noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 30

Ch. 31 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER THIRTY

NAKIT A ko ang pangamba sa mukha ni Gabriel. Isinara ko ang pinto sa passenger’s seat. Umiling ako. “Gab, sa likod muna ako. Kailangan ako ni Mama,” sabi ko.

Gumuhit ko ang relief sa mukha ni Gabriel. “Of course!” Yumakap siya sa akin nang mahigpit. “Thank you for staying with me.”

Alam kong iyon ang tamang gawin—ang sumama kay Gabriel at hindi magpadala sa iyak ni Jessie. Pinili ko si Gabriel, sasamahan ko siya. Siya ang boyfriend ko. Pero bakit minsan, ang tamang sinasabi ng isip ay masakit gawin para sa puso?

“Ikaw ang mahal ko, Gabriel. Sa iyo ako sasama. Kailangan ko lang si Mama ngayon.”

Hinalikan ni Gabrielanga noo ko at pinagbuksan ako ng pinto. Sumakay ako at tumabi kay Mama. Niyakap ako ni Mama. Tahimik lang kami. Nararamdaman ko ang pagpipigil niya ng kanyang damdamin. Ilang sandali pa ay pinaandar na ni Gabriel ang sasakyan. May mga pagkakataon na sinisilip niya ako sa rearview mirror. Minsan, ngingiti ako. Minsan, hindi ko na lang siya papansinin.

“Akala ko si Raul na,” sabi ni Mama. “Gago pala siya. Baliw na magtatay. Paano ba ito, Gabriel? Sa akin na muna si Alex ko. Siya na muna ang lalaki sa buhay ko habang naka-rest mode ang love life ko.”

“Sure po, Tita,” pagpayag ni Gabriel. “Alex has so much love to give. Enough for the two of us.”

“Hay, Alex. Humanda ka,” sabi ni Mama saka huminga nang malalim. “Pati ang love ko para sa bayan, para sa ekonomiya, sa `yo ko na muna ibubuhos. Mag-aral kang lumangoy at lulunurin kita.”

Napangiti lang ako. Nakikita ko ang effort nila na gawing magaan at komportable ang biyahe. Naiintindihan ko na nakikisakay lang kami ni Mama sa boyfriend ko. Ang boyfriend ko naman, siyempre, pa-good shot sa nanay ko. Habang ako ay nag-iisip, ang close na nina Mama at Gabriel.

“Ihahatid muna kita sa bahay ng kuya mo. Doon ka muna. `Tapos babalik ako. Kukunin ko lang ang mga gamit natin sa bahay ng mga baliw na `yon. Okay ka lang ba, Alex, anak?”

Tumango lang ako. Wala akong masabi. May kasalanan pa ako kay Mama. Naglihim ako sa kanya. Hindi ko sinabi sa kanya ang lahat ng tungkol kay Jessie. Binugbog ako ni Jessie dahil mahal niya ako. Mahal niya ako una pa lang niya akong makita. Minahal niya ako kaya siya sinaktan ng daddy niya. At hanggang ngayon, nararamdaman kong mahal pa rin niya ako.

Hindi ko namalayang nakarating na kami sa bahay ni Kuya Albert. Pinagbuksan niya kami ng pinto. Humalik siya kay Mama at yumakap sa akin.

“Una na ako, Tita,” paalam ni Gabriel.

“Sige, anak,” sabi ni Mama. “Salamat sa paghatid, ha?”

“No problem po,” sagot ni Gabriel.

Inihatid namin ni Kuya si Gabriel hanggang sa elevator.

“Alis ka na agad?” tanong ni Kuya.

“You have some family issues to discuss,” sagot ni Gabriel.

Tumingin sa akin si Kuya.

“Mamaya na lang,” sabi ko.

“ALBERT, magsabi ka ng totoo. Alam mo ba ang mga nangyayari dito sa kapatid mo?” tanong ni Mama pagbalik namin ni Kuya mula sa paghahatid kay Gabriel.

Nagtaka si kuya.

“Wala siyang alam, `Ma,” sabi ko. “Wala akong nasabihan. Si Gabriel lang. Siya ang tumulong sa akin dati—n’ong sinaktan ako ni Gabriel. Entrance exam ko no’n.” Ikinuwento ko sa kanila ang mga pinagdaanan ko kay Jessie. Lumuwag ang pakiramdam ko. Nawala ang galit. Ang sarap ng may nasasabihan. Nakita ko ang disappointment nina Kuya at Mama. Pero nawala din agad. Naramdaman kong mahal na mahal nila ako.

“Anak, paano mo naisip na magiging truly happy ako kay Raul kung binubugbog ka pala ng anak niya? Kung isang lalaki na lang sa mundo ang ibibigay sa akin ng Diyos, ikaw ang hihilingin ko. Ikaw lang ang mamahalin ko nang walang tanong-tanong. Ikaw ang pinakamahalaga sa akin. Mas mahalaga pa sa sarili ko. Kaya huwag mong kalilimutan ang sarili mo para sa akin, okay?”

“Mali ako, `Ma. Sorry po.”

“Next time, Alex, ha?” sabi ni Kuya Albert. “Mahal ka namin. Ayaw naming nasasaktan ka. Magsasabi ka sa amin.”

“Oo, Kuya. Mahal na mahal ko rin kayo,” sabi ko saka niyakap si Mama.

Pinanood lang kami ni Kuya. Nakangiti siya at halatang masaya para sa amin.

SA SOFA sa sala natulog si Kuya Albert. Ipinahiram niya sa amin ni Mama ang kanyang kwarto. Pero hindi makatulog si Mama. Panay ang tingin sa cell phone niya. Parang ako rin pala si Mama. Kapag nahiwalay sa mahal, hindi mapakali sa paghihintay ng text message o tawag. Mula nang iniwan kami ni Gabriel sa bahay ni Kuya Albert, hindi na siya tumigil sa kaka-check sa akin. Panay ang pagte-text niya at panay din ang pagsagot ko. Alam ko na may hinihintay siyang sabihin ko, pero hindi ko pa kaya. Ayoko pang pag-usapan ang nangyari kanina. Ako na ang naunang nagpaalam.

Antok ka na ba? tanong ko.

Medyo, sagot ni Gabriel .

Sige, Mahal, tulog na tayo.

Sige. I love you.

I love you more.

I love you more and more.

Goodnight, Mahal.

Goodnight, Alex ko.

Tumigil ang palitan namin ng messages. Pero hindi pa rin ako makatulog. Hinihintay ko rin, gaya ni Mama, na tumunog uli ang cell phone ko. This time, hindi si Gabriel ang hinihintay ko. Hindi siya ang inaalala ko.

“`Ma, pengeng 200,” mayamaya ay sabi ko.

“Alas-tres pa lang ng madaling-araw,” sabi ni Mama. “May shift ka?”

“Babalik ako sa bahay?” sagot ko.

Nagising si Mama sa sinabi ko. “Ano `yon?”

“Kailangan kong balikan si Jessie.”

Nagkatitigan lang kami.

“Siya ba ang Lalaki One mo?” tanong ni Mama.

Napayuko ako.

“Ang labo mo, anak. Minahal mo ang lalaking nananakit sa `yo? Ang masokista mo naman.”

“Hindi ko rin alam, `Ma. Pero mahal ko si Gabriel. Ayokong magkahiwalay kami ni Gabriel. Alam `yon ng isip ko. Ginusto na `yon dati pa ng puso ko. Pero, `Ma, gusto rin ng puso kong puntahan si Jessie. At hindi ako matatahimik kung hindi ko iyon gagawin.”

“Kawawa naman si Gabriel sa ginagawa mo.”

“Alam ko po. At naiintindihan ko kung bakit nananamlay kami sa isa’t isa. Kasalanan ko.”

“`Buti alam mo,” prangkang sabi ni Mama.

“Noong una, lagi akong may bangungot. Paano kung makita ko si Jessie? Baka saktan niya ako. Iniligtas ako ni Gabriel at nawala pansamantala ang mga bangungot. Sinagip na ako ni Gabriel. Pero nagbalik nang makita ko uli si Jessie. Sabi ko sa sarili ko, siguro, titigil ang panaginip ko kung malalaman ko kung bakit ako sinaktan ni Jessie. Habang inaalam ko iyon, naramdaman ko na may nararamdaman siya sa akin. Lalo akong nalito. Ngayon, alam ko na. Hindi ko nga lang alam kung ano na ang magiging panaginip ko kay Jessie, pero parang hindi ko masasagot iyon. Hindi ako makakatulog na alam kong mag-isa si Jessie ngayon. At kailangan niya ng kasama.”

Tumayo si Mama at kumuha ng pera sa bag niya. “Heto ang limandaan. Ibalik mo ang sukli,” sabi niya. “May request lang ako. Sabihin mo kay Gabriel ang gagawin mo.”

Niyakap ko si Mama. “Sige po,” sabi ko.

HABANG nasa taxi ay iniisip ko kung paano magsasabi kay Gabriel. Tinawagan ko siya. Bahala na kung ano ang lalabas sa bibig ko. Pero hindi niya sinasagot ang tawag. Baka tulog siya kaya nag-text na lang uli ako.

Sorry, Gabriel. Magagalit ka dito, pero pupunta ako kay Jessie. Sana, maintindihan mo. Mas gugustuhin kong hindi natin ito pag-awayan kahit gawin ko. Pero kung magiging dahilan ito ng ating paghihiwalay, tatanggapin ko. Ang hiling ko lang, maintindihan mo kung bakit ko ito ginawa. Mahal na mahal kita, Gabriel.

Naghintay ako ng reply pero wala.

Mabilis ang biyahe dahil alas-kwatro pa lang ng madaling-araw. Pagdating sa mansiyon ay kumatok agad ako sa pinto. Pupungas-pungas pa si Aling Rosa Marie nang pagbuksan ako.

“Si Jessie po?” tanong ko.

“Nasa kwarto po niya,” sabi ni Aling Rosa Marie.

“Kumusta na po siya?”

“Ayos naman po. Inalalayan namin siya pabalik sa kwarto. Ayaw kasi ng daddy niya na makita siyang iiyak-iyak sa sofa. Lalo siyang mabubugbog.”

Napansin ko na parang walang nangyaring gulo sa bahay. Maayos na ang lahat. Nasa lugar ang mga sofa. Walang marka ng pawis o dugo ang sahig. Naayos na nila ang lahat, ang bahay, si Jessie. Hindi ko alam kung matutuwa na may kasama naman pala si Jessie sa mansiyon. Pero base sa pagsasalita ni Aling Rosa Marie, parang hindi iyon ang una, pangalawa o pangatlong beses na magkagulo sa bahay na ito. Parang nakasanayan na.

Umakyat na ako sa kwarto ni Jessie. Kumatok ako sa pinto. Walang reaksyon. Binuksan ko ang pinto at inikot ang paningin. Wala si Jessie. Binuksan ko ang CR. Wala rin doon si Jessie. Lumabas ako ng kwarto at naghanap ng matatanong kung nasaan si Jessie. Pero wala na ring tao. Nilibot ko ang bahay. Hanggang sa salubungin ako ni Aling Rosa Marie.

“Kukunin po ba ninyo ang mga gamit ninyo?” tanong niya. “Kailangan po ba ninyo ng tulong? Gigisingin ko si—”

“Huwag na po,” sabi ko. “Nandito po ako para kay Jessie. Wala po siya sa kwarto niya.”

“Mabuti naman po,” sabi ni Aling Rosa Marie. “Kasi po, naitapon po ni Mabel`yong mga naiwan ninyong project.”

“Project?”

“`Yon pong malalaking papel. `Yong mga drawing ng bahay,” paliwanag ni Aling Rosa Marie.

“Ha?” gulat na sabi ko. “`Yong plates ko!”

“Hindi po pinggan,” sabi ni Aling Rosa.

Hindi ko na lang siya pinansin. “Saan po niya itinapon?” Si Jessie lang ang ipinunta ko sa mansiyon, tapos ay malalaman kong wala na ang plates na tinapos ko nang buong sem. Hindi pa nasasagot ang tanong ko nang makarinig ako ng splash mula sa swimming pool. Pumunta ako sa pool area. Doon ko nakita si Jessie na nakababad sa isang sulok ng swimming pool. Hindi siya lumalangoy. Hindi gumagalaw. Parang tinitiis lang ang lamig. Baka pinapamanhid ang katawan niya.

“Jessie,” tawag ko. Lumingon siya sa akin pero muling ibinalik ang tingin sa tubig. “Halika na. Umahon ka na.” Nang hindi na siya gumalaw ay naghubad ako ng damit at lumusong sa malamig na tubig. Lumangoy ako at paglapit kay Jessie ay inalalayan siya papunta sa hagdan. Hindi na siya nanlaban. Pag-ahon naming ay yumakap sa akin si Jessie. Umiyak. Nanginginig siya sa lamig. Maputla at kulubot na ang balat. Parang matagal na siyang nakababad sa tubig.

Inalalayan ko siya papasok sa bahay. Kumuha ako ng dalawang bathrobe at isinuot kay Jessie ang isa. Sa kusina kami nagpahinga, sa breakfast nook. Ipinagtimpla ko siya ng kape. Tinitigan niya lang ang kape. Nanatili siyang nakaupo, ang mga kamay ay magkasapo sa pagitan ng dalawang tuhod. Lumipat ako sa likod ng malaking katawan ni Jessie. Hinawakan ko ang malalamig niyang kamay at idinikit sa baso ng kape. Kailangan niya ng init.

Nang nakakapit na siya sa baso ay binitawan ko na siya, para pumunta sa upuan ko. Pero tumalikod si Jessie at hinabol ang kamay ko. Hinawakan at idinikit sa kanyang bibig. Natitigan ko ang napakaamong mukha ni Jessie. Hindi ito ang naaalala kong mukha niya Pero kahit na may putok sa labi at namumuong dugo sa ilalim ng mata ay nanatiling maamo ang kanyang mukha.

“I’m sorry, Alex,” sabi niya.

Tumango ako pero nagsimula nang mag-init ang mga mata. Kailangan ko ito. Ito ang matagal ko nang hinahanap. Binawi ko ang kamay ko para punasan ang aking mga luha. Hindi pa yata ako handa kung ano ang susunod na mangyayari.

“Magkape ka muna. Magpainit ka muna ng katawan,” sabi ko. Iniwan ko si Jessie at bumalik sa swimming pool para kunin ang mga hinubad kong damit. Nagbihis na rin ako. Pagbalik ko ay sinalubong ako ng yakap ni Jessie. Mahigpit na mahigpit. Yumakap din ako. Naramdaman kong nawawala na ang ginaw sa paligid. Nawawala na ang lamig na bumalot sa katawan namin kanina sa pool. Kasabay na rin ito ng pagsikat ng araw. At ng aming pagbibitaw. Inilapat ni Jessie ang kamay niya sa aking mukha. Tumitig siya sa akin bago dahan-dahang hinalikan aking mga labi.