noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 29

Ch. 30 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER TWENTY-NINE

W ALANG nagsasalita. Pulos tinginan, pakiramdaman, at kaba lang ang nasa paligid. Ilang kasambahay na rin ang nagising at nakatayo lang habang nanood. Nasa isang gilid lang sila na may sapat na layo sa nangyayaring gulo. Parang sanay na sila sa ganitong mga episode kung saan hihintayin na lang nilang matapos ang nangyayari para makapagligpit.

Nakaharang pa rin si Jessie sa pagitan ni Tito Raul at namin ni Gabriel. Iika-ika ang binti niyang humarang sa sipa ng ama. Napansin ko ang takot kay Jessie, sa likod ng kanyang pagtatapang-tapangan. Unti-unti siyang napapaatras habang papalapit sa amin si Tito Raul. Kahit ako ay matatakot sa galit na galit na itsura ni Tito Raul. Palipat-lipat ang tingin niya kay Jessie at sa amin ni Gabriel. Parang hindi niya alam kung sino ang uunahing bugbugin—kung kami ni Gabriel o ang anak niya. Mas pinili niya si Jessie. Lumapit si Tito Raul kay Jessie, hinawakan sa kuwelyo at iniangat.

“Ipapahiya mo na naman ako,” sabi ni Tito Raul saka ibinalibag si Jessie sa sahig. Hindi pa roon natapos si Tito. Nilapitan niya si Jessie, muling iniangat at inihagis.

Takot na takot si Jessie. Nasasaktan siya at napapaatras para makaiwas sa sakit ng katawan. Paatras siyang gumapang hanggang sa makarating sa gilid ng sofa. Sumandal siya sa sofa at namaluktot. Ngayon ko lang nakita si Jessie na ganoon katakot. Tinulungan ko si Gabriel na tumayo para makalayo kami sa mag-ama. Kumapit sa akin si Gabriel. Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko. Nakaramdam ako ng kaunting security sa kanyang hawak, Dama ko rin ang takot niya. Hindi sanay si Gabriel sa mga ganoong gulo kaya hindi niya alam ang gagawin.

“Tama na po,” mahinang sabi ni Gabriel.

Napalingon si Tito Raul. Napalingon din si Mama at nanlaki ang mga mata. Umiwas si Tito Raul at bumalik sa anak. Naiiyak na si Jessie sa takot. Para bang bawat hakbang ni Tito Raul ay nagdadagdag ng mas malakas na kaba at takot sa puso ni Jessie. At ang kaba ay nagkaroon ng tunog. May kasama nang hikbi ang iyak ni Jessie. Pero hindi niyon napigilan ang paglapit ng ama.

“Raul, tama na `yan!” sigaw ni Mama. Kumilos na si Mama para umawat. Nakuha niya sa tingin si Tito Raul. Pero napatigil si Mama nang huminto tingnan ni Tito.

“Veron, huwag kang lalapit at baka masaktan ka,” mahinahong sabi ni Tito Raul. “Anak ko `to, pinatitino ko lang.”

Hindi na nakahakbang pa si Mama. “Pero, Raul—”

“Veron, hindi kita kayang saktan, alam mo `yan. Pero kapag lumapit ka at umawat, kapag nasagi kita, hindi ko sinasadya.”

“Bakit mo ako sasagiin?” nagmamatapang na sabi ni Mama.

“Dahil hindi ako magpapapigil hangga’t hindi tumutuwid ang ugali ng batang `to,” sagot ni Tito Raul, saka napatingin kay Jessie.

“Raul, anak mo `yan.”

“Sinabi nang `wag kang makialam, Veron!”

Mababa pero nakakanginig hanggang buto ang boses ni Tito Raul. Malaking tao si Tito Raul. Lalong lumaki ang mapipintog niyang braso sa pagbuhat at paghagis kay Jessie. Sinamahan pa ng nakakatakot at malapad niyang katawan. Para siyang pader. Hindi na kumilos si Mama habang si Tito ay nagpatuloy sa paglapit sa anak. Nang abutan si Jessie ay iniangat niyang muli at pinagsabihan. Wala kaming magawa kundi manood.

“Hindi lang ba sila ang bakla? Pati ba ikaw? Nagiging abnormal ka na naman ba?”

Napatingin sa akin si Jessie. Tumingin din sa akin si Tito Raul. Hindi ko alam ang gagawin.

Pumunta sa harap ko si Gabriel.

“Kasalanan n’yo ito,” sabi ni Tito Raul. “Mga salot kayo. Nakakahawa kayo!”

Tumakbo si Mama papunta sa akin. Kung pumayag man siya sa ginagawa ni Tito Raul kay Jessie, nakita kong hindi papayag si Mama na saktan ako ng kinakasama niya. Pero bago pa makapagsalita si Mama, si Jessie na ang nagsalita.

“Wala silang kasalanan, Dad,” sabi ni Jessie. May kasamang sakit ang mahina at at paputol-putol niyang boses.

Muling humarap si Tito Raul kay Jessie at sinipa sa tagiliran. Naranasan ko na ang bawat sakit na nararanasan ni Jessie nang mga sandaling iyon. Pinanood ko lang ang isang bagay na wala akong magawa. Nadoble ang takot ko.

“Hindi sila ang may kasalanan,” pilit na sabi ni Jessie. “Hindi si Alex. Ako ang may kasalanan sa kanya. Nasaktan ko siya. Ako ang masama.”

Nagtaka si Mama Veronica. Pero hindi iyon pinansin ni Tito Raul. Iniangat uli ni Tito Raul si Jessie at ibinalibag sa sofa. Parang isang magaan na manyika lang si Jessie. Tumama ang pisngi niya sa matigas na armrest ng sofa. Pumutok. May dugong tumulo. Akala ko ay hihinto na si Tito Raul kapag nakitang may dugo na ang anak. Pero hindi pa rin. Parang sanay siya sa ginagawa. Parang hindi ito ang unang beses na ginawa niya ito kay Jessie.

“Sige, Dad, saktan mo uli ako,” sabi ni Jessie saka bumaling sa akin. “Ito na ang parusa ko. Ang dami kong kasalanan sa iyo, Alex. Sana sapat na ito.” Pumikit siya at sa abot ng makakaya ay sumigaw. “Saktan mo pa ako, Dad. Saktan mo pa ako!”

Parang nagustuhan ni Tito Raul ang hamon ni Jessie.

Napaiyak ako. Naalala ko ang sarili ko. Sinampal, sinuntok, sinikmuraan. Hindi tumigil si Tito Raul. Nanliliit na ang kaliwang mata ni Jessie. May dugo na ring lumalabas sa kanyang kilay. Maging ang kanyang braso ay parang nawalan ng lakas dahil nang sinubukan niyang tumayo, bumigay siya sa pagkakatukod. Naramdaman ko na ang lahat ng iyon. Pero parang mas masakit ito. Hindi ko matanggap noon na isang lalaking hindi ko kilala ang bumubugbog sa akin sa hindi ko malamang dahilan. Itong nasasaksihan ko ngayon, higit na hindi katanggap-tanggap. Mas malaki si Tito Raul, pero higit pa roon, mas masakit na sa tatay pa manggagaling ang pananakit sa anak.

Tama lang ito. Dapat ay doble ang sakit na maramdaman ni Jessie sa lahat ng mga ipinaranas niya sa akin.

“Sige po, bugbugin n’yo siya. Iyan ang dapat sa anak ninyo!” sigaw ko.

Nagulat si Mama. Ngayon lang niya ako narinig na sumigaw. Kahit ako ay nagulat. Ngayon lang ako nakapaglabas ng ganoong kalakas na boses. Nakuha ko ang atensiyon ni Tito Raul. Napatigil siya sa pambubugbog sa anak. Napatingin ako kay Jessie. Nakatitig din siya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang nasa likod ng kanyang titig. Paghingi ba ng tawad? Pagsasalamat at napatigil ko ang ama niya? O pakikiusap na huwag na akong makisali?

Wala akong pakialam.

“Napakasama n’yo?” sigaw ko sa kanilang dalawa.

Nagbago ang mukha ni Jessie. Napahiya. Nakita ko ang pagsisisi. Parang alam na niya ang mga susunod kong sasabihin. “Sorry, Alex,” sabi niya. “I’m sorry.”

Napatigil si Tito Raul sa sigaw ni Jessie.

“Anak, bakit?” pansin ni Mama.

Napahikbi ako. “Mama, sinaktan din nila ako.” Yumakap ako kay Mama. Pero nanatili ang tingin ko sa mag-ama. Napaiyak ako. Hindi ko kayang magsumbong noon, pero ngayon, parang gripong bumukas ang mga itinatago kong sakit.

Mula sa pagkakatingin sa akin, napatingin si Mama sa mag-ama.

“Mama, si Jessie. Ilang taon niya akong tinakot. Binugbog niya ako. High school pa lang. Paulit-ulit. Tinatakot pa niya ako.”

Nanghina si Mama sa sinabi ko. Nanatili siyang nakatingin sa duguang si Jessie.

Si Gabriel naman ang nanatiling nakatingin sa akin. Nakayakap. Nagbibigay ng lakas.

“Sorry, hindi ko sinabi sa `yo, `Ma,” sabi ko. “Akala ko, kaya kong itago lang. Pero heto na… Hindi ko na kaya, `Ma, nakakatakot silang magtatay. Ayoko sa kanila, `Ma.”

“Sorry, Alex,” mahina pero paulit-ulit na sabi ni Jessie.

Gustong-gusto ko ang naririnig ko. Ito ang hustisya. Ito ang kanyang parusa. Panandaliang nagkaroon ng saya sa aking kalooban. Pero ang mga dugong tumutulo sa mukha ni Jessie ay nagparamdam sa akin ng awa. May putok pa ang labi niya at ilalim ng mata. May dugong tumutulo at walang pumapansin. Hindi siya makagalaw sa pagkakatumba sa sofa. Masakit pa rin ang katawan niya mula sa pananakit ng ama. May mga katanungang nasagot. Naintindihan ko na.

“Sorry, Tita, Mama,” sabi ni Jessie.

“How dare you? Sinaktan mo ang anak ko?” mahina pero punong-puno ng galit na sabi ni Mama.

Hindi na makagalaw si Tito Raul. Nagulat sa narinig at reaksyon ni Mama.

Patuloy sa pag-iling si Mama. Bagsak ang mga braso niya at nanghihina.

“Sorry po,” sabi ni Jessie.

Tumagos sa puso ko ang pag-iyak niya.

“Hindi mo ako mama. Kahit tita, huwag mo akong matawag-tawag,” sabi ni Mama. “Baliw kayong magtatay.”

“Sorry po,” sabi uli ni Jessie, nakatingin kay Mama. “Mahal na mahal ko si Alex. Sinabi ko iyon kay Daddy. Nirereto ni Daddy `yong anak ng ka-gym niya. Sabi ko, hindi na pwede dahil may mahal na ako—si Alex. Pinagtawanan ako ni Daddy. Pag-uwi, binugbog niya ako. Sinabi niyang hindi ako bakla… Mama, binubugbog ako ni Daddy,” umiiyak nang sumbong ni Jessie. Tulad ng pagtatago ko ng pambubugbog niya, parang wala ring nakakaalam ng ginawa sa kanya ni Tito Raul. Pero mas masuwerte ako kaysa sa Jessie dahil mayroon akong nanay na nakakaintindi. Si Jessie, matagal nang walang kakampi.

“Hindi ko alam kung bakit ako kayang saktan nang gan’on ng sarili kong ama,” patuloy ni Jessie. “Kaya si Alex ang sinisi ko. Lahat ng galit ko, kay Alex ko ibinuhos.” Tumingin siya sa akin. “Kung hindi kita minahal, hindi ako mabubugbog ni Daddy. Kasalanan mo kaya sinaktan kita. Sorry, Alex. Hindi ko naiintindihan ang nangyayari kaya ikaw ang sinisi ko. Ikaw na mahal na mahal ko unang beses ko pa lang na nakita. Sorry, Alex. Sorry po, Tita.”

“Sinaktan mo si Alex. Ang laki-laki mo...” Nilusob ni Mama si Jessie na nakahandusay sa sofa.

“`Ma, huwag na!” Nahabol ko si Mama at hinila paatras.

“Mga baliw ba kayo?” Tiningnan ni Mama si Tito Raul. “At ikaw, ano’ng ginawa mo sa anak ko?”

“Mama, tama na,” sabi ko. Sapat nang alam niya ang sikreto ko.

“Bakla ang anak mo,” sabi ni Tito Raul. “Tama lang na bigyan siya ng leksiyon ng anak ko.”

“Bakla din ang anak mo,” sabi ni Mama. “Kung pinalaki mo lang `yan nang tama, naging mabuting tao sana siya. Hindi katulad mo. Hindi pala kita kilalang hayop ka.”

“Tama na, Mama,” sabi ko.

“Tara na!” Hinila ako ni Mama. “Aalis tayo dito.”

“Tita, Mama, Alex,” tawag ni Jessie. “Sorry. Huwag n’yo akong iwan. Alex, please?”

Napahinto ako sa sinabi ni Jessie. Nakikiusap siya sa akin. Napatingin ako sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman sa kanya.

“Tantanan mo kami,” sabi ni Mama.

Yumuko si Jessie. Pinahid ang mga luha na humahalo na sa dugo sa kanyang mukha. Sising-sisi ang itsura niya. Pumapayag na siyang umalis kami.

“Hindi kayo aalis,” utos ni Tito Raul.

“Shut up!” sabi ni Mama. “Gago ka!”

Nanlaki ang mga mata ni Tito Raul at humarap sa isang kasambahay. “Akina ang susi ng sasakyan ko,” sigaw niya.

Agad na kumilos ang inutusang kasambahay.

Pagkaabot ni Tito Raul sa susi ay lumabas na siya ng bahay. Nagyaya na rin si Mama.

“Alex, patawarin mo `ko,” umiiyak na sabi ni Jessie. “Mama, sorry po. Sorry po.”

“Halika na, anak. Gabriel, tara na,” taas-noong sabi ni Mama.

Hinawakan ni Gabriel ang kamay ko at nagsimula na kaming lumabas na tatlo. Narinig ko ang malakas na pabuntong-hininga ni Jessie. Talo na siya. Suko na siya.

“Tita, if you want, you can stay in my place,” sabi ni Gabriel.

“Thank you pero hindi na,” tanggi ni Mama. “Pakihatid na lang kami sa bahay ni Albert. If that’s okay.”

“Of course, Tita,” sagot ni Gabriel.

Palabas na kami ng pinto nang marinig ko ang malakas na pag-iyak ni Jessie. Tumulo ang luha ko pero hindi ko ipinahalata kina Mama at Gabriel. Pagdating sa sasakyan, binuksan ni Gabriel ang pinto sa likod para kay Mama. Hawak pa rin niya ang kamay ko. Sumakay si Mama. Sumunod niyang binuksan ang pinto sa passenger’s seat. Pero hindi ako sumakay. Nanatili akong nakatayo.

“Gabriel, dito muna tayo. Walang kasama si Jessie.”

Binitiwan ni Gabriel ang kamay ko at umiling. “No, Alex,” sabi niya.

Hindi ako kumilos.

“Please, babe,” sabi ni Gabriel. “Get inside the car.”

Kahit mahina na ang pag-iyak ni Jessie ay naririnig ko pa rin. Hinahanap ng aking tainga. Gustong alamin ang nangyayari sa kanya. Mahina ang kanyang pag-iyak, pero malakas ang pagtawag niya sa akin. Kailangan ako ni Jessie. Pero kailangan ko rin si Gabriel. At kapag pinuntahan ko si Jessie ngayon, alam kong mawawala nang tuluyan sa akin si Gabriel.