CHAPTER TWENTY-SEVEN
“AK ALA ko rin, tapos na kami,” sabi ko kay Mama. Madaling-araw na pero nasa harap pa rin ako ng drafting table. Kinuha ko uli ang sheets ng final plate ko kay Sir Cabalfin. Kung kailangang ulitin, uulitin ko. Kailangang maayos ko ito. Kailangan ko rin ng pagkakaabalahan habang hinihintay na bumalik si Gabriel sa akin.
“Madaling-araw na, kailan ba ang deadline niyan?” follow-up question ni Mama. Nakatayo siya sa pinto ng kwarto ko sa mansiyon nina Jessie. Umiinom ng kape. Hindi ko alam kung bakit gising pa siya. “Within the week naman, `Ma,” sagot ko.
“Eh, itulog mo na muna `yan. May ilang araw ka pa.”
“Sayang ang momentum. Ikaw, `Ma, bakit gising pa?”
“Work from home muna ako. Napapadalas ka dito sa bahay, ano ba naman `yong samahan na kita. Baka mamaya, may ginagawa `yong mag-ama sa `yo na hindi ko alam,” natatawang sabi ni Mama. Joke pala iyon para sa kanya.
Napangiti lang ako. `Wag nating pag-usapan `yan, `Ma, sabi ko sa sarili ko.
“Pero bakit ka nga nandito madalas? War ba kayo ni Jowa ? Kayo pa ba?”
“Gaya nga ng sabi ko kanina, `Ma, para kaming itong mga plates ko. Akala ko, tapos na kami.”
Lumapit sa akin si Mama, ibinaba ang tasa ng kape niya sa mesa ko, malayo sa plates ko. Kinuha niya ang pen sa kamay ko at saka ako niyakap. “Ay, ang lalandi ng mga teenager,” sabi niya. “May nalalaman nang pagsubok sa love story. Anyare ? `Kwento mo kay Mama.”
Sinubukan kong ibahin ang usapan. “`Ma, gumagawa ako ng plates.”
“Ay, deadma-hin mo ang momentum mo diyan. Matagal pa ang Friday. Spluk na ang kwento.”
Hindi ako umimik. Ngumiti lang ako kay Mama.
“Alex, tayong dalawa lang ang magkakampi. Lahat ng nangyayari sa akin, sinasabi ko sa `yo. Ayoko ring may hindi nalalaman sa `yo. `Kwento na, bilis,” sabi ni Mama na medyo nagbigay ng kaba sa akin.
Napilitan akong magkwento. “Kasalanan ko, `Ma,” umpisa ko.
“Ay, guilty as charged!”
Hanggang doon lang ang kaya kong sabihin. Ayokong magsinungaling kay Mama. Pero paano ko ikukwento si Jessie sa kanya?
“May nagkagusto kasi sa akin, `Ma.”
“Pangalanan natin `yan bilang si Lalaki One,” sabi ni Mama. “Nagkagusto sa `yo. Nagkagusto ka rin ba sa kanya?”
“Opo.”
“Ay, deretsahang sagot. I love the tapang.”
“Inamin ko na para madali kong malimutan.”
“Bakit? Sino ba’ng mas mahal mo? Si Gabriel naman, `di ba?”
“Opo. Pero hindi okay kay Gab na mas mahal ko siya. Gusto niya, mahal ko siya at siya lang. Walang kahati.”
“Wow, in fairness. Na-gets ko si Jowa . Tama naman.”
“Kaya ito. Kailangan kong mapatunayan sa kanya na siya lang ang mahal ko at wala na akong nararamdaman kay Lalaki One.”
Noon lang bumitiw si Mama sa pagkakayakap sa akin. Tumayo siya, kinuha ang tasa ng kape. Uminom at nag-isip.
“Ang tanong, gaano ka ka-sure na si Gab ang gusto mo at hindi si Lalaki One? Baka kasi sanay ka lang kay Gabriel. Siya lang ang komportableng piliin. Pero ang totoo, manghihinayang ka `pag nawala ang bagong boylet .”
Magsasalita ako pero hinawakan ni Mama ang bibig ko. Parang sitcom.
“Huwag ka munang kumontra. `Yan ang initial reaction mo for sure. Huwag muna. Digest mo muna ang sinabi ko.”
Napaisip ako. Nakita iyon ni Mama at inalis ang kamay sa bibig ko.
“Hindi mo naman kasi ia-acknowledge ang feelings mo kay Lalaki One kung hindi mo nakita ang sarili mo na kasama siya,” paliwanag ni Mama.
“Pero, `Ma, `yong totoo, hindi ko pa nakikitang nagmamahalan kami. Gaya ng hindi ko nakikitang magkahiwalay kami ni Gabriel.”
“Sinubukan mo na bang makita?”
“Hindi pa rin talaga.”
“Well, ito na ang pagkakataon mong tingnan. Ano ba kayo ngayon ni Gabriel? Cool-off naman kayo, `di ba?”
“Break. Parang sembreak. Cool off ba ang tawag do’n? Opo, cool off nga siguro.”
“Pero may assignment ka?”
“Assignment na may deadline. Kasi `pag late kong naipasa, baka hindi na niya tanggapin.”
“Ay, ang lupit naman ng Jowa ,” sabi ni Mama. “Eh, bakit parang hindi ka nagmamadali? Bakit inuna mong tapusin `yang plates mo?”
“`Ma, pag-aaral muna bago love life.”
“Good answer,” sabi ni Mama habang tinitingnan ang original plates na na-submit ko na. “Pero anak, may grades na, o. 1.5. Okay na sa akin `yan. Pwede mo `yang hayaan at isunod mo nang ayusin ang issues of the heart mo.”
Ito na naman ba ang sinasabi ni Gabriel? Iba ba ang sinasabi ko sa ginagawa ko?
“Hindi ko kilala si Lalaki One mo. Hindi ko knows kung bakit mo siya na-bet-an. Pero may dahilan ka. Kaya dapat mag-isip ka muna.”
“Ayaw mo ba, `Ma, kay Gab?”
“Bet ko si Gabriel. Pero mas bet ko `yong desisyon mong hindi mo pagsisisihan in the end.”
“Wala akong pagsisisihan sa pagpili ko kay Gabriel. He is perfect, `Ma. At hindi naman kami magkakaganito kung hindi ako naging marupok.”
“Sige na nga. Bet na bet mo talaga si Gabriel. Swerte niya. May nagtatanggol sa kanya.”
“Matagal na akong ipinagtanggol ni Gab. Ito na siguro ang pagkakataon kong makabawi.”
“Okay. Push mo `yan, anak,” paalam ni Mama.
At lumabas siya ng kwarto ko.
Bago sumikat ang araw, tinapos ko ang plates ko. Wala nang luha. Pero puno ng confidence na mas mataas na grades ang makukuha ko. Gaya ng confidence na magkakabalikan kami ni Gabriel bago ko pa makuha ang class card. At walang magagawa si Jessie para mapigilan pa iyon.
TANGHALIAN na nang magising ako. May natira pang breakfast—fried rice, bacon, itlog at corned beef. Kumuha ako at at lumabas sa pool area para doon kumain. Lumabas din si Jessie sa pool area. Hinubad ang damit hanggang trunks na lang ang suot niya. Tumingin siya sa akin, ngumiti, at nag-dive. May kakaiba akong naramdaman sa katawan ko. Nanatili kay Jessie ang mga mata ko. Nag-iba ang pakiramdam ko. Gusto kong sumama kay Jessie sa pool.
Pero hindi ko pinagbigyan ang naisip na iyon. Pinilit kong hindi tumingin kay Jessie habang lumalangoy. Napapansin ko ang pagsilip niya sa akin at pagtiyak kung tumitingin ako sa kanya. Hindi ko maiwasang hindi tumingin kapag umaahon siya at magsisimulang mag-dive. Oo, ang sarap panoorin ni Jessie. Umahon uli si Jessie. Tumutulo ang tubig sa katawan niya. Sa kanyang mapipintog na braso, matikas na dibdib, at ang abs na ngayon ko lang nakitang nagkakaguhit na. Iyon ang huli kong tinitingnan bago ako mapadako sa kanyang mga mata.
Napangiti si Jessie. Hindi ngiting nangungumusta. Nang-aakit. Gusto niya ito. Sinasadya niya. At successful siya. Umupo siya sa tabi ko, pero hindi humarap sa akin. Hindi nagsalita. Hindi rin ako nagsalita. Kumuha siya ng bacon sa aking pinggan. Sinubo. Kinain. Ang sarap niyang panoorin. Naalala ko ang lasa ng kanyang mga labi sa aking bibig.
At sa pag-flex ng kanyang braso, nanigas ang kanyang mga bicep. Lumapad din ang kanyang dibdib nang ayusin niya ang pagkakaupo. Dala na rin siguro ng paglangoy kaya namumuo ang mga muscle niya. Pero pwede rin kasing sinasadya niya. Umeepekto ang ginagawa niya. Doon ko naisip, paano kaya ako yayakapin ng mga brasong bumubugbog sa akin dati? Siguro, mahigpit iyon pero tama lang para hindi ako masakal. Naisip ko kung paano ang init ng katawan niya kapag ang buong bigat ay sa akin na nakadagan. Ang kanyang kamay na panakit, ano kaya ang pakiramdam kung sa kamay ko nakahawak?
Kasalanan ito ni Mama. Naiisip ko na kung paano si Jessie kapag makakasama ko. Paano kaya magmahal ang isang masamang tao? Oo, isa pa rin siyang masamang tao. At iyon ang dahilan kung bakit mahal ko si Gabriel. Inilayo niya ako sa masamang tao.
“Sarap ba?” tanong ni Jessie, kumuha uli ng bacon sa aking pinggan.
Nagulat ako at hindi na lang sumagot.
“Hayaan mo na si Gabriel. Subukan mo naman ako.” Kukuha sana uli siya ng bacon sa pinggan ko pero hindi ko pinayagan. Binawi ko ang pinggan ko at tumayo.
Pumasok ako sa kusina. Doon ko kinain ang natitira ko pang agahan o tanghalian na pala. Naalala ko ang bacon habang kinakain ni Jessie. Ang labi niya. Ang lasa ng labi niya. Ang kanyang halik. Hindi ko mapigilan. Lumayo lang ako kay Jessie pero siya pa rin ang nasa isip ko. Itinigil ko ang pagkain. Iniwan sa kitchen island ang pinggan at sinimulang linisin ang aking isip. Nakatulong na wala na si Jessie sa pool na tanaw mula sa bintana ng kusina.
Kinuha ko ang cell phone ko at tinawagan si Gabriel. Siya dapat ang iniisip ko. Isang minutong nag-ring ang cell phone niya bago may magsalitang babae. Cannot be reached si Gabriel. Sinubukan ko uli siyang tawagan. Wala pa rin. Nasa panlimang tawag na ako nang may humablot ng cell phone ko. Akala ko sa Quiapo lang may mandurukot. Kahit sa mansiyon, mayroon din pala. Si Jessie. Inilagay ni Jessie ang cell phone sa tapat ng tenga niya. Pinakinggan. Pinanood ko lang si Jessie habang pinapanood niya ako. Hindi ako kumikilos samantalang siya, kumukuha ng bacon sa pinggan ko.
Pinipilit kong sa mga mata lang ni Jessie tumingin. Sa bilugan niyang mga mata na bumabagay sa mamula-mula niyang mukha. Matangos ang kanyang ilong at sa ibaba nito ay may kaunti nang bigoteng tumutubo. Manipis ang kanyang mga labi na nababasa ng mantika ng bacon. Kailangan kong manatiling nakatingin sa mga mata ni Jessie dahil nagsisimula nang sakupin ng init ang katawan ko. Gusto kong dumampi ang mga labing iyon sa akin.
Kailangan kong pigilan. Sa mga mata lang ako ni Jessie titingin. Inalala ko ang mga panahong naniningkit ang malalaking matang iyon habang nakasangga ako sa banyo ng school. Habang tinatakot niya ako at sinasaktan. Iyon ang kailangan kong isipin. Kaaway ko ang lalaking ito. Kailangan matandaan ko iyon dahil kapag bumitaw ako sa idea na iyon, mahuhulog ako sa ginagawa ni Jessie. Alam kong sinasadya niya na towel lang ang itakip sa ibabang parte ng kanyang katawan. Towel na ipinantapis lang at hindi ginamit dahil may tumutulo pang tubig, gumuguhit sa mga tamang cuts sa kanyang halos perpektong katawan.
“Hello,” sabi ni Jessie.
Nagulat ako. Nabulag ako ng katawan ni Jessie at nakalimutang tinatawagan ko si Gabriel.
“Kanina ko pa pinapanood si Alex,” sabi ni Jessie sa kausap habang nakatitig sa akin.
Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Kausap ni Jessie si Gabriel.
“Kanina ka pa niya tinatawagan, bakit ayaw mong sagutin?” Nakangiting iniabot sa akin ni Jessie ang cell phone.
Kinuha ko ang cell phone at itinapat sa tainga ko. Walang nagsasalita. Nakahinga ako nang maluwag. Nagdyo-joke lang si Jessie. Pero biglang may nagsalita.
“Who was that?” tanong ni Gabriel mula sa kabilang linya.
Magsisinungaling ba ako?
“Alex,” tawag ni Gabriel na may tunog ng disappointment. “Was that Jessie?”
“Yes,” sagot ko. Sorry, Gabriel, kung magsisinungaling ako. “Magkaharap kami ni Jessie ngayon. Tinatawagan kita dahil inaakit ako ni Jessie. Nakahubad siya sa harap ko, kumakain sa pinggan ko at tinitingnan ako na parang ako ang pinakamahalagang tao sa mundo.”
Nagumiti si Jessie. Pinapanood kung paano ko tatakasan ang panibago niyang pagsubok sa akin. Hindi ko rin inaalis tingin kay Jessie. Nakakatapang pala kung ang ipinaglalaban ay hindi lang ang sarili. Nakakatapang kung ang dahilan ay pagmamahal.
“Tinawagan kita, Gab, para sabihing hindi umeepekto sa akin ang ginagawa niya. Na wala siyang kuwenta. Ikaw ang mahal ko at walang makakapagbago n’on. Nalampasan ko na ang pagsubok ko sa sarili ko. Ikaw talaga ang mahal ko at kung may nararamdaman man ako kay Jessie, iyon ay galit. Kung may pagnanasa man ako sa kanya, iyon ay pagnanasang makaganti. Hindi ko alam kung sapat na iyon para tanggapin mo uli ako. Sabihin mo lang, makakapaghintay pa ako. Mag-iisip pa ako ng paraan. Hindi pa rin ako susuko sa iyo, sa atin. Ikaw ang mahal ko, Gab. Ikaw lang.”
Walang nagsalita nang tumigil ako.
Oo, disappointed ako. Nangilid ang mga luha ko. “Ibababa ko na ba, Gab?” tanong ko.
“No,” sabi ni Gabriel. “Meet me later. Dinner tayo. Maybe, I’ll pick you up.”
“Yes, please. Salamat, Gab. Mahal kita.”
Hindi sumagot si Gabriel. Siya na ang tumapos sa tawag.
“Walang `I love you, too’?” tanong ni Jessie.
Hindi ako sumagot. Naglakad na lang ako, nilampasan ang katawan niyang iniiwasan ko pa ring tingnan.
“You have to practice your pambobola,” sabi ni Jessie. “Dinig na dinig sa boses mo ang pagsisinungaling. You have to believe what your saying first bago mo mapaniwala si Gabriel. Bago mo ako mapaniwala.”
Hindi ako huminto sa paglalakad. Bakit alam niya na nagsisinungaling ako? Paano ba matatapos ito?