit wala na ang pagkakakapit niya sa akin, naiwan sa mga braso ko ang sakit ng higpit ng kanyang pagkakakapit.
Pero mas masakit ang mga salitang binitawan niya.
“Hinawakan mo na ang kamay ko,” sabi ni Jessie. “`Tapos makikipaghalikan ka pa kay Gabriel?! Sa gitna ng campus?! Malandi ka ba?!”
Natakot ako kay Jessie. Galit na galit siya. Kitang-kita ko ito sa kanyang mga mata. Nakasara ang kanyang mga kamao na kayang-kaya akong bugbugin na naman.
“Jessie… Wala namang ibig sabihin...” Napatigil ako sa paglapit ni Jessie sa akin. Dumapa siya sa ibabaw ko.
“Anong walang ibig sabihin?”
Tinangka ko siyang itulak pero hinawakan niya ang mga kamay ko at inilagay sa ibabaw ng ulo ko.
“`Yong paghawak mo sa kamay ko… Walang ibig sabihin `yon? Hindi ba pagpapaasa mo na sa akin `yon? Napakasama mo.”
“Hindi `yon, Jessie,” sabi ko.
“Ah, `yong halikan… Walang ibig sabihin `yon? Halikan lang `yon? Sige, tingnan natin.” Lalong bumigat ang katawan ni Jessie nang dumagan ang buo niyang katawan. Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko.
Tinangka kong umiwas. Ayoko sa gagawin niya. Hindi tama. Pero gamit ang malaya niyang kamay, pinigilan niya ang pagkilos ng aking mukha. Pikit-mata kong hinayaan si Jessie na idampi ang mga labi niya sa mga labi ko. Marahas ang una niyang halik na tinatangka ko pa ring salagin. Hanggang sa parang napapagod na siya, nawala ang lakas na nakadagan sa akin, at ang mga halik ay naging banayad. At napansin ko na lang ang sarili kong sumasabay. Naalala ko ang halik niya sa falls. Oo, hanggang ngayon, hindi ko pa rin iyon nalilimutan. Pilit ko mang itago sa sarili ko, dumarating ang mga pagkakataon na naaalala ko pa rin. At ngayon, isang mas magandang alaala ang halik na ito.
Damang-dama ko ang pagmamahal ni Jessie. Gusto kong ibalik. At nanguna na ang aking mga labi sa pagpapadama nito kay Jessie. Nilabanan ko ang kanyang mga labi. Hanggang sa nawala na ang kamay niya sa mga kamay ko. Nasa ilalim na iyon ng aking damit, gumagapang sa aking dibdib.
At ang kamay niyang nasa aking mukha ay malaya na ring humahaplos sa aking likod.
Hinayaan ko siya. Ang kamay ko naman ang ipinasok ko sa kanyang damit para mahawakan ang malapad at matikas niyang likod. Dama ko ang init ng katawan ni Jessie. Tumatagos ang init papunta sa kanyang halik. Mga halik na marahan pero may kasamang kapusukan.
Pero hindi ito tama.
Si Gabriel ang mahal ko.
Inalis ko ang kamay sa likod ni Jessie at ginamit ko ito para humarang sa kanya. Marahan ko rin siya pinigilan.
“Mali ito,” sabi ko. “Sorry.”
Parang natauhan si Jessie. “Naiintindihan ko. Sorry din. Nagpadala na naman ako sa galit ko.” Tumayo na siya at nagsimulang maglakad palabas ng pinto.
“Jessie,” sabi ko. “Sorry. Hindi ko sinasadyang paasahin ka.”
“Okay na `yon. Ako na lang ang hindi aasa. Gawin mo lang ang ginagawa mo.” Lumabas si Jessie at naiwan akong nag-iisisp sa kama. Hihiga na ako nang maramdaman ang matigas na bagay sa likod ko. Kinapa ko at kinuha. Hindi sa akin ang USB na ito.
Ano naman ito?
Isinaksak ko sa laptop ang USB.
6thday.mp4
Double-click ako sa file.
Si Jessie. Mukha niya.
“Alam kong na-miss mo ako kahapon. Sinadya ko `yon para malaman ko kung iniisip mo na talaga ako. At sigurado akong iniisip mo ako. Ang yabang ko, `di ba? Hindi. Ayoko lang isipin na hindi.”
Tapos ay tumawa siya.
Napapangiti ako.
Nagsimula nang pumasok ang intro ng isang luma pero pamilyar na kanta. Pagkatapos ay may lumabas na boses.
“Said all I want from you is to see you tomorrow...”
Kinanta ni Jessie ang kanta na parang boses niya talaga ang lumalabas. Pero ang totoo kay Justin Timberlake. Tuluy-tuloy ang kanta. Napapangiti na ako. Pero hindi ito pwede. Kapag tinapos kong panoorin ang video na ito, makakalimutan ko na si Gabriel.
Stop.
Kinuha ko ang cell phone ko at tinawagan si Gabriel.
“Hello,” sagot niya.
“Gab, nasaan ka?” agad na tanong ko. “Pupuntahan kita.”
“No, don’t bother. I’m off to finish my thesis.”
“Teka lang, aalis ka na ng Maynila?”
“Hindi aalis,” sabi ni Jessie. “Nakaalis na ako ng Manila.”
“Hindi pwede. Pupuntahan kita!” Pupuntahan ko si Gabriel. Siya ang mahal ko. Siya ang pinipili ko. Pagkatapos naming mag-usap ay sumayad ang kamay ko sa laptop. Muli itong tumunog.
“Don’t act like it’s a bad thing to fall in love with me...”