CHAPTER THIRTY-SEVEN
ANO NA naman kaya ang nakita ni Gabriel? Last time na hindi siya nagparamdam, nakita niya kaming kumakain ni Jessie ng burger. Ngayon, wala naman akong ginagawa. O baka masyadong stressful ang thesis niya. Siguro, kailangan ko muna talaga siyang hindi guluhin para maka-focus sa acads niya. Pero isang text lang naman ang gusto ko. Iyon ang mga iniisip ko kagabi—nai-text ko na lahat kay Gabriel, wala naman siyang reply. Kaya pagkagising ko, naiisip ko pa rin.
Magte-text sana ako ng isa pa, nang maamoy ko ang niluluto. Nasa bahay pa si Mama, sigurado ako. Siya lang ang may kakayahang magluto ng ganoon kabangong pagkain. At amoy iyon ng paborito ko. Agad akong bumangon at nag-ayos ng sarili. Naghilamos at nag-toothbrush. Hindi na ako nagpalit ng sando. Hindi na rin ako nag-contact lense. Salamin na lang muna. Bumaba ako at pumunta sa kusina.
Pero wala si Mama.
Sa dining area ko nakita ang pinanggagalingan ng masarap na amoy. At ang naghahain, si Jessie.
“Tatawagin sana kita `pag prepared na ang lunch,” sabi ni Jessie.
Tumingin ako sa cell phone ko. Alas-onse na nga. Tanghalian na. “Si Mama?” tanong ko.
“With Papa,” sabi ni Jessie. “May pinaayos lang.” Pagbaba niya ng ulam, ngumiti siya at tumingin sa akin. “Favorite mo ito, `di ba? Pickles. Recipe n’yo sa Marikina.”
“Oo,” sagot ko. Tinutuloy talaga niya ang one week. Impress naman ako. Ipinagluto niya ako ng paborito ko.
“Good morning, `di ba?” tanong niya. Napansin niya siguro ang ngiti ko na hindi nawala nang tumingin ako sa mga mata niya. Napangiti na rin siya.
Lumapit ako at kumuha ng kutsara sa table. Hindi na ako nag-serving spoon. Niluto naman ito para sa akin. Pwede kong tikman.
Napatingin sa akin si Jessie at nakita kung paano ako nasarapan sa ulam. Nadagdagan pa ang ngiti niya. Ibang ngiti pa sa ngiti niya noong nagkatitigan kami. May iba-iba palang level ang ngiti at nakikita ko ito ngayon kay Jessie. May ingingiti pa pala ang ngiting yon. At nakikita ko iyon sa kanyang mga mata. Hindi ko sinadya, parang nag-ibang level din ang ngiti ko.
“Masarap, ha?” sabi ko.
Natawa na si Jessie. “Hindi ako ang nagluto nito,” sabi niya. At lumakas pa ang tawa niya nang makitang wala na ang ngiti ko. Basag-trip naman ito. Ang sweet na sana ng moment. “Pero siya ang nag-suggest na iyan ang iluto ko.”
Dumating si Mama na nakahawak sa braso ni Tito Raul. Parang tama ang desisyon ko na pagbigyan si Mama na bumalik sa mansiyon. Masaya talaga siya sa piling ni Tito.
“At tinulungan niya ako,” sabi ni Mama. “`Sabi ko nga, ang pickles mas malaki sa menudo, mas maliit sa adobo. Hayun, marunong naman siyang maghiwa. Check ka diyan, Je-Ar.”
“Thanks, `Ma,” sabi ni Jessie.
“Upo na,” sabi ni Tito Raul. “Mas masarap `yan habang mainit.”
Naupo na kami at kumain. Pumuwesto si Tito Raul sa kabisera, sa kanan si Mama, sa kaliwa si Jessie. At ako, napaupo sa tabi ni Jessie. Hindi na ako nakaikot papunta kay Mama dahil may-kalakihan ang mesa.
Madaldal pa rin si Mama. Kwento nang kwento tungkol sa trabaho niya, sa mga kaopisina niya, at sa mga tawag na natatanggap niya. Nakapagbigay lang ako ng totoong atensyon nang magkwento siya tungkol sa magtatay.
“Kumusta ka naman sa dalawang ito?” tanong ni Mama. “Hindi ka na ba inaaway?”
Napatingin ako kay Tito Raul. Inabangan ko ang reaksyon niya. Tumingin muna si Tito kay Mama. Natakot ako. Pero nawala rin agad nang tumawa siya. Tumawa na lang din ako.
“Ito ngang si Jessie, gusting-gustong bumawi,” sabi ni Mama. “Akala ko, kay Honeybunch ko galing ang roses sa mesa pag-uwi ko, sa kanya pala.”
Ang daming sinabi ni Mama. “Honeybunch” na ang tawagan nila? At may roses si Mama. Bakit? Tumingin ako kay Jessie. Naramdaman ko ang tuhod niyang tumama sa tuhod ko. Pareho kaming naka-shorts kaya dumikit ang balat niya sa balat ko. Naramdaman ko pa ang pagdidikit ng mga mga balahibo namin sa hita. May kuryente itong kasabay at nakuryente ako. Ngumiti na naman si Jessie. Nag-usap ang mga mata namin. Ang lokong ito, nililigawan ang mama ko. Napangiti na rin ako. Pero may taas ng kilay na kasama.
“Inggit ka, `no? Ikaw wala,” biro ni Mama. “Huwag ka nang umasa dahil bawal na ang mga kalokohan n’yo.”
“Pero pwede naman silang magmahalan bilang magkapatid,” sabi ni Tito Raul. “At hindi magtatagal, kaunting panahon na lang, mangyayari na iyon.”
Doon ako nagising sa usapang iyon. Iba na namang level ito. Nakakadalawang araw pa lang si Jessie, pero parang kailangan na niyang tumigil. `Pag nagkataon, malaking hadlang ang tatay niya sa relasyon naming. At parang sang-ayon na si Mama kay Tito Raul.
Ngumiti lang si Jessie. Ngumiti na lang din ako.
INABUTAN ko si Jessie sa entertainment area. May dalawang malaking sofa set doon at bean bag. Nakaupo si Jessie sa pangdalawahang sofa habang nakataas ang mga paa sa table. May kinakain siyang popcorn habang nanonood ng mga spaceship na naghahabulan.
“Akala ko, ginagawa mo na `yong paper natin,” sabi ko.
“You need help with yours? Tara, gawin natin,” sabi ni Jessie.
“Hindi naman. Hindi pa rin ako nagsisimula. Tinatamad pa rin ako. Bukas ko na lang sisimulan. Sa Monday pa naman `yon.”
“Nice. Ako, bukas pa rin.”
Umupo ako at nakinood. Every once in a while, tinitingnan ko ang cell phone ko. Wala pa rin kasing paramdam si Gabriel. Hindi rin ako sumusuko sa pangungulit. Hindi pa naman ako nagagalit.
“Have you seen this? Nagma-marathon ako ng episodes three to five. Start pa lang,” sabi ni Jessie.
“Hindi pa,” sagot ko. “Pinanood namin ni Mama `yong one, two, and three. Pero hindi ko na rin maalala ang mga nangyari. Tagal na rin kasi noon at bata pa ako.”
“Huwag mo nang tingnan ang cell phone mo,” sabi ni Jessie nang makitang dinukot ko na naman sa bulsa ang cell phone ko. “Hindi na magre-reply `yon.”
Ngumiti na lang ako at sinamahan ko siyang manood.
Inabutan niya ako ng popcorn. Merienda na naman. Kumuha na rin ako.
“Will you sit beside me kung yayayain kita sa tabi ko?” tanong ni Jessie.
Hindi na ako sumagot. Umalis ako sa inuupuan ko at lumipat sa tabi niya. Ipinatong ko na rin ang ulo ko sa balikat niya.
“Thank you,” sabi ni Jessie.
“Salamat din sa pagtulong mo kay Mama. At sa pag-suggest mo ng ulam kanina.”
“O, `wag mo muna akong mahalin,” sabi ni Jessie. “Day two pa lang.”
“Ang yabang mo,” sabi niya. “Para namang may pag-asa tayo.”
“Paanong pag-asa tayo?” tanong ni Jessie.
“Magkapatid lang tayo,” sabi ko. “Hanggang doon lang. Sabi ng papa mo. Sabi ng mama ko.”
Inalis ni Jessie ang ulo ko sa balikat niya. Iniangat ang braso niya at iniakbay sa akin, sabay kabig sa akin nang mas malapit sa kanya. Napasandal ako sa dibdib niya. Matigas. Tinablan ako. At ang amoy, mabango. Nakakainis.
Tiningnan ko siya sa mukha. Masayang-masaya siya. “Ano ito? Kasasabi ko lang na wala tayong pag-asa.”
“At saka mo na isipin `yon,” sabi ni Jessie.
Nagtaka ako. Ano ang ibig nitong sabihin?
“Akala ko, wala tayong pag-asa dahil wala akong pag-asa sa iyo,” sabi ni Jessie. “Parang meron na yata.”
“Ang yabang nito.” Tinangka kong lumayo sa katawan ni Jessie. Pero naramdaman niya kaya bumigat ang pagkakaakbay niya sa akin at ibinalik ako sa kanyang dibdib.
“Wala nang bawian,” sabi ni Jessie.
Hindi ko alam, pero napangiti na lang din ako.
Maganda naman pala ang pelikulang ito.
NAPAISIP ako nang magising. Ano naman kaya ang paandar ni Jessie ngayon? Wala namang naggigising na amoy. Parang one-time-big-time ang best way to a man’s heart is through his stomach. Bumangon na ako at kinuha ang cell phone ko. Mainit kaya nagpatugtog muna ako habang dumeretso na ako sa paliligo. Tanghali na rin kasi.
Lumabas ako ng kwarto at naghanap ng tao. Maliban sa mga kasambahay, wala ang mga taong hinahanap ko. Note na lang sa fridge ang naiwan mula kay Mama.
May pickles pa sa frige. Iinit mo sa toaster, `wag sa microwave. Iwas radiation. Love you, anak.
“Kuya, ako na po,” sabi ni Mabel na biglang sumulpot.
“Salamat. Ako na lang.” At ginawa ko ang mga utos ni Mama.
“Kuya, sorry do’n sa mga project mo, ha?” sabi ni Mabel. “Hinabol ko pa kaya lang, hindi na rin makita sa tambakan.”
“Hayaan mo na `yon. Tapos naman na `yon. `Di rin naman mga kagandahan,” sabi ko. Tumawa ako nang kaunti para hindi sumama ang pakiramdam ni Mabel. Pero ang totoo, medyo nanghihinayang ako. Iyong mga plates kasi na iyon ang katibayan na may mga kaya pala akong gawin na hindi ko malalaman hanggang sa subukan ko. Pero wala na. Hayaan na. May parating pa naman na magagandang bagay. At mas mahihirap na plates.
Tumunog ang oven toaster. Naghain ako para sa sarili ko.
“Kain,” yaya ko kay Mabel na ngumiti lang. “Si Jessie ba kumain na?”
“Hindi ko pa po nakikita si Sir,” sabi ni Mabel. “Kung okay na po kayo—”
“Ayos lang ako. Malaki na ako,” sabi ko.
Pero ang totoo parang hindi. Hindi na nga nagre-reply si Gabriel. Nawawala pa si Jessie. Ayoko naman i-text si Jessie. Nasabihan na ako ng ‘Paasa’ ayoko namang magkatotoo pa iyun.
KINAGABIHAN, pagkatapos mag-dinner na wala pa ring kasama, ginawa ko na ang paper ko. Patapos na ako nang may kumatok sa pinto. Nanlaki ang mga mata ko. Lumundag ang puso ko. Mabuti at may rib cage ako at hindi nalaglag. Sana si Jessie. Binuksan ko ang pinto. Napangiti ako.
“Liitan mo `yan,” sabi ni Jessie. “Baka mapunit ang bibig mo.”
Nakasuot si Jessie ng ginupit na T-shirt at shorts. Parang katatapos lang mag-work out. Hindi ko napigilang tumingin sa mga cuts sa braso niya, at sa guhit sa gilid ng dibdib niyang sumisilip sa nawalang manggas.
“Saan ka galing?” tanong ko na medyo napahiya.
“May inasikaso lang,” sagot niya. “Bakit mo ako hinahanap? Sa Day five pa `yan.”
“Hinahanap ka diyan,” sabi ko. “Magtatanong lang ako tungkol sa paper natin.”
“I’m done with it. Read my work later. Tara na muna, bilis.”
Nakasando lang ako at boxer shorts nang hilahin niya. Nagpahila naman ako. Pumunta kami sa terrace sa second floor. Tumuntong siya sa pasimano at kumapit sa bubong. Hinila niya ang sarili niya paitaas.
“Hindi ko kaya `yan,” sabi ko.
“Kinaya mo nga ako noon,” sabi ni Jessie na inaabot ang kamay kong hindi ko magawang itaas.
“Hindi ko talaga kaya,” ulit ko. “Takot ako diyan. Manginginig ako.”
Sa isang mabilis na galaw, nakababa si Jessie ng bubong.
“Sorry,” sabi niya.
Nakita kong disappointed siya. “Hawakan mo ako,” sabi ko. Patalikod akong kumapit sa pasimano. Ito ang literal na pikit-matang ginagawa ang mga bagay-bagay. Nakapikit talaga ako. Hinawakan ni Jessie ang kamay ko. At nang nakatayo na ako, pinilit kong maging steady. Doon tumuntong si Jessie sa pasimano at umangat uli sa bubong. Ang lakas niya, at ang bilis. Sandali lang niyang nabitawan ang kamay ko, at nahawakan niya uli.
“Come on,” sabi ni Jessie.
Hindi ko talaga kaya. Pero gusto kong subukan.
“Dumilat ka kasi,” sabi ni Jessie. “Dapat, tingnan mo ang kinatatakutan mo, hanggang sa mawala ang takot mo.”
“Gaya ng ginawa ko sa `yo dati,” sabi ko.
“Oo,” sabi niya. “Pero pwede mo rin akong titigan ngayon na hindi takot ang makikita ko. Try mo, love na ang makikita mo.”
Unti-unti akong dumilat. Nakangiti ako nang ilagay ang isa kong kamay sa bubong, at ang isa, nasa kamay ni Jessie na humihila sa akin paitaas. Mabilis din akong nakaakyat. Sobrang bilis, na paghila sa akin ni Jessie ay natumba kami pareho. Napadapa ako sa kanya. Magkatitig pa rin kami. At oo, may love nga. Malakas na kalabog ang narinig dahil sa pagbagsak namin sa bubong. Napalabas tuloy sina Ate Mabel.
“We’re okay,” sigaw ni Jessie.
Ako, hindi ko magawang tumingin sa mga naglabasang kasambahay.
“Tingin ka lang sa mga bubong. Isipin mong hindi ito mauubos, para hindi ka matakot,” sabi ni Jessie habang inaalalayan niya ako.
Nakarating kami sa isang comforter na nakalatag sa bubong. Pinaghandaan niya ang gabing ito. At doon ako napatingin kay Jessie.
“Anong meron sa Day three?” tanong ko.
“Higa tayo,” sabi niya.
Nauna na si Jessie sa paghiga. Dahan-dahan, tumabi ako sa kanya. Inilagay ko ang mga kamay ko sa ilalim ng ulo ko para higaan. Ginaya ko lang siya.
“Ayaw mo na ba dito?” tanong ni Jessie habang tinatapik ang dibdib niya. “Pinatigas ko pa naman ito para impressive.”
“Sige na nga,” sabi ko. “Pero `pag malaki na rin ang dibdib ko, ikaw naman ang pahihigain ko dito.”
“Oo ba,” sabi ni Jessie.
Humiga ako sa dibdib ni Jessie. Matigas nga. Pero gusto ko ang pakiramdam doon. Parang kahit nasa mataas na bubong kami, ligtas ako. At mahirap na mangyari iyon sa mga tulad kong takot sa heights.
Napag-usapan namin ang mga bagay na kinatatakutan namin. Napag-usapan din namin ang workout. Ang diet. Ang pangarap niyang katawan. Ang pangarap niya. Ang pangarap ko. Ang University. Ang paper namin. Ang mga kaklase namin. Ang tax na kahit nag-aaral pa lang kami ay binabayaran na namin. Ang gobyerno. Then ang universe.
Iyon ang pinakamagandang usapan. Kung tutuusin, perpekto ang gabing ito para sa mga napa-fascinate sa ganda ng kalawakan. Hugis-suklay lang kasi ang buwan. Hindi masyadong maliwanag. Kitang-kita ang napakaraming bituin kahit nasa city kami. Ang ganda.
“When you look into the universe,” sabi ni Jessie. “The universe also looks into you.”
“The abyss kasi `yon,” sabi ko. “Nabasa ko `yon. Favorite ko kaya si Friedrich Nietzsche.”
Natawa siya at napatingin sa akin. Napatingin din ako sa kanya.
“Now my universe is looking back at me,” sabi ko.
Medyo matagal tumitig si Jessie sa akin. At parang nakita ko rin ang aking mundo sa kanyang mga mata. Alam ko na kung saan ito papunta. Napahinga ako nang malalim. Hindi ito pwede. Pero hindi ko kayang balewalain si Jessie.
“Hindi universe `yan,” sabi ko. “Contact lense ko lang `yan.”
Lalong ngumiti si Jessie. At natawa.
Naputol ang pagtawa niya nang dumaan ang isang shooting star.
“Mag-wish ka,” sabi ko.
Pero mabilis na naglaho ang shooting star.
“Wala na,” sabi ko. “Nakadaan na.”
“Ang hirap naman kasi,” sabi ni Jessie.
“Ano’ng mahirap?”
“Mag-wish pa,” balik ni Jessie. “May script na kasi ako para sa mga wish-granting devices na `yan. Shooting Stars, Lucky Hours like 3:33 or 11:11. Dandelions. Kahit nga nahulog na pilik-mata, pinapatulan ko na.”
“Eh, bakit hindi mo ginamit ang script na iyon sa shooting star?”
Ngumiti lang si Jessie.
Tinaasan ko lang siya ng kilay. Hindi ko kasi naintindihan ang ngiting iyon.
“Bakit kaya?”
Hindi ko na pinursue ang usapan. Itinuloy na lang naming ang kwentuhan kung saan kami natigilan nang may dumaang falling star. Maganda pa rin naman ang mga kwento ni Jessie.
BACON and eggs ang breakfast namin kinaumagahan. Maaga akong nagising. Mabilisan dapat ang kilos. Mahaba pa ang biyahe. Hindi naman namin gustong ma-late. Pagkatapos naming magkwentuhan kagabi sa bubong, tinapos ko pa ang papers ko para maipasa ngayon. Sinamahan din ako ni Jessie sa kwarto habang tinatapos ang assignment ko.
Pagsapit ng lunchtime ay sa burger stand uli kami kumain. Ibang burger naman ang sinubukan ko. Kahit mas mahal, okay lang, may service naman ako pauwi. Tuloy ang kwentuhan namin ni Jessie nang may pamilyar na kotseng dumaan. Huminto lang sandali, tapos ay umalis din agad.
“That’s Gabriel,” sabi ni Jessie.
Hindi na ako nagsalita. Gustong-gusto kong ilabas ang cell phone ko para tanungin na si Gabriel. Siguradong nakita niya ako pero umiwas pa rin siya.
“Hindi ka rin niya kayang tiisin,” sabi ni Jessie. Napansin siguro niya ang iniisip ko.
“Alam ko,” sabi ko. “Hindi ko rin siya kayang tiisin.”
“Eh, di i-text mo na.”
Ginawa ko ang sinabi ni Jessie. Napangiti siya habang pinapanood ako. Wala akong nakitang lungkot sa pagtingin niya sa akin habang kinokontak ko si Gabriel. Alam kong apektado si Jessie. Ayaw lang niyang ipakita. Trying to be cool ang atake niya. Sensitive naman ako. Itinago ko ang cell phone ko. Alam ko namang hindi magre-reply si Gabriel.
Si Jessie na lang ang nag-reply sa pagkawala ni Gabriel.
Hanggang sa pag-uwi at pagdi-dinner sa bahay ay magkasabay kami ni Jessie. Pumasok pa siya sa kwarto ko.
“Wala naman tayong homework, `di ba?” paalala niya.
“Wala naman.”
“You sill have anything to do for your other class?”
“Wala rin naman.”
“Tara,” sabi ni Jessie. “Pahabain pa natin ang gabi.”
Lumabas kami ng bahay at pumunta sa garahe. Inilabas niya ang kanyang motorsiklo. Itinuro niya sa akin ang mga bahagi ng motorsiklo gaya ng throttle, brake, clutch at iba pa.
“Marunong ka namang magbisikleta, `di ba?”
“Marunong naman,” sagot ko.
“O, sakay na,” utos niya
Sumunod naman ako.
Nanatili sa gilid ko si Gabriel. “Mahalaga ang right hand para sa acceleration at brake,” turo niya sabay hawak sa kamay ko na may kasabay na pisil kung paano gamitin ang mga sinasabi niya. Marami siyang sinasabi pero hindi ko alam kung bakit hindi ko naririnig. Siguro ay dahil sa madalas na pagdikit ng katawan niya sa katawan ko. Nag-iiba ang pakiramdam ko. At tuwing titingin siya sa mata ko...
“Huwag ka munang maguwapuhan sa akin. May time tayo para diyan. Makinig ka. This can save your life.”
Ang hirap naman kasing hindi maguwapuhan sa kanya sa pagkakataong ito. Pero hindi naman kasi mahalaga ang mga pinagsasabi niya. Umangkas siya sa likod ko at sinimulan naming patakbuhin ang motorsiklo. Malamig ang hangin pero iba ang init ng katawan ni Jessie na nakadikit sa aking likod. Iba ang pagpihit ng kanyang mga kamay na nasa ibabaw ng aking mga kamay. Kaya kahit marahan lang ang aming takbo, sobrang bilis ng tibok ng puso ko.
“Saan ka ba kinakabahan?” tanong ni Jessie. “Sa motor o sa akin?”
“Ewan ko sa `yo,” sagot ko. Napangiti ako. Alam ni Jessie ang sagot kaya wala nang dahilan para magpakipot.
MAGKASAMA pa rin kaming bumalik sa loob ng bahay. Inihatid niya ako sa kwarto. Naghiwalay lang kami nang matutulog na. Mag-aalas-onse na ng gabi. Iyon na ba ang paandar ni Jessie ngayong araw? Okay naman. Hindi naman sa naghahanap ako ng more. Pero parang... Sige na nga. Masaya naman ang araw ko. Nakahiga na ako sa kama nang tumunog ang cell phone ko. Call. Baka si Gabriel na. Finally.
“Hello?” bati ko.
“Si Jessie ako,” sabi ng nasa kabilang linya.
“O, bakit?” tanong ko. “Sana kumatok ka na lang.”
“Gising ka pa ba?”
“Tulog na,” pabirong sagot ko.
“Gising ka muna,” sabi ni Jessie.
“Gising pa ako, siyempre,” sabi ko. “Hindi naman ako nakikipag-usap nang tulog.”
“Ano na’ng ginagawa mo? Papatulog ka na ba?”
“Nakahiga na ako. Oo, papatulog na rin.”
“Bangon ka muna,” sabi ni Jessie. “Para makapasok pa ang day four ko. Wala pang midnight.”
“May pasok pa tayo bukas,” paalala ko. Ang totoo, excited ako. Sabi ko na nga ba. Hindi pa tapos ang araw.
Nag-busy na ang linya. At ang mga beep sa kabilang linya ay napalitan ng mga katok sa pinto. Tumayo ako at binuksan ang pinto. Blurred pa ang itsura ni Jessie sa akin. Nakasuot siya ng black sando at boxer shorts. Parang bagong gym pa rin ang katawan niya. Ito ba ang pang-day four niya? Magiging sexy siya sa paningin ko?
Hinawakan niya ako sa braso at hinila papunta sa kwarto niya. Hindi ko nakikita nang malinaw ang buong paligid. Bukod sa gabi na, wala akong salamin o contacts na suot. May mga bago sa kwarto ni Jessie mula nang huli akong mapunta rito. May mga artwork na. At may kakaibang amoy. Pagkain na naman. Paborito ko.
“Pansit?” tanong ko.
“`Sabi ni Mama, mahilig ka rin sa pansit,” sabi ni Jessie. “Midnight snack sana, pero dahil pang- day four ito, early midnight snack na lang.”
“Okay. Pero babalik lang ako sa kwarto,” paalam ko. “Kukunin ko lang salamin ko.”
“No,” sabi ni Jessie, sabay abot sa akin ng isang maliit na kahon. “Open it.”
“Hindi ko ito makikita,” sabi ko.
“Just open it,” sabi ni Jessie.
Hindi na ako tumutol. Binuksan ko ang kahon. Napangiti ako sa regalo niya sa akin. Nakalimutan ko na ito, pero siya, hindi niya nakalimutan. Ito ang salamin ko dati. Ang salamin na nabasag. Hindi nabasag kundi binasag niya.
“Naka-frame pa rin `yong salamin mong totoo. Naghanap lang ako ng kaparehong design,” sabi ni Jessie.
“Saan ka nakahanap?” tanong ko. “Naghanap ako nito, wala akong nakita.”
“Maliit na bagay ang paghahanap niyan. Mapapalitan `yan, pero `yong mga nagawa ko sa iyo, hindi. Forver na `yon.”
Isinuot ko ang salamin. Tama ang grado. At nakita ko nang malinaw ang pagsisisi sa mukha ni Jessie.
“Sorry for all the hurt I’ve done to you,” sabi ni Jessie. “Kahit kailan, alam ko, hindi ko na maibabalik ang oras para alisin ang sakit na nagawa ko sa iyo. Para mawala na ang mga iyon sa alaala mo. Pero kung bibigyan mo ako ng pagkakataon, pagbabayaran ko iyon araw-araw. Mula ngayong day four hanggang day five, day ten, day one hundred... one thousand... till all the days end.”
“Tapos na iyon,” sabi ko. “Nakalimutan ko na. Iba na ang alaala ko sa iyo.”
Napatingin ako mga bagong artwork sa kwarto niya. Hindi mga painting o kung anumang gawa ng kung sinong artist. Ako ang may gawa ng mga iyon. Ang mga plates ko. Nakuha ni Jessie. Ipina-frame. At ngayon, nakapalibot sa kwarto niya.
“Jessie...” Hindi ko na nadugtungan ang gusto kong sabihin dahil hindi ko alam ang sasabihin.
“Nagustuhan mo ba?” tanong ni Jessie. “Sa iyo pa rin ang mga iyan. Hiniram ko lang. Ang ganda, eh.”
“Akala ko, naitapon ni Mabel...”
“Hinanap ko `yong truck na kumuha,” sabi ni Jessie. “Hindi naman mahirap...” Siya naman ang hindi na naituloy ang sinasabi dahil niyakap ko na siya nang mahigpit.
Maganda pala ang mga gawa ko, lalo pa’t pinaganda ni Jessie. Iyon na lang ang ibinaon kong ala-ala ng day four. Hindi kasi ako nakatulog kahit na naghiwalay na kami. Inalis niya ang mga plates ko sa dingding ng kwarto niya at dinala sa kwarto ko. Pinapili ko siya ng isa, iyong pinakagusto niya. Iyon na lang ang ibibigay ko sa kanya bilang pasasalamat ko. Hindi ko pa kasi kayang ibigay ang hinihingi niya.
“Mahal ko pa si Gabriel,” sabi ko.
“Okay lang,” sabi ni Jessie. “May bukas pa.”
Alam kong malungkot siya na lumabas ng kwarto ko. Ito na kasi ang best na ginawa niya para sa akin. At pakiramdam ko, sa higpit ng yakap ko sa kanya, sa sayang naidulot niya sa akin, sapat na iyon para makalimutan ko na ang nararamdaman ko para sa karibal niyang si Gabriel. Pero parang hindi pa. At naipamukha ko iyon kay Jessie bago kami maghiwalay. Alam kong napakasama ko. Nagi-guilty ako. Pero ito yata ang kabayaran ng pagpapakatotoo.
Itinext ko kay Gabriel ang lahat ng nangyari. Pero wala siyang reply.
MABAGAL akong kumilos para magbihis at pumasok. Pagdating sa dining area para kumain, may iba. Wala si Jessie. Lagi kaming sabay na mag-breakfast. Ibig bang sabihin nito, wala rin akong kasabay na pumasok? Si Tito Raul ang dumating at sumabay sa akin sa pagkain. Hindi ako masyadong komportable, pero sinubukan kong hindi ipakita.
“Umalis na si Jessie,” sabi ni Tito Raul. “May aasikasuhin daw. Ako na lang ang maghahatid sa iyo para hindi ka ma-late.”
“Hindi na po, okay lang ako,” sabi ko. Ayoko ng awkward moment sa sasakyan. At mahaba-habang awkward moment ang Parañaque hanggang Quezon City.
At iyon na nga ang nangyari.
“Kumusta kayo ni Je-Ar?” tanong ni Tito Raul habang nasa sasakyan na niya kami.
“Okay naman po,” sagot ko.
“Kinausap niya ako kahapon. Medyo mahaba-habang usapan.”
“Ang dami po kasi niyang time, eh,” bulong ko.
“Ano `yon?”
“Ay, wala po.”
“Mahal ka pa rin daw niya. At `yong mahal na hindi gaya ng ipinakiusap ko sa kanya. Mahal ka raw talaga niya.”
Kinabahan ako. Anong oras kahapon nanganap ang usapan? Kaya ba wala si Jessie ay itinago na siya ni Tito Raul? Ano pa ba ang kayang gawin ni Tito Raul kay Jessie? Noon kasi ay hindi napigilan ng pagiging mag-ama nila ang pambubugbog ni Tito Raul kay Jessie.
“O, para kang naka-witness ng krimen,” pansin ni Tito Raul.
“Nasaan po si Jessie?” tanong ko.
“Hindi ko alam,” sagot niya saka nagbigay ng kakaibang ngiti.
Hindi na tumigil ang dibdib ko sa pagkaba. Gusto kong magtanong, pero walang salitang lumalabas sa bibig ko. Si Tito Raul na ang bumasag ng katahimikan sa loob ng sasakyan.
“Ano’ng iniisip mo?” tanong niya.
“Anong oras po kayo nag-usap ni Jessie?”
“Pinuntahan ko siya sa kwarto niya kagabi. Naabutan ko siyang isinasabit `yong regalo mo raw na plate sa kanya. Ang husay mo palang gumawa ng plate. Bakit hindi ka mag-shift sa Arki, para pareho na kayo?”
“Ilang plate po?” tanong ko. Sinisiguro ko lang. Kung marami kasi, iyon ay bago ako pumasok sa kwarto ni Jessie. Kung isa lang, iyon ay pagkagaling na ni Jessie sa kwarto ko. Baka iyon na ang huling pagkakataon ko na makita si Jessie.
“Buhay pa si Jessie,” sabi ni Tito Raul na ngumiti sa akin.
Hindi ko pa rin alam kung ano ang mararamdaman ko. Pero magaan ang ngiting ito. Hindi nakakatakot.
“Mahal ko ang anak kong iyon,” patuloy ni Tito Raul. “Mali lang ang paraan ko ng pagmamahal. Nasasaktan ko siya. Akala ko kasi, `yong pagmamahal ko lang ang tama. Naging malupit pala ako. At nadamay kita. Anak... Okay lang bang tawagin kitang anak?”
Tumango ako. Hindi ko alam kung dahil sa kaba o dahil okay lang talaga. Basta tumango na lang ako.
“Sorry, ha?” sabi ni Tito Raul. “Gawin mo kung ano ang makakapagpasaya sa iyo. Basta walang masasaktan na ibang tao. At pinayagan ko na si Jessie na gawin din ang mga bagay na makapagpapasaya sa kanya.”
Hindi pa rin ako nagsalita.
Nakarating kami sa campus. Inihinto ni Tito Raul ang sasakyan, saka tumingin sa akin.
“Sa inyo ni Veronica ko natutunan ang mas magandang paraan ng pagmamahal. Salamat.” Niyakap niya ako.
Napayakap na rin ako. “Salamat po, Tito Raul, sa pagmamahal n’yo kay Mama.”
“At mamahalin din kita na parang tunay na anak, Alex. Kaya kung okay lang, tawagin mo na rin akong `Papa.’ Sana, hindi ikagalit ng daddy mo at baka masuntok na naman ako.”
“Tito Papa na lang,” sabi ko.
“Okay na `yon,” sabi ni Tito Raul.
Naghiwalay kami ni Tito Raul at pumasok na ako sa klase. Hindi ko nakita si Jessie sa classroom. Hindi ko siya nakitang naghihintay sa akin nang dumating ang oras ng uwian. Hindi na ako nakatiis. Habang nasa bus ako pauwi ay nag-text ako kay Jessie.
Nasaan ka?
Walang reply.
May problema ba tayo?
Wala pa rin siyang reply. Marami pa akong tinext pero hindi pa rin siya nag-reply. Hanggang sa makarating ako sa bahay. Hinanap ko si Jessie, pero wala siya. Nasaan si Jessie? Parang hindi maganda ang araw na ito. May nakita ba si Jessie na hindi niya nagustuhan?